Nobela

Kapalaran, Inc.

Mula sa unang kabanata ng nobelang Kapalaran, Inc.

Hindi ito ang unang pagkakataon na sumakay si Joaquin ng bus papuntang Maynila. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang nagpapabalik-balik sa iba’t ibang siyudad sa Kamaynilaan. Minsan sa Quezon City, tatlong beses na sa Makati, at dalawang beses naman sa Taguig. Lagi niyang bitbit ang ‘di kukulangin sa sampung kopya ng bio-data, at nagkalat din ang mga 1×1 at 2×2 na ID picture sa brown envelop niyang pinatibay paulit-ulit ng scotch tape. Dinamihan na niya, at baka suwertihin. Mahilig siyang magpamudmod ng bio-data sa kung saan-saang opesina, kahit madalas ay hindi naman siya pinapansin. “Susuwertihin ako ngayong taon. 1998, magiging mabuti ka sa akin.” Nasa San Ildefonso pa lang siya, ineensayo na niya sa isip ang mga posibleng itanong sa kanya ng mag-iinterbyu. Ang bakanteng posisyon ay sa Quezon City, sa isang opesina na nag-aasikaso ng “Greatest Dreams and Desires” ng mga tao. Hindi masyadong naunawaan ni Joaquin ang “Greatest Dreams and Desires” pero ang mahalaga, pasok siya sa pangangailangan ng opesina. Kailangan lang daw ay disi-otso ang edad pataas, walang asawa, walang anak, at maaaring idestino sa malayo kung kinakailangan.


Matagal inisip ni Joaquin ang pagpapadestino sa malayo. Nanilbihin na siya dati sa isang amo sa Davao bilang assistant checker sa payroll. Araw-araw may problema. May nawawala, may  kulang, may gustong bumale. May checker talaga ang kumpanya na madalang pa sa taglamig kung dumalaw sa plantasyon ng saging at pinya. Sa huli, tinamad na rin siya sa mabigat na trabaho at nagngangalit na mga empleyado, at nagpaalam nang makuha ang pinag-aagawang bonus. Inalok siya ng may-ari na lumipat na lang sa kanilang bahay – patuturuan daw siyang magmaneho nang maging drayber-mensahero. Tataas daw ang sahod, doble ng natatanggap niya sa kasulukuyan, at may dagdag pang mga tip at karagdagang mga bonus kapag sinama siya ng kaniyang among tsinoy sa malalayong lakad.

Maayos naman ang pakikitungo sa kaniya ng may-ari, ngunit hindi na makalilimutan ni Joaquin kung paano makitungo ang tsinoy sa mga tagapitas ng prutas at mga karaniwang  taong nagbabantay at nag-aalaga sa plantasyon. Hindi rin pinapansin ng may-ari ang trak-trak na mga bagong konskriptong mga trabahador tuwing mabigat ang anihan at kailangan ng mga karagdagang tao. Hindi makaimik ang mga trabahador sa mga patakaran ng plantasyon – lalo na sa kung magkano ang sahuran at ang paraan ng pagkakaltas sa suweldo. May mga bagay na hindi na dapat itanong, at may mga tanong na makapagpalayas sa iyo nang wala sa oras.

Wala sa isip ng may-ari ang tingnan ang kalagayan ng plantasyong nagbibigay ng milyon-milyong kita sa kaniya taon-taon. Dumadaan lamang ito minsan isang buwan. Masuwerte na kung dalawang beses isang buwan. Tuwing darating, ipinaghahanda nang malala ng empleyado ang espesyal na opesina na nakakandado ng tatlong beses. Sa loob ng opesina, may maliit na pridyider, malaking aircon, at isang malapad na mesang marmol. Sa likod ng mesa ay isang mamahaling upuan na sa IKEA pa ipinabili, bago inilipad ng Davao. Ang gusto ng may-aring  si Mr. Li Tsung, amoy rosas at kalachuchi ang kaniyang opesina pagpasok niya. Dapat may isang tray ng ubas, mangga at pakwan ding biniyak na, at inayos na parang bulaklak sa tray. Ang mga ubas at pakwan ay dapat seedless. Ang mga buto ng mangga’y binibigay niya sa mga empleyado, at natutuwa siyang panooring sinisipsip nito ang mga buto ng mga mangga, lalo na ang mga empleyadong babae. Kapag may natipuhan siyang empleyadong babae, inuutusan niya si Joaquin na bumili pa ng karagdagang mga prutas. Pinapabalatan niya at pinasasalansan sa isa pang mas malaking tray. Kung sino man ang matipuhan niyang empleyado’y libre na sa trabaho sa opesina ng isang araw, at sasamahan lang si Mr. Li Tsung hanggang sabihin ng may-ari na maaari na siyang umuwi.

Napakahilig sa prutas si Mr. Li Tsung. Gustong-gusto niyang namumutiktik sa katas ng prutas ang abuhing balbas na aabot na sa kaniyang kamison ang haba. May asawa si Mr. Li Tsung, at minsan pa lamang itong sumama sa plantasyon upang magmasid at ipaalala sa lahat ng empleyado na siya si Mrs. Tsung, at siya ang tunay na nasusunod. Mabalasik ang mukha nito, at tila idinapa sa harina ang mukha sa sobrang pulbos. Ang dalawang kamay naman ni Mrs. Tsung ay tila displey ng alahas sa mall, at sinisiguro niyang habang nagsasalita siya’t nagrereklamo kung gaano karumi ang opesina’y nakatingin ka lamang sa kaniyang mga hikaw, o di kaya nama’y sa kanyang mahabang kuwintas na aabot hanggang pusod, at kung hindi pa sumasakit ang iyong mata sa dami ng kumikinang na bato, ikukumpas pa niya ang isang kamay na halos tamaan na ang ilong mo’t itatanong – maliwanag?

Ang madalas binabati at kinakausap lang ni Mr. Li Tsung ay si Joaquin, at ang  mangilan-ngilang mga empleyado sa packing, distribution at payroll/accounting. Tila ba hindi niya nakikita ang mahigit sa isang libong trabahador na pumipitas at nag-eempake ng mga hinog na bunga ng saganang plantasyon. Ginamit na lamang ni Joaquin ang kaniyang bonus upang makauwi sa Luzon, kung saan naman tumanga siya nang matagal-tagal sa bahay. Hindi mataas ang pinag-aralan ni Joaquin, at hindi na siya pinagtapso ng kaniyang magulang. Sa ikalawang taon ng civil engineering ay tumigil na siya, at naghanap na ng mga maaaring mapasukan.

Tulad ng mga pinsan niyang nakatira lang sa malapit, pinatikim lang siya ng high school at kaunting kolehiyo bago pinatigil. Para sa mga magulang ni Joaquin, sapat nang masabing nakapagkolehiyo ang mga anak, at hindi naman sila mayaman. Ang pagtatapos at pagkakaroon ng karera ay para lamang sa mga mayayaman, tulad ng mga nagpapautang sa kanila ng abono at pananim noong nagsasaka pa sila ng palay, at ang mga bumbay na may walang katapusang balon ng pautang, na maaabot ang lahat ng ginhawa at pangangailangan sa murang halaga.

Ang parating bukambibig ng ama ni Joaquin na si Mang Tenorio, matutong lumugar, matutong sinupin ang sarili, maging ang mga pangarap. May mga pangarap na mas madaling abutin, tulad ng pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak. Maaari ring mangarap na mamasyal sa Maynila kapag may maaarkilang dyip na hindi masyadong mahal maningil. Maaari ring mangarap ng maliit na lupaing sakahan, kung saan pwede ka nang tumanda na at mamatay. Laging hinahambing ni Mang Tenorio ang buhay sa pagtatanim sa tumana. May tumutubo naman kahit sa maliit na lupa, at sapat na ito. Sapat na ang sapat-sapat, sa pang-araw-araw.

Sabi ni Ka Noli De Castro sa telebisyon, nagkaroon daw ng matinding depresyon sa buong Asya. Marami daw kumpanya ang humina, at marami ring nanganganib na magsara. Malaking unos ang depresyon sa lahat ng bansa sa Asya. Maging ang Singapore, kung saan OFW ang tita ni Joaquin ay hindi pinalampas ng depresyon. Kalahati na lamang daw ng dating sweldo ang tinatanggap dahil humina rin daw ang negosyo ng amo. Hindi pa raw makakauwi sa taong iyon ang tita ni Joaquin, at mahirap ang buhay. Apat hanggang limang taon pa siguro ang gugugulin bago makauwi.

Sa loob-loob ni Joaquin, na lumaking tumutulong sa munting tumana ng kaniyang magulang mula nang siya’y magkamuwang sa mundo, walang epekto ang mga depresyon-depresyon na yan. Ang mahalaga ay rumaket, dumiskarte, at siguradong hindi titirik ang mga mata sa gutom. Ang araw-araw na pamumuhay ay katumbas ng paninigurong walang mamamatay sa gutom kinabukasan. Laging iniisip ni Joaquin ang kasalukuyan at ang susunod na mga araw. Hindi pa sumasagi sa kaniyang isip ang hinaharap, ang pagtanda, ang pag-aasawa, at kung ano-ano pang bagay. Ang mahalaga ay kung ano ang meron ngayon, at kung ano ang kulang pa. Nang makapag-aral, namulat din si Joaquin sa mga bagay-bagay na hindi madaling ipaliwanag sa kaniyang mga magulang. Halimbawa na lamang ay ang kanilang walang maliw na pananampalataya sa mga nagpapautang, lalo na sa mga bumbay. Hindi maisip ni Joaquin kung paano sasabihin sa ina na ang sampun hanggang kinse pesos na kinokolekta sa kaniya ng bumbay araw-araw ay katumbas ng doble o higit pa ng tunay na presyo ng mga inuutang. Kung sa bangko ay ilang porsyento lamang ang patubo, ang patubo ng bumbay ay kalahati ng principal, o higit pa. At dahil tingi-tingi kung maningil, hindi napapansin ng mga magulang ni Joaquin ang tunay na halaga ng kanilang mga inuutang na kutson, rice cooker, at maging sala set noong nakaraang Pasko.

“Maliit lang naman ang singil, para lang bumili ng sigarilyo ang tatay mo.”

Paulit-ulit itong sinasabi ng ina ni Joaquin, na tila kinukumbinsi rin ang sarili na tama lang ang pangungutang, kahit minsa’y umaabot na ng tatlong daang piso o higit pa ang buwan-buwang binabayaran sa bumbay. Lampas na ng Disyembre ng sumunod na taon ay tuloy pa rin ang pagbabayad. Tuwing sinusuma ni Joaquin ang mga binabayarang utang ng mga magulang kung kani-kanino, ay nanlulumo siya. Napakalaki ng kapalit ng mga mumunting ginhawa sa kanilang bahay – pera sanang inipon na lamang nang makapag-enroll ang mga anak at makapagtapos kahit bungi-bungi ang mga semestre.


Pagdating sa Quezon City, minabuti ni Joaquin na tawagan ang kasintahang taga-Cubao. Tapos na si Rosemarie at nagrerebyu naman siya para sa board exam para maging ganap nang inhinyera. Naglakad nang medyo malayo si Joaquin sa paghahanap ng payphone na pwedeng gamitin. Naghanda siya ng marami-raming piso para matawagan ang kasintahan, na nagtitiyaga na lamang sa mga sulat at hindi pa makaluwas papuntang probinsiya. Mabigat ang malmal ng piso sa bulsa ni Joaquin, ngunit mas kampante siyang lahat ng kaperahan niya’y nasa bulsa. Hindi uso ang mga pitaka sa kanila, at maging ang kaniyang ama, lahat ng kita at ipon, laging nakabalot ng supot at nakabulsa sa harap. Dito mo masusukat ang tao sa lugar nila Joaquin – kung nakabukol sa ba sa dami ang pera, at kung ang kuwarta ba ay kitang-kita. Sa wakas ay nakahanap din si Joaquin ng isang DIGITEL na payphone. Lumutang ang kulay asul na kaha nito sa alikabok at init ng tanghaling tapat. Naghanda ng sampung piso si Joaquin, at naghulog ng dalawang piso sa biyak ng bakal. Umugong na ang dial tone sa hawak na telepono, hudyat na pwede na niyang tipahin ang numero ni Rosemarie. Ilang segundo ring nag-ring ang telepono bago may sumagot sa kabilang linya. Maaskad at tila galit ang boses. Tatay pala ni Rosemarie.

“G-good afternoon po, pwede po kay Rosemarie?”

  “Sino ba ito?”

  “Si Joaquin po.”

Nag-beep nang tatlong beses at tuluyan nang nawala ang kausap ni Joaquin. Napakurap si Joaquin nang ilang beses at umiling. Kumuha ulit siya ng barya at hinulog sa kaha ng telepono. Tinipang muli ang numero ni Rosemarie, at naghintay.

  “Wala dito si Rosemarie, nagrerebyu siya sa hotel. Hindi mo ba alam na sa isang buwan na ang board exam? Ano ka ba niya?”

Nanuyo ang lalamunan at mga labi ni Joaquin sa tanong. Hindi niya maunawaan kung bakit siya tatanungin ng ganito, samantalang bago siya umuwi sa probinsiya’y dumalaw naman na siya kila Rosemarie, at nagdala pa nga ng tatlong bayong na gulay, dalawang inahing manok, at mga saging pinutol pa niya ang mga piling sa bakuran ng tiyuhin niya. Hindi pa man ito pamamanhikan, siniguro ni Joaquin na sapat ang dala niya sa pagpapakilala. Nang bagsakan muli ng telepono si Joaquin ng ama ni Rosemarie, minabuti na ng binatang ibulsa ang mga natitirang barya at hanapin na lang muna ang opesina ng pinag-a-aplayan. Ang nakalagay lang sa ginupit niyang anunsiyo sa classified ads, Kapalaran, Inc. EDSA, Cubao, Quezon City. Napansin kaagad ng binata na may mali sa anunsiyo. Wala man lang eskinitang nabanggit, at lalong walang pangalan ng gusali, o katapat na tindahan man lang. Tiningnan ni Joaquin ang kagiliran ng EDSA, sa puntong abot lang ng kaniyang lumalabo nang mga mata. Imposible, buntong-hininga niya. Masyado yata akong nagpadalos-dalos sa pagluwas. Gustong magwala ni Joaquin. Bakit sa dinami-rami ng kaniyang mga paghahanda, hindi man lang niya naisip na tingnan ang address sa anunsiyo? Pinakainingat-ingatan pa man din niya ang kaputol ng classified ads, para nga madaling mabasa. Ngunit hindi niya binasang mabuti.

Saan na siya pupunta ngayon?

Tiningnan ni Joaquin ang lumang relo, isang asul na Swatch na bigay sa kaniya ng kamag-anak na pinalad maging masahista sa Canada. Malapit nang mag-alas nuwebe ng umaga. Alas-diyes kadalasan ang simula ng mga interbyu, at ‘yon ay kung may bakante pa nga. Minsan tinatanggihan din ang mga aplikante kapag walang ang punong-abala sa hiring, o ‘di kaya nama’y tinatamad itong humarap sa maraming ito. Madugo ang proseso ng magsasala ng dagsa ng mga aplikante na isa lamang ang iniisip – ang matanggap sa kahit anong trabaho, kahit maghintay maghapon. Walang alisan sa opesinang nag-aalok ng pag-asang magkatrabaho. Magutom, mainitan, mabuwisit na’t isumpa ang mundo, walang sukuan. Walang tayuan, at matira ang matibay. Kung hindi mo kaya ang pagkabagot sa matagal na paghihintay, hindi para sa iyo ang pagtatrabaho sa Maynila. Tinimbang mabuti ni Joaquin ang mga posibleng solusyon. May oras pa para umuwi na lamang siya sa kanila. Sasakaya lang siya ulit ng bus, at magkukunwaring namasyal lang siya ng Cubao. Pag-uwi niya sa kanila ng tanghaling tapat, magmamano lang siya sa mga magulang at magpapaliwanag na wala na palang bakante, at ang biyahe niya ngayong araw ay tulad ng marami pa niyang naging biyahe noong mga nakaraang mga buwan. Madali naman silang maniniwala. Papayuhan siya ulit ng tatay niya na mag-pokus na sa tumana, at baka naman pwedeng pormahan na niya ang dalagang anak ni pareng Lito, at magkababata naman sila’t madali nang magkakapalagayan ng loob. Inisip mabuti ni Joaquin ang magiging sitwasyon nila ni Rosemarie. Likas na matalino si Rosemarie, kaya hindi malayong mabagot ito sa paghihintay sa kanya, at sa pinangako ni Joaquin na pag-unlad ng pamumuhay.

Mahal naman daw siya ni Rosemarie, ngunit may mga simpleng bagay lang daw siyang kinakailangan mula sa binata upang maging mas panatag siya sa relasyon nilang dalawa. Pinakauna sa listahan ni Rosemarie ay ang pagbabalik sa Quezon City ni Joaquin para mas madalas silang magkita at magsama. Hindi naman sa minamasama ni Rosemarie ang pananatili ni Joaquin sa probinsiya, ani ng dalaga, ngunit kung wala naman itong interes sa pagpapatuloy ng pagsasaka ay mabuti nang mag-Maynila na nga lang ulit at mas sanay na ang binata sa siyudad.

Nang huli silang nagkasama, nagpapahiwatig na rin si Rosemarie na gusto niyang sumama kay Joaquin hanggang mag-umagana sa tinutuluyan nitong kuwarto na transient. Noong nag-aaral pa si Joaquin, siya ang madalas mag-aya nang pabiro-seryoso, ngunit kalaunan, si Rosemarie na ang parating nanunukso, lalo na nang malaman ng dalaga na may plano ang magulang ng binate na patigilin na ito sap ag-aaral. Ilang beses namang tumanggi si Joaquin nang maramdaman niyang seryoso ang dalaga, kahit alam ng Diyos at lahat ng anghel at santong amuyong nito na gustong-gusto niya si Rosemarie, at hindi na siya maghahanap pa ng ibang babae sa tanan ng buhay niya. Na parati niyang napapanaginipan si Rosemarie, na kasama niya sa kwarto, at nagbubulungan sila ng pangako habang umaagos ang kamay at labi nila sa katawan ng isa’t isa. Wala mang ilaw sa kaniyang pananaginip ay kabisado ni Joaquin ang bawat hubog at hulma ng katawan ni Rosemarie, kahit pa na ang uniporme nito sa eskwela ay polong panlalaki ang tabas. Natatakot si Joaquin sa sarili niya. Baka hindi siya makapagpigil, baka mawala siya sa sarili sa ligaya. Baka pagkatapos ng isa o dalawa o sampung gabing magkasama sila ni Rosemarie ay tatlo na sila sa halip na dalawa. Pagpasok ng third year sa pag-iinhinyero pa naman, napansin ni Joaquin ang tila pamumukadkad ng dalaga. May kakaibang giliw na ang pagkilos niya’t pagsasalita. Nalusaw ang mga nakasanayan ni Joaquin na mga kilos-lalaki nito, tulad ng pagiging matigas sa paglalakad, at ang pagkuyom pa minsan mga kamay natila manununtok ng makakasalubong. Lumambot na nga ng husto ang mga kilos ni Rosemarie, at maging ang bibig nitong dati ay punong-puno ng panunukso ay naging malumanay at masuyo sa pakikipagusap. Masuwerte ako, sabi ni Joaquin sa sarili noon. Nakita ko ang unti-unting pagdadalaga ni Rosemarie.


Nakaupo noon si Joaquin sa isang sementong plant box sa tapat ng isang tindhanan ng mga imahen ng Sto. Niño at Birhen. Dahil ayaw pa niyang gumasta sa meryenda, nilibang na lamang niya ang sarili sa panonood ng mga dumaraan. Babaeng nakadilaw na blusa at may dalang polkadot na payong. Lalaking pinipindot ang beeper, at mukhang naaaburido sa nabasa. Babaeng dala ang anak na maliit, at may supot ng shoemart. Sto. Niño na kumakaway. Nagimbal si Joaquin nang makita niyang gumalaw ang kamay at mga daliri ng Sto. Niño. Gusto na lang magtatakbo ni Joaquin, ngunit napako na siya kinauupuan. Ang sumunod sa pagkaway ay isang ngiti, at gusto na lang mamatay ng binata. Isa sa pinakatatakutan niyang bagay ay mga Sto. Niño na gumagalaw, o sumasayaw. Nakakita na rin kasi siya nito sa kanilang bahay, kaya iniiwasan niyang tingnan ang lumang altar nila sa salas. Hindi siya namamalikmata noon, at lalong hindi siya namamalikmata ngayon. Tulad ng nakasanayan, tumayo na lamang si Joaquin at naglakad palayo sa tindahan ng Sto. Niño at nag-antanda.


Marius Carlos, Jr. is a storyteller, essayist, and journalist. He is the current editor-in-chief of Revolt Magazine. He is also the English editor of Rebo Press Book Publishing. He is an independent researcher focused on transnational capitalism, neocolonialism, empire, and pop culture. You can reach him via social media at Minds and MeWe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: