Tinapos ang pelikula noong
nakaalis a siya sa mga isla,
pinagtagpi-tagpi para
mainam na pagtatapos
sa kanyang mga lektura
para pigilin ang pagbigay
ng kasarinlan. dagdag pa ito sa
sandamakmak na litrato
na pinagpiyestahan ng
mga sinaunang magasin.
Marahil nga kinumbinsi nito ang
mga botanteng Amerikano
na wag munang pakawalan ang
mga kumakain ng aso,
pero kahit hindi naman sila nagayuma
si Worcester, buo na ang loob ng batang imperyo.
Walang tunog ang palabas,
kailangan mong ipalagay ang mga hiyaw
ng mga manonood pagkakita
sa mga suso ng mga babaeng
nagdudurog ng kanin, o di kaya
nagsasalita si Worcester habang tuloy
ang palakasan sa kanyang likuran,
ngunit ang mga nakapalibot sa
dalawang mandirigma ay hindi gumagalaw,
hindi mo makita ang pagbuka ng
kanila mga bibig para sumigaw.
Isang kasal din ang nangyari
sa harap ng kamera, ang kumpas
ng mga gangsa siguro ang nagsagip,
nagpanatag sa mga balisang puso.
Noong lumabas ito, pinag-initan ng mga
ilustrado, sabik na sanang masalo ang estado,
pero noong napanood ito ng mga Igorot
sa unang pagkakataon pagkatapos ng sandaang taon,
mga alaala ang kanilang nasaksihan
hindi propaganda,
ekolohiya at mga ninuno
tila napakalalo na sa kanilang sarili.
Hindi dapat nagawa ang mga rolyong ito,
pero mabuti na kesa paratangang
walang kasaysayan – ito ang pamana ng imperyo.
