Maikling Kuwento

Bukambibig

IKUKUWENTO KO SA INYO ANG AKING HIRAM NA BUHAY; sa paraang ibinahagi siya sa akin ng aking awtor. Para sa kaniya, isa lamang akong miserableng binatilyo na hindi matanggap ng lasenggerong ama dahil masyado akong malamya, mahinhin, at matipid. Wala rin akong malapitan kundi ang sarili dahil napili rin ng awtor na ito na mawalan ako ng ina, na isinalaysay ng aking ama na namatay sa pagkakabuntis sa akin—kaya naman wala rin akong mga kapatid. Dito itinuon ng awtor ang raison d’être ko bilang binatilyo: lulong sa medikasyon kontra-depresyon nang sa gayo’y mas makulong pa ako sa limbo ng hindi-masukat na hapis.

                Inirarason ko na lamang sa sarili na mabuti pa rin ang kalagayan ko. Tutal, isinalang ako bilang karakter sa gitna ng pandemya. Dito rin kasi naisip ng awtor ikutin ang kaniyang akda: sa akin niya isinasabuhay ang lihim na paninisi sa sarili kumbakit hindi pa rin sapat ang kaniyang mga akda—at kung ito nga ba ang tinutukoy na “pagsusulat ng kaniyang panahon” ng ilang nakalayo na sa kanilang lárang. Hindi ko siya magawang aluhin dahil isa lamang ako sa koleksiyon ng kaniyang mga tauhan na binuo’t winasak ng kaniyang kamusmusan sa mundo ng pagsulat.

                Ipinangako niya sa akin na hindi ako matutulad sa mga kuwento ni Sampaguita, Mirasol, at Edna; mga pangalan na binigyan niya ng buhay ngunit hindi na niya nasundan pa. Nakapirme lamang sila sa umpisa ng kanilang buhay bilang piksyunal na karakter—hindi nabigyan ng pagkakataong makita ang gitna, ang penultima, ang wakas. Mas lalong ayaw niya akong matulad kina Jacob, Kenneth, Edmond; mga pangalan na hanggang marka na lamang ng nakaligtaang burador. Kaya naman, kahit ginawa niya akong bulnerable sa harapan ng aking amahin, at hindi nililok sa tapang at lakas ng isang lalaki para maprotektahan ko ang sarili sa danas ko sa mundong ito—tinanggap ko pa rin ang kaganapan bilang sisidlan ng katauhan ni Kenneth, ang labinwalong taong gulang na binatilyo na protagonist ng kuwentong ito.

                Sa totoo lang din kasi, hindi rin naman ako makatatanggi sa kaniya. Kahit yata ilagay niya ako sa samu’t-saring sitwasyon:  lukubin man ako ng COVID-19 na maging sanhi ng aking kamatayan, ma-redtag ang organisasyong kinabibilangan na dahilan ng aking pagkakulong, o kahit pagbabarilin ng mga bodyguard ni Duterte ang aking titi matapos ko siyang duraan at singahan sa mukha niyang tadtad ng pores—tinatanggap ko ito. O kahit biglang sumambulat sa akin ang rebelasyong hindi pala talaga ako lalaking ganap, na may tinatago pala akong puki na bigla na lamang sumulpot nang minsang inahit ko ang aking bulbol; na sa halip na kagalitan ay higit na ipapasalamat sa kaniya. Kasi alam ko sa aking sarili (kahit higit na may kaalaman ang awtor sa kaniyang praxis), may kuwento akong nais tahakin.

MINSAN, SINUBUKAN KO RING UMALMA SA KANIYA. Habang nakahiga siya’t binabasa ang kasalukuyang chapter ng “Demon Slayer” sa isang pirated manga browser, kinalampag ko siya. Sapat para bitawan niya ang cellphone’t makipag-usap sa akin.

                “Ano ba kasi ang gusto mo?” umpisa niya sa akin. Ramdam ko ang galit sa pagsasalita niya. 

                “Puwede bang gawin mo na lang akong babae rin? Kahit wala nang boobs at matambok na puwet.”

                “Putragis, bakit ko gagawin iyon para sa iyo? Naka-plot na ikaw ay si Kenneth, anak ni Raymond. Cisgendered ka!”

                “Hindi mo rin ba ako bibigyan ng kalayaang ipahayag ang aking sarili? Paano kung dahil pala closeted gay ako kaya ako dumaranas ng depresyon? Paano kung maging transwoman ako’t naging masaya? Ipagkakait mo ba sa akin iyon?”

                “Hindi ikaw ang tauhan para sa kuwentong iyon. Wala rin siya sa plano kong isulat,” pagtatapat niya. “Sa totoo lamang din, ikaw ay papasok sa loob ng basong malapit sa iyo. Kaya puwede ba, patapusin mo ako sa orihinal na takbo ng aking kuwento?”            

                Sumigaw ako sa loob ng ulo niya. ‘Yong pagkalakas-lakas, sapat para samain ang kaniyang ulo magdamag. Sinipa-sipa ko rin ang kaniyang kanang dibdib hanggang sa makaramdam siya ng hindi-maindang kirot. Doon na nagsimula ang paglalabuan ng relasyon namin bilang awtor-karakter. Dalawang araw din niya akong hindi kinausap, ni hindi niya sinilip ang kuwaderno niya.

HANGGANG KANINA LAMANG, BAGO NIYA ISULAT ang kuwentong ito, bigla niya akong nilapitan. Bakas pa rin sa mga mata niya ang inis sa ginawa ko kamakailan.

                “Alam mo ba Kenneth, may na-realize ako habang kino-conceptualize ko ang kuwentong ito.”

                “Ano?” walang-muwang kong tanong.

                “Ngayon ko lang napagtanto na ang hirap palang gumawa ng karakter na palaging nakabuka ang bibig. Hindi ko alam kung saan ko ilalagay ang salita mo’t salita ko! Ang dami mong gustong sabihin, ang dami mong gustong gawin, ang dami mong buhay na gustong ganapan pero limitado lamang ang espasyo na mayroon ako para sa iyo.”

                Hindi ako makapagsalita.

                “Alam mo ba, hindi ako makatulog? Maliban sa nag-palpitate ako sa ginawa mo, feeling ko, sobrang inconsiderate ko. Nakagagalit kapag kinukuwestiyon ng writer ang sarili niya dahil sa mabunganga niyang karakter. Paano ko na dadalhin ang lifelong burden na hindi kita puwedeng gawing transwoman, Kenneth?” tanong niya sa akin. Idinidiin ang mga salitang ‘lifelong burden’ na mas yumurak ng puso ko (kung mayroon man ako nito.)

                “Pasensiya na.”

                “Ano pa nga ba magagawa ko? Tarabitab ka talaga, e.”

                “Oo na po, Missmaam Marya.”

                “Mas madali na lang din siguro na i-sashay away ko na lang ikaw. Si Timothy ang ipapalit ko. Nang makatuloy na ako sa orihinal kong plot para sa kuwentong ito,” pagbabanta niya.

                “Mother Gaia, cannot be! I-fulfill mo ang glass castle fantasy ko,” nanginginig ako. Ayokong matulad sa mga karakter niyang forever nang nasa hiatus. Sayang ang potential beauty ko!

                Tumawa siya sa akin. Ngayon ko lang siya narinig na tumawa. Lumabot naman ang puso ko. Pagkatapos noon, natahimik siya. Biglang dumilim ang paningin. Katulad ng panahong inilililok pa lamang niya ako sa luwad ng kaniyang kaalaman at karanasan.

                “Kenneth, please do this for me. Kasi more than just a story, dala-dala mo ang bahagi ng buhay ko. Naisulat ko na ito noon sa kauna-unahan kong aklat. Ang kuwento ng aking depresyon mula pagkabata, at hanggang ngayon. Gusto kong dalhin mo rin ang lungkot, galit, inis na mayroon ako. Gusto kong maramdaman mo ang maging ako. Dahil ikaw ang una kong karakter na mula sa aking wangis.”

                “Kung ganoon, bakit hindi mo ako ginawa na ring babae? Tutal, sa sinabi mo naman kanina, ako rin ikaw…hindi ba?”

                “Hindi sa lahat ng bagay, ako ay ikaw.”

                At bago pa man ako muling sumaling sa sinabi niya, pansamantala niyang binawi ang kapasidad kong magbunganga ng higit pa sa daloy ng kuwento.

NATAGPUAN NA LAMANG NIYA ANG KATAWAN na nakahilata sa pisat na kutson ng pekeng Uratex. Makulimlim ang langit na ipinipinta mula sa kaniyang kuwarto, hindi matiyak kung hapon na ba o gabi. Hindi rin mapaliwanag ng binatilyo ang nararamdaman. Ang bigat-bigat sa dibdib, nakaliliyo sa pakiramdam. Hinilot-hilot ni Kenneth ang kaniyang sentido, iniisip niya kung kasama ang delirium sa listahan ng side effects ng iniinom niyang anti-depressant. Sinubukan niyang basain ang aking bibig pero walang laway na lumalabas sa kaniyang dila. Inobserbahan niya ang paligid, pilit inaalala kung paano siya napunta rito. Sa kaniyang imbestigasyon ay lumantad sa mga mata ang isang basong tubig at dalawang basyo ng Xanax sa mesita.

                Sisiray-siray man, tinungo ni Kenneth ang tokador. Doon niya napansin ang kakaibang mundo na nasa loob ng lumang baso na mula pa sa aking ina. May mundo nga ba talaga sa loob ng baso? Hindi niya alam, marahil may kapasidad ang awtor na gawing kastilyo ang mga salita hanggang sa matipon ito sa loob ng baso. Bago pa man niya masuri’t makumpirma ang hiwaga sa loob ng baso, pumasok ang kaniyang bastardong ama. Lango sa alak, naghahalo ang amoy ng alkohol sa kaniyang tuyong laway, tamod, at pabango ng kung sinomang kerida. Katulad ng kaniyang inaasahang takbo ng kuwento, nilustay na naman ng kaniyang tatay ang sahod nito sa bisyo. Sisinghot-singhot pa ang matandang lalaki, malinaw ang paglaki ng magkabilang butas ng kaniyang ilong sa ginagawa.

                “K-Kenneth, hikaw bah e nagsaing na? Hik!”

                 Ang alam ko, hindi ko na nagawa ang nakalista kong gagawin sa orihinal na plot dahil napuno ang oras ko sa kakahingi ng amor sa aking awtor na gawin akong transwoman.

                “T-Tay, w—aaaaacck!”

                Hindi ko maibuka ang aking bibig. ¡Me cago en la hostia!, pinutulan nga pala ako ng awtor ng kakayahang magsalita ng labas sa takbo ng kuwento!

                “Potah nah khang lha-lhamya mohng hayop kah, hik! Ehhh bahket mah pagkain nah sah hapag?” garalgal ni Raymond sa kaniyang tulalang anak.

                 “Kumain ka na pot—ack. Opo, tay. Kain na.”

                Kahit ang mamura ang bastardo kong tatay ay hindi ko magawa! Ngiting-aso pa sa akin ang gago at nag-bless pa bago nilantakan ang pritong bangus, damuho talaga.

HABANG PAYAPA NA KUMAKAIN ng pritong bangus ang ama ni Kenneth, binabagabag ang binatilyo sa kaniyang naranasan. Literal na sumara ang kaniyang bibig sa tuwing inililihis niya ang takbo ng orihinal na kuwento. Tila pinupuluputan siya ng mga tinik sa leeg sa bawat pagtaliwas niya. Kapit-kapit niya ang kaniyang bibig, hinaplos, at kinumpira kung ang kaniyang awtor ay tinahi ang mga ito na lingid sa kaniyang kaalaman. Sa awa ng awtor, hindi iyon naganap.

                Ano ba ang gusto mong mangyari sa akin, ang isiksik ko ang sarili ko sa baso ni Nanay? Paano ako magkakasya d’yan?

                Napuno ng katahimikan ang silid.

                Tahimik? Hoy, nagsasalita ako! Hindi lang lumalabas sa bibig ko pero heto ang tinatakbo ng isipan ng karakter mo ngayon. Sagutin mo ang tanong ko nang matapos na ang kaganapan ko bilang Kenneth sa mundong ‘to! Kung ayaw mong umpugin ko ulit ‘yang ulo mo, babaita!

                Hindi kumibo ang awtor. Pinagmamasdan lamang niya ang mga salitang lumalabas sa isipan ng kaniyang karakter.

                Demonyita ka rin, ano? Pagkatapos mo ako bigyan ng miserableng buhay; pagkatapos mo ako bigyan ng depresyon, ng tarantadong tatay; pagkatapos mo ako paikutin na ang kuwentong ito ay tungkol sa iyona ito’y bahagi kamo ng iyong wangis. Tapos, gaganituhin mo ako? Kung puwede lang kita bulyawan, sipain, at saktan ulit. Napakasama mong awtor!

                Ngumisi ang dakilang awtor sa nasasaksihan niyang pag-aasal bata ng kaniyang binatilyong protagonist. Sa bawat inuusal na isipan ni Kenneth, hindi niya namamalayang siya ay lumiit—halos kasukat na ng tableta ng Xanax sa liit.          

NANG MAHIMASMASAN ANG NAG-AALBUROTONG karakter, saka na lamang niya napagtanto ang kinatunguhan niya. Totoo nga ang sinabi ng awtor—narito na siya ngayon sa harapan ng kastilyong mula sa baso na ipinamana ng kaniyang namayapang ina.

                “Totoo ba itong nakikita ko?” puno ng pagkamangha ang mata ni Kenneth sa nasasaksihan. Totoo pala ang itinakda sa kaniya ng awtor; siya’y magkakaroon ng pagkakataon na makita ang mundo ng baso mula sa taong malapit sa kaniyang puso—ang namayapa niyang ina. Hindi niya lubos akalain na kayganda pala ng pamana ng kaniyang ina.

                Sa loob ng kastilyong baso, naroon ang mga hagdanan na yari sa ginto at salamin. May mga naninirahan ding lamang-tubig na kawangis ng mga isda at sirena. Nabagabag siya nang kaunti, napatanong sa sarili kung ang mga lamang-tubig na ito ay “nakakain” niya sa tuwing umiinom. Ang mga naiiwang piraso ng tableta na kaniyang wini-withdraw ay nagsisilbing pagkain ng komunidad sa loob ng kastilyong baso.

                “Maligayang pagdating sa aming kaharian,” bungad ng lalaking sireno. Napangiti naman si Kenneth sa matipunong karakter na bumati sa kaniya. “Maraming salamat,” humalinghing niyang tugon.

                Malugod siyang pinapasok ng mga tao mula sa kanilang komunidad. Pinagsuot siya ng damit-sirena nang sa gayo’y malangoy niya ang naturang mundo. Kinabitan din siya ng paling na magsisilbing aparato niya sa paghinga sa katubigan. Nang maisuot ang damit, tinanong siya ng mga babaing sirena kung nais niya ring magsuot ng tapis sa dibdib at mahabang buhok. Ikinataka/Ikinagulat naman ito ni Keneth. Paano nalaman ng tao sa mundong ito ang nilalaman ng puso ko? Wala siyang nakuhang sagot. Nag-aatubili man, pinili niya ang kulay-lila na tapis at nagsuot ng kulay-kastanyong buhok. Natanaw niya ang repleksyon niya mula sa salamin ng kastilyo. Napakaganda kong sirena, nais niyang isigaw pero batid niyang hindi siya pahihintulutan ng orihinal na takbo ng kuwento kaya iniusal na lamang ni Kenneth ito sa isip.

                Sinimulan na nila ang paglibot sa mundo sa loob ng baso.

                Ang liwanag mula sa loob ng baso ay humaharang sa imahen ng mundo ng mga mortal, kaya malaya na nakalalangoy ang mga isda’t sirena sa paligid ng kastilyo. Kumendeng-kendeng si Kenneth kasama ang mga babaeng sirena na nagsilbing gabay niya sa paglalayag sa kanilang mundo. Sa unang palapag ng kaharian, naroon ang mga merkado—halos kamukha ng palengke sa mundo ng mga mortal pero mas organisado. Maayos din ang pakikitungo ng mga mamimili sa bawat pamilihan.

                Sa ikalawang palapag, naroon naman ang mga paaralan. Sistematiko ang proseso ng pagtuturo, holistic education. Natutugunan ang akademiko, sosyo-politikal, etikal, at emosyonal na aspekto ng pagkatuto. Malayo sa istruktura na kinamulatan/ipinamulat kay Kenneth.

                “May isang tanong lamang ako,” naalala ni Kenneth.

                “Ano iyon?” tugon ng isa sa mga kasama niyang sirena.

                “Sa tuwing umiinom ako ng mga gamot noon, sinisigurado kong ubos ang tubig. Umiinom din ako ng anim hanggang walong beses kada araw ang pag-inom ko. Saan kayo napupunta?”

                Umiling-iling lamang ang napagtanungang sirena, pati na rin ang kaniyang mga samahan.

                “Kasi, nababahala ako. Baka kasi ano pala…naiinom ko na kayo.”

                “Hindi iyan posible,” pagtitiyak ng punong sirena. “Magmula noon, kahit may tubig o wala ang basong kastilyo, narito pa rin kami. Hindi kami napapahamak ng anomang aktibidad sa mundo ng mga mortal.”

                Doon pa lamang lumuwag ang dibdib ng mortal na sirena.

                Ipinagpatuloy nila ang paglibot sa kastilyong baso hanggang sa marating nila ang sumunod na palapag. Nakalaan ang ikatlong palapag ng kastilyo para sa pamahalaan. Ispesipiko ang mga ordinansya’t plataporma, at nakasunod sa diplomatikong pagtugon sa hurisdiksyon. Dito rin inililitis ang ilang krimen, lalo na’t bibihira lamang ang kaso ng krimen sa lugar na ito. Sa kuwento ng isa sa mga sirena, ang tanging kaso lamang doon ay ang sobrang pamimitas ng sambroxia (o pagkain ng mga isda’t sirena sa mundong ito) at trespassing. Ang ikaapat at huling palapag ay hindi pinahintulutang makita ni Kenneth. Masyado na raw itong malapit sa mundo ng mga mortal at posibleng ikapahamak ng kanilang komunidad.

MATAPOS ANG ILANG ORAS DING PAGSISID-PAGLANGOY ni Kenneth, nagpaalam na ang karakter. Pinabulaanan naman ito ng mga taong nasa paligid niya. Nagsimula silang magbulungan, magtinginan, magkumpirma. Nang matiyak nila ang sitwasyon, lumapit ang punong sirena kay Kenneth.

                “Alam naming hindi ka masaya sa mundong mayroon ka. Ayaw mo ba sa mundong ito, kung saan malaya kang nakalalangoy at nakasisisid? Ayaw mo bang maging ikaw?” tanong ng punong sirena.

                “P-P-Paano mo…” uutal-utal niyang tugon.

                “Gusto lamang din namin na tulungan ka. Ang mundong ito ay inilikha para sa iyo,” paliwanag ng punong sirena.

                “Kaya rin namin sinalubong ang iyong pagdating,” dagdag ng lalaking sirena na bumungad sa kaniyang kamakailan. Umiling lamang si Kenneth, pinakiusap sa mga kasama na iwanan muna silang mag-isa ng awtor. Ginawa namang pribado ng awtor ang pagtatagpo/pagtatalo nila. Ibinalik ng awtor ang kakayahan ng karakter na muling magsalita.

                “Wala ito sa takbo ng orihinal na plot, awtor. Bakit mo ito ginagawa sa akin? Para saan ito?”

                “Hindi ba’t gusto mong sumaya?”

                “Oo naman. Pero, bakit dito—sa baso lang?”

                “Dahil iyan pa lamang ang kaya kong ibigay na espasyo sa iyo.”

                “Bakit ang damot-damot mo?”

                “Bakit masyado kang mapaghanap?”

                “Masama bang mangarap?”

                “Hindi naman. Ang masama ay ‘yong higit pa sa sapat ang nariyan, pero nagagawa pa ring maging mapaghanap.”

                “Bakit ang bulaklak mong magsalita?”

                “Unawain mo naman din ako.”

                “Ako ang unawain mo! Sa tingin mo ba, para lamang ako sa lugar na ito? Kinumpara mo ako sa lumot, awtor! Napakasama mo talaga.”

                “Hindi mo ba nakikita kung gaano kaganda ang mundong ito? Ginawa ko ito para sa iyo, para maranasan mo ang mundong nais ko.”

                “Bakit hindi mo siya gawin sa mundo mo?”

                “Dahil…hindi ko pa kaya. Ang lawak ng mundo para sa tulad ko.”

                “Gawan mo ng paraan. Huwag mo hayaan ako, pati ang mga karakter na darating sa iyo na maging bukambibig na lang habambuhay!”

                “Tama ka na.”

                “Hindi, tama ka nga. Hindi ako ay ikaw. At ramdam ko na ang pagsasara ng espasyo ko—katapusan na ng ating kuwento.”

                “Salamat sa iyong bibig, Kenneth. Paalam.”


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, Associate Editor sa Filipino ng Revolt Magazine, at Editor-in-chief ng Vox Populi PH. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mkcjimenez@revoltmagazineph.ink. Makipaghuntahan kay Maria sa Minds at MeWe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: