Nobela

Si Lito

Ika-apat na kabanata ng nobelang Kaaway

Down with imperialism, feudalism, fascism! Makibaka! Huwag Matakot!

Nagmamadaling isara ang mga tindahan sa paligid ng Embahada ng Amerika, nagsimula nang maglakad ang mga raliyista, dala nila ang kanilang mga bandila at malalaking trapal: Imperyalismo, Ibagsak!

Nagmamartsa kami habang lumalabas sa aming ngalangala:

Marcos, Marcos, Magnanakaw!

Marcos, Marcos, Magnanakaw!

Nakaabang na ang Constabulary sa paligid ng embahada, bumulong ang katabi ko, sana hindi 5th o Metrocom ang mga ito. Naintindihan ko ang gusto niyang sabihin, kilalang-kilala ang mga ito bilang malulupit sa mga aktibista. Wala naman akong dapat ikatakot, dahil kilala ako ng mga taga-5th at ilan sa mga metrocom.

Hindi natakot ang mahabang pila ng mga raliyista, sanay na rin naman ang mga ito sa banggan ng mga pulis. Binubuo ang mga demonstrasyon katulad nito ng iba’t ibang ideolohiya, karamihan sa mga ito ay nasa kaliwa ang paniniwala: Mga naniniwala sa turo ni Marx, kay Marx at Lenin, kay Kropotkin, Bakunin, at Emma Goldman. Mayroong hindi binabanggit na pagkakaisa at pagkahati: nakikita nilang dapat na panagutin ang estado sa lahat ng inhustisyang idinulot nito sa sambayanan, pero sa dulo, kung magtagumpay ang pinagkakaisahan nila, mayroong panahon ng pagkawatakwak at alam iyon ng mga ito, dahil bumalikwas ang mga Anarkista kay Lenin matapos nitong magtayo ng awtoritaryadong gobyerno. Pero nagka-isa sila nang pabagsakin ang monarkiya at ang gobyerno ni Alexander Kerensky.

Nang magsimulang magbanggan ang mga pulis at mga raliyista, palihim akong umalis sa hanay. Nanigarilyo lang muna ako sa gilid at pinanood na maghanpasan ang magkabilang panig. Mga tarantadong raliyista, ang sabi ko sa sarili, anong panama ng mga patpatin nilang braso sa baton ng mga pulis.

Nang mapagod ang magkabilang panig, nang mahimasmasan sila ng mga dumudugo nilang mga ulo, nagsi-atras na sila’t senyas na ito na kailangan ko nang bumalik sa hanay. Habang naka-taas ang kamao, sabay-sabay kaming sumisigaw, “Marcos, Hitler, Diktator, Tuta!” hanggang sa kainin ng dilim ang mga nagliliyab na mga mata ng mga kasama kong aktibista.

Dumiretso na agad akong Mendiola pagkatapos, ganito lang ang trabaho ko, sumama sa mga rally at magbalita sa unang ginang ng mga nangyari. Maliban dito, kailangan ko ring maghanap ng espiya ng kano sa mga rally, alam mo naman, ayaw na ayaw ng unang ginang sa CIA. Mga kupal daw ang mga hinayupak na iyon ang sabi niya sa amin, manggagamit daw ang mga hindot. Minsan daw itong bumisita sa palasyo, pinakitaan daw si Makoy ng sangkaterbang dolyar, pero magaling daw si Makoy dahil naamoy na agad niya ang gustong mangyari ng mga kano, alam niya rin ang nangyari sa Indonesia, kaya hindi niya tinanggap ang dolyar. Sinipa daw sila palabas ng palasyo. Kaya sumisipsip na lang sila sa kung saan-saan para makibalita at para may maireport sa Amerika.

Pagpasok ko sa palasyo, umakyat agad ako sa kuwarto ng unang ginang, medyo nasabik ako dahil alam kong magkukuwento na naman iyon tungkol sa mga karanasan nila ni Makoy habang eleksyon noong 1969. Magkatabi lang ang kuwarto ng unang ginang at ang opisina ng Presidente. Palaging nakasarado ang malaking pinto sa opisina ni Makoy, pero palagi kong nakikita na may naglalabas-pasok na mga opisyal mula sa militar.

Binati kami ng unang ginang, nagsipasukan na ang mga katulong, pasan-pasan nila ang malalaking plato. Inilapag nila ito sa mahabang mesang gawa sa makinis na kahoy. “African Blackwood ‘yan, ang pinakamahal na kahoy sa mundo.” Pagmamalaki ng unang ginang. Isa-isa niya kaming pinagsalita kung kumusta ang pinanggalingan naming demonstrasyon. Matagal ang presentasyon ng bawat isa, humigit-kumulang trenta kaming magbibigay ulat sa kaniya. “Mahalaga ang tungkulin ninyo sa bayan,” ang sabi ng unang ginang, “pinagsisilbihan ninyo ang bayan sa paglabas ninyo sa kalsada.”

Walang job opening para sa trabahong ito, nakatanggap na lang ako ng tawag dahil mayroon daw trabahong ibinibigay ang palasyo. Malaki daw ang suweldo at maraming benepisyo. Dahil dating militar si erpats, hindi ko na pinalagpas ang pagkakataong makapaglingkod sa palasyo. Kakaunti lang ang may pangarap na magtrabaho sa gobyerno, marami sa mga kaklase ko noon sa kolehiyo ang pulis na ngayon. Pagkatapos ko sa pag-aaral, hindi ko na itinuloy sa pagiging pulis. Mas malaki ang suweldo sa mga pribadong kompanya, private bodyguard ng kung sinu-sinong personalidad. Pero binitawan ko ito nang ipatawag ako sa palasyo, kailangan daw nila ng mga taong pupunta sa mga aktibidad ng mga maka-kaliwang grupo para magtulak sa mga ito na manggulo. Kailangan na kailangan na daw ni Makoy ng rason para manatili sa puwesto. Sa isip-isip ko, kailangan na kailangan ng Pilipinas si Makoy, siya na ata ang pinaka-matalinong presidente sa buong Pilipinas. Makikita naman iyon sa nangyaring pagbabago sa Maynila nang maupo siya, kasabay ng pagdami ng mga gusali ay ang pagdami ng trabaho. Mas dumami ang sasakyan, mas naging marumi, oo, pero kasama iyon sa pag-unlad.

Ang unang ginang agad ang humarap sa amin noong araw ng oryentasyon. “Mabilis lang ito, mga iho at iha. Ang trabaho niyo lang ay lumabas at makipag-usap sa mga tao sa labas. Alamin ninyo ang nararamdaman nila tungkol kay Makoy, tungkol sa akin, at tungkol sa gobyerno. Kailangan niyo ring pumunta sa mga rally kapag mayroon, babalik kayo dito sa palasyo tuwing biyernes ng hapon.”

Doon nagsimula ang lahat, nakaka-tatlong taon na ako sa trabaho. Marami sa mga kasamahan ko ang umalis, dahil naimpluwensyahan ng mga aktibistang nakasama nila. Masasabi kong naging tapat ako sa unang ginang. Hindi ko hinayaang mabahiran ako ng ideolohiya ng kaliwa, kahit na sabihin na nating palagi akong sumasama sa kanila.

May takot kasi ang unang ginang na isang araw, lusubin na lang ng mga nagrarally ang palasyo. Palagi niyang binabanggit sa amin na binabangungot siya, sakay daw sila ng helicopter papuntang Pawai, pero sa Hawaii sila napunta. Sinira daw ng mga raliyista ang palasyo, binasag ang kanilang mga mukha sa mga painting at sinunog ang koleksyon niya ng mga sapatos.

Kaya naisip niyang gumawa ng grupo na magbabalita sa kaniya ng mga nangyayari sa labas. Mataas, anya, ang pader ng palasyo. Kahit na umungaw siya sa pinakamataas na bintana, langit at pader lang ang nakikita niya. Ipinagpaalam na niya kay Makoy ang plano niya, sinabi ng kaniyang asawa na hindi siya mangingi-alam sa gusto ng unang ginang, basta’t mabibigyan siya ng kopya ng mga report na ipapadala ng grupo. Mayroon rin kasing sariling grupong binuo si Makoy noong 1969, madalas na binubuo ng mga sundalo na may mataas na ranggo.

“Ikaw, iho, halika nga.” Sabi ng unang ginang habang nakaturo sa akin, “Oo, ikaw. Ilang taon ka na?”

“Bente siyete po.”

“Mukha ka lang dise-otso.”

Napangiti ako, “Gusto mong bumalik sa pag-aaral? Kahit anong kursong gusto mo. Ipapasok ka agad, walang entrance-entrance exam. Ang kailangan mo lang gawin ay pumasok sa klase at makibalita. Mas maganda rin kung kaya mong sumali sa mga organisasyon.”

Iyon ang una kong assignment. Pumasok ako sa UP, unang semestre ng 1970. Ibinigay sa akin sa palasyo ang pangalan at student number na gagamitin ko: Rogelio Malabanan, 71 – 16291. Buong semestre kaming hindi bumalik sa palasyo dahil nasa London ang unang ginang, misyon na niyang makipag-usap sa mga lider ng iba’t ibang bansa at hindi na bago ang pag-alis-alis niya. Pilosopiya ang pinakuha nilang kurso sa akin, ang paliwanag sa palasyo, mas madaling makapasok sa inner circle ng mga aktibista kung may koneksyon sa pilosopiya ang kurso.

Hindi naman ako naiba sa kanila, pare-parehas kaming naka-sapatos, pantalon, at kamiseta. Sa canteen sa may Arts and Sciences ako madalas na nakatambay. Maraming grupo doon na nagdedebate tungkol sa bagong librong nabasa nila. Ang napansin ko, madaling nababara ng mga nakapagbasa kay Marx ang mga nagbabasa kay Adam Smith. Pero hindi sila natatapos sa debate, hindi rin nagpapatalo ang mga maka-Adam Smith, palagi silang may tirada sa mga Marxist.  Dito ko rin narinig ang kuwento tungkol kay Makoy, na kahit ako ay hindi ko alam. Nagpipigil na lang ako ng tawa kapag naririnig ko na may sakit daw si Makoy at malapit nang mamatay, na matagal na daw silang hiwalay ng unang ginang kaya madalas itong nasa ibang bansa. Pero ang pinaka-walang kuwenta sa mga narinig ko, malapit na daw ang rebolusyon at makapagtatatag na ng mas magandang lipunan.

Ano namang lipunan ang gusto nilang itayo, sa tuktok ng isip ko. Hindi perpekto ang Pilipinas, hindi rin perpekto si Makoy bilang presidente. Pero ginagawa nila ang lahat para gawan ng paraan ang lahat ng problema ng bansa. Palagi akong nasa palasyo at mas paniniwalaan ko ang mga naririnig ko doon kaysa sa mga estudyanteng ito.

Pero hindi ko itatanggi na minsan, naisip kong baka tama sila. Magaling ang mga estudyanteng ito na magpaliwanag. Marami rin ang nagbibigay ng simpatya sa kanila. Pero hindi nila makita na ang pagsunod at ang pagtulong sa gobyerno ang pinakamagandang gawin nila kaysa mag-organisa.

Para mas mapalawig pa ang kaalam ko tungkol sa aktibismo, sinubukan kong sumali sa mga organisasyon. Nakakuha na rin ako ng sapat na kaalam para magamit sa mga tanong nila tungkol sa lipunan. Mayaman ang Pilipinas, ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino. Kapag binanggit mo ito sa mga aktibista, ituturing ka na nila bilang kasama. Naramdaman kong nagdududa sila sa akin noong simula, lalo na at kumakalat sa unibersidad ang balita na nagkalat na ang mga intel sa loob, pero nawala ang pagdududa nila sa akin nang sunod-sunod ang pagdalo ko sa mga aktibidad ng organisasyon. Sa final rights, tinanong nila ako nang harap-harap, habang nakapiring ang mata, kung isa ba akong intel ng gobyerno. Hindi ako kinabahan sa pagsagot na isa lang akong estudyante. Pabiro pa nila akong tinanong kung bakit ang ganda ng bigote ko at hindi ako mukhang bagong graduate sa highschool. Ipinaliwanag ko naman sa kanila na ilang beses akong tumigil noon sa probinsya. Tinanong nila kung saan ang probinsya ko, ang sabi ko sa Bicol. Hindi na ako nagsinungaling dahil alam kong patibong iyon. May nagsalita ng Bikol sa mga nag-interbyu sa akin. Sinagot ko rin siya sa Bicol.

Pagkatapos ng final rights, miyembro na nila ako. Natapos ang gabi sa inuman. Kailangan lang magkaroon ng tiwala, iyon ang pinakamahalaga para makuha mo ang gusto mo sa kanila. Kapag may tiwala, kapag alam nila na nasa iisang pahina kayo. Madaling magbigay ng detalye, mas mabilis dumulas ang dila.

Nang bumalik ang unang ginang mula sa London, kami ang una niyang pinatawag. Mayroon daw siyang ibabahagi sa amin. Pagdating namin sa palasyo, malaking piging ang sumambulat sas amin. Tuwang-tuwa daw ang unang ginang sa mga natutunan niya sa London at gusto niyang ikuwento sa lahat ang kaniyang nalaman. Tumigil sa trabaho ang lahat ng mga opisyal sa palasyo, pati ang mga nagtatrabaho sa kongreso ay inimbitahan. Hindi dumalo si Makoy, mayroon daw itong importanteng lakad sa embahada ng Amerika.

Sinimulan ng unang ginang ang kaniyang talumpati sa pagpapakilala ng panibago niyang proyekto. Dahil na-inspire siya ng moon landing ng Amerika, gusto niyang magkaroon ng programa ang Pilipinas na magdadala sa mga Pilipino sa kalawakan. Ito ay isasagawa kasama ng gobyerno ng Amerika. Naibahagi rin ng unang ginang ang mga bagay na hindi nakikita, mga malilit na particles sa kalawakan na nakaapekto sa lahat ng tao sa mundo. Maipapaliwanag nito ang mga galaw ng tao, mga taong kumokontra sa gobyerno, mga kriminal, mga taong inihihiwalay ang sarili nila sa lipunan. Konektado ito, ayon sa unang ginang, sa Mercury Retrograde. Kapag nakarating ang mga Pilipino sa kalawakan, maaaring simulan ang pag-aaral sa mga particles na ito, magiging kilala ang Pilipinas bilang isa sa pinaka-unang bansa na magbibigay daan sa pag-aaral ng mga hindi pa napapangalanang particles. Mababago nito ang pagtingin natin sa lipunan, maraming teorya sa siyensya at humanidades ang maluluma, dahil sa huli ay kinokontrol tayo ng mga bagay na hindi natin kayang kontrolin, o hindi pa natin alam kung paano kontrolin.

Mauungusan ng Pilipinas ang Amerika at ang Rusya, ang sabi ng unang ginang, at sa wakas ay maipapakita natin kung ano ang tunay na anyo ng demokrasya na hindi alam ng dalawang bansang ito.

Dumagundong ang palakpakan, may ilan sa mga kasamahan ko ang tumayo para ipakita ang kanilang suporta sa unang ginang. Nagngingitian kami, nagkakamayan. Tinipon ulit kami ng unang ginang pagkatapos, interesado akong malaman kung ano ang maibabahagi ninyo sa akin, ng sabi nito, hawak niya ang kaniyang abaniko na pamaypay. Kumusta ang mga aktibista sa UP, ano na ang nangyari sa KM, ano na ang mga proyekto ng SK?

Nasa Nang malaman ng unang ginang na napakaraming ideya ang nanggagaling sa mga kabataan, nabanggit niya ang Fahrenheit 451 ng isang Ray Bradbury. Paano kaya, ang sabi ng unang ginang, na imbes na ipagbawal ang libro, suportahan natin ang mga nagsusulat sa Pilipinas. Palaguin natin ang kanilang ideya, ipalaganap sa mga aklatan ang mga sinulat nila. Wala tayong pipiliin, maka-kaliwa man o maka-kanan, basta’t may ideya, suportahan. Sa ganitong paraan, mas maraming pag-uusapan at pag-aaralan. Tatalino ang mga tao, pero hindi makakaramdam. Naiintindihan ba ako?

Walang gumalaw sa amin, ang punto ko, pagtutuloy ng unang ginang, kung ito ang totoo, habang hawak niya ang abaniko, ano pa ang totoo tungkol dito?

Kung ang pamaypay ko ay isang gawang sining, hindi na ito pamaypay, isasabit na lang ito sa dingding at titingnan ng mga tao. Pero pag-uusapan pa rin nila kung ano nga ba itong hawak ko, palamuti o pamaypay. Pag-uusapan nila ang gumawa ng pamaypay pero matagal nila bago pag-usapan ang may hawak nito. Kailangan nating ilayo ang mga tao sa iisang ideya.

Sa sobrang tuwa ng unang ginang sa kaniyang bagong ideya, pina-uwi niya agad kami. Namumula ang kaniyang pisngi na parang makopa. Tumatalon-talon siyang parang bata papunta sa opisina ni Makoy. Bago siya pumasok, pinasalamatan niya kami, pinaalalahanan na kasaysayan ang ginagawa namin at napakalaking pasasalamat ang ibinibigay ng palasyo sa mga serbisyo namin.

Pagkatapos ng ilang buwan, napansin kong mas dumami ang mga estudyante sa UP ang umaalis para mag-aral sa ibang bansa. Ang ilan sa kanila, mga aktibistang nasasakal na sa paranoia ng napaka-tagal na psych-warfare na ginagawa ng estado. Mayroon na kasing maingay na kuwento-kuwento na magpapatupad ng Martial Law si Makoy para palawigin ang kaniyang termino. Ayon sa bagong konstitusyon, pupwedeng magbaba ng Martial Law ang presidente nang hindi humihingi ng permiso sa kahit anong sangay ng gobyerno. Magkaroon lang ng panganib sa pundasyon ng gobyerno, pupwede itong ipatulad. Habang patuloy ang pagpaslang sa mga akbitistang lumalagpas sa hangganan ng kanilang kalayaan, kapag naamoy naming lumalapit na sila sa paghimok sa mga kapwa estudyante na mag-aklas, kapag umingay na ang pangalan nila pati sa labas ng unibersidad, kailangan silang iligpit. Hindi kami ang gumagawa noon, nagbibigay lang kami ng report tungkol sa estudyante, kung anong oras madalas na umuuwi sa dorm, kung saan nagpupunta, kung saan madalas naka-tambay.

Naglabas rin ang unibersidad ng mga grants sa mga mananaliksik at manunulat. Marami ang mga manunulat na nagpasa ng aplikasyon, maraming akda ang nailabas sa taong 1974 hanggang 1982. Pati si Makoy ay naglabas ng kaniyang mga libro na tumatalakay sa kaniyang pilosopiya sa pagpapalakad ng gobyerno. Ito ang rebolusyon, sabi niya sa kaniyang libro, bilang patama sa mga rebolusyonaro’t miyembro ng mga tinatawag niyang teroristang grupo.

Hindi nagtagal, may ilang estudyante ang nagbigay ng suporta kay Makoy. Ang ilan ay naimpluwensyahan ng mga propesor sa College of Law na kabarkada ni Makoy noong nag-aaral pa ito ng pag-aabugasya. Nagtayo sila ng organisasyon para mas mapalawak pa ang kanilang paniniwalang ang rebolusyon na kailangan ng Pilipinas ay pagsuporta sa mga repormang ginagawa ni Makoy.

Nang magsimula ang first quarter storm, isa ako sa mga nanatili sa tuktok ng Engg nang magkaroon ng Diliman Commune para magsindi ng kuwitis at takutin ang mga dumadaang helicopter. Nagtawanan ang mga kasama kong aktibista pagkatapos ng ginawa naming pagpapalipad ng mga kuwitis, kapag tiningnan kasi sa malayo, mukha itong mga bala ng bazooka. Hindi na bumalik ang mga helicopter pero mas naging mainit ang mga nangyayari sa mga entry-points ng unibersidad. Nabalitaan rin namin na mayroong mga estudyanteng nabaril sa University Avenue. Tumutugtug naman ang pagkanta ni Makoy sa kirida niyang si Ms. Beams.

Sa unang pagkakataon, naramdaman ko na kabilang ako sa kanila. Naaliw ako sa paraan ng pagkukuwentuhan ng mga nakasama ko habang sama-sama kaming kumakain. Ito ba ang hindi ko nakikita, ang tanong ko sa sarili, hindi ganito sa palasyo. Hindi ko nakakakuwentuhan ang unang ginang ng mga bagay na labas sa kaniyang interes. Napukaw ang atensyon ko ng mga nagkukuwento tungkol sa mga libro na nakuha nila sa Main Library. Mga libro daw itong hindi pa nailalabas para magamit ng mga estudyante. Ipinapakita nila ang mga nakuha nilang libro, mga libro ni Lenin at ng mga rusong manunulat. Tayo ang magsisimula ng Bolshevik ng Diliman, ang  matikas na sabi ng isa, tayo ang Red Army ng ating panahon!

Pagkatapos magpalitan ng mga pinapangarap nilang maging, nagbago ang takbo ng usapan nang mapunta ang usapan sa kung ano ang dapat na maging. Hindi naman malayo sa akin ang mga ganitong tanong dahil sa mga napasukan kong klase sa pilosipiya. Paano na lang ang kuryente kapag nagkaroon ng rebolusyon, paano ang tubig, paano na lang ang pagkain. Natatapos ang ganitong usapan sa pagbalik sa masa, ang masa ang magbibigay. Sila ang may hawak ng lakas paggawa at sila ang makapagbibigay ng mga iniisip nating unang suliranin. Sa ngayon, mga kasama, gawin natin ang lahat para mabago ang lipunan. Malayo pa ang laban pero hindi ito malabo.

May isang matandang tibak ang dumating, pinaalalahanan niya ang mga kasama namin na kailangan nilang ibalik ang mga libro sa main library dahil pagmamay-ari ng mga estudyante ng hinaharap ang mga libro doon. At natulog kami, kasama ng mga sikretong hindi ko masabi sa kanila, kasama ng mga huni ng kuliglig.


(Portrait: Alex Llorente)
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: