Pinalapit niya ang mga bata.
Pinalapit niya ang pan de rosa’t isda.
Sa palengkeng tanaw mula sa munting kapilya sa koridor,
Matutunghayan si kuyang nagtotosta:
Hindi kaya mga buto ng labuyo
Na siyang pampaumbok sa takal ng paminta?
May buhangin sa kape,
May buhangin sa bigas,
At lahok sa kutson ang mga balat ng kendi
Mula sa ilang buwan na ring pagwawalis.
Lalagda lamang tayo kapag nagsalita na ang lahat.
Hindi ‘yan papayag nang ganito:
Pinatitibok na lamang ng manilaw-nilaw na tubo.
Sa ngayon, susuklayan siya ng mga bata
Habang hinihinukuhan ng bisitang hukluban.
