Saglit
Hindi mo maiaalis
ang mga alaalang
mahigpit na kumapit
sa iyong mga balat;
rehas ng dyip, inyong mga
sikong bahagyang
nagkikiskisan sa ginta
ng trapik sa kalsada
Hindi mo maiaalis
ang mga salitang
binitawan ng kanyang
mga mata. Sa mga upos
na sigarilyo; may kuwento.
Hindi nauubos ang pagbuga mo
ng mga kuwento. Sa kanya mo
makikita ang kawalan,
mga napupunan, mga lulan
ng isang rabaw. Saglit
susuko. Babalik sa’yo lahat
ang mga alaala niya.
Pero hindi ka tiyak na totoo
ang lahat ng iyong naaalala.
Biyahe
Uuwi kang pagod
Lalagapak ang katawan
Magpapatianod sa banig
Magpapaubaya sa mga hibla
Ang bigat na pasan at
Magmamarka
Sa iyong katawan
Ang mga bibitbitin mo
kinabukasan
Elehiya ng Isang Tsuper
Maghapong nakaupo
sa ‘di makausad na gulong.
Tigmak sa pawis na walang
katumbas na salapi.
Bukas kaya may biyahe na?
Kay mura pa naman ng krudo
pero hanggang panaghoy lang
ng kalam ng sikmura
ang kayang ilibot sa kalsada
