Nang Marating Ko Ang Mina De Oro Hotel
Allan Paul F. Catena
Humihinga pa ang pader
nang kapain ko.
Naghihingalo.
Nais ibulong ang salitang
paalam,
subalit walang tinig
na namutawi sa labing uka-uka.
Sarado na ang entrada,
pero naiwang bukas sa likod
ang pabalik sa nagdaan.
Pumasok ako.
May naiwan pang
halakhak sa pasilyo.
Sa lahong entablado,
dinig ko pa ang awit ng kombo,
may nakasabit pang palakpak
sa mga aranyang basag-basag.
Akyat-baba
sa hagdanan ang mga kuwento:
pag-ibig, pagtataksil, kamatayan.
May seradurang
tumawag sa ikalawang palapag.
Napaatras ako sa nakita;
nanghilakbot,
Kitang-kita ko ang alaala
naiwang nakabikti
sa kalawanging electric fan.
Nais kitilin ang di mamatay-matay
na sarili.
Umagos ang luha ko
sa mga lamat ng
di masara-sarang bintana.
Mina De Oro Hotel – ay minsang naging tanyag na hotel sa San Jose, Occidental Mindoro.
Sa Alaala ng Mina De Oro Hotel
Norman A. Novio
Patay-sindi ang sari-saring kulay
na ilaw-dagitab
na palamuti ng iyong
lagusang salamin.
Labas-pasok ang iba’t-ibang nilalang
tuwing agaw-dilim
na panauhin sa iyong
sinapupunang malalim.
Buong-buo ang kaindak-indak na awitin
na akyat-manaog
sa palapag ng iyong
ligayang pamatid-panimdim.
Utay-utay ang agam-agam at indayog
na tila sintu-sinto
sa silid ng iyong
sementadong dingding.
Dati-dati, ang saya-saya ng iyong paligid
Ngayo’y gunitang paulit-ulit
na bula ang iyong
paglahong ayaw mahimbing.
Tulalang-tulala ang himno ng nagdaang umaga
sa katabing pook-sambahan
na tuwing gabi’y nilalamon
ng ritwal na tila sa lagim.
Kataka-taka bang bigla-bigla kang nawala
na parang balete na kahoy-gubat
sa bahagi ng Soldevilla
na ngayo’y kahit tirik ang araw ay madilim?

Si Allan Paul F. Catena ay kasalukuyang guro sa Occidental Mindoro State College. Co-awtor siya sa mga libro ng tula: Stopover: Mga Tula ng Pagninilay at Paglalakbay (2019), Kapag Nalaman Mo: Mga Tula (2019). Miyembro siya ng Hulagway Writers Group at papalabas na rin ang kauna-unahan niyang libro na Si Mang Francing at ang mga Lagalag na Kaluluwa ng Siete Central: Mga Koleksiyon ng Maikling Kuwento sa ilalim ng Hinabing Salita Publishing.
