Mula sa alikabok
Kinakaon ang kaluluwa,
Binubungkal,
Inaangat ang malaking tipak
Na harang—
Kamatayan—
Ang nasa pagitan
Ng unibersong
Kinakapitan ng liwanag
At kadiliman,
Pupunitin ang naiwang langib ng buhay,
Ihihiwalay ang mga pira-pirasong buto
Gamit ang luha,
Gaano man kabigat,
Sasakyan ang bawat patak
Ipapasan sa tarik ng katahimikan.
Ihahatid ang binalot na kalansay,
Ilalagak sa kuweba,
Seselyuhan ng panalangin.
Pero hindi maisara-sara
Ang pintuan ng alaala.
Ang Pangutkutan ay isang ritwal ng Hanunuo-Mangyan kung saan muling hinuhukay ang bangkay ng yumao upang ihiwalay ang laman sa buto at dalhin sa kuweba na nagsisilbing huling hantungan.
