Sa rehas na papel kami’y ikinulong.
Ilang Ama Namin na’t Aba Birheng Maria na rin ang aming ibinulong.
Tanging dalangin ay makalaya
Sa mga papel na animo’y tanikala
Sa propesyong pedestal kung ilathala
Mga preso kaming di makawala-wala.
Ang umaga’y gabi. Ang gabi ay umaga.
Minsan ang oras ay pare-pareho na
Subsob ang mga mata sa makinilya
Mga kamay na waring iginapos na,
Hindi humihinto sa pagbuo ng ideya.
Sana ang pagal na utak,
patuloy pa ring gumana.
Pagkat nasa unang araw pa lamang ng aralin.
May apat na araw pang bubunuin.
O sadyang ganito sa aming hawla
Mga bundok na papel ang krus naming dinadala.
Ang araw-araw naming pinitensya
Minamarkahan ng tintang pula
Kasing kulay ng dugong dumadaloy sa mga pagal naming katawan.
Mga tinta sa papel na sa gabi’y pinaglalamayan.
Kailan kaya lalaya sa papel na rehas?
Kung lugmok na ang kaluluwa’t ubos na ang lakas?
Hinahabol ang bawat paghinga
Sa silid-aralang bartolina
Tanging dalangin ay makalaya
Sa mga papel na tanikala
Sa propesyong tila isinumpa,
Mga preso kaming nais makawala.
