Salit-salitang mga katawan sa hurno,
Pagniniig ito sa parisukat na kural.
Payo ng nasa gintong silya,
“Huwag na huwag kayong lalabas.”
Kung ilang gutom ang lumipas,
Kaning amoy-pabrika lamang ang kinikilala
Ng sikmurang kabisa na pati mga lata ng sardinas,
Pula ba, o berde, o puting malangsa.
Tila mga bulag na kinakapa
Ang mga konkretong pader at dingding
Sa pangangalap ng mensahe sa gaspang,
Sa hinintay na sentensiya ng paglaya.
Mantakin mong busalan
Mga taga-ulat sa madla, sa gitna pa man din
Ng sigalot. Kung matunghayan man kanilang mga piging
Sasabihing pagbibigay puri sa kapuri-puring
Nagmamay-ari ng gintong silya.
Noon namang pinalaya na sa parisukat naming kural
Upang ihatid lamang pala sa mga hantungan;
Pagpapantay ng mga paa sa aluminyong higaan,
Autopsiyang hindi na masiyasat pa
Ng mga naiwang kapamilya.
