Tumatakas ang halimuyak ng bougainvillea
Mula sa kaniyang mga mata—
Naglaglagan ang mga sariwang talulot;
Mahaharot ang mga layang-layang1
Sa rosas na buhangin ng Pag-asa2,
Pumupulandit,
Nagmamadali ang mga galamay ng anino,
Laging nais haplusin ang langit,
Magtampisaw ang mga palad sa basang ulap;
Hihiga sa kama ng konstelasyon,
Hahayaang selyuhan
Ang gabi
Nang halik ng sinag ng mga bituin;
Hindi ba’t pirming bingi ang buwan,
Bulag madalas ang liwanag
Sa silid ng madilim na uniberso;
Aagos ang pawis ng hiyaw
Sa pagitan ng mga tirik na suso ng Iglit-Baco3
Sasalukin ang ginto mula sa mga namuong katas
Saka isisilid sa kayakap na unan;
Mananaginip
Na hindi nagdadalang-tao ang kaluluwa;
Sinong saksi na alkalde ang ama?
1. Isang uri ng ibon na madalas makita sa San Jose.
2. Pag-asa ay lugar kung saan naroon ang Gitna (Red Light District).
3. Isang ASEAN Heritiage Park na matatagpuan sa Occidental Mindoro.
