Libong mga nakamaskarang bilanggo
Ang siksik sa kwadradong mga piitan.
Hindi alintana ang hapdi sa higpit
Ng mga tali sa kanilang mga tenga.
Naghihintay ng kanilang sandali.
Ito’y pila sa mga
Rasyon na panugtong-buhay.
Pinagkakasiya ang iilang hininga
Na susuot sa kapal ng maskara.
May pagkakakilanlan sila:
Silang mga bilanggo,
Kung mata lamang
Ang tatanaw sa iba pang mga mata.
Mayroong mga pabulong-bulong
Baka nawawaring mga salita,
Hindi lang mahagip
Ng pandinig na kasalo
Ang ingay. Ang katahimikan
Sa hangganan; sa gitna
Ng mga lampungan na para bagang
Mayroong namalaging anghel.
Nagtitimpi sa pagnanakaw ng tingin
Ang mga nilalang sa kapwa-nilalang
Kung alin o sino sa kanila
Ang nakamaskara kahit hubad sa
Mga mukha ang maskara.
