Hindi maputol ng talim
Na hawak ng hari ng ahas
Itak, panlilok, katam, palakol
O panglinis na labaha sa mga kalyuhin
Na balat, laging hindi makakahiwa
Humiwa man, walang lalim,
Tipak sa talas
Ng mga bakal na hindi luto sa baga
Sa kanilang mga bakal
Na basag sa paulit-ulit na paghataw,
Hindi mangangalay ang dila
Sa pangungusap, sambitin mga balitang
Tali sa higpit ng pisi
Siwalat ng kani-kanilang latak na
Sa pagkakahalo lamang lumulutang
Buntot ng butiki itong
Patuloy na tumutubo kahit putol
Walang kilalang paghilom ang sugat
Sigaw, bulong, bawat may pagkakataong
Umusal ng salita
Lagi’t laging may sambit
Ang aming mga dila.
Walang kilalang paghilom ang sugat
Sa aming mga dila.
