Personal na Sanaysay

May Punit ang Langit

Naiisip kita ngayon, Tala anak, gaya ng madalas. Kung gabi, pauwi sa bahay kung saan naghihintay sa aking pagdating ang iyong ina, ay napapaligiran ako maraming tao sa maingay na kalsada, ngunit hindi ito ang dahilan kung bakit ramdam ko na hindi ako nag-iisa. Hindi ka lang isang kamalayan sa paligid na nagmamasid, bagkus ay kasama kita—katabi sa paglakad o nakakandong sa akin kung punuan ang dyip (at kung hindi naman at may mauupuan pa ay nakatabi sa akin at sa aking balikat ikaw ay nakahilig).

Tahimik nating pinagmamasdan ang paglipas ng gabi.

Naiisip kita ngayon, Tala anak, gaya ng madalas. Ikaw ang kalabit ng malamig na hangin na saglit dumaragit at hahaplos sa aking balat, mahigpit ang panandaliang yakap bago ang biglang pagtalilis. Ikaw ang nakikita sa bawat pagtingala—ang unang masilayang tingkad at luningning sa itim na kumot nitong tulog na alapaap.

Palagi kong sinasabi sa sarili ko na hindi ka naman talaga nawala, sa paniniwalang naririto ka lang—nararamdaman at minamahal kahit hindi mahaplos, makita, o mahawakan.

Ngunit paminsan-minsan, hindi ito sapat upang ang damdamin ay tumahan. Lalo na kapag naiisip ko ang mga bagay na hindi na natin magagawa, at mga karanasan na hindi na nating mapagdadaanan. Hindi ko kailanman maririnig ang tunog ng iyong pagtawa at pag-iyak.

Hindi na kita mapagmamasdan habang gumigising sa umaga, o tuwing iduduyan ng antok sa magdamag. Hindi na kita magagabayan sa paggapang, sa iyong mga unang hakbang, sa pag-tungtong sa pasamano at pag-akyat sa hagdan. Kapag natuto ka nang tumakbo, hahabulin pa sana kita.

Ngayon ang hinahabol ay ang pagsilang ng gabi upang makita ang ningning ng tala. Sumakit man ang leeg ay hindi mag-sasawa sa pagtingala.

Nang ikaw ay nawala, maraming ‘sana’ ang naging ‘hindi na’—hindi lang ito, hindi lang dito, hindi ko na mabilang, at hindi ko na bibilangin pa. Maaaring kasing dami ng bawat patak ng luha na kahit ilang drum ang maipon ay hindi maaapula ang lungkot na sumusunog sa aking kaluluwa.

Wala na ang mga pagkakataon para sa mga sandali na matagal naming inasam asam na maranasan, kapiling ka.

Hindi ka pa man dumarating sa buhay namin, alam ko na isa sa mga pinapangarap ng nanay mo ay makita ka sa aking dibdib habang ikaw ay pinapatulog ko, habang maingat na hawak ang

iyong malambot na katawan. Pero ang nag-iisang pagkakataon na nahawakan kita ay noong gabing iniluwal ka sa mundo, pikit, tahimik at may pusong wala nang tibok, habang marahan kitang kinalong at idinuyan sa aking bisig, pinilit ko na manatiling nakatayo at pinid kahit ako ay naabo, nauupos, at halos panawan ng bait sa pagkakasuklob ng hapis.

Mabuti na rin at hindi ito nakita ng nanay mo, anak, dahil siguradong mapupunit ang puso niyang punong puno ng pagmamahal sa iyo, lalo’t kung ito ang magiging huling alaala na sa kanya ay iiwan mo.

Sobrang sakit noong mga sandaling iyon para sa akin, Tala. Kasi, ‘yon lang ang nag-iisang sandali natin na tayong dalawa lang. Halos walong buwan ka sa sinapupunan ng nanay mo, at alam ko, marami kayong mga masasayang sandali ng kulitan lalo na pag gising ka at nakikipaglaro—tumbling dito, sipa doon, ikot nang ikot.

Madalas, ginigising ako ng nanay mo para makita kong umuumbok ‘yong tiyan niya tuwing nagpaparamdam ka. At kahit paulit-ulit ‘yon lalo na noong second hanggang third trimester, bawat sandali ay sadyang sisidlan ng ‘di matutularang saya.

Sumagi ang lahat ng ito sa isip ko habang nasa jeep ako at nakikinig ng kanta sa Ipod. Ang tumutugtog: “Huling Sayaw” ng Kamikazee. At habang pinapakinggan ko ang bawat linya ng kanta, saglit akong naluha. Dahil ang mga pinapahiwatig ng bawat salita ay akmang-akma sa nararamdaman ko noong nandoon tayo sa isang sulok ng ospital, kung kailan ka nagpakita, at kailan tayo nagpaalam sa isa’t-isa:

Ito na ang ating huling sandali
Hindi na tayo magkakamali
Kasi wala nang bukas
Sulitin natin ito na ang wakas
Kailangan na yata nating umuwi
Hawakan mo aking kamay
Bago tayo maghiwalay
Lahat-lahat ibibigay, lahat-lahat
Paalam sa ating huling sayaw
May dulo pala ang langit
Kaya’t sabay tayong bibitaw
Sa ating huling sayaw
Di namalayan na malalim na ang gabi
Pero ayoko sanang mag madali
Kay tamis, kay sarap
Ngunit ito na ang huli
Kailangan na yata nating umuwi

Nakakagulat na ganoon kadali magbago ang pagtingin sa isang awit. At habang patuloy ang indayog ng himig, ang bawat patak ng titik, muli at dahan-dahan, ako ay ibinabalik. Sa lugar na iyon, dalawang buwan na ang nakakalipas ngayon. Matagal man ang animnapung araw, ramdam pa rin ang tarak ng punyal na hanggang ngayon ay nakabaon.

Naaalala ko ang pagsabog ng luhang bumaha’t nangilid habang nakita kita, kalong ng doktora, unti-unting papalapit. Naaalala ko ang iyong bigat sa aking braso, at ako nakatingin lamang sa iyo, habang pilit kong nilalabanan ang dahan dahang pag gunaw at pag guho ng aking mundo, dahil noong mga sandaling iyon hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Ginawa namin ang lahat pero sa huli, nagkulang pa rin ako.

At naalala ko noong biglang mawalan ng malay ang iyong ina habang siya at papatayo, ilang oras lang matapos ang operasyon, at ang tanging iniisip ko habang pilit siyang itinatayo at ginigising ay ito: hindi ko kakayanin kung iiwan niyo akong mag-isa.

Ganoon na lang ang takot. Ganoon na lang ang pangamba. Naupos na ako ng takot sabay ng pagkapagod sa pangungulila. Ni hindi ko inakala na makikita ko ang sarili na ganoong kahina. At ilang gabi rin mula noon, ako’y nagigising sa gitna ng pagtulog (kung dadalawin man ng antok), at sa mga ilang saglit, wari ko ba’y ang mga nangyari ay isa lamang mapait na bangungot.

Naiisip kita ngayon, Tala anak, gaya ng madalas. At kahit ilang araw na ang lumipas nagdudulot pa rin ng luha sa mata ang pagdalaw mo sa aking ulirat. Ngunit ayokong magtapos sa mga katagang “kung saan ka man naroroon,” kasi alam ko kung nasaan ka—nandito, sa puso at isip ko, ng nanay mo, at ng lahat ng tao na tumangis sa iyong dagling pag alis, ngunit patuloy pa rin na nagmamahal sa iyo.

Naiisip kita ngayon, Tala anak, gaya ng madalas.


Nathaniel T. Dela Cruz is a 41-year-old freelance writer. Siya ay anak ng lumang panahon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: