Personal na Sanaysay

Hindi Nagsimula ang Taon nang Tahimik

Noong nakaraang linggo lang, tinanong ako ng isang katrabaho, “Nasa’n ka no’ng pumutok ang bulkang Taal?” Napatigil ako. Napaisip saglit sabay natawa nang bahagya. Naisip ko na kakaiba palang wala ako sa bahay no’n. Tandang-tanda ko pa ang lahat. “Nasa commuter van galing Alabang, pauwi sa ‘min sa Silang.” sagot ko. Pagkatapos ay rumagasa na sa gunita ko ang lahat ng alaala noong gabing ‘yon.

“Medyo madilim na dito, babe, tapos kulay yellow na yung langit, parang may umihi sa clouds.” text ko sa asawa ko habang nasa biyahe. Dito nagsimula ang lahat. Linggo no’n. Naiwan siya sa Maynila. Ako naman, pauwi na sa inuupahang bahay sa Cavite. Lulan ng van na sinasakyan ko ang mga kapwa ko rin pauwi sa kani-kanilang tahanan sa Laguna. Totoo naman talagang tila may umihi sa ulap, dahil naninilaw na ang langit ng San Pedro noong oras na ‘yon, parang starting pistol ng delubyong paparating. Tiningnan ko ang mga balita sa social media. Kanina pa pala pumutok ang bulkan ngunit parang hindi alintana ng halos lahat ng kasama ko sa sasakyan.

Nasa Splash Island na ‘ko nang makarating na sa hangin at kalsada ng SLEX ang mga abo ng Taal. Tumawag ang biyenan kong nasa Silang, wala na raw kuryente dahil sa mga nagliparang abo na nakapasok sa mga transformer ng poste ng kuryente. O sa fuse. O kumapit sa insulator. Ewan. Basta walang kuryente at kailangan ko nang makauwi agad.

Binabagtas na namin ang kahabaan ng Mamplasan nang balitaan ako ng isang katrabahong taga-Batangas na panay raw ang lindol doon. Hindi mabilang. Hindi rin mabilang ang beses na tinitingnan ko ang buong paligid, lumilinga at nag-aalala. Balisa na yata ako. Mabilis naman ang biyahe pero bakit parang ang tagal ng oras? Tiningnan ko ang mga kasama sa van, bakas sa mukha ng lahat ang magkahalong takot at pag-aalala.  Bumaling ulit ako sa paligid. Nagkalat na sa daan ang mga abo nang marating namin ang Greenfield, Santa Rosa. Parang may nagsaboy ng confetti bilang paghahanda sa isang malagim na piging na dadaluhan ng lahat mamayang gabi.

Lumubog na ang araw nang makababa ako sa Paseo sa Santa Rosa. Kapansin-pansin ang tapang ng amoy ng asupre sa buong lugar. Umuulan na ng abo. Wala akong face mask. Nag-aagaw-buhay na rin ang baterya ng cellphone ko. Sa social media, panay na ang pagbabahagi ng mga kung sino kung bakit delikado ang abo sa kalusugan ng tao kasama ang mga kuwentong daig pa ang kay Noli De Castro tuwing undas.

Tinawagan ko ang nanay ko habang panay ang dasal na ‘wag muna mamaalam ang cellphone kong humihingi na ng saklolo. Sakto namang pauwi na pala sila ng kuya ko galing sa pamimili sa Balibago. Dadaanan na lang daw nila ako at ibababa sa bahay. Sinabi ko ang lokasyon ko. “Okey, mga 15 minutes, ‘nak, and’yan na kami, wait mo lang.” sabi niya sa tonong hindi rin niya sigurado kung tama ba ang sinabi niya.

Naghintay muna ako saglit sa 7-Eleven sa tabi ng South Supermarket at nagbakasakaling may charging station. Bokya. Wala pang signal sa loob. Lumabas na lang ulit ako at naghintay sa gilid. Nagpadala ako ng huling text sa asawa ko at siniguradong ligtas naman ako, “Text kita maya kapag nakauwi na ‘ko. Sunduin daw ako nila mama dito.”

Tinadtad niya ako ng reply, “Baka matagal pa sila? Wala ka bang masasakyan d’yan?”

“Ingatan mo sarili mo. ‘WAG KANG LUMABAS NG 7-ELEVEN baka masinghot mo ‘yung abo.”

“Mag-text ka agad kapag nakauwi ka na. May powerbank naman dun. Mag-charge ka agad. At magtext ka, please?”

“Ise-send ko sa Messenger lahat ng dapat gawin kapag may eruption. Basahin mo!”

*black screen*

Umupo ako sa hagdan ng katabing restawran ng 7-Eleven at pinanood ang patuloy na pagbagsak ng mga abo mula sa madilim na kalangitan. Nilabas ko ang nag-iisang panyo sa bulsa, nirolyo ang kalahati, itinali ang magkabilang dulo at itinakip sa bibig at ilong para hindi malanghap ang mga abo. Hindi pa rin ako makapaniwala na nangyayari ang lahat ng ‘to. Para akong nasa pelikula.

Pinagmasdan ko ang paligid na parang nanonood nga ng isang pelikula. Hindi magkandamayaw ang mga tao sa dapat nilang gawin. Kaniya-kaniyang silong sa kung saan may masisilungan. Tiba-tiba naman ang mga tricycle drivers sa mga sumasakay na espesyal patungong Santa Rosa. Unti-unti nang nakukumutan ng mga abo ang mga sasakyang naka-park sa gilid ng restawran, tila pininturahan ng itim ang lahat. Matapang pa rin ang amoy ng asupre sa hangin.

May ilang abong tinangay ng hangin at dumampi sa braso ko. Basa pero buo, parang putik na hinati sa milyon-milyong piraso. Ganito pala ang pakiramdam, naisip ko. Napabutonghininga na lang ako habang naghihintay ng saklolo kasabay ang maraming taong hindi rin alam kung paanong makakauwi sa kanilang mga tahanan ngayong gabi.

“O, ba’t di mo sinakay ‘yong pasahero? Sayang din ‘yon.” Narinig kong tanong ng isang lalaki sa kapwa niya tricycle driver.

“Kow, e trapik na raw pataas sa Puting Kahoy! Walang galawan ang mga sasakyan! Baka di na kayanin nireng traysikel.”

Tumingin ako sa mga taong nasa paligid. Karamihan nga sa kanila ay nag-aabang ng masasakyan paakyat sa amin sa Silang. Wala na rin dyip sa terminal dahil halos lahat ay naipit na sa trapik. Lugi talaga kaming mga nakatira malapit sa Tagaytay sa ganitong sitwasyon, may sakuna man o wala.

Maya-maya pa, tumigil sa harapan ko ang isang pulang Kia Rio na malapit nang maging itim dahil sa abo. Dumating na ang saklolo. Pumasok ako agad at umupo sa backseat sa tabi ng nanay ko. Binigyan niya ‘ko ng face mask habang todo punas ako ng mga abong kumapit sa braso ko, hanggang sa mapansin kong hindi pa rin kami umaalis.

“Bakit? May hinihintay pa ba tayo?”

“Nag-overheat sasakyan ng kuya mo.” sagot ng nanay ko. Lumabas ng sasakyan ang kapatid ko kasama ang asawa niya. Binuksan ang hood at binuhusan ang umaasong makina at radiator.

“Na naman? Akala ko napaayos na ‘to?”

“Hindi pa! Sa susunod na linggo pa.” sagot ng hipag ko habang pinapayungan si kuya at sinisiguradong hindi sila nakakalanghap ng abo. Dumating ang saklolong nangangailangan din pala ng tulong.

Bumalik sa kotse ang dalawa matapos ang ilang minuto. “Hintay lang tayo saglit, kakayanin naman siguro ng coolant basta pahupain lang muna natin.” bilin niya habang pinupunasan ng wet wipes ang mga brasong nadampian ng abo.

“Traffic na raw paakyat sabi kanina.” sagot ko habang sinasaksak ang cellphone ko sa USB port ng sasakyan.

“5 minutes. Mamaya ka na mag-charge, magpapatay lang ako saglit ng makina.”

Isa na yata ‘yon sa pinakamahabang limang minutong naranasan ko. Nakahinto nga kami pero pakiramdam ko umaatras kami dahil habang patagal nang patagal, alam naming pahaba nang pahaba ang trapik na susuungin namin mamaya. Wala kaming nagawa kundi maghintay at titigan ang hindi pa rin tumitigil na pag-ulan ng abo. Pumalatak ako. Isa sa trahedya ng buhay ay kung kailan alam mo na kung paano masolusyunan ang isang bagay ay saka wala kang magawa kundi titigan lang ito at umasang magiging okey lang ang lahat.

Natapos ang matagal na paghihintay at binuhusan ni kuya ng tubig ang windshield ng sasakyan para matanggal ang mga abong kumapit at saka pinaandar ang kotse. Wala pang limandaang metro ay nasa buntot na kami ng traffic sa Sto. Domingo. Huminga nang malalim ang kapatid ko habang hinahaplos ang manibela, tila nakikiusap sa sasakyan na lumaban ngayong gabi kasama namin.

 Wala nang galawan. Nakatirik na rin ang mga sasakyang galing ng Tagaytay na pauwi sa Laguna at Maynila. Nagpatay na ng aircon ang karamihan sa mga sasakyan pero hindi naman mabuksan ng mga tao ang bintana ng sasakyan nila kaya nagtitiis na lang mainitan sa loob. Tigil lahat. Tanging ang mga wiper na lang ng bawat sasakyan na abala sa pagtanggal ng mga abo ang gumagalaw no’ng oras na ‘yon.

Uusad nang kaunti. Maghihintay ng ilang minuto. Uusad. Maghihintay. Uusad. Maghihintay. Hindi trapik dahil maraming sasakyan. Trapik dahil kaliwa’t kanan ang mga posteng natumba, mga sasakyang nag-overheat, mga banggaan dahil nangangapa na lang sa dilim ang mga drayber na naubusan na ng tubig pantanggal ng abo sa windshield.

Tila anghel ang mga residente ng Sto. Domingo na sa gitna ng nangyayari at kahit walang mga face mask ay walang takot na tumutulong at nagbubuhos ng tubig sa mga sasakyang natabunan na ng abo. ‘Yong may mga hose ay panay ang linis ng windshield ng mga sasakyan. Tumatanggi sa tuwing aabutan ng barya. “Okey na ho kami, basta nakakatulong!” dinig kong sigaw ng isang lalaking abala sa pagbubuhat ng balde at ibinubuhos sa mga sasakyang hindi naaabutan ng hose.

Napabuntonghininga kaming apat sa kotse at abot-abot ang pasalamat sa mga taong ito. Minsan, makikita mo ang mukha ng Panginoon sa mga taong hindi mo naman kakilala at sa panahong hindi mo inaasahan.

Ang dapat sana’y sampung minuto lang na biyahe ay naging dalawang oras. Nabuhay na rin muli pagkatapos mag-charge ang cellphone kong kanina pa nabaon sa hukay. Hindi rin ako nagtagal dahil nagsasalitan kaming apat sa pagkakarga ng baterya sa iisang USB port. Binalitaan ko agad ang asawa ko. Panay rin ang dating ng mga mensahe ng ilang kaibigan at katrabaho at ilang mga anunsiyo.

Wala nang pasok bukas.

Kumusta kayo d’yan, bro? Okay lang ba kayo? Stay safe.

Ingat kayo lahat, nag-declare na si Mayor na walang klase bukas.

Serrrrr, magbaon kayo ng maraming tubig kung nasa daan kayo. Daming stuck ngayon sa mga gas station dahil wala na silang tubigggg.

“O, ano ‘yan? Bakit gan’yan? Tumataas na naman ‘yung gauge ng temp?” tanong ng hipag ko.

“Oo.” Sagot ng kapatid kong hinihigpitan lalo ang kapit sa manibela.

“Malapit na tayo sa bahay ko. Tigil muna tayo do’n.” sabi ko at nagtanguan kaming apat.

“Kaso brownout,” dugtong ni mama.

“Basta may tubig,” bawi ng kuya ko at pakiramdam ko ay sumang-ayon ang sasakyan sa sagot niya.

Ilang minuto pa ay nakapasok na rin kami sa tila abandonadong subdivision ng Morning View. Pagdating namin sa bahay ay sinalubong kami ng biyenan kong kanina pa kasalo ang mga kandila sa pag-iisa. Kumaripas naman ako agad ng takbo sa banyo at nag-igib ng tubig sa balde sabay abot sa kapatid ko na siya namang ibubuhos sa nagngangalit na naman na radiator ng sasakyan habang pinapayungan ng hipag ko. Mas marami na ang mga abong bumabagsak ngayon at kahit may payong ay hindi pa rin kami ligtas sa mga abo.

Nagpalipas kami ng ilang sandali at nang makasigurado na ang kapatid kong kaya na ulit nila ay saka sila umalis. Nagmadali akong bumalik sa banyo para maligo habang nangangapa sa dilim.

“Kain na,” aya ng biyenan kong hindi pa rin pala naghahapunan.

“Opo, hiramin ko lang po sana ‘yung powerbank niyo saglit para makapag-charge ako.”

“Wala nang charge.”

“Po?”

“Wala nang charge. Kanina pa walang kuryente dito. Hindi ko rin na-charge kasi biglaan.”

May 10% pa ang baterya ng cellphone ko. Gusto ko man lang sanang makatawag sa asawa ko para maikuwento sa kaniya ang lahat ng nangyari pero sa tingin ko ay hindi muna ‘yon mangyayari ngayong gabi. Pagkatapos kumain ay nag-text na ‘ko sa kaniya at doon muna pahapyaw na sinabi ang lahat.

Ok. Basta ingat kayo d’yan ni mommy.” reply niya.

“Tipirin ko muna battery ko. Text na lang ulit ako bukas. Good night. Love you.”

“Love you too.”

Magkatulong kami ng biyenan kong nagkuskos, nagtanggal, at nagwalis ng mga abo kinabukasan. Wala pa ring kuryente. At nagbigay na ng anunsiyo ang subdivision na mawawalan na rin ng tubig. Nagdesisyon kaming bumalik sa Maynila noong tanghali.

Tumakbo ako sa pinakamalapit na botika para bumili ng face mask, “Naku, Sir, kanina pa po nagkaubusan.” sabi ng dalagang botikaryo. Nagpalipat-lipat ako sa ibang tindahan at botika at gano’n din ang nakuha kong sagot. Mabuti na lamang at may dalawang ekstrang face mask sa bahay, iyon na lang ang ginamit namin.

Saka ko na lang nabalitaan ang lahat ng nangyari sa ibang lugar nang makapanood ako ng balita pagbalik sa Maynila. Pagkauwi ay nag-text ang isang kaibigan, “Grabe ang pasabog ni 2020 ‘no.”

Sumagot ako, “Yep. Parang starting pistol ng delubyong paparating.”


Isinilang at lumaki si Erikson Isaga sa Silang, Cavite. Nagtapos ng BS Psychology sa University of Makati, kasalukuyan siyang nagtuturo ngayon ng Filipino at Araling Panlipunan sa Miriam College Nuvali. Ang kaniyang mga kuwento ay lumabas na bilang kontribusyon sa ilang mga zine. Kasalukuyan din siyang miyembro ngayon ng Cavite Young Writers Association na naglalayong makatulong sa mga kabataang manunulat sa loob at labas ng probinsya. Maaari siyang kontakin sa ejisaga@gmail.com.

1 comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: