Kinikilatis ang bawat kanto
Nitong bintana ng kwarto
Habang pinakikinggan ang kulo
Ng sariling tiyan sa gutom.
Gumuguhit sa mga alikabok ng
Salamin na naipon
Sa paglipas ng mga araw
Na hindi inalintana.
Dumudungaw sa kaunting espasyo
Ng kalayaan
Para matanaw ang mundo sa labas.
Sinisipat ang kaunting pag-asa
Habang tinitiis ang dalamhating
Dulot ng kagipitan.
Walang magawa kung hindi
Maghintay.
Walang magawa dahil walang
Kita.
Walang magawa dahil gustong manatiling
Buhay sa gitna ng pandemya.
Sa bartolina ng sariling
Tahanan,
Kami ay
mangamamatay.
