kung magagawa pa ng aking mga kamay
na isulat ang huling tula bago mapawi
yaring buhay, isusulat ko ito sa mga
namuong alabok sa ating hardin;
doo’y iguguhit ang bawat talulot
ng nanuyo nating nakaraan—noong
ang ating paligid ay kinulayan ng
malamayang abo. ang mga bahagi ng
lungti, latì, langit; lahat ng larawang
nabuo sa kulay ng mabulaklak nating mga salita.
pinapaalalahanan tayo ng lupa,
na muling sumibol sa ating pinagmulan;
katulad ng mga búto na sabay nating
itinanim sa lupang pangako—na siyang
saksi kung paano lumago ang ibinaón
nating pag-ibig sa hardin ng mga puso.
hawak-kamay nating nilisan ang sarili,
mga pigurang dumanas ng bagamundo;
kung saan unti-unti nang umiimpis
ang mga nakakalap na pisi mula
sa mahaba-haba na ring panunulid.
tinahak natin ang kabilang bahagi
ng baryo, sa pusod ng paraiso tayo
lumapit, tangan ating mga butóng
nabuwal sa matinding hambalos ng
pagpapagal, paglilimi, pag-ibig; para
makalap ang mga binhing na ating itatanim
sa pagsapit ng huling sinulid na pinahiram
ng sansinukob, para sa katulad nating abâng
bahagi lamang ng siklo ng tadhana.
hayaan mo akong italâ ang huling tula;
hanggang ang aking tula ay manuot sa lupa,
at sa lupa ay mamunga ang mga salita,
mula sa salita ng pinag-isa nating diwa.
upang sa pagdating ng panahon kung saan
hindi na kayang punan ng ngayon ang kahapon;
pagmasdan mo ang inihanda kong hardin,
kung paano ang mga búto ng salita’y isasambit
ang huni ng ating naglalayag nating awit.
sa sinaboy na mga binhi, nawa’y mapulot ng pipit,
at sa kanilang pakpak ay isa-isang iipit
ang mga búto mula sa ating mga butó.
at sa pagsapit ng umaga na
hindi ko na matanaw ang langit, iginuhit na
ng ating panahon ang pisi nating sinubukang
idugsong—sa latian ng pangako na minsan
tayo ay piniling mamalagi.
