Personal na Sanaysay

Titser

Bagong salta lamang kami sa Maynila nuong ipinasok ako ni Mama sa isang pampublikong paaralan malapit sa aming inuupahang bahay sa Tundo. Iyon ay ang IRES o Isabelo de los Reyes Elementary School. Wala pa kong kaalam-alam kung sino si Don Belong at kung ano’ng halaga niya sa kasaysayan ng unyon sa Pilipinas. Basta ang alam ko, nasa panibagong mundo ako. Wala na ang dagat na laging pinapasyalan sa umaga. Wala na ang hamog ng hangin tuwing hapon. At matagal pa bago ko makalaro ulit ang aking mga kababata na mahilig magpalipad ng saranggola. Ni hindi na rin ako makakarga ni Papa Rineng (aking Lolo) at makukuwentuhan ni Nanay Viole (aking Lola). Pagkat nandito na ako sa siyudad, kung saan pinili ng aking Inang magsimula ng buhay pamilya, sa poder ng kaniyang asawa (aking magiging amain). Panahon iyon ng kamusmusan. Nang kawalang kapangyarihan sa mga desisyong malaki ang gagampanan sa’king pagmamanibalang paglaon ng panahon. Panahon din kung saan wala akong kasama kundi ang hindi maipaliwanag na kalungkutan sa kabila nang kasiyahan ni Mama.

Wala na ring nagawa ang aking busangot at pag-iyak. Nuong nasa loob na kami ng de-aircon na bus. Kalong-kalong ako ni Mama. Suot-suot ang paboritong kayumangging pangginaw, nakatanaw sa transparent na bintana ng bus: nakatingin ako sa nagsasalimbayang repleksyon ng aking namumulang mukha at ang unti-unting paglayo ng paligid: mga puno, kabahayan, palayan, simbahan, maging ang anino ng kamusmusan  na naiwan sa kinalakihang bayan. Napakahaba ng biyaheng iyon. Wala akong maalala kundi ang aking pagsusuka sa unang beses na pagtuntong ko sa Maynila.

Tulad ng inaasahan, hindi naging madali para sa ‘min/sa ‘kin ang lahat. Buti na lamang, mayruon akong naging mga guro sa loob at labas ng apat na sulok ng paaralan na siyang gumabay at nag-abot ng kanilang mga kamay sa mga pagkakataong kay hirap bunuin nang mag-isa ang halimaw na kung tawagin ay buhay. Sabi ni Proust, mas mainam na guro raw ang buhay kaysa sa mga mismong guro. Pagkat di tulad ng nahuli na inihahanda tayo sa mga maaaring senaryo na ibabato sa’tin ng pag-iral, ang nauna’y ipinaparamdam mismo sa’tin ang hapdi ng kabiguan bago natin mapagtanto kung saan tayo nagkulang, kung saan tayo dapat makabawi, at kung saan tayo dapat matuto. Sumasang-ayon ako, pero hindi naman laging ganito ang kaso pagdating sa mga guro. Sigurado ako, na mayruong mga titser na umiigpaw sa depinisyong inihain ng hudyong manunulat. Sapagkat mayruong mga panahon na hindi natin kayang pagnilayan/kilalanin ang ating kahinaan kung wala ang pag-agapay ng isang guro. Narito [sa kaso ko] ang ilan sa kanila.


Si Ma’am Ondo at si Mama.

Ma’am Ondo. Grade 1. Miyembro ako ng The Crying Pupils nuong unang araw ng klase. Kabilang ako sa mga batang sumasargo ang uhog, panay ang hagulgol at ayaw pahiwalay sa magulang. Malaking salik din ang aking pamamahay kumbakit ganu’n na lang ako magtatahol. Mayruon pa akong kakanyahan nuon na laging masama ang tingin sa lahat ng tao (kaklase at guro). Pero normal na pagtingin ko lang talaga iyon. Sadyang salubong ang kilay kahit walang kaaway. Kinalaunan, napapansin, naririnig ko habang nasa flag ceremony ang pagka-ilang at usap-usapan ng ilang mga guro tungkol sa aking beautiful eyes. Pero si Ma’am Ondo, ni minsan hindi niya ako tintratong kakaiba. Hindi niya ipinaramdam na may mali sa’kin. Papatapos na ang school year nuon, ako ang lumabas na pinakamabungang mag-aaral (ibig sabihi’y top 1), iyon ang bungad sa’kin ni Ma’am. Nakangiti siya, samantalang ako’y walang ka-ekspre-ekspresyon. Nakita ko kung paanong kinumpronta ng kaniyang mga kapwa guro si Ma’am.

“Iyan ang top 1 mo?” singhal nang isang matandang guro na puting-puti ang buhok.

“Opo Ma’am,” ngumiti si Ma’am Ondo.

“Eh, ang sama-sama makatingin niyan… lagi pang nakasimangot o,” ngumuso sa akin.

“Iyon po ang lumabas [sa computation] e,” hinawakan ni Ma’am Ondo ang aking kaliwang balikat, senyales na maglakad na kami pabalik sa room.

Nu’ng partikular na umagang iyon, bago niya ako paupuin, bahagya siyang lumuhod at tumapat sa akin. Tila ba may kung anong hinahanap ang kaniyang maamong mga mata sa aking salubong na mga kilay. Pakiramdam ko’y nakikita niya maging ang aking kaloob-looban. Kinabahan tuloy ako. Pagkaraa’y nginitian niya ako, sabay kusot sa aking bumbunan. Nito ko lamang lubos na naintindihan ang senaryong iyon. Wala ni isang salitang lumabas sa kaniyang labi ngunit nagpapasalamat pa rin ako sa mga sinabi ng kaniyang ngiti nang umagang iyon.

Nu’ng araw ng rekognisyon, di pa rin ako mapangiti ni Mama. Ako lang ata ang top 1 na nakasimangot. Nang tinawag na ng principal ang pangalan ko, nakita ko si Mama, kasama si Ma’am Ondo. Parehas nilang inaabot ang magkabila kong kamay. Bahagyang sumilay ang ngiti sa aking mukha. Hindi ko rin alam. Hawak ko ang magkabilang kamay nila nuong papaakyat na kami sa stage. Ang saya-saya nilang dalawa. Bigla akong kinalabit ni Ma’am Ondo, at inabot ang isang nakabalot na regalo. Isang coloring book. Duon, tuluyan na akong ngumiti nang kuhanan kami ng retrato.

“Ngumingiti ka naman pala e,” biro ni Ma’am sa’kin. Tawanan sila ni Mama.


Ma’am Tabada. Grade 5. Hindi naman ako ganuon kagaling talaga sa Ingles. Pero ewan ko ba, nakahiligan ko ang pagbabasa ng mga istoryang nakasulat sa aming textbook. At may emosyon pa. Kaya tuwing oras ng klase namin kay Ma’am, ako lagi ang pinagbabasa niya. Tuwang-tuwa naman ako. Paiba-iba ang boses ko depende sa mga karakter. Bata, matanda, babae, palaka o bibe, gayang-gaya ko. Imbes tuloy na makinig ang mga kaklase. Natatawa sila. Minsan nangingiti rin si Ma’am. Kalagitnaan na ng school year nuon nang sabihin sa’kin ni Ma’am na gusto niya raw kaming isali sa isang patimpalak ng sabayang pagbigkas. Kami ang magrerepresenta sa Maynila laban sa iba’t ibang siyudad sa NCR. Natatandaan ko pa na ang kuwentong aming itatanghal ay ang Bru-ha-ha-ha-ha-ha… Bru-hi-hi-hi-hi-hi…  ni Ma. Corazon Remigio. Ako ang napiling maging pangunahing karakter. Nu’ng mismong araw ng contest, hinabol kami ni Ma’am habang pasakay kami sa van at inabutan niya ako ng pagkain, na marahil ay galing pa mismo sa kaniyang bulsa. Galingan ko raw at enjoyin lamang ang patimpalak. Ngiting-ngiti sa akin si Ma’am. Pero nuong nandun na kami, mukhang lalo ata akong na-pressure dahil grabe ang mga costume ng aming mga kalaban mula sa ibang siyudad. Naruong may mga gumamit talaga ng body paint, at kung anu-anong borloloy para mapatingkad ang kanilang mga hitsura sang-ayon sa gamit nilang kuwento. Samantalang kami, itim na t-shirt, puting bandana at guwantes, at maliliit na puting pintura (liquid correction ata) sa mukha lamang ang nakayanan ng budget ng aming paaralan. Nuong nasa punto na ng pag-aanunsiyo ng nanalo, nanginginig ang tuhod ko. Medyo malulungkot na rin ang mukha ng mga kasama naming magulang at guro dahil talagang dehado kami sa costume. Kahit 3rd place lang, sabi ko kay Papa Jesus. Papa Jesus pa ang tawag ko nuon kay Hesukristo. Pero akalain mong kami ang nanalo. Dikit lamang puntos sa taga-ibang paaralan na napakaganda ng costume. Habang papaakyat, sinabihan ako nang isang hurado na ang galing ko raw umarte. Pero hindi ko alam kung paano iyon tatanggapin. Iyak na pala ako nang iyak nuon. Pagkabalik namin sa eskuwela, sinalubong agad ako ni Ma’am Tabada. Nakaangat ang kaniyang kanang kamay, tipong nagpapa-apir sabay wikang:

“Sabi ko na e! kayang-kaya mo.” Inabot ko ang kaniyang kamay at ngumiti. Tuwing napanghihinaan ako ng loob sa aking sariling kakayahan, binabalikan ko ang alaalang ito.

Si Boy Simangot.

Ma’am Sunga. Nasa kolehiyo na ako nuon. Naging guro ko si Ma’am sa asignaturang lohika at humanidades. Hindi naman kami naging ganuon na magkalapit. Pero nuong mga panahong ligalig ang buhay ko sa depresyon at kawalang patutunguhan, binuksan ni Ma’am Sunga ang kaniyang pinto para sa akin. Ikalawang paglalayas ko na nuon. Halos sa unibersidad na nga ako tumira, maliban sa ilang mga kaibigan na nagpapatuloy, minsan talagang sa traysikel ako natutulog. Matigas ang dibdib ko nuon. Talagang ayokong umuwi ng bahay kahit anong pilit ng mga kaibigan na inaakala kong naiintindihan ako. Pero nung nagkausap kami ni Ma’am sa kaniyang opisina at nagtapat ako sa aking kalagayan, para kong batang inagawan ng kendi. Pananaka-nakang naluluha habang nilalahad ang trahedyang kinalalagyan ng aking kasalukuyang sitwasyon. Hindi na ako nakapag-enroll para sa semestreng iyon. Inalok ako ni Ma’am na magbantay sa kaniyang mga klase at gumawa ng ilang mga aktibidad (pagtse-tsek ng papel, pagpapa-photocopy ng mga babasahin etc.). Bilang kapalit, binibigyan niya ako ng panggastos at pagkain na siya pa mismo ang naghanda para maitawid ko ang isang araw. Naghanap pa siya ng maaaring makatulong sa akin para maipagpatuloy ko ang aking degree dahil nakapanghihinayang nga naman kung hindi ko pa matatapos lalo na kung isang taon na lang. Pero talagang mabigat ang pinagdadaanan ko nuon at mismong sarili ko’y hindi ko maingat sa kumunoy ng depresyon. Kapag ka binabalikan ko ang yugtong iyon ng aking buhay, hindi ko alam kung kakayanin kong maisalba ang sarili sakaling hindi ako inalalayan ni Ma’am Sunga. Kahanga-hangang lumagpas sa apat na sulok ng kuwarto ng paaralan ang kaniyang pagdamay sa isang tulad ko. Nangako ako kay Ma’am nuong huli naming pagkikita na pagbubutihan ko pa. Unti-unti, maglalakad akong pabalik upang yakapin/tanggapin ang aking mga kabiguan na aking naigpawan sa tulong ni Ma’am. At umaasa ako na sana, balang-araw ay makita niya ang bunga ng aking pagsisikap.

Kasama si Mama.

Sir Lobos at Sir Cubacub. Hindi ko sila naging guro. Pero aywan kumbakit kagaya ni Ma’am Sunga, hindi nila ako hinusgahan nuong panahong wala na halos nakakaintindi sa akin. Sa halip, sa kanilang paraan nang pagtulong ay ipinaramdam nila sa akin na hindi pa huli para sa akin ang lahat. Sila’y mga propesor sa asignaturang Filipino. Hindi naman ganuon kalayo sa aking kurso (Pilosopiya) nuon pero isang dahilan ng aming pagkakalapit ay ang aming parehong pagkiling sa panitikan. Madalas ay umiiskor sila sa akin ng libro, sa tuwing ako’y naglalatag sa catwalk. O di kaya nama’y nakikipaghuntahan. Naunawaan nila ako kahit na hindi ko man maipaliwanag nang buo ang aking pinagdadaanan. At hindi ko iyon kinakalimutan. Malaking bagay ang paniniwala nila sa isang hamak na kagaya ko kumbakit ako nagpapatuloy pa rin [sa kabila ng lahat] hanggang ngayon.


Sa likod ng isang matagumpay/mabuting tao ay hindi lamang isang ina, ama, kapatid o minamahal kaya. Nariyan din ang isang titser, na siyang unang naniwala bago pa natin makumbinsi ang sarili sa mga posibilidad na hindi natin matanaw ngunit sila (bagaman wala pa [talaga] ako sa puntong masasabi ko na matagumpay na ako o mabuti kaya, kahit paano’y ginagawa ko ang aking makakaya upang magpakabuti hindi lamang sa sarili kundi sa iba). Paminsan-minsan ko pa rin silang inaalala, lalo nitong mga nakaraang araw ng pandemya. At ang espasyong ito’y inilalaan ko sa paggunita [sa kanila] bago man lamang pagtaksilan ng memorya. Silang mga di-pangkaraniwang indibidwal na tiyak akong mayruon sa bawat isa [na makababasa]: mga guro na hindi tayo kailanman sinukuan, binigo.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: