Personal na Sanaysay

Michael Jackson: Ang Dakilang Entertainer

“Ayan na si Michael Jackson!”

Hindi ko naman gaanong kilala ang nasabing mananayaw at singer. Hindi ako lumaki sa harap ng telebisyon lalo pa’t wala kaming telebisyon sa bahay. Isang bahay lamang sa barangay namin ang nagmamay-ari ng nasabing kahon at nakikidayo lamang kami upang makapanood. 

Hindi ko kilala ang nasabing manananghal pero ilang beses ko na rin naman siya narinig sa hindi ko na matandaan kung saan at kanino. Kaya gano’n na lamang ang pagkalito ko nang minsang bansagan akong Michael Jackson sa eskuwelahan. Alam kong hindi iyon dahil magaling akong sumayaw o kumanta. Alam kong hindi iyon dahil sa performer akong katulad niya.

Si Michael Jackson at ang kanyang Signature look.”

 Bukod sa talento, kilala rin ang nasabing pop icon sa kanyang pananamit. Madalas siyang makita sa kanyang cowboy na kasuotan gamit ang kanyang military-style na dyaket, itim na fedora, puting medyas na sumisilip sa may kaiklian niyang pantalon, at puti ring guwantes na pinalamutian ng maliliit at kumikislap na sequins.

 Wala ako ng mga nasabing kasuotan, subalit suot ko naman sa paaralan ang isang balat ng sapatos na lagyan lamang ng kaunting palamuti at pampakintab ay magmumukha nang bago — magmumukha nang replika ng sikat na sapatos ng nasabi ring sikat na personalidad.

Matigas ang nasabing sapatos. Gawa sa balat at may pagkamakunat. Hindi ito ang karaniwan na sinusuot pampasok sa klase ng isang bata pero no’ng mga panahong iyon, bukod sa isang pudpod na tsinelas, iyon lamang ang mayroon ako. Hindi ko na tanda kung sino sa mga kamag-anak ko ang naawa at nagpamana sa akin ng nasabing pinaglumaang sapatos. Naisip kong baka ang lolo ko o sino pang mga kaedad niya sa pamilya lalo pa’t hindi na uso sa edad namin ang ganoong klase ng sapatos. Hindi lamang ito lumang sapatos, ang sabi ko. Luma rin ang klase at istilo.

Dahil din dito, nag-alala ako na maging tampulan ng tukso lalo pa’t kilala ko ang mga kaklase ko at kung gaano sila ka-kritikal sa mga kakaibang nakikita nila, maging sa pananamit man ito o sa kabuuang itsura. Sa huli, hindi naman ang pagkaluma ng sapatos ang naging dahilan ng panunukso nila.

“Michael Jackson: The King of Pop!”

Panunukso ang bungad nila sa akin nang makita ang sapatos na suot ko. Saan ko daw ba napulot iyon? Paano ko daw ba nahiram kay Michael Jackson? Ako raw ba ang singer? Marunong ba daw ako mag-moon walk? Kung maaari ko raw ba silang sayawan ng pamosong Billie Jeans.

Nang minsang pagdiskitahan nila ang maternity bag na bitbit ko sa eskuwelahan nang minsang tuluyang masira ang bag na ginagamit ko sa klase at mapilitan akong maghanap sa bahay ng kahit na anong maaaring paglagyan ng gamit pampasok sa paaralan, pinili kong hindi na ito muling gamitin at magkasya na lamang sa isa pang bag na luma na rin at sira-sira pero maaari nang pagtiyagaan, puwede na rin, at basta hindi “lalagyan ng tsupon ng sanggol.”

Subalit, sa mga oras na iyon, wala akong iba pang sapatos na puwedeng gamiting alternatibo pamalit ng nasabing “sapatos ng King of Pop.”

“Michael Jackson, isang Dreamer naman diyan.”

Hindi kami mayaman. Laki akong baryo at hindi kami mayaman. Kung hindi lang sa pagpupumilit ng nanay ko na papasukin ako sa isang central school, maayos naman ako na makakapag-aral sa eskuwelahan ng aming barangay. Pero mataas ang pangarap ng nanay ko.

“Masyadong mataas,” minsang dinig ko ring sumbat ni Papa.

Gusto niyang makapag-aral ako sa maayos na paaralan at maturuan ng mga gurong may mataas ‘di umano na pamantayan. Gusto niyang makapag-aral ako sa kung saan pinapag-aral din ang mga maykaya sa barangay, ang mga maykaya sa buong bayan. Sa nasabing eskuwelahan, nakasalamuha ko ang mga anak ng puno ng eskuwelahan, mga anak ng pulis, ng seaman. Naging kaklase ko rin maging ang anak at apo ng alkalde ng mga panahong iyon. Mga mayayaman at nakaluluwag din sa buhay.

Kung tutuusin, sampid lamang akong maituturing.

Transferee.

Dayo.

Nagsimula ako na nasa ikalawang seksyon ng eskuwelahan. Maayos naman sa simula. Nakakasundo ko ang mga kasama ko sa klasrum, at wala namang mga usapan kung sino ang may bagong selpon, may baong limang daan, may bagong pasalubong at laruan mula sa magulang na nangibang bayan.

Isang taon ang lumipas, nalipat ako sa unang seksyon. Ang balita ko, nandoon daw nilalagay ang mga matatalino sa klase. Wala akong ideya na kaya may mas alam sila kumpara sa mga nasa ibabang pangkat ay dahil na rin sa pribilehiyo at mapagkukunang mayroon sila bilang mga anak ng mga nasa middle class.

Dito, nabato ako ng iba’t ibang klase ng tingin, mula ulo hanggang paa, mula sa lumang bag na dala, sa suot na kupas na uniporme, sa pudpod na tsinelas, sa mababang mga marka, sa maluwag at medyas na madumi na — sa suot na sapatos.

Mukha rin naman talagang sapatos ni Michael Jackson ang sapatos na iyon. Kulang na lang, imbes na palda at puting uniporme, pinarisan ko na lang sana ng itim na dyaket, sumbrero, at pantalon. Nagmoon walk na rin nga sana ako. Nag-Billie Jeans. Michael Jackson na nga.

Ako naman, palihim na mahihiya at mananahimik na lamang. Minsan, bigla na lamang tatayo mula sa kinauupuan at mang-aapak ng paa.

Ah, Matigas pala ang sapatos ko, ah. Ah, Michael Jackson pala, ah.

Sige.

“Michael Jackson, ‘eto, oh. Regalo ko. Sana magustuhan mo.”

Minsan, sinubukan kong magtsinelas sa klase. Sira-sira na ito at pudpod mula sa kilo-kilometro at araw-araw na lakarin mula sa bahay patungo sa nasabing paaralan, pero iyon lamang ang mayroon ako. Nasa Maynila rin sila Mama at nagpapagamot sa kapatid kong maysakit kaya wala akong mahingian ng pambili. Nasanay na rin akong huwag manghingi lalo pa’t wala namang maibibigay.

Tinatago ko na lang ang paa ko sa ilalim ng upuan at pinipigilang makalat sa klasrum ang tsinelas upang hindi nila makita ang butas nito sa gawing sakong. Kapag may nakakapuna, agad kong iniiba ang usapan o ‘di kaya naman ay nagpapanggap na lamang akong walang narinig o namali ng narinig.

Minsan, inanunsyo sa klase ng titser ko na sira-sira na at pudpod ang tsinelas a gamit ko. Aniya, tanda ng pagkakaroon ng mabuting-asal ang pagbibigay at pagkakawang-gawa. Iminungkahi niya na mag-ambagan ang klase para matulungan akong mabilhan ng sarili kong sapatos o tsinelas.

Mabuti naman ang intensyon, pero hanggang ngayon, bitbit ko pa ang alaalang iyon. Lumaki akong kinakaawaan ng mga tao. Binibigyan ng mga pinaglumaang damit o tsinelas ng mga kaklase habang pinagtatawanan habang nakatalikod ng iilan.

“Michael Jackson! Kumusta ka na?”

Ilang taon na ang lumipas. Maayos na kami ng ilan kong dating kaklase. Lumaki na sila. Nag-mature na ang iba at kasundo ko na rin. Nakakatawanan. Nakakausap nang maayos. Minsan nga, nakakatawa na lamang na bigla na lamang may lalabas sa messenger ko para humingi ng tawad, at ‘di kalaunan, ng tulong. At ang pambungad nila, madalas ang salitang “Sorry.”

Ilang taon na ang lumipas, higit magdadalawang dekada na. Hindi ko na tanda ang pangalan ng ilan. Hindi ko alam kung kilala pa nila ako.

Higit sampong taon ang itinagal bago ako natuto, bago ko nalaman at na-proseso ang mga nangyari.

 Ah. Bullied pala si Michael Jackson. Ah, mali pala ang ginawa nila dati. Ah, hindi pala iyon kaaya-aya. Ah, bullying pala iyon.

Biktima pala ako nang hindi ko nalalaman dahil ignorante ako at wala pang alam, dahil akala ko, ganoon talaga kapag mga bata – naglalaro, nagkakapikonan, nagkakasakitan.

Akala ko, ganoon lang talaga ang kabataan.

Ilang taon rin bago ko nilabas ang nasabing kuwento. Naisip ko kung ano ang maiisip ng mga nakakakilala sa akin matapos na marinig nila o mabasa ito. Makikita kaya nila ang sarili nila sa mga bahagi nito? Makikilala ang mga kung sino-sino?

Maaalala kaya nila kung sino ako?

“Si Michael Jackson, ang dakilang Entertainer.”


Nagtapos ang Sorsoganong si Kim Pearl Mandane ng Bachelor of Secondary Education sa Bicol University College of Education kung saan niya piniling pagkadalubhasaan ang Wikang Ingles bilang midyum ng instruksyon. Ilang taon din siyang naging guro sa nasabing asignatura, tagasanay sa Pamahayagang Pangkampus, manunulat, at editor sa Pahayagang pampaaralan ng kolehiyong nabanggit bago naisipang tumutok sa pagsusulat at maging…unemployed. Sa kasalukuyan, pinalad naman siyang makuha bilang isang editor sa isang pribadong kompanya. Isa rin siyang freelance writer na kung sinusuwerte ay nakaka-jackpot sa mangilan-ngilang kliyente sa loob at labas ng bansa. Sa kasalukuyan, siya ay matatagpuan sa Albay at nakikituloy sa bahay ng kanyang nobyong mahilig sa hayop kasama ang kanilang mga pusa, aso, cockatiel, at kuneho. Tulungan siyang hindi mamulubi at magutom sa pamamagitan ng pagkonekta sa kanya sa kanyang LinkedIn profile: https://www.linkedin.com/in/kim-pearl-mandane-lpt-7677a0190/. Maaari rin siyang padalhan ng mensahe sa kanyang email: kimpearl.mandane@gmail.com.

1 comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: