hapót-simbág

Alegorya ng Kara-Krus: Paghahanap ng “Truth-Giver” sa Siglo ng Panonokhang

Nahilig sa pagsusugal ang aking mga kapatid nang ito’y ipasa ng aking tiyuhin. Nariyan ang maglaro sila ng pusuy, tong-its, at maging kara-krus. Sa aking mga nabanggit, paborito nila ang paglalaro ng kara-krus. Tuwing sasapit ang Sabado’t tapos na sa kaniya-kaniyang gawain, maririnig ang kalansing ng nag-iikutang barya sa tapat ng tindahan ni Aling Elma—hudyat ng pagsisimula sa mahaba-habang prusisyon ng pagkakara-krus.

Hindi naiiba ang kara-krus sa konsepto ng toss coin, maliban nga lamang kung magkakaroon ng pustahan. Madalas, ang aking kuya ang nagiging bangka laban sa aking bunsong kapatid at mga kapitbahay. Nagsisimula ang laro sa oras na ilapag na ang kani-kaniyang pusta, at nagtatapos sa oras na maubos ang kani-kaniyang laman sa bulsa. Minsan tumatabla, madalas ang dalawang “kara” o dalawang “krus.”

Sa ganitong pagkakataon, gumagawa ng paraan ang bangka upang makaahon sa pagkalugi. Dahil si kuya ang pinakamatanda sa kanilang tropa—na siya ring ‘bosing’ nila—maaaring ipagbawal ni kuya na ipakita kung ano ang resulta ng mga baryang tinutop sa kaniyang palad. Sa ganitong pagkakataon din naman, nagagawa ng kapatid ko na palabasin na siya: bilang bangka—ang nanalo. Ang nakaloloko, walang sinoman sa kaniyang mga kalaro ang umaapela. Buong pagtitiwala nilang tatanggapin ang inilalabas ni kuya sa resulta.

Kaya madalas, nanalo ang aking nakatatandang kapatid.

Hindi ko masabi na hindi nanloko si kuya—kaya niyang palitawin na ang kaniyang hatol sa nakatagong barya ay patas at totoo. Kung bakit nagkaganito; siguro ay pinagkakatiwalaan si kuya’t mali ang hinuha ko, o sadyang may nakaambang na respeto sa kaniya bilang nakatatandang lalaki sa kanilang magtotropa—na animo’y ang kaniyang mga nakalaro ay mga nagsiluhurang tupa at siya ang dakilang pastol.

Ano’t-ano pa man, mananatiling nasa kamay ng bangka—kamay na inilagak at hinayaan lamang sa posisyon—ang kahihinatnan ng laro.

Alegorya ng Kara-Krus: Laro ng Katotohanan

Mula sa isang interbyu (“The Ethics of the concern of self as a practice of Freedom”) kay Foucault noong 1984, inilahad niya ang relasyon ng paksa at ng games of truth sa puwersado (coercive) na moda tulad ng pagkabilanggo; at sa teoretikal-sayantipiko (theoretical-scientific) na moda tulad ng pag-aanalisa sa yaman, kaalaman, at wika. Ayon kay Foucault, ang games of truth ay hindi isang coercive practice, bagkus isang ascetic practice of self-formation—isang aplikasyon ng sarili para sa sarili upang mabuo at/o mabago ang sarili sa isang tiyak na katayuan o moda.

Ang anyo ng pagsasabi ng totoo o truth-telling ay kilala rin sa katawagan na parrhesia. Pinakawalan natin ang dalumat ng nakalap na katotohanan upang makawala sa hawlang binuo ng represyon—kung saan ang “parrhesia” ay maituturing na kasangkapan (tool) at kaalaman (technology) ng nasusupil na naghiwalay, nagbilanggo, at nagkunlong sa mekanismo ng panunupil.

Maihahalintulad ito sa kondisyon ng manunupil at nasusupil na isinalarawan ni Paulo Freire sa “Pedagogy of the Oppressed.” Alinsunod sa hinuha ni Freire: ang nasusupil, na nakondisyon sa imahen at tagubilin ng manunupil, ay naliligiran ng takot sa paglaya (47, 51). Dahil para sa kanila, ang paglaya ay pagtalikdan sa mga tagubilin—at ang pagbuo ng kasarinlan ay pagpapataw sa sarili ng responsibilidad. Sa madaling sabi, ang tao ay likas na palaasa’t naka-depende. Hindi nila hahayaan ang sarili na mahirapan kung kaya’t ipasasailalim nila ang sarili sa iba—para sa inaakalang pangkalahatang kapakanan.

At dito, napagsasamantalahan ng manunupil ang kahinaan ng kinasasakupan—sa pamamagitan ng pag-iibayo ng takot. Takot ang dahilan kung bakit hinayaan na lamang nila ang bangka na manalo, takot ang dahilan kung bakit sa pandadahas ay napatitikom ang mga bibig, takot ang dahilan kung bakit may ibang pinili na bumaligtad at pumanig na lamang sa manunupil, takot ang dahilan kung bakit nanatiling dahop ang bansa sa kaalamang politikal—at ang takot ang maituturing ko bilang pinakamatinding kaaway sa pakikibaka tungo sa pambansang kamalayan, kalayaan, at kasarinlan.

Paghahanap ng Truth-Giver sa Lawa ng mga Pangako

Saan nga ba mahahanap ang katotohanan sa lawa ng mga pangako? Sa samu’t-saring koleksiyon ng mga datos, mapaiisip din tayo kung paano masasala ang totoo sa hindi—lalo na ngayon at naglilipana ang mga tagapagbuo ng sarili nilang diskurso ng katotohanan, katotohanang taliwas sa pansariling paniniwala.

Masasabi ko na sa panahong ito, wala nang pagkakilanlan sa katotohanan at hindi—lalo na’t ang depinisyon ng katotohanan ay ang pagtanggap sa dalumat bilang tama’t totoo. Kaya nga, laganap ang mga paksyon o grupo na may pagkatutulad sa paniniwala—kada kahon ng paniniwalang ito ay may koneksiyon sa iba pa ngunit hindi kailanmang magkakaparehas. At kung sa mga kabi-kabilang kahon na ito ay may kaliwa’t kanan palang paniniwala: nasaan ang totoo ng mga totoo?

Marahil, mapagbibigyang-solusyon ito ng ilang tala hinggil sa kasaysayan at kamalayan. Sa ilang nabasa ko sa aklat na “Pilipinas: Ang Bagong Lumipas” na mula sa tala ng historiador na si Renato Constantino, ang kasaysayan ay nararapat lamang na magsilbing tagapagbuo ng parang hiwa-hiwalay na mga bagay at pangyayari upang magkaroon ng kalinawan ang prosesong historikal—o ang proseso na siyang magsisilbing tulay sa panlipunang realidad (480). Malaki ang kontribusyon ng kasaysayan bilang tala ng mga kawsa—o mga bitak na maaaring makapagbigay-dahilan kung paano nagsimula o nagtapos ang isang bagay.

Ngunit, ang mga bahagi ng kasaysayan ay limitado lamang. May ilang bahagi nito na hindi mabigyang-koneksiyon, o hanggang ngayo’y hinahanapan pa rin ng solusyon—kung paano ang mga minimal na detalye ay mag-uungkat sa mas malawak na naratibo. Kung ang mga bahaging ito’y hindi sapat upang punan ang “totoo ng mga totoo,” paano ito mahahagilap?

Dito papasok ang ilang pilosopo at ang kanilang pagbabagtas ng pilosopiya’t ideolohiya. Mula sa mga nakalap na katotohanan, dito nila ibinabahagi ang kolektibo ng mga kaalaman—na kung minsan ay natatanto pa nga sa iba pang banghay ng katanungan. Dahil ito ang mga “totoo ng mga totoo,” ang koneksiyon ng mga katanungan na ibinabanghay bilang kasagutan. O sa madaling sabi, nasa mabusising pag-aanalisa nabibigyang-daan ang pag-usbong ng katotohanan.

Ngunit kung minsan, katulad ng paglalaro ng kara-krus—nagagawang baligtarin ng bangka ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng post-truth, o ayon kay Foucault—ang paglagak sa kaniya (bangka) bilang truth-teller at pagsasatibay na ang lahat ng sasabihin niya ay pawang katotohanan. Pinipigilan ng post-truth ang kalayaan sa kamangmangan: pinapanatili ang post-truth sa pamamagitan ng paglilimita at pagtatakip sa datos na siyang sisira at lalantad sa ikinadenang katotohanan. Sa ganitong paraan; namamanipula ang katayuan ng isang tao, isang komunidad, maging sanga-sangang grupo upang ituring ang itinalagang katotohanan bilang reyalidad.

Maihahalintulad ang pagtataklob nito dahil sa pagpapalawa ng mga isinambit na mga pangako—isang kondisiyon na maihahalintulad sa diskurso ng false generosity. Ang pagsumpa ng mga pangako ng mang-aapi ay isa lamang kapamaraanan upang lumambo ang naaapi—kung saan nakikita nila ang pangako bilang pagsilay sa katotohanang matutulungan sila. Paulit-ulit ang paghahain sa atin ng mga politiko ng kani-kanilang mga imahen ng pagpapakumbaba: tulad ng paglalakad ng nakasinelas, pagkain sa tasa, paggamit ng kulambo, pagiging mabuting ama—na tumataklob sa politikal na estado ng mga manunupil na ito. Kaya hindi kataka-taka kumbakit ang mga imahen ng pagpapakumbaba na ito ay talamak na nagagamit upang palitawin na sila’y “nagpapakatotoo” lamang—sa sila’y tao rin sa kabila ng lahat.

Siglo ng Panonokhang: Katok ng Kamatayan

Dahil sa mga imahen ng pagpapakumbaba, nagagawang ikintal sa mga tao na ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng lahat—at isa sa mga matibay na halimbawa nito ay ang pangangatok ng kamatayan, o kilala ng lahat bilang ‘tokhang.’

Ang ideyal na imahen ng tokhang sa panahon ng drug war ang pangangatok sa ilang drug addict upang arestuhin sila na hindi gumagamit ng dahas—na hindi malabong sasang-ayunan ng lahat. Dahil nakatatak na sa masa na ito’y bunga ng pagpapakumbaba, hindi na nila alintana kung may minsanang paggamit ng dahas, kung minsan ay may mapagbibintangan, at kung minsan…pati ang mismong kakilala o kamag-anak nila ang mismong sumambulat sa pagkatok ng mga sugo ni Kamatayan. Lahat ng ito ay nagagawa pa ring isubo ng ilan—dahil sa nanatili silang bulag at nalunod ng buhay sa binuong lawa ng mga pangako—kung saan nakakapit pa rin sila sa pagbabakasakali na balang araw, titigil na ang bangka…na hindi na niya muling paiikutin ang mga barya’t paayusin sa kaniyang kapakanan.

Ngunit ang katotohanan ay hindi tuluyang sisibol hanggang hindi mamumulat sa kamalayang politika ang mamamayan—at kapit-bisig silang magtutulungan sa pagbabalikwas, bilang gawaing kolektibo. Dahil ang paraan upang matutop ang kamay ng bangka upang ilahad ang mga barya ng katotohanan ay ang sabayang pagbaklas sa pagkakatakip nito. Lulubog ang bangka. Lulutang ang dalawang mukha ng kara sa nakatalikod na mukha ng krus.


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, at kasalukuyang creative director ng Revolt Magazine. Ang hapót-simbág ay ang kauna-unahan niyang lingguhang komentaryo, analisis, at rebyu hinggil sa lipunan at kultura. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mkcjimenez@revoltmagazineph.ink. Makipaghuntahan kay Marya sa Minds at MeWe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: