Golden Age
Tahimik lamang akong nagtatahi ng aking bestida nang marinig ko ang boses ng aking mga apo.
“Ang galing pala talaga ni Marcos, ano? Golden Age pala ang Pilipinas noong panahon niya.”
“Oo nga, dapat lamang siyang ilibing sa libingan ng mga bayani dahil sa kadakilaang ginawa niya.”
“Kung ang anak lang sana niya ang presidente ngayon. E ‘di sana…”
“Lola!” bati ni Joven nang makita ako.
“Mga apo,” sambit ko bago sila nagmano.
“Pagpalain kayo ng Diyos. Sige na magbihis na kayo ng pambahay.”
“Sige po.” Bago sila sabay na tumalima at ako’y tinalikuran.
“Basta ako, idolo ko si Marcos. Siya ang pinaka-dabest na naging pangulo ng Pilipinas,” rinig kong sambit ng ni Joven.
At wala akong nagawa kung hindi ang mapaluha nang tahimik, habang pinagmamasdan ang dalawa kong apo.
Ang mga anak ng naging anak ko dahil sa panggagahasa sa akin noong Martial Law.
Napakaliit na (Sand)ata
Isa akong batang nakatira sa look ng Maynila. Sa tagal ko ritong nakatira. Madami akong nabuong masayang alaala. Subalit isang araw ako’y biglang nabahala. Nakita kong wala ng buhay ang aking mga kababata. Lalapitan ko sana sila nang pigilan ako ni Ina. Wala akong nagawa kung hindi titigan ang pumatay sa kanila. Napakaliit niya at napakaganda. Ngunit nakamamatay na sandata. Pagbabayarin ko sila. Subalit tinawag na ako ni Ina. Kaya naman tinitigan ko muna sila nang masama. Bago tumalikod at pinagalaw ang mga palikpik para sundan si Mama.
Oras
Dati, sa oras na tumutok ang mahabang kamay ng orasan sa numero ng anim habang ang maliit naman ay nasa numero ng dalawa. Natutuwa ako.
Oras na kasi noon ng uwian. ‘Yong tipong magpapaalam ka na muna ng panandalian sa mga kaklase at kaibigan mo para makauwi na sa bahay. Magpapahinga. Mag-aaral ulit. Kakain tapos magpapahinga.
Ang dami nating pahinga dati pero dahil sa pandemya. Nagbago ang lahat.
Buong maghapon na akong nakatutok sa aking laptop. Babad sa pag-aaral. Nalilipasan na rin ng gutom. Kaya minsan napapaiyak na lang ako.
Ang dami na kasing nagbago. Hindi na ito yung nakasanayan ko–namin. Kaya naman sa oras na tumututok ang mahabang kamay sa numero ng anim at ang maliit ay nakatutok sa numero ng dalawa. Hindi na ako ngumingiti. Balewala na lamang sa akin ang oras na ito.
“2:30, pinakawalang-kuwentang oras sa lahat.”
[Nagkamit ng Unang Gantimpala sa ginanap na patimpalak sa Pagsulat ng Dagli (Finals) ng Vox Veritas. Ang resulta ng patimpalak ay mula sa deliberasyon nina Maria Kristelle Jimenez at Kayla Nicole Togonon.]
