Isang pintuang nagliliwanag
ang tangan-tangan sa palad,
lagusan mula loob pa-labas.
Nagsisilbi ring bintanang
walang hangganan ang tanaw,
walang anumang harang sa paningin.
Sa pader na ito na kayang yakapin
ng kamao nakapaskil
ang kanilang mga kuwento—
ng mga babasaging ibinalik
sa kani-kaniyang kahon
at mga kaluluwa’t katawang
nakikipaghabulan sa panahon.
Salaming hindi kayang
ipakita ang hinaharap
kaya’t patuloy na nakikipagtitigan
sa nakaraan at sa kasalukuyan.
Sabay na malapit at malayo
ang mga balat sa magkabilang-dako.
Kumakaway sa kawalang kasiguraduhan,
kinukumusta ang mga alinlangan.
Bukas na telon,
itinatanghal sa entablado
ang isang masalimuot na trahedya.
Hindi tiyak kung kailan
papalakpak o luluha.
