mainit ang aspalto sa paglisan ng mga
anino habang malayang gumagala ang
mga kaluluwang ligaw, subalit hindi sila
ang kinatatakutan—
may kung ano sa hangin ang bumabawi
sa hininga ng iilan at nagpapakalam sa
sikmura ng marami
di naglao’y dahan-dahang nagbalik sa
inabandunang lansangan ang mga
katawang naghahanap ng
maipanlalaman-tiyan,
kibit-balikat sa mga nakakasalubong na
kaluluwa, sa init ng hanging
nangungutya
habang minamatyagan ng mga nanlilisik
na mga mata sa silong ng mga
nagtataasang kongkretong tore, sa mga
gintong de-makinang karuwahe;
pinagmamasdan din lamang sa di
kalayuan ng nakaupo sa trono sa loob ng
palasyo
katabi ang mga alagang hayop na walang
tigil sa kakakahol sa isa’t isa
wala namang magawa ang mga pantas
upang pigilan ang mga gutom na
katawan na suungin ang di nakikitang
peligro; tanging pag-iingat na lamang
ang kanilang maipapayo
hindi rin naman sila ang pinakikinggan
ng may kapangyarihan para sugpuin ang
tusong kalaban, may iba’t ibang palabas
kasi itong pinagkakaabalahan
na para rin naman daw sa ikaaaliw ng
mga kaluluwa at katawang paikut-ikot sa
labas
