Yakap-yakap nang muli ng kama ang babasaging sisidlan, laman ay kakaunting alaala, mabibilang na mga karanasan, mga birong hindi hihigit sa dalawang tawa ang halaga, mga kuwentong naluma na kakatago, mga pangarap na nais na lamang manatiling mga pangarap. Isiniksik ito sa isang maleta kasama ng mga damit, sapatos, libro, laptop, kumot, unan, plastik na baunan, mga kubyertos, ilang sachet ng shampoo, toothbrush, toothpaste na hindi pa gaanong nababawasan, at sandamakmak na eco bag na iba’t iba ang laki at kulay. Ibiniyahe nang kilu-kilometro upang ibalik sa pinanggalingan, itagong muli sa luma nitong lagayan. Sanay naman na ang sisidlan na makipagtitigan sa dilim, makipagbulungan sa hangin, yakapin ang kawalan. Subalit ngayo’y balisa. Tila may hindi tama. Hindi na mahanap ang mga mata ng dilim, ni marinig ang bulong ng hangin. Wala na rin ang init ng mga bisig ng kawalan. Tanging nakikita, nauulinigan at nararamdaman na lamang ay ang mga luha, hikbi at pangangatal ng kahong binalikan.
