Seresa

Talim ng Liwanag: Pagbabalik-tanaw sa Nobelang “Sa Mga Kuko Ng Liwanag” ni Edgardo Reyes

Naaalala ko ang isang pagkakataon, unang beses kong pumunta noon sa UP kasama ang mga dating kaibigan, papuntang UP Press. Dala ko ang naipong mahigit isang libong piso. Mayroon silang 50% sale at nataon pa na sa buwan ng aking kaarawan (Disyembre) kaya sabi ko’y regalo ko na lamang din sa aking sarili. Apat na libro ang na-iskor ko. Etsa-Puwera at Utos ng Hari ni Amang, Kumbaga sa Bigas ni Ka Pete Lacaba at ang Landscapes ni Clinton Palanca.

Sa Pagbabasa at Pagbili ng Suka

Pagkauwi na pagkauwi, parang musmos akong nag-ayos ng aking lalagyanan ng mga libro sa ilalim ng maliit na lamesa sa gilid ng inuupahan naming kuwarto. Di mapigilang ngumiti at amuy-amuyin ang mga pahina (isang kakanyahan na hanggang ngayon ay nasa akin pa rin) ng mga bagong aklat. “Nababaliw ka na ba?” Iyon ang di ko mawari kung seryoso o sarkastikong tanong sa akin ni Mama. Naninibago siya dahil imbes na nakatambay sa malapit na computer shop ang buto’t balat niyang panganayay naroon sa bubungan o nakaupo sa sala’t nakayuko habang hawak sa dalawang kamay ang kung anu-anong mga libro na hindi naman required basahin sa klase. Sinisinghot-singhot pa na parang rugby kada buklat ng pahina.  Noong mismong kaarawan ko na, bumili ulit [pa rin] ako ng antolohiya ng mga maikling kuwento mula sa mga manunulat na nanalo ng nobel. At nagtuloy-tuloy na. Unti-unting nadaragdagan ang mga librong aking binibili/hinihiram na nagsisiksikan sa makipot na espasyo ng aming bahay. At marahil sa puntong iyon, nagsimulang bumukas ang pinto ng mga posibilidad para sa akin na hindi ko kailanman nadama sa iba liban sa pagbabasa. Ang dati-rating pampalipas oras lamang na aktibidad ay naging parte [malaking bahagi] ng aking pag-iral, kumbakit ako nananatiling humihinga hanggang ngayon. Ika nga ni Rene Villanueva:

“Nang bumukas ang pinto, nilamon ako nito nang buong-buo. Wala akong kamalay-malay, sa simula, na nilululon na pala nito ang buong pagkatao ko, pati ang kaluluwa ko. Pero hindi ko ito pinagsisisihan. marahil, karapat-dapat sabihing ito ang bumago sa direksiyon ng buhay ko. Ito ang nagligtas sa akin, tawanan man ako ng iba at marami, sa pagiging karaniwan. Pagbabasa ang nagpatuklas sa akin na mayroon pala akong kaluluwa. Pagbabasa ang unang kumumbinsi sa akin na, sa pamamagitan ng aking isip, ay makalilipad pala ako, at makararating sa kung saan-saang lupalop.” (Villanueva, 2007)

Wala na akong maidaragdag pang mainam na paliwanag kung paano ako/tayo isinalba/isinasalba ng pagbabasa/panitikan sa mga sariling multo’t demonyo ng buhay. Kaya heto’t nais ko lamang magbahagi (bilang panimula) ng isang manunulat na may malaking parte sa aking katubusan at ng isang pagsipat sa isa niyang akda: si Edgardo M. Reyes at ang kaniyang Sa Mga Kuko ng Liwanag.  

“Pinabili lamang ako ng suka,” iyan ang isang dedikasyon ni Ka Edgar sa librong pinapirmahan ng isang [naging] propesor. Lagi’t lagi niyang sinasabi na wala sa hinagap niya noon ang larangan ng pagsusulat. Ngunit heto siya ngayon, kinikilala bilang isa sa mga haligi ng Panitikang Filipino. Lahat ika nga ay isa lamang aksidente. Maging ang ating mga landasin sa buhay ay wala sa ating mga kamay. Mas masaya ang buhay na puno ng surpresa’t kapanabikan kaysa sa isang programadong bersiyon nito, alingawngaw ng kaniyang karakter na si Ding sa isang hiwalay na nobela (Laro sa Baga). Iyon marahil ang kaniyang sagot sa pagbuno ng isang buhay, gaano man ito kaikli o kahaba. Gaano man katiyak ang hangganan ng ating mga hininga.

Buod ng Nobela

Mula probinsya’y dadalhin si Julio Maldiaga, isang maralitang mangingisda ng kanyang mga paa papuntang Maynila upang sundan ang mga yapak ng kanyang kasintahang si Ligaya Paraiso. Pagkat magmula nu’ng kunin siya ng isang nagpakilalang Misis Cruz, buhat sa pangako ng isang maalwang trabaho’y wala na silang narinig ni natanggap na liham mula sa dalaga. Na bali-balita’y mayroon nang kinakasamang asawang Intsik.

Duon ay mararanasan niya ang samu’t saring hagupit ng mga kuko ng liwanag. Ang indipirensiyang saksak at lagim ng lungsod para sa mga kagaya niyang nasa mababang uri sa lipunan na naghahangad ng pantasyang kinabukasan, sa mapanuksong pangako ng kaunlaran. Naroong makursunudahan siya’t tangayin ang lahat ng kanyang inipong pera papuntang Maynila na dapat sanang nakalaan para sa kinabukasan nila ni Ligaya. Ang panlalamang sa kanya ng isang di-umanong nagpakilalang pulis nang minsang gabihin siya sa pagmamatyag sa isang bahay sa loob ng Chinatown na kutob niyang pinaglalagakan ng minamahal. Ang di makatarungang pasahod sa kanilang mga manggagawang pawis at buhay ang puhunan para lamang maisakatuparan ang pagsasabuhay ng adobeng lupa para sa kaginhawaan ng iilang ni di man lamang nakaranas magkakalyo sa kamay.

Mga pangyayaring siyang magiging mitsa ng nuo’y bukal na loob ni Julio tungo sa isang taong bunga ng mga kontradiksyon ng kanyang kinabibilangang kapaligiran. Lalo pa itong pinatingkad sa isang prologo sa kalagitnaang tsapter ng nobela:

“Sa bawat latay, kahit aso’y nag-iiba. Sa unang hagupit, siya’y magtataka. Sa ikalawa, siya’y mag-iisip. Sa ikatlo, siya’y magtatanda. At sa ikaapat, humanda ka!” (Reyes, 1986, p. 96).

Nagawa niyang pumatay ng isang inosenteng manggagawang kagaya niya para lamang maisalba ang kalam ng sikmura. Makikilala niya si Atong, kasamang manggagawa na siyang magpaparamdam sa kanya ng malasakit at kabutihang loob dahil sino pa nga bang makauunawa sa kanya kundi ang isa ring kagaya ni Atong na isa ring biktima nang pang-aabuso ng lungsod at kawalang hustisya para sa mga karapatang marapat lamang na tamasain nila ngunit lagi’t laging pumapabor sa mga nakaririwasang iilan.

Pasalit-salit ng trabaho si Julio. Pana-panahon lang din kasi ang mga trabahong pinasok niya na kadalasa’y nakabase lamang din sa kontrata’t demand ng mga namumuhunang negosyante. Nang makuha ang huling sahod ay nagpasiya siyang balikan ang naging matalik na kaibigan na si Pol.  Estudyante ring kagaya ni Imo, kanyang kasamahan na pinagsasabay ang pagkayod at pag-aaral, tinitiis ang humapding bituka ng pamilya matustusan lang ang matrikula ngunit si Pol ay huminto dahil di gaya ni Imo’y mas iniisip nang nauna ang kanyang pamilya liban sa sarili.

Naikuwento ni Julio kay Pol si Atong nang minsang maalala niya ito upang matulungan dahil sa pagkakatanda niya’y nangangailangan din ito upang sa pasko’y mabilhan man lamang ng gamit ang kapatid na babaeng si Perla. Ngunit isang mapait na balita ang bumungad sa kanila, patay na si Atong. Umalma dahil ang dapat sanang sasahuri’y ipinambayad sa di sinasadyang nasirang gamit. Sinubukan pa niyang kausapin si Kalbo, ang kanilang amo, ngunit lalo lang nitong pinagpuyos ang damdamin niya kung kaya’t nasugod niya ito. Sa kulungan, pinagtulungan at kinuyog dahil ang balita’y may isang kapatid na sarhento si Kalbo.

Dito pa lamang mag-uumpisa ang mga sunud-sunod na biro ng tadhana kay Julio dahil masusunog ang tahanan nila Perla’t hindi nila maibibigay ang nais na tulong para sa naulilang mag-ama ni Atong. At mauunsyami ang dapat sana’y pag-uumpisa nang panliligaw ni Pol.

Mababalitaan niya kay Imo, na ibang-iba na ang postura’t pananalita, kababakasan na maginhawang pamumuhay na isa nang puta si Perla. At ang masaklap, marahil ay ginamit nito ang dalaga.

Sa puntong iyon, kung saan wala na ni katiting na pag-asa kay Julio, magkikita sila ni Ligaya. Humpak at namamaga ang mga mata, sasabihin nito sa kanya ang kababuyang ginawa sa kanya’t pagtataksil ni Misis Cruz. Na ang pangakong trabaho’y prostitusyon pala. Isasalaysay niya kung paano siya nahulog sa bitag ni Ah Tek, ang parokyano niyang Instik na nagpalaya sa kanya sa bahay putahan kapalit ng kanyang sarili, isang panibagong hawlang walang pinagkaiba sa nauna. Ora mismo’y aaayain niya si Ligayang tumakas ngunit sa umpisa’y mag-aalangan ito dahil sa kanyang anak na alam ng asawang Intsik na hindi basta-basta iiwanan ni Ligaya. Ngunit nanaig ang pagnanais ni Julio na mailigtas si Ligaya. Nangako siya ritong itatakas silang mag-ina, mag-uumpisa silang muli. Anuman ang mangyari’y maghihintay si Julio sa kanilang tagpuan. Nanghingi ng tulong si Julio kay Imo upang makasapat ang perang gagamitin nila sa pagluwas ngunit hindi ito sumipot sa kanilang napag-usapan. Implikasyon ng tunay na interes ni Imo at kanyang pagkatao. Sa halip, dumiskarte si Pol at nairaos nila ang perang kailangan ni Julio.

Ngunit walang Ligayang dumating. Hindi na inabutan ng bukangliwayway si Ligaya. Nahuli ito ni Ah Tek sa akto nang pagtakas at duo’y sinakal hanggang sa mahulog sa matarik na hagdanan ng kanilang bahay. Ang balitang ito’y unang nabasa ni Pol sa isang diyaryo kung saan sinasabing isang aksidente lamang ang lahat sa kabila ng mga marka sa leeg na nagpapahiwatig na hindi ito isang karaniwang kapabayaan.

Dito lubos na aabot sa rurok ang poot ni Julio. Pagkatapos na pagkatapos na mailibing si Ligaya’y sasadyain niya si Ah Tek, pauulanan ng mga saksak gamit ang lansetang kay tagal na niyang kinikipkip. Mapapansin ng mga tao sa labas ang nangyayaring krimen at pagtutulungan nilang bugbugin si Julio, hanggang sa malagutan ito nang hininga, gamit ang iba’t ibang mga hawak nila bilang sandata, sa kapwa nila biktima ng sistemang hindi kailanman pumanig sa mga sarili nitong nasasakupan pagdating sa usapin ng isang patas na pagtingin at karapatan. Tuluyang kakanlungin ng mga kuko ng liwanag si Julio, na mula pa lamang nang umpisa’y wala na siyang kalaban-laban.

Kritikal na Analisis

Nilikha ang nobela sa panahong (1960’s) nag-uumpisa pa lamang ang mga ilang isyung panlipunan na sa kasalukuyang panaho’y isa nang pangunahing problema ng bansa. Halimbawa’y ang prostitusyon. Na ngayo’y hindi na lamang nalilimitahan sa loob ng bansa at malayang nakapangyayari sa loob at labas ng Pilipinas partikular sa mga Pilipinong OFW na tinitiis ang lahat ng pasakit para lamang maitawid ang pamilya. Kung sa milyung ito nabuha’y si Ligaya, maaring isa rin siya sa mga inosenteng Pilipinong nabiktima ng human-trafficking sa kamay mismo ng kapwa Pilipinong kapit rin sa patalim kagaya nang nangyari sa nobela. Ito ay bunsod ng mga di patas na oportunidad para sa mga Pilipino sa usapin ng trabaho’t hindi maayos na alokasyon ng gobyerno sa pondong kinukuha sa buwis ng mamamayan upang masolusyunan ang pambansang kahirapan.

Ngunit masasabing mayroong mga ilang tinalakayna walang pinagbago’t kasalukuyan pa ring nananalasa sa ating panahon. Isa na rito ang kawalan ng hustisya para sa mga karapatan ng mga magsasaka sa kanilang lupa na sa kasaysayan, ay siyang lubos na bigo sa laban para sa kanilang mga lupang minana pa sa kanilang mga ninuno laban sa mga negosyanteng kapitalista. Tingnan ang siping ito, kung saan ipinaparating ng may-akda, sa pamamagitan ng kanyang karakter na si Atong ang mapait na reyalidad ng ating lipunan:

“Inagawan kami ng lupa. Limang ektarya’ng saka naming no’n, hindi sa yabang. Sa Quezon City. Inagaw ni Giazon, ‘yong milyonaryo. Talo kami sa usap. Tinaningan kami para umalis. Di kami umalis. Matigas si Erpat. Magkakamatayan muna, sabi n’ya. Nang susuurin na ng buldoser ang bahay namin, sugod na siya para managa. Binaril s’ya no’ng ‘sang tao ni Giazon.” (Reyes, 1986, p. 29).

Kapansin-pansin din sa akda ang pagsisiwalat ng awtor noon pa man, sa kalagayan ng Pilipinas sa mga dayuhang sumasamantala sa ating bansa. Implikasyon ng pagiging pasibo’t kawalang laban sa nakapangyayaring eksploytasyon sa sarili pa mismong bayan. Maaari nating tingnan ang kasalukuyan, kung saan litaw pa rin ang implikasyong ito. Ang malala’y mismong gobyerno nati’y hindi tumitindig para sa’ting mga karapatan, kahit na naapektuhan na ang ating mga mamamayan. (e.g., ang “insidente” nang pagbangga ng isang barko ng tsina sa mga mangingisdang Pilipino at ang patuloy na pag-angkin ng Tsina sa scarborough shoal na matagal nang napatunayang teritoryo natin sa lehitimong aspeto).

“E, yan namang batas-batas, maging ‘yang hustisya, naro’n ‘yan kung saan naro’n ang k’warta. Saka ibang mga Intsik. Sila’ng hari rito, baka di mo alam.” (Reyes, 1986, p.54).

Walang pangil ang batas ngunit sa mga dayuhan. Katotohanang matagal nang iginiit ng nobela na nakalulungkot isiping walang pinagbago, at lumala pa nga, sa kasalukuyang panahon.

Wika at Estilo

Hindi kalabisang sabihin na mayroong “kakanyahan” sa paggamit ng wika si Ka Edgar. Bunga ito ng impluwensiyang Kanluranin (partikular kay Hemingway) at ng mga naunang Pilipinong manunulat na siyang nagsilang ng kanyang sariling paraan nang pagtingin at pagpinta sa kulay ng kanyang mga istorya.

Kumakawala sa pormalidad ng lengguwahe’t hindi lamang nagsasalaysay bagkus ay ipinakikita ang pagkamalikhain sa pamamagitan ng paglalarawang mas akma para sa kanyang mga tauhan at mga sitwasyong nais niyang ipaabot, ipadama sa mambabasa. Tignan ang unang halimbawa:

“Umiinog ang dilaw na concrete mixer, wari’y globo, at sa pag-inog ay kumakarugkog-kutugkutug kutug-kutug-kutug kutugtug-tugtug.” (Reyes, 1986, p. 5-6).

Mabisang paglalarawan ng imahe dulot ng malikhaing narasyon. Sa ikalawang halimbawa’y tignan naman natin kung paano binibigyang boses ng may-akda ang kanyang tauhan at hindi pawang siya lamang ang nagsasalaysay, sa pamamagitan nang pagpapakita ng lengguwahe ng karakter at pagkawala sa pormal na lengguwahe.

“Tipirin mo’ng atik mo. Hamo ‘ko,” (Reyes, 1986, p. 36).

May mga ilan pang halimbawa nang paglalaro ng salita. Halimbawa’y ang paggamit ni Julio at ng mga “manggagawa” na karakter ng mga salitang “porbinsya” at “tarbaho” na siya mismong nagpapatingkad nang pagiging makatotohanan ng istorya.

Sa usapin naman ng estilo, isa ring kakanyahan ni Reyes ang pagkakaroon ng mga malaprosa’t malatula na prologo sa bawat tsapter ng nobela bilang gabay o bigyang kaalaman ang mga nagbabasa sa magiging tema o mood ng partikular na tsapter. Isang epektibong estilong madalas nang ginagamit ng mga kontemporaryong manunulat. Maaaring tingnan bilang halimbawa, ang nobelang Smaller and Smaller Circles ni F. H. Batacan.

Ang nobela’y walang maligayang katapusan. Maaaring may mga iilang kiliting eksena ngunit kung susumahin, trahedya ang umiikot na tema sa kabuuan ng kuwento ni Julio Maldiaga. Lalo pang nakapagpaigiting ang Ikatlong Panauhang punto de bistang ginamit ni Reyes na limitado lamang kay Julio para lubos nating maramdaman ang mga sakit at lunggati niya’t ariin din itong atin, sa kabuuan ng kanyang paglalagalag sa Maynila.

Ngunit ika nga ni Ka Edgar, “Tragedy is hope!” (Mangahas, 1986). Ang trahedya bilang isang kasangkapan sa paraan nang pagkatha ng mga kuwentong hindi lamang nang-aaliw ngunit nagmumulat sa bawat mambabasa- tungo sa mas malinaw na pagtingin at paglaya ng kamalayan sa lipunang kanyang kinabibilangan- ay lubid sa bangin ng kaignorantehan at pagsasawalang kibo habang patuloy na pinagsasamantalahan ng hayok na ideolohiyang basura pagdating sa praktikalidad.

Kultural na Implikasyon

Hindi kaaya-aya ang mga kulturang Pilipinong ipinakita sa akda. Anu’t anoman, ito’y totoo at di lamang metaporikal. Ang mentalidad nang pagiging makasarili ni Imo, ay bunga ng kanluraning ideolohiya ng tagumpay kumpara sa konsepto natin ng “pamilya” at pagbabayanihan.

Hayag na hayag ito. Ang pagiging maka-ibang bansa ng ating mga sariling mamamayan imbis na maka-Pilipino. Ang paglapastangan sa kasaysayan ng ating mga bayani’t paglimot sa mga sakripisyo’t pagbubuwis nila ng buhay para lamang sa tinatamasa nating kalayaan. Tignan ang sipi sa nobela kung saan ipinakita ito ni Reyes nang makita nila ni Pol ang ilang dalagang Pilipina kasama ng mga dayuhang Marino:

“Ang dalawa sa tatlong marino ay nagpakuha sa harap ni Rizal, yakap ang kani-kanilang mga pareha na nakayakap din sa kanila.” (Reyes, 1986, p.71).

Kabuluhan sa Kontemporaryong Panahon

Esensyal ang nobela pagkat umiigpaw ang panahon nito sa kasalukuyang milenya. Isang klasikong akdang hindi niluluma ng panahon. Lagi’t laging napapanahong basahin ang nobelang ito ni Reyes. Sa kasalukyan, kung saan tayo’y nabubuhay sa kawalang katiyakan buhat sa epidemyang Covid 19 at sa kalabuan ng plano ng ating gobyerno. Maaari nating tingnan ang buhay ng mga ordinaryong mamamayan na kagaya ni Julio, na hanggang ngayo’y nakararanas pa rin ng di patas na oportunidad at malagim na katapusan sa kamay ng isang marahas na lipunan. At paglimian [natin] kung ano ba talagang tama at hindi sa mga napapanuod natin at nababalitaan sa telebisyon/internet. Sapagkat nakakalimutan na nating maging kritikal bunga ng mga sagabal ng teknolohiya, kung saan mayroon nang nag-iisip para sa atin, dahilan kumbakit hindi na natin kayang makapagnilay nang matagal. Nakakalimutan na nating gawin ang mga bagay na dati rati’y bahagi ng ating buhay dahil sa mga madaling “paraan” upang makatipid ng oras at panahon kuno. O di kaya’y sa kagyat na pagkapit sa impormasyon/mis-impormasyong nakikita sa internet (fake news).

Sa nobela’y ipinapaalala sa’tin ang mga krisis hindi lamang ng lipunan kundi ng ating mga sarili. Isa itong paraan nang pagbalik sa ating naetsa-puwerang identidad. Bunsod ng kulturang popular. Ipinu-posisyon tayo sa lente kung paano tingnan ang pagiging Pilipino. Lalo na’t sa panahong ito ng pandemya kung saan kay hirap sagutin ng tanong na iyan. At higit, ikinikintal sa’ting mga isipan na sa kabila ng mga kariwasaang ating nararanasa’y hindi paraiso ang buhay. Mula duo’y magsisimula ang binhi nang pagkamulat sa kinalalagyan nating reyalidad.

Konklusyon

Kung gaano kahalaga ang paghahanda para sa hinaharap, ganoon rin ang paglingon sa nakaraan hindi upang balikan ito kundi upang hindi makalimot sa mga dahilan kumbakit tayo naririto. Ang pagkilala sa ating mga sugat, kahinaan. Nang sa gayo’y maunawaan natin ang identidad bilang isang Pilipino’t bilang isang bansa. Inirerekomenda kong sana’y marami pang makaabot ng mga ganitong nobela, di lamang ni Ka Edgar, bagkus ng mga manunulat na Pilipinong nagsusulat hindi lamang para sa pansariling interes.

Ang lahat ng pagwawakas ay isa ring pagsisimula. Maaaring hindi naging maganda ang katapusan para kay Julio. Ngunit hindi nangangahulugang gayundin ang sa atin. Dahil, may sumisilip ding pag-asa, kahit pa sa pinakamadilim na kuweba ng ating pag-iral. Ang buhay ni Julio’y buhay rin natin. Ang implikasyon ng nobela’y hindi lamang magbigay ng kapirasong katotohanan ng buhay bagkus dinamikong nakikipagtunggali sa mambabasa. Kung ano na’ng susunod nating gagawin pagkatapos mabasa ang nobela. Sa tingin ko’y iyon ang pinakamahalaga sa lahat. Di lamang pumukaw ng emosyon ngunit makapagpakilos ng mga namulat na tao buhat sa pagbabasa. Impluwensiya. Walang makakahigit at nanaisin pang regalo ang manunulat sa sandaling mangyari iyon.

Batis ng Sanggunian:

Mangahas, R. G. (1986). Si Edgardo Reyes at ang kanyang akda at panahon. Sa mga kuko ng liwanag (pp. xi-lvii). Manila: De La Salle University Press.

Reyes, E. M. (1986). Sa mga kuko ng liwanag. Manila: De La Salle University Press.

Reyes, E. M. (1991). Laro sa baga. Pasig, Metro Manila: Anvil Publishing.

Reyes, E. M. (2006). Sa aking panahon, 13 piling katha (at isa pa!). Quezon City: C&E Publishing, Inc.

Villanueva, R. (2007, November 7). Mapalad na Mambabasa. Personal. https://renevillanueva.blogspot.com/2007/11/mapalad-na-mambabasa.html?fbclid=IwAR3ydsm_Dvu1dDAHZ98LbXcdPaFjoUtrHhusXBIht0LVN8UA1bjM4IQs2Jw.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: