Maikling Kuwento

Silong

“If God does not exist, that means heaven does not exist either. And that means that the world’s poor, those millions who live in poverty and oppression, will never go to heaven. And if so, then how do you explain all the suffering of the poor? What are we here for, and why do we have to endure so much suffering, if it’s all in vain?”

—Orhan Pamuk, Snow

“Bente na lang,” sambit ng aleng payukong nakatingin sa kanya sa tonong alanganing nagtatanong.Malumanay ang tinig na iyon kung tutuusin. Isang paslit na nagmamakaawang maibili ng lobo sa magulang; naglalambing, nakikiusap. Ngunit naglaho ang lahat nang tingalain na ni Dante ang mukhang nakayuko sa kanya. Kunot ang noo’t may halong pang-uuyam ang lukot na mukha. Nakapamewang ang kaliwang kamay habang nakadukot naman sa bulsa ng suot na pulang daster ang kabila. Kung anong lumanay ng tinig, siyang tigas ng ekspresyon na waring naghahamon ng pakikipagtunggali.

Matagal na siya sa ganitong kalakaran. Simula pa nu’ng matanggal siya sa pinagtrabahuhang pagawaan ng payong (sila’y pinal’tan ng mga makinang de-kuryente’t de-langis, na inangkat pa sa ibang bansa ng banyagang among wala ni isang simpatya sa kung ano’ng mangyayari sa kanyang mga tinanggal na manggagawa) magpipitong taon na ang nakararaan. Kaya di na bago ang mga ganitong pahiwatig. Gamay na gamay na niya ang ibig sabihin nuon. Hindi makabubuti ang pag-angal, ang pangangatwiran na hindi na dapat bumaba du’n ang presyo ng kanyang serbisyo. Huwag na huwag magkakamaling atungalan ang kanilang mga irap, busangot at pang-mamaliit. Kung gusto niyang hindi mapurnada, kung gusto niya pang mairaos ang isa na namang yugto ng pakikipagsapalaran. Dapat sumunod, dapat lamang na sila ang magtakda ng presyong paghihirapan niya kung ayaw niyang walang maiuwing delihensya na pagsasaluhan nila ng alagang si Doro, na malamang sa malamang, ay naalimpungatan na sa mga oras na ito- kung ayaw niyang kaning sinabawan ng asin na naman ang kanilang i-altanghap (almusal, tanghalian, hapunan). Kung ayaw niyang muling ihain na naman kay Doro, gamit ang naglalaway niyang imahinasyon, ang nag-uumapaw na mga pagkaing sa salamin lamang ng mga restawran niya nakikita.

Nagmamantikang mga putaheng nilulunok nila sa hangin gamit ang mga kubyertos ng kanyang guni-guni. Pagkatapos ay dighay na walang tunog. Hahaplusin niyang tiyan ng alaga, aaluhin ang impit nitong pagkahol, habang sila’y nakahiga sa magabok na papag ng lansangang kinakanlong sila, sa tuwing sasapit ang dilim sa siyudad matagal nang pinanawan ng kislap ng mga bituin.  

Tumugon siya nang nakangiti. Bahagyang nabanat ang kanyang nangungulubot na mukhang lagi’t laging mababakasan ng pagkapagal; sa dami ng pakurba’t sala-salabat na guhit, ay di na napansin ang biloy na lumitaw sa kanang bahagi ng humpak na pisngi. Iyon ang makabubuti. Kailangang ipakitang masaya siya sa naganap na baratan. Ikubli ang pagkadismaya sa kuripot na kustomer. Napalitan ng abot-tengang ngisi ang kaninang mala-anghel na anyo ng ale. Ang lahat ay idinaan na lamang niya sa ngiti. Kinuha niyang lamukos na kahel na papel mula sa kanang kamay ng ale, na litaw pa rin sa mukha ang ang pagkatuwa. Isa na namang araw ang nairaos ni Dante sa Maynila, siyudad ng pag-asa’t ginhawa.

Paroo’t parito sa kanyang harapan ang bulto ng mga aninong dumaraan sa tulay; pababa’t pataas tungo sa magkabilang bahagi ng kalsada. Mga estrangherong nag-uunahan, na para bang isang malaking karerahan ang siyudad. Mahapdi sa balat ang sikat ng araw, tinutusta ang lahat ng mga walang pananggalang: ang kabuuan ng kalsada, ang kawan ng mga taong nanlilimahid sa pawis, mga butas at siwang sa mga yero’t bintana ng mga kabit-kabit na tahanang yari sa pinagdikit-dikit na plastik, karton, goma, kahoy o tabla na itinayo sa mga gilid ng kalsada, maski ang mga basurang tinatangay ng hangin patungo sa maburak na kanal.

Bawat kanto, eskinita o gilid na libutin ng tanaw, meron at merong gusaling lilitaw, huhugis at magkakaanyo; nagkakait ng espasyo ang lahat. Nagsasalimbayan ang walang melodiyang tunog, pito ng mga pulis trapiko, nakakairitang busina ng mga humahagibis na sasakyan sa lansangan, nakakabinging bulyawan ng mga taong nagkakabanggaan, paulit-ulit na pag-aalok ng mga tinderang nang-gigitata ang lagkit sa katawan, naglalako ng mga damit, tumpukang mga prutas, murang selpon at tsinelas na gomang gumuguhit sa ilong ang amoy sa tapat ang maputik na eskinitang iyon sa ilalim ng tulay kung saan nakaluhod ang kaliwang tuhod ni Dante. Nakadantay sa kanan ang mga ginamit niya sa pagkukumpuni ng payong kani-kanina lang. Bakat sa gula-gulanit, libagin niyang pulang t-shirt ang butuhan niyang katawan. Isang kupas na maong ang suot niyang pang-ibaba, halos di na maaninag ang orihinal nitong bughaw na kulay. Ibinalik niya sa sisidlan ang mga gamit sa pagkukumpuni. Lahat ay mga pawang parte’t kagamitan lamang para sa paggawa ng payong liban sa isang malibag na tuwalya’t botelyang plastik na pinaglalagyan niya ng inumin na nakasilid sa itim na lalagyang bakbak na’ng balat. Nilukob nang kalawang ang halos lahat ng mga ito. Mula sa mga alambre, plais, philips screw, turnilyo, hanggang sa maliit na kutsilyong namumungaw sa hasaan. May mangilan-ngilan pa namang kakikitaan pa ng bakas ng kulay, kagaya ng mga hawakan ng mga iba’t-ibang hugis ng payong- kupas na berde, asul, dilaw, at ang natira’y pawang itim- nakasulakbit sa kanyang kaliwang brasong maugat na tila iigkas anumang oras.


Tumayo siya sa pagkakaluhod. Hinigpitan ang nangingitim na sumbrerong pinamahayan na ng alikabok. Pinaling pakaliwa’t pakanan ang leeg. Humikab. Pahapyaw na inunat ang patpating mga balikat. Hinawi ang malatansong buhok. Dinukot ang relong mumurahin na walang hawakan mula sa kanyang bulsa at inilagay patalikod sa magaspang niyang kamay.

“Mag-alas tres na pala ay…” alanganing tanong at pagkabigla sa sarili. Lagi niyang pinagtatakahan na may mga pagkakataon pa rin pa lang kagaya nito. Ang pagpatda ng oras at pagtanto kung gaano na sinubok o minanhid kaya ng panahon ang kanyang kalamnang singaw ng bituka ang palagiang laman. Siyang naghahatid ng kakatwang pagmamalaki sa sarili. At saka lamang papasok ang reyalidad na may naghihintay sa kanyang pag-uwi. Si Doro, -na malamang sa malamang ay kanina pa siya hinahanap- ang kaisa-isa niyang kasama sa buhay simula nang lisanin siya ng kanyang kinakasama.

Si Aida. Ang kaisa-isang babaeng minahal niya. Ang inakala niyang makapagbibigay sa kanya ng inaasam-asam niyang anak, ng isang payak na pamilya. Minsan silang nanirahan duon sa kabit-kabit na tahanang walang bubong, sa gilid ng simbahan sa Tundo. Isang bukas na espasyong yari sa maninipis at pinagdikit-dikit na tabla’t karton na kung tag-ulan ay bumabaha’t nagpuputik, kung saan sinisipsip ng lupang kanilang kinatatayuan ang tubig ulan. Idagdag pa’ng nakasusulasok na amoy bunga ng mga basura’t duming nagkalat sa paligid na pinamamayahan ng mga daga, ipis at lamok. Pinagtiisan niyang lahat para sa kanya. Lagi’t lagi niya itong nilalambing na bigyan na siya ng anak, ngunit ang laging sagot sa kanya’y magsumikap muna bago sila bumuo ng isang pamilya. Pagsisikap na nuon pa lamang ay matagal na niyang isinasabuhay magmula nu’ng siya’y magbakasakali dito sa siyudad. Bukod sa pagpasok ng pagawaan ng payong sa hapon, nagkakargador siya sa palengke sa madaling araw, at tumatawag ng pasahero para sa mga dyip na nakapila sa divisoria kinagabihan. Idlip lamang ang kanyang pahinga. Ngunit anumang gawin niyang pagsusumikap, hindi pa rin ito nakasapat para makumbinsi si Aida na manatili at kalimutan ang ambisyon ng isang mariwasang buhay.

Alaala na lamang ang lahat: anak, ligaya, payak na pamilya. Iniwan siya ni Aida, kasama ang lalaking nakilala sa isang bahay-putahan. Nalaman na lamang niya ang lahat nang paalis na ito sa tahanan nila, habang siya’y papauwi mula sa magdamagang pagbubuhat. Hawak-kamay sila ng kalaguyo, papasakay sa isang sasakyang pagkaputi-puti na malao’y umandar papalayo, malayung-malayo sa kanya. Ni hindi siya nakakibo. Sa halip, pinanood lamang niyang mawala ang lahat dahil napagtanto niya sa kanyang sarili ang kawalang kapangyarihan para pumabor sa kanya ang sitwasyon. Tahimik niyang hinarap ang pamamaalam.

Malalaki ang hakbang ng kanyang mga hubad na paa papanhik sa sementong hagdanan ng tulay na kinupasan na ng dilaw na pinta. Nag-aalala siya kay Doro. Hinalikan niya’t tinapik sa noo ang mahimbing na natutulog na alaga kaninang umaga at nangakong babalik sa oras ng tanghalian bago niya ito iwan duon sa kahabaan ng mga bahay (halos walang pinagkaiba sa nauna niyang tinirahan sa Tundo) na tagpi-tagping nakalatag sa magkabilang gilid ng riles ng tren sa Sta. Mesa.

Gumuhit sa kanyang gunita nu’ng una niya itong makita sa isang istante ng basurahan, kinakain ang lahat ng mangangata ng ngipin. Buto’t balat, tadtad ito ng itim na batik sa katawan, at tapyas ang kanang bahagi ng tainga. Hinaplos niya ito sa likod, dahan-dahan. Nabigla ang aso. Nagkakahol. Garalgal na kahol. Kita sa mga mamuta-mutang mata nito ang kainosentehan, ang pagkatakot.

“H’wag kang matakot ay,” Inilabas niya sa kanyang bag ang isang supot ng pagkaing dapat sana’y pananghalian niya. Mabilis na nagpunta sa kanyang harapan ang aso. Sa una’y dinilaan muna nito ang pagkain, nangangamba. Ngunit kalaunay sunud-sunod, walang humpay itong nginasab. Habang kumakain ang aso’y nangingiti siya, sinisibulan siya ng kakaibang ligaya. Hindi lamang dahil sa nakikiliti siya nito habang kumakain sa kanyang kamay. Hinaplos-haplos niya ang ulo nito. “Doro ay,” bulong niya sa sarili. Imbis na muling umatras at kumahol, bahagyang tumingala ang aso’t dinilaan ang kanyang mga daliri.


Tumungo siya sa karinderya ni Aling Bineng upang bumili ng makakain. Ito’y isang munting lumang bahay- na nakatirik sa pusod ng samo’t saring gusaling ginawang tindahan ng kung anu-anong kagamitan-nilagyan ng partisyon sa ibaba upang gawing kainan na matatagpuan sa kabilang kalsada, pagbaba ng tulay katapat ng isang sanglaan na may katabing kompyuterang hulugan: pisonet. Malugod ang pagtanggap ng matanda, sa kaniya. Palaisipan pa rin sa kanya kung bakit ganoon na lamang ito kabait. Kalimitang mga ordinaryong manggagawa ang pinagsisilbihan nito. Mula sa mga kargador, manggagawang konstruksiyon, sidecar boy, sidewalk vendor– bukod pa’ng mga pulubing pinakakain nito nang libre at namimihasa-sa presyong balik lamang ang puhunan at maaring lugi pa nga.

Napadpad sila dito ni Doro nuong minsang pagkalakas-lakas ng ulan. Mabilis na rumagasa ang tubig sa kalsada. Naglalawang putik ang bawat kalye’t nagsi-apaw ang mga kanal. Kapwa nangangatal sila ni Doro at wala siyang magawa kundi yakapin lamang ito, takluban ng kanyang manipis na bisig na nangiginig habang yakap-yakap ang alaga, sinisiguradong ligtas ito, sa kabila ng umaalimpuyong bugso ng hanging may kasamang malalaking tipak ng tubig na tumatagos sa butas-butas na lonang kanyang itinayo, upang magsilbing pansamantalang kanlungan duon sa gilid ng sanglaan. Karaniwan na nila itong gawin. Mula nang lisanin niya ang entresuwelo’t magpasyang maglagalag. Kung saan sila abutan ng takipsilim, duon sila nagpapalipas nang magdamag. Lansangan ang bahay nila nuon pa man.  Nagitla siya nang marinig ang pagtawag ng matanda mula sa bintana ng bahay sa ikalawang palapag,

“Manong! parine kayo, dumito muna kayo niyang alaga mo’t ke sama-sama ga ng panahon,”

Nagdala ng payong ang matanda. Inakay sila nito papasok sa lumang bahay.

Nakatagpo sila ng masisilungan pansamantala. Silungang hindi yari sa pinagtagpi-tagping kahoy, o sa butas-butas na lona.

“Baka trangkasuhin pa kayo’t konsensya ko pa,” pag-aalala nito.

Kitang-kita ang nagpipilak nitong buhok sa tama ng bombilyang aandap-andap, habang tahimik niyang kinakain ang inihaing lugaw ng matanda. Nakasubsob sa mangkok ang mukha ni Doro, abala sa pagkain ng kaning lamig na hinaluan ng sabaw ng tinola, mula sa putaheng inilalako ng matanda. Pagkuwa’y dinukot ni Dante ang natitirang pera sa kanyang bulsa para magbayad ngunit pinigilan siya ng matanda.

“Naku, ‘wag na ga,” tugon nito. Hindi siya pumayag na walang maisukli man lang sa kabutihang ipinakita nito. Habang hinihimas niya ang buntot ng alaga, nagtanong siya kung sakaling may sira itong payong upang kanyang makumpuni. Yun na lamang ang kanyang pakunsuwelo. Ngumiti ang matanda.

“Mayro’n, ‘yun gang regalo sa’kin ng anak ko.”

Sandali itong naglaho sa dilim, kagyat na bumalik tangan ang isang bulaklaking rosas na payong, na sa pagkakakilatis niya’y bagung-bago pa kung tutuusin.

“Nabali ang tadyang,” may kung anong lungkot na hindi niya maarok sa mukha ng matanda na kanina lamang ay mayuming nakangiti sa kanya.  

Pagkatapos niyang magawa ang payong, agad siyang nagpaalam sa matanda. Tutal, tumila na naman ang ulan.

Mauna na ho kami’t maraming salamat ulit ay,” habang iwinawagayway ang kamay ni Doro na nakadila, bitbit-bitbit niya, sa direksyon ng matanda.

“Dito na ga kayo bumili ng pagkain sa susunod,” sa ikalawang pagkakataon ay sumilay ang ngiti sa laylay nitong mukha.


Punuan ang karinderya ng dumating siya. Nasa unahan ang mga pulubing regular nang pinakakain ng matanda kasunod ang ga-dosenang manggawang kumikintab sa pawis ang mga hubad na katawang nakatalikod sa kanya. Konstruksiyon sa katabing gusaling itinatayo na naman, sa isip-isip niya.

“Manong, kayo pala. Ano gang atin?”

“Munggo ho, saka ‘sang kanin ay,” Habang pinagsasalok siya ng munggo ng matanda, biglang pumasok sa isip niya ang bulaklaking rosas na payong na ipinagawa ng matanda. Mula kasi nuong gawin niya ang payong, hindi na niya ito nakitang ginamit iyon. 

“Pakidagdagan ho ng konting sabaw manang ay,” Kumakalansing ang tunog ng mga kubyertos sa pinggan ng mga kumakain kasabay ng halakhakan ng mga naghuhuntahang miron.

“Ito ga o,” abot ni Aling Bineng.

“Salamat ho ay,” agad niyang pinalis ang katanungang nabubuo sa isip, dali-daling nagbayad, at kapwa sila nagsuklian ng ngiti. Paspas siyang naglakad pauwi, di alintana ang unti-unting pagiging abo-itim ng kalangitan, kasabay nang manaka-nakang pagkulog at pagkidlat.

Malayo pa lamang, tanaw na niya ang buntot na wumawagayway sa direksyon niya. Gumaan ang pakiramdam niya, nang makitang nakadila ang alaga habang nakatali ito sa isang kawayang nakatarak sa madamong lupang iyon, kaninang umaga lang. Narinig niyang paulit-ulit na mahahabang busina, naghuhudyat ng paparating na tren. Pansamantalang pinigil niya muna ang sarili. Pagkalampas ng tren, patalon siyang humakbang sa mabatong riles patungo sa alaga.

“Arf! Arf! Arf!” bati ni Doro.

“Sensya ay,” umupo siya, kinusot-kusot ang balahibo sa tuktok ng ulo ng alaga na walang humpay ang pagdila sa kanyang mukha. Malumanay niyang ibinaba ang kagamitan sa damuhan. Bumakat sa kanyang manipis na katawan ang mga namumulang marka mula sa pagbubuhat ng kagamitan.

“Kala ko nga, wala tayong kaka’nin ngayon ay,” buntong hininga.

Binuksan niyang supot ng kanin gamit ang ngipin at inilapag ang isa sa harapan ng alaga.

“Teka…teka…ay,” hinawi niya palayo ang alagang lawit na lawit ang dila. Marahan niyang binuksan ang supot ng munggo, at inilagay ang halos lahat ng laman sa supot ni Doro.

“Yan na, kain na ay,” may tonong paglalambing. Dali-dali namang yumuko sa supot ang alaga. 

Tahimik silang kumain, isang mahabang katahimikan ang pumailanlang sa paligid maliban sa lagaslas ng mga dahong ligaw at ugong ng nagdaraang tren. Nagpakawala siya ng isang dighay na matagal na niyang hindi naririnig. Nilingon niya ang nakayuko pa ring si Doro, hinaplos-haplos ang batik-batik na katawan.

Tumingala siya. Nawala ang kaninang tanawin ng tila bughaw na karagatan, bumungad ang kadiliman; nagbabadya ang malakas na buhos ng ulan. Bumuntong hininga siya. Saglit na ipinikit ang hapong mga mata. Matamang tinignan ang nangangapal na mga ulap. Nangiti siya sa sarili. Inamoy niya ang balahibo ng aso. Kumunot ang kanyang noo.

“Ang baho mo na, ligo tayo ay,” kinusot-kusot niyang ulo ng alaga.

Mahigpit niya itong niyakap. Habang unti-unting pumapatak ang ulan sa lupa, sa riles ng tren at sa kanilang mga balat.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: