Maikling Kuwento

Labirinto ng mga Imposibleng Antolohiya

 MGA KATHANG NAWAWALA AT NAGWAWALA: Ilang Tala Hinggil sa mga Antolohiyang Hindi pa natin Nababasa

Hindi naman masamang maligaw. Lalo na kung ang pinanggalingan ang dahilan ng pagkaligaw. Lalo na kung ang pagkawala ang magdudulot ng kapanatagan at pag-usbong ng mga hindi pa nasisilip na posibilidad.

Maraming maaaring ibintang at ipukol sa mga mababasang tala. Nandyan ang mga mambabasang titingnan ito bilang isang nagmamarunong at “grandstanding” na pagpostura. Hindi sila nagkakamali kung iisipin nila ‘yon. At hindi ko ‘yon ipagkakait sa kanila. Hindi rin ako magdaramdam kung tatanawin ito bilang pailalim na pag-ukit ng sariling niche sa larangan upang makakubra ng cultural capital. O di kaya’y mapagpanggap, moralizing, at self-reflexive na kuda sa kalagayan ng kultural na produksyon sa bansa. Maaari ding isipin na tsismis o conspiracy theories lamang ang mga ito mula sa hanay ng mga nagmamaasim na kritiko’t manunulat. Posible. Pero sino bang manunulat—lalo na iyong mga itinuturing ang sarili na handog ng Diyos sa sangkatauhan—ang hindi nagdamdam dahil minsang napagkaitan ng inaasahang Palanca? Sino bang kritiko ang hindi naudyukan ng pagkainis at pagkasuya (maaari ding inggit) sa kapwa kritiko at manunulat? At siyempre, pwede rin namang isipin na isa itong desperadong pagtatangka na sumulat ng isang ‘makabagong akda.” Desparado? Oo. Wala namang pakikidigma sa paglimot na hindi desperado. Makabago? Ewan. Baka “makagagong akda.” Ayun, baka i-consider ko pa.  Pero ‘yun na nga, sa huling pagsusuri, pagbubura’t pag-uulit lang naman ang dalawang pagpipilian pagdating sa pagsusulat.

Kaya naman bago ang lahat, bago ko (o natin) sikuhin ang mga dapat sikuhin, ilang paglilinaw ang kinakailangan. Una at pinakamahalaga sa lahat, ang mga mababasang tala ay hindi dapat ituring na arogante o mayabang na pagpapakilala sa mga bagong-sibol o bagong-tuklas na mga manunulat at katha. Wala naman kasi sa anumang mababanggit o matatalakay ang “bago” o “natuklasan.” Sa katunayan, matagal nang nasa presensya natin ang mga antolohiyang ito. Nangyari lang na marami sa mga ito ang nailimbag ngunit hindi nabasa/binasa; may burador na ngunit hindi naimprenta; at naisip at napag-usapan ngunit hindi na inanunsyo at ginawan ng panawagan para sa kontribusyon.

Pangalawa, hindi rin dapat ipagkamali ang mga mababasang tala bilang nagsusumigaw na manipesto o panawagan upang lansagin ang mga lumang tuntunin at kalakaran sa panunuri at produksyong pampanitikan ng Pilipinas. Lalo ring hindi ito dapat ipagkamali bilang isang pagtatangka na bumuo ng isang panibagong peryodisasyon, o di kaya’y sumulat ng isang interbensyonistang kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas (May nagbabasa pa ba ng kasaysayang pampanitikan? O sabihin pa: may nagbabasa pa ba?). Gayundin, wala itong pinopormalisa, inaandukha, o ini-indigenize. Wala akong ganuong intensyon at ilusyon. Wala akong pangarap na tawaging “Bathala,” “Dok,” o kung anuman ng aking mga prospektibong bulag na tagasunod. Nakita na natin (at sana’y nakapulutan din ng aral) ang nakaririmarim at nakalulungkot na resulta ng mga nabanggit na pagtatangka. Sa katunayan, aaminin kong hindi ako tiyak kung ano nga ba talaga ang naging at magiging ambag sa panitikan ng Pilipinas ng mga antolohiyang babanggitin ko. Wala ring ililigtas na buhay, gagamuting sakit, at bubusuging sikmura ang mga antolohiyang ito. Basta ang alam ko, kailangan na muna nating limutin ang mga laging inaalala at alalahanin ang mga bagay na laging nakalilimutan. Basta ang alam ko, panahon na para salaulain ang mga laging dinadakila at bigyang-pansin ang mga (sa tinagal ng panahon) laging dinudukit at dinuduhagi ng mga institusyon. Ito na lang muna sa pagkakataong ito. Huwag na muna nating hingin ang mga bagay na hindi agad maibibigay.

I

Hindi kailanman mawawaglit sa aking alaala ang unang beses ko sa Labirinto. Kababalik ko lang noon sa Pilipinas mula sa aking “sapilitang pagbabakasyon” sa Netherlands. Sabik sa anumang bagong maiaalok ng lungsod, ginugol ko ang aking unang linggo, tulad ng isang tipikal na balikbayan, sa paglilibot at pagpapaubaya sa palo ng aking nostalgia.  Binalikan ko ang mura ngunit pagkasarap-sarap na tsamporado at munggo sa Maria Clara; maliliit na libruhan sa Maginhawa, Lagusnilad, at Cubao; mga beerhouse na bumubuo ng aking pira-pirasong alaala na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng Maynila; at marami pang lugar na may malinaw na pangalan at hugis sa isip ko ngunit sa kasamaang-palad ay inalis na ng mga “kahingian at rekisito ng pag-unlad” (basahin: kapitalismo) sa kinatitirikan nitong mga espasyo. Nang minsan kong subukang dalawin ang Nocturnal (mas kilala bilang “Tower Recto” sa mga masusugid nitong parokyano), isa sa mga paborito kong tindahan sa Recto na nagbebenta ng mga hard-to-find albums ng progressive at metal bands, magugulat na lamang ako na nagsara na pala ito. Sabi ng babaeng nakausap ko noon, na kailanma’y hindi ko malilimutan dahil nagsasagot siya ng crossword (at ni hindi man lang sinalubong ang mata ko noong nag-uusap kami), ni-raid daw ng pulis ang Nocturnal. Bukod kasi sa mga piniratang album na ibinebenta nito sa mga nag-aangas na teenager at jobless twenty-somethings, nagpapasok din daw ‘yung may-ari ng smuggled goods. Kung ano ‘yung “smuggled goods” na ‘yun ay hindi ko na tinanong. Hindi naman na kasi ‘yun bago. Lahat naman ng puwesto dito ay may mga hayag at di-hayag na transaksyon. Dismayado na wala na ang sinadyang lugar at nanghihinayang sa nasayang kong oras, tinanong ko ang babaeng nagko-crossword kung ano itong lugar na ngayo’y umuokupa sa dating lunan ng aking alaala. Sa pagkakaalala ko, sinagot niya agad ang tanong ko. Pero noong mga sandaling iyon, nagawa ko pang mapansin ang mga titik na pinagkakasya niya sa maliliit na kahon upang mabuo ang salitang ‘contraption’. Nagdalawang-isip pa nga siya kung “s” o “t” ba ang tamang letra para mabuo ang panlaping “-tion.” Noong mga sandali ring iyon, nagawa ko pang mailibot ang mga mata ko sa loob at makitang wala pang laman ang bagong “tindahan” bukod sa ilang painting na nakasabit sa pader. “Museum po ito,” sagot-singit niya habang tinitiklop ang diyaryo na naglalaman ng kaniyang pinakamamahal na crossword. “Gusto n’yo i-tour ko kayo?” Nagpaunlak naman ako nang hindi man lang nagsususpetsa o nagdududa. Na para bang walang posibilidad na ma-trap ako sa isang malaking contraption, kahit na family resemblance lang naman ang mayroon sa pagitan ng “contraption” at salitang ugat nito na “trap.” Na ang konotasyon lamang ng peligro, ng kapahamakan, ang nalalabing koneksyon ng dalawa. Na dapat nagdalawang-isip na ako nang makita kong isinasatitik ni Gemma ang aking napipintong kapalaran. Pero wala na akong nagawa. Ganun naman talaga. Wala tayong kapangyarihan sa mga ideya, sensasyon, at bagay na hindi natin kayang pangalanan. Kung sa bagay, hindi naman na dapat nagdududa’t nag-aalangan ang mga taong wala nang babalikan. At doon, sa puntong iyon, na nga ako nagsimulang maligaw.

II

Wala, sa palagay ko, ang agad makahuhula, lalo na sa unang tingin, kung ano nasa loob ng Labirinto. Mula sa labas at kung ikukumpara ito sa katabi nitong mga establisyamento—mga tindahan ng Class A na Nike at Vans, pekeng Ray-Ban at Oakley, mumurahin at tastasing t-shirt at maong, siraing earphones at bluetooth speakers, mga piniratang libro sa nursing at HRM, at kung anu-anong borloloy sa katawan—wala namang kakaiba sa Labirinto bukod sa katotohanang hindi tumatapon hanggang sa labas at sa iba pang mga puwesto ang produkto nito. Dahil nga wala naman talaga itong ibinebentang produkto. Kung anuman, masasabing kawanggawa ang isinasapraktika ng Labirinto. “Kawanggawa para sa mga antolohiyang hindi na kailanman mababasa ng sinuman.” Iyan ang mga eksaktong salita ni Gemma (ang babaeng nagsasagot ng crossword na siyang guide at caretaker ng Labirinto). Mula sa masikip na holding area na kinalalagyan namin, minuwestrahan ako ni Gemma na sumunod sa kaniya. Pagbukas niya ng pinto papasok sa akala ko noo’y stockroom ng Labirinto, tumambad sa akin ang isang mahaba at may kakiputang pasilyo. Habang naglalakad ay isinalaysay sa akin ni Gemma ang kasaysayan ng Labirinto. Noong mga sandaling iyon na naglalakad kami sa tila walang-katapusang pasilyo ng Labirinto, hindi talaga makatkat sa isip ko ang mga pahayag ni Gemma tungkol sa mga antolohiyang hindi nabasa at hindi na mababasa pa kailanman. Kasi nga naman, lalo na kung isasaalang-alang ang kasalukuyang lagay ng produksyong pampanitikan sa bansa, anong posibleng anyo pa ba ng antolohiya (sa balat ng lupa at ng mundong ibabaw) ang hindi nailabas nina Abad, mag-asawang Alfar, Almario, Bautista, Garcia, Lumbera, Pantoja-Hidalgo, Tolentino, Yabes, mag-asawang Tiempo, Tiongson, Dimalanta, at iba pang dekampanilyang manunulat at kritiko? Sabihin pa, anong antolohiya pa ba ang hindi sumagi sa kanilang mga isipan?

III

Marami-rami pa pala. Iyon ang napagtanto ko nang tumambad na sa akin ang malaking silid-aklatan/sinupan (at least, ganun ang dating sa akin) na iniluwal ng pintuan sa dulo ng pasilyo. Sa una kong pagtataya, aabot ng halos 150 ang mga estante na naglalaman ng libu-libong manuskrito, libro, zines, poster, polyeto, CD, USB, at iba pang bagay na may kaugnayan sa pag-aantolohiya. Nang mapadalas ang pagkaligaw ko sa Labirinto, at batay na rin sa hindi mabilang na pag-uusap namin ni Gemma na dalawampung taon nang nagsisilbi bilang guide at caretaker ng Labirinto, malalaman kong may 146 na estanteng naglulungga sa Labirinto. May dalawang pangkalahatang pamamaraan si Gemma sa pagsasaayos ng mga “artifact” (ito ang kaniyang eksaktong salita) sa Labirinto. Una, nakaayos batay sa pisikal na anyo nito ang mga artifact sa Labirinto. Ayon kay Gemma, ang kasalukuyang may-ari ng Labirinto ang siyang nagtakda ng mga kategorisasyon. Dagdag pa niya, ang kasalukuyang may-ari din ang nagtakda kung ilang estante ang ilalaan para sa partikular na anyo ng artifact, at kung ilan ang lalamanin ng bawat estante. Halimbawa, 74 ang estanteng nakalaan para mga naisalibrong antolohiya, at ang bawat estanteng nakalaan para sa nasabing anyo ay naglalaman ng 785 na artifact. Ibig sabihin, suma total, may 58, 090 na naisalibrong antolohiya ang nakaimbak sa Labirinto.

IV

Dalawampu’t walo (28) na estante naman ang nakalaan para sa mga antolohiyang nasa anyong zine. At upang mapanatili ang mga ito sa mabuting kondisyon, isinalibro nila ito, katulad ng ginagawa ng ibang silid-aklatan sa mga nagkakalasog-lasog nang mga aklat, manuskrito, magasin, pampleto, at dyornal. Naglalaman ng walong zine ang kada book form. Naglalaman naman tig-814 na book form ang 28 na estante sa naturang seksyon ng Labirinto. Ibig sabihin, may 22, 792 na book form artifacts ang kinakategorisa bilang zine. Interesanteng ito ang pinakamarami gayong sa konteksto ng Pilipinas ay isa ito sa pinakabata at pinaka hindi pinapaborang anyo-manipestasyon ng publikasyon. Madalas itong minamaliit o di kaya’y pinagtatawanan ng mga beteranong manunulat. Ang iba naman, lalo na iyong batang manunulat na nanganarap maging burukrata-kanonikong manunulat, ay nababahala diumano sa masamang epekto ng zine sa pangkalahatang kalidad ng produksyong pampanitikan sa bansa.  Sa kabilang banda, pwedeng ituring na patunay ang pag-iral ng zines na hindi na lamang “libro” (sa pinakapisikal na pagpapakahulugan nito) ang maaaring pagmulan ng bago sa panitikan ng Pilipinas. Malaking kabalintunaan, ano? Bagaman masyado pang maaga para sa sabihin, kung numero lamang ang pag-uusapan, mukhang naikumadrona na ang bagong yugto sa panitikan ng Pilipinas. Lamang, ang kaso, iniwan naman ng mga ama’t ina nito sa nursery, sa pangangalaga ng Labirinto.

V

Anim (6) na estante naman ang nakalaan para sa mga antolohiyang digital1. Ang bawat estante sa seksyong ito ay naglalaman ng 6,000 na CD. Lumikha rin si Gemma ng untraceable cloud system (ewan kung paano ‘yun naging posible) para magkaroon ng back-up ang lahat ng antolohiyang digital. Ibig sabihin, suma total, may 36,000 na antolohiyang nasa naturang anyo. Ayon kay Gemma, ito raw ang pinakabagong koleksyon sa Labirinto. Taong 2002 daw unang dumating sa Labirinto ang unang bulto ng mga antolohiyang digital. Ang pinakauna, ang Ang Napasong Mambabasa (2002), ay koleksyon ng mga kuwentong binuo sa pamamagitan ng Microsoft Powerpoint, partikular sa pamamagitan ng mga larawan at hyperlink. Ang siste ay ipapakita sa isang slide ang isang buong larawan o imahe, at maaari na itong tumayo bilang isang pangungusap o di kaya’y isang vignette. Malalaman lang ng mambabasa na hindi pala stand-alone ang slide sa sandaling pindutin niya ang link na nasa gawing kanan ng bawat slide. Nakasaad naman sa bandang kaliwa ang nom de plume ng mga may-akda. Ang pangalawa, ang Suicide City (2002), ay isa namang interaktibong antolohiya na may player interface na iwinangki sa “choose-your-adventure” na mga laro sa PlayStation at iba pang gaming console2. Pero tulad ng Ang Napasong Mambabasa, Powerpoint din ang napiling lunan at plataporma ng mga may-akda. Simple lang naman ang conceit at premise ng antolohiya. Sa anim na may-akda ng antolohiya, lima ang lumikha ng serye ng mga “sitwasyon” at “kontra-sitwasyon” na naglalayong udyukan ang mambabasa na magpatiwakal.  Upang matapos ng mambabasa ang antolohiya (at ang peligrosong laro), kailangan niyang malampasan ang pagsubok (na nasa anyo ng mga bugtong at palaisipan) sa pamamagitan ng kaniyang dunong at determinasyon. Kapag nalampasan na ng mambabasa ang mga pagsubok na kaakibat ng mga naturang sitwasyon at kontra-sitwasyon, doon pa lang niya malalaman ang katapusan ng kuwento, na iba-iba batay sa naging katangian ng kaniyang interaksyon at pakikipagsapalaran sa loob ng mga teksto. Kung hindi naman matatapos ng mambabasa ang antolohiya, simple lang ang mangyayari: mamamatay siya. Ayon kay Gemma, partikular na ipinagmamalaki ng kasulukuyang may-ari ang dalawang nabanggit na antolohiya. Tumatak din sa akin ang antolohiyang nanganganak nang nanganganak ng iba pang antolohiya—mistulang makina-kontrapsyon na hindi nauubusan ng mga posibilildad. Pinamagatan itong Kepuunpuun at Sengedurug: Mga Baryasyon ng Posibilidad (KS (2010), na kapansin-pansing hango sa dalawang pangunahing katangiang tekstuwal ng naratibo ng mga epiko sa Pilipinas. Tungkol dito, nagpahayag si Gemma ng kaniyang agam-agam kay Cynthia Canelo (ang kasalukuyang may-ari ng Labirinto) tungkol sa pagkupkop ng mga naturang antolohiya sa Labirinto. Aniya, sinabi niya noon kay Cynthia na nagpiprisinta ang KS ng malaking hamon sa pagmimintina ng Labirinto. Kung patuloy itong magsusupling ng panibagong mga antolohiya, mabilis na mauubos ang espasyo ng mga estante sa Labirinto, ng mismong Labirinto, at hindi na nito magagawa pang mag-ampon ng ibang antolohiyang ulilang lubos sa labas nito. Ngunit ayon kay Gemma, agad na pinulis ni Cynthia ang makitid at baluktot niyang pangangatuwiran. Wika raw nito, mabuti kung mangyari ngang hindi na kailangang mag-ampon ng Labirinto ng mga inabandonang antolohiya.  Nangangahulugan lamang ito na nasa pangangalaga na ng Labirinto ang lahat ng imposible (at kung gayon, ang lahat na rin ng posible) sa isang panahon. At kung magkataong may mga antolohiya pang kailangang ampunin, dagdag pa raw ni Cynthia, ay maaari namang magtayo pa ng mga bagong Labirinto upang matugunan ang pagdami ng mga imposible sa mundong ito.

VI

Dalawampu’t anim (26) na estante naman ang nakalaan para sa mga antolohiyang nasa anyong manuskrito—yaong mga hindi nailathala, kinainisan at kinamatayan ng may-akda kaya hindi na nailathala, at/o naghihingalo sa mga bukbuking bodega ng mga naluging palimbagan. Dahil sa maselang kondisyon ng mga naturang artifact, 201 lamang ang maaaring lamanin ng bawat estante. Suma total, may 5, 226 na antolohiyang nasa anyong manuskrito. Ayon kay Gemma, ang mga naturang antolohiya ang pinakamagastos3 imintina. Linggo-linggo kasing kailangan ipalinis ang naturang seksyon ng Labirinto.  Kailangan din mag-arkila ng mga eksperto sa paper preservation para mapanatili ang mabuting kondisyon ng mga ito. Bukod pa riyan, may partikular na temperaturang kailangang panatiliin sa naturang seksyon ng Labirinto. Dagdag pa ulit ni Gemma, ang mga antolohiyang nasa anyong manuskrito ang pinakaluma sa lahat ng mga antolohiyang nananahan sa Labirinto. Si Arnulfo Canelo (1891-1963), na lolo pa raw ng kasalukuyang may-ari, ang nangolekta sa mga ito. Nanggaling daw ang ilan sa mga antolohiya sa noo’y sikat na Libreria del Pedro Jimenez. Doon din daw galing ang mga antolohiya ng zarzuela at drama sosyalista na kabilang sa koleksyon ng Labirinto. Dating naging empleyado ng Libreria del Pedro Jimenez si Arnulfo. Isa sa mga trabaho niya ang mangalap, mangalaga, at mag-imprenta ng mga manuskrito ng mga zarzuela at korido. Siya rin ang naatasan ni Pedro Jimenez na magbagsak ng mga manuskrito sa iba’t ibang simbahan sa Maynila. Tuwing semana santa, inuutusan din ni Jimenez si Arnulfo na magburda ng mga eksena mula sa pasyon sa mga sudario at panyolito. Mabenta kasi ang mga ito sa mga palasimbang matrona. Ginagamit nila itong pamunas sa kanilang mga luha-luhaan habang nakikipagtsismisan sa kanilang mga amiga. Ibinebenta ang mga naturang sudario sa halagang diyes sentimos. Nang magsara ang Libreria de Pedro Jimenez noong 1933 dulot ng pagkakabaon ni Jimenez sa utang at pag-usbong ng Balagtasan bilang pambansang libangan ng taumbayan, ipinagkatiwala niya kay Canelo ang ilan sa mga hindi pa nailalathalang manuskrito ng Libreria. Noong mga panahong iyon, kahit medyo nagsisimula nang maging mahirap ang buhay sa Maynila, ay nangungupahan pa si Arnulfo sa isang maliit na silid sa Azcarraga, ilang kanto mula sa kasalukuyang kinalalagyan ng Labirinto. Kinailangan lamang niyang lisanin ang Maynila at  lumipat sa kaniyang mga kamag-anak sa Lal-lo, Cagayan4 dahil sa takot niyang madatnan ng digmaan at karahasan sa kalungsuran. Upang mas madaling mabitbit ang mga ipinamanang manuskrito ni Jimenez, isinalibro ni Arnulfo ang ilan sa mga ito sa tulong ng kaniyang mga kaibigan mula sa Union de Impresores de Filipinas. Ang iba, dahil sa kakulangan ng oras at salapi, ay iniwan na lamang ni Arnulfo sa kaniyang silid sa Azcarraga. Malaki raw ang panghihinayang ni Arnulfo noon sapagkat ipinaalam na raw sa kaniya ni Alejandro Abadilla ang balak nitong isama sa antolohiyang Parnasong Tagalog (na unang maililimbag noong 1949, at isa sa magiging muhong antolohiya ng panulaan sa Pilipinas) ang ilan sa mga sudariong inilabas ng Libreria. Hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong magkita o mag-usap nang lumipat si Arnulfo sa Cagayan. Ang mga isinalibrong manuskrito ng mga zarzuela, drama sosyalista, at korido, ayon kay Gemma, ang nagsilbing mga pinakaunang artifact sa Labirinto—ang Obras Recuperadas (1943). Makikita sa antolohiyang ito, halimbawa, ang hindi alam ng nakararami na pangalawang bahagi ng Bagong Cristo ni Aurelio Tolentino, ang Exodus sa Katangahalian (bagaman patuloy pa rin ang debate hinggil sa pag-aakda nito). Gayundin, kasama sa antolohiya ang iskrip ng mga hindi naisadulang zarzuela nina Severino Reyes, Juan Abad, Tomas Remigio, at marami pang iba. Gayundin, matatagpuan sa isa pang seksyong nito ang mga tinipong artikulo ni Lope K. Santos sa Muling Pagsilang, mga pampleto ni Crisanto Evangelista na inilathala sa Tambuli at Tinig-Manggagawa, at mga liham ng mga nagpupuyos na kalaguyo ni Dominador Gomez.  Para naman sa mga interesado sa pangakalahatang lagay ng panunuri at polemikong pampanitikan noong panahong iyon, may nakalaan ding seksyon ng mga tinipong tugon ng mga kasapi ng Aklatang Bayan sa diumano’y pambubuska at pambabalahura ni Rosauro Almario sa kanila. Dahil walang pamagat ang naturang koleksyon, si Cynthia na lamang ang nagbigay ng pamagat dito—“Umpakan: Mga Umpukang Nauwi sa Upakan (1914-1921).”

VII

Ang huling 12 na estante ay nakalaan para sa mga antolohiyang hindi pasok sa mga napagkasunduang kategorya nina Gemma at Cynthia. Narito, halimbawa, ang mga tala na naglalahad ng mga plano para sa ikakasang antolohiya; mga antolohiyang walang pamagat (o hindi na nabigyan ng pamagat ng mga patnugot); mga katitikan; antolohiya ng mga resibo mula sa mga supermarket sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Timog-Silangang Asya; antolohiya ng mga hindi nabayarang bills ng kuryente at tubig; antolohiya ng mga talumpati ng mga politiko mula panahon ni Marcos hanggang sa palamurang rehimen ni Duterte; antolohiya ng mga memo mula sa iba’t ibang opisina na hindi napirmahan, naipadala, at/o natugunan; antolohiya ng mga balak at composo; antolohiya ng mga nai-transcribe na epiko sa wikang wala nang nakauunawa; antolohiya ng mga arikenken; antolohiya ng mga menu ng restaurant; antolohiya ng mga manwal  at tuntunin; antolohiya ng mga obituwaryong hindi na inilabas sa diyaryo dahil walang pambayad ‘yung nagpagawa; antolohiya ng mga rejection letter sa mga pambansang palihan at kumperensya; antolohiya ng mga nabigo at napurnadang pick-up artist; antolohiya ng mga rejected at bulilyasong aplikasyon ng pensyon sa SSS at GSIS; antolohiya ng mga kontratang pinipirmahan at payslip ng mga empleyadong kontraktuwal ng SM; antolohiya ng mga tiket na nagwawagi sa 6/45 Super Lotto; antolohiya ng mga utang panlabas ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi pa nababayaran; antolohiya ng mga kasong hindi pa nalulutas; antolohiya ng mga mapa ng siyudad; antolohiya ng mga mapa ng amusement park, antolohiya ng mga panaginip; at marami pang iba. Tulad ng mga estante para sa libro, 814 na artifact ang pinagkasya sa 12 na estante. Ibig sabihin, may 9, 768 na antolohiyang hindi pa naibubulsa sa mga umiiral at tinatanggap na kategorya o di kaya’y, lalo na kung talagang seminal ito, nagrerebelde sa nakahiratian.

VIII

Masasabing “tematiko” (subalit mayroon ding batay sa ipinagpapalagay na layunin nito) naman ang pangalawang kategorisasyon ng mga artifact sa Labirinto. Kung titingnan ang bawat artifact, halimbawa kapag binuklat ito sa unang pahina o kapag pinindot ang link patungo sa digital na pabalat (tulad ng mga librong nasa epub format), makikitang may barcode na nagsasaad ng numero ng estanteng kinalalagyan ng artifact, numero nito bilang isang artifact, at taon kung kailan ito naipasok sa Labirinto (hal., S 45 A 7665 1997 I). Sa ilalim ng artifact number ay mapapansin ang sinasabing pangalawang klasipikasyon ng mga ito. Ayon kay Gemma at batay na rin sa aking magdamag na pagbababad sa Labirinto, may apat na tematikong klasipikasyon ang mga antolohiyang kabilang sa mapagkandiling pangangalaga ng Labirinto: ang “Obras Reunidas,” “Kontra-Antolohiya,” “Antologias del Futuro,” at “Mga Imposibleng Antolohiya.” Gayundin, at ito ang hindi ko nabanggit sa mga naunang tala, nakapirma rin ang pangalan ng may-ari sa mga artifact. Subalit dahil nagkaroon ng dalawang may-ari ang Labirinto, dalawang pirma rin ang makikita sa mga artifact. Ang unang pirma ay ang kay Arnulfo Canelo, na kalakha’y nasa mga artifact sa ilalim ng Obras Reunidas at Antologias del Futuro. Ang pangalawang pirma naman ay galing kay Cynthia Canelo.

IX

Obras Reunidas. Ibinulsa sa kategoryang ito ang mga antolohiyang nabuo sa pamamagitan ng mga kinalimutan o hindi popular na akda ng mga manunulat. Halimbawa, alam ng lahat na ang Cadena de Amor (2004) ni Wilfrido Nolledo ay ang kaniyang tour de force pagdating sa maikling kuwento. Subalit lingid sa kaalaman ng maraming kritiko (na wala naman talagang alam) at mambabasa (na ginagawang tanga ng mga kritiko), tinipon at binigyan ng introduksyon ni Edmundo Bacod, isa sa mga patnugot ng Dalkkey Archive (ang palimbagang naglathala ng pinakahuling edisyon ng But for the Lovers (1994)) ang ilang maikling kuwentong isinulat ni Nolledo sa Estados Unidos—ang San Fernando Valley Sonatas (2011). Kasama rin sa kategoryang ito ang ilang antolohiya ng salin ng mga Balagtasan Tagalog sa iba’t ibang wika ng Pilipinas at patungo sa mga banyagang wika (hal., Aleman, Kastila, Bahasa Indonesia, Tieng Viet). Mayroon ding mga antolohiya ng Balagtasan mula sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas. Halimbawa, nariyan ang mga antolohiya ng mga Balagtasan mula Ilocos, Pangasinan, La Union, Abra, Benguet, Isabela, at Cagayan—ang Bukanegan ti Amianan (1960). Kakatuwa rin pansinin ang antolohiya ng mga liham nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna, at iba pang ilustrado sa kanilang mga iniirog na nakapaloob sa antolohiyang Con Letras de Guerra y Con Letras Ama (1928). Tinipon rin sa isang antolohiya ang mga pasaring ng ilang ilustrado hinggil sa pagyayabang ni Pedro Paterno nang ito’y manirahan sa Europa—ang Disenso y Castigos (1896)5 na diumano’y  pinamatugutan ni Jose Rizal bago siya tatadtarin ng bala sa Bagumbayan noong taong rin iyon. Bagaman talagang kontrobersyal at posibleng maging mista ng panibagong giyera-patani sa pagitan ng rehiyonalista at probinsyal na historyador, hindi ito ang antolohiyang pinakanagmarka sa akin. Sa lahat ng mga antolohiyang kabilang sa kategoryang ito, pinakatumatak sa akin ang antolohiyang Utas (2002) na tinipon, pinamatnugutan, at binigyang-introduksyon nina Shiela Maramara at Froilan Uy. Tampok sa antolohiyang ito ang mga sipi mula sa mga koleksyon ng tula, maikling kuwento, sanaysay, dula, at nobeleta mula 1970-1995 na hindi tinanggap ng mga palimbagan para sa publikasyon.  Ayon sa mahaba at palaaway (at kung minsa’y lantarang nanlilibak) na introduksyon nina Maramara at Uy, isa sa mga layunin ng antolohiya ang ilantad sa publiko ang mga “ikinubli at itinatwang estetika.” Sa pamamagitan daw ng naturang pagsisikap, mas magiging “maalam” at “malay” ang mga mananaliksik sa larangan ng panitikan hinggil sa mga kalakaran at prosesong pampanitikan na inililihim ng mga manunulat, kritiko, palimbagan, at mga institusyong pampanitikan sa Pilipinas. Higit na interesante naman para sa akin ang paraan ng pagpapakilala nina Maramara at Uy sa mga akdang nakapaloob sa antolohiya: maangas at walang-takot. ‘Yung tipong itinaya na nila pati pamato’t panabla. ‘Yun bang kulang na lang ay ipusta nila pati susi ng bahay at kotse ng kanilang kapitbahay. Hindi rin mawawala, siyempre, ang antolohiya ng mga akda ng mga manunulat na, sa hindi matukoy at mabilang na dahilan, hindi nakapaglathala ng sariling aklat; antolohiya ng mga liham na hindi naisatelebisyon ng Maalaala mo Kaya; antolohiya ng campaign posters ng mga politiko; at antolohiya ng mga burador. Sabihin pa, kabilang din ang kaninang nabanggit na Obras Recuperadas sa kategoryang ito.

X

Kontra-Antolohiya. Ayon kay Gemma, mapanghamon, mapangahas, at kombatibo ang lahat ng antolohiyang kabilang sa kategoryang ito. Tulad ng mga antolohiyang kabilang sa Obras Reunidas6, masasabi rin na interesante ang implikasyong kaakibat ng mga Kontra-Antolohiya sa pangkalahatang oryentasyon at daloy ng kasaysayang pampanitikan sa Pilipinas. Nang mabasa ko ang ilan sa mga sinasabing Kontra-Antolohiya, agad-agad pumasok sa isip ko ang mga posibilidad na nakubabawan at naisantabi ng mga kanonikong manunulat at akda na inilagay natin sa pinakamataas na pedestal ng ating imahinasyon. Bukod pa riyan, at ito para sa akin ang talagang interesante ngunit hindi na rin naman nakagugulat, walang pangingimi ang mga Kontra-Antolohiya sa pagbangga sa mga manunulat na premyado-at-selyado-ng-estado. Ito, sa palagay ko, ang tunay na esensya ng pag-aantolohiya, ng pagsusulat higit sa lahat: ang paglalantad at pagsuysoy sa kompleksidad at kontradiksyon ng tunggalian sa pagitan ng matatandang  manunulat na inuugat na bilang mga burukrata at matatandang manunulat na nagpatuloy sa buwis-buhay at butas-sikmurang landas ng radikalismo at progresibong panulat; gitgitan at sikuhan sa pagitan ng mga batang nagrerebelde laban sa kinasanayan at mga batang kuntento nang maging tagatimpla ng kape ng mga “dakilang alagad ng sining”;  at pagtatalaban ng nakaraang di mamatay-matay, kasalukuyang naggugumiit, at hinaharap na hindi maisilang-silang. Masyado na bang mabigat at seryoso? Hindi naman masyado. Sa katunayan, kung susuriing mabuti, madalas na walang relasyon sa poetika o politika ng mga inaaglahi at inaalimurang manunulat ang karamihan sa mga patutsadang mababasa sa mga Kontra-Antolohiya. Kung minsan pa nga, pawang pang-aalaska at mga personal na atake ang laman ng mga introduksyon o ng mismong mga akdang nakapaloob sa mga ito. Isa ang antolohiyang Bored sa Thunders (2015) na pinamatnugutan nina James Fernandez, Chloe Francisco, at Maria Asuncion, na sa pamagat pa lamang ay agad nang kakikitaan ng alusyon sa dambuhalang antolohiyang pinamatnugutan ni Gemino Abad,ang Hoard of Thunder, sa mga pinakatampok at pinakapaborito kong halimabawa ng mga nambubuskang antolohiya. Ngunit hindi natatapos sa mapaglarong pamagat nito ang Bored sa Thunders. Kung titingnan, halimbawa, ang mismong proyekto at maniobra ng antolohiya, makikitang nakaumang ito sa pagbuo ng tinatawag nina Fernandez, Francisco, at Asuncion na “antipodal texts which would introduce a myriad of parallax vantage points to prospective readers.” Sa madaling salita, mga akdang tuwirang sumasalungat sa estetika at politika ng mga akdang aprubado ni Abad at ng iba pang dekampanilyang manunulat. Mapapansin din ang ganitong “attitude” sa antolohiyang Memo mula sa Libingan ng mga Bayani: Mga Intelektuwal na Demolisyon (2008) nina Reiner Magat, Philip Ragsac, Isabel Xerex-Burgos, at Gertude Subido. Binubuo ng labing-anim (16) na kritikal na sanaysay na sinusuri, hinihimay, at dinidistrungka ang politikang bitbit ng mga manunulat na lumagda sa COWARD Manifesto. Ayon sa introduksyon ng antolohiya, “kinakailagang litisin sa intelektuwal, polemikal, at malikhaing paraan ang mga taksil sa dalisay na landas ng panitikan at pagsasabansa.” “Samakatuwid,” pagpapatuloy ng mga may-akda, “hindi sapat na isawalang-bahala o siraan ang mga huwad na pantas na nananalasa sa ating pang-araw-araw na imahinasyon.  Kailangan isailalim sa malawakan, mabusisi, at walang-kompromisong teoretikal na pakikipagbuno ang mga pinalalaganap na ideya ng mga ama at ina ng panitikang Pilipino.” Sa mga sanaysay na kabilang sa antolohiya, pinakatumatak sa akin ang “Bakuna ba ang Tugma?: Pasintabi(g) sa mga Makata sa Panhon ng Pandemiko” ni Isabel Xerex-Burgos at “Higit na mas Mabigat ang Dilim kaysa Liwang” ni Victor Melendez.   Sa kabilang banda, mayroon ding mga antolohiyang kabilang sa kategoryang ito na bastos lang talaga. Halimbawa nito ang The 69 Variations (1988) nina Roberto Bordado at Cornelio HuKay (malinaw na mga nom de plume) na naglalaman ng mga larawan ng mga politiko, intelektuwal, at alagad ng sining na “nagpa-69” sa sistema. Ayon kay Gemma, ito raw ang isa sa mga antolohiyang lagi’t laging maaalala ni Cynthia dahil sa pinagdaanan niya upang makakuha lamang ng isang kopya nito. Kinailangan pa raw kasing makipagrelasyon7 ni Cynthia sa isang politiko (na isa sa mga binansagang nagpa-69 sa sistema) para lang mapasakamay nito ang naturang antolohiya. Tanging ang mga indibidwal na may larawan sa antolohiya, ang mga nagsilbing sapilitang kontribyutor nito, ang binigyan ng kopya ng The 69 Variations. Kaya’t kung iisipin, ang antolohiyang ito’y maaaring ipalagay bilang isang babala para sa mga naturang indibidwal, na para bang sinasabi sa kanila na may nagbabantay at nagmamatyag sa kanilang bawat kilos. Sabihin pa, true to its form, bagaman marami ang naging sapilitang kontribyutor ng antolohiya, masasabing ang The 69 Variations ay isang antolohiyang literal na para sa iilang tao lamang. Nahihibang ang taong magmamalaki (maliban na lang kung ikaw si Duterte) na naging bahagi siya ng The 69 Variations, na aamining nagpa-69 siya sa kung sinumang may-kapangyarihan. Kaya naman para kay Cynthia, isang malaking tagumpay ang pagkakakumbinsi (sa lahat ng posibleng pakahulugan ng terminong ito) niya sa naturang politiko na i-donate ang sarili at nag-iisang kopya nito sa Labirinto.  Nais ko ring bigyang-pansin ang Galing-galingan: Mga Kaepalan sa Panahon ng Pagbabago8 (2018), isang koleksyon ng Facebook posts mula sa pages tulad ng Bisayaball, Philippines Most Shocking History, Thinking Pinoy, Mocha Uson Blog, MindaVote, Crabbler, Pepeng Pinakamalupet, Deepweb Dumaguete, Duterte Cyber Warriors, Philippine National Front, Mr. Riyoh, Kayumanggi Roots Science, Palayain si General Jovito Palparan Movement, Top Gear Philippines, James Deakin, at iba pang pages na nagbabandera ng samu’t saring baryasyon ng ideolohiya’t politikang kanan, totalitaryano, edgy, dank, racist, elitista, matapobre, at konserbatibo. Sa madaling sabi, isang katakot-takot na alyansa sa pagitan ng mga kampon ng pasismo. Layunin ng naturang antolohiya na maglunsad ng opensiba laban sa mga politko, organisasyong masa, peryodista, pampublikong intelektuwal, at akademiko na kanilang ipinapalagay na “anti-pagbabago” at protektor ng mga kriminal sa balatkayo ng karapatang pantao. Pinamatnugutan ng mga tagapamahala ng nasabing pages at binigyan ng introduksyon nina Richard Heydarian at Sass Sassot na pinamagatang “OBOSEN: A Primer for the Destruction of the Filipino (Un)Intellectual Class9,” isa ito sa mga pinakabagong lahok sa koleksyon ng Labirinto.  Ayon kay Gemma, may panahon daw na talagang mabenta ang naturang antolohiya sa National Bookstore. Required reading kasi ito para sa mga kandidatong-kasapi ng Duterte Youth, National Youth Commission, at Philippine National Front. Naungusan pa nga raw nito ang sales ng sikat na aklat ng gwapong historyador na si Lisandro “Leloy” Claudio, ang Basagan ng Trip: Complaints About Philippine Culture and Politics (2016), at muntik pang matapatan ang sales10 ng mga libro nina Bo Sanchez at Robert Kiyosaki. Lamang, sa pwersa ng signature campaign na pinangunahan ni Leloy Claudio at ng iba pang mga intelektuwal na nag-aalala sa nakikita nilang pagkasadsad ng diskursong pampolitika ng bansa sa burak ng otoritaryanismo at irasyonal na antagonismo, nagpasya ang management ng National Bookstore[11] na tanggalin ang Galing-galingan sa kanilang mga estante.

XI

Antologias del Futuro. Sa isang banda, ito ang mga antolohiya ng hinaharap, ang mga antolohiyang magkukumadrona ng bagong yugto, ang mga antolohiyang maghahawan ng bagong landas sa pagbabasa at pagsusulat. Subalit sa kabilang banda, ito rin ang mga antolohiyang ayaw pang pag-ukulan ng ng oras, seryosohin, unawaain, at talakayin ng mga ninong at ninang ng Panitikang Pilipino. At ito ang dahilan kung bakit mananatili ang mga ito sa hinaharap, sa isang panahong hindi na matitingkala pa dahil nababalot na ang kasalukuyan sa mga imahe’t pangitain ng pagkapurnada ng anumang posibilidad ng isang hinaharap. Ito rin ang mga antolohiyang maaaring nailimbag sa isang parallel universe. Mga antolohiyang isinilang sa mga lihim na inuman ng mga dismayado at talunang manunulat. Mga antolohiyang hindi pa natin mapanindigan sa ngayon, o maaaring kailanma’y hindi na natin mapaninindigan. Kaya naman tulad ng nabanggit ko sa simula, ipagpapaliban ko muna ang pagpapaliwang sa mga bagay na hindi pa kayang ibigay ng ating nawawala (dahil hindi matagpuan) at nagwawalang (dahil hindi mapanghawakan) panahon.  Magtiyaga na lang muna tayo ngayon sa isang laundry list ng mga posibilidad:

Antolohiya ng mga kabit
Antolohiya ng mga smuggler
Antolohiya ng mga tulak sa Pritil
Antolohiya ng mga ambag sa lipunan
Antolohiya ng mga Progresibong TikToker (Philippines-Global)
Antolohiya ng memes tungkol sa panitikan
Antolohiya ng memes tungkol sa komiks
Antolohiya ng memes tungkol sa pagtula
Antolohiya ng mga Blue Pill Men
Antolohiya ng Kayumanggi Roots Science at DeepWeb Dumaguete
Antolohiya ng mga Kakaibabe at Member ng Sando Gang
(Unironic) na Antolohiya ng Spoken Word Poetry sa Pilipinas
Antolohiya ng Sex Advice nina Mocha Uson at Asia Agcaoili
Antolohiya ng mga Nostalgic sa Multiple, MySpace, at Plurk
Antolohiya ng mga manggagawang Job Order
Antolohiya ng mga pilay
Antolohiya ng criminal records ng mga menor-de-edad
Antolohiya ng mga recipe ng mga nagtitipid na ina
Antolohiya ng mga resulta ng eksaminasyon ng mga medico legal sa mga biktima ng Oplan Tokhang
Antolohiya ng mga cellphone number na tinipon mula sa pinto ng mga banyo sa Maynila
Antolohiya ng mga himutok sa mga braso ng silya sa mga silid-aralan
Antolohiya ng mga tulang hindi kabigkas-bigkas
Antolohiya ng mga unang burador
Antolohiya ng mga huling burador
Antolohiya ng mga diksyunaryong wala nang gumagamit
Antolohiya ng mga manuskritong hindi umabot sa deadline
Antolohiya ng mga pinakapangit na kuwento, tula, dula, at sanaysay
Antolohiya ng mga tiket na inisyu ng traffic enforcer
Antolohiya ng mga tulak na “pinagpiyano” sa istasyon ng pulis
Antolohiya ng mga estudyanteng malapit nang maging “espugante”
Antolohiya ng mga ina nakikipagsiping sa anak
Antolohiya ng mga mister dinadahas ng kanilang mga misis
Antolohiya ng mga estratehiya sa color game
Antolohiya ng estratehiya sa pamamalimos
Antolohiya ng mga rejected na grant applications
Antolohiya ng mga retiradong starlet
Antolohiya ng mga Incel sa Pilipinas
Antolohiya ng mga bigong boksingero
Antolohiya ng mga NBSB at NGSB
Antolohiya ng mga pangit
Antolohiya ng mga gwapo
Antolohiya ng mga “thot” at matapobreng influencer
Antolohiya ng Samahan ng Nagkakaisang Mukbangers sa Pilipinas
Antolohiya ng mga mahadera at busangot na kapitbahay, tindera, at usisera
Antolohiya ng mga ulat hinggil sa napurnadang operasyong militar
Antolohiya ng mga ulat ng ISAFP hinggil sa nilikidang miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas
Antolohiya ng mga sanaysay na nagpupugay kay Filemon “Ka Popoy” Lagman
Antolohiya ng mga hiyaw ng mga biktima ng Oplan Bayanihan
Antolohiya ng mga kasapi ng Alamara
Antolohiya ng mga kasapi ng Tadtad
Antolohiya ng mga linayhan ng mga dakilang majongera sa Binondo
Antolohiya ng mga pangarap
Antolohiya ng hikab
Antolohiya ng pagkainip
Antolohiya ng pagpapatawad
Antolohiya ng pagmamakaawa
Antolohiya ng mga bangungot
Antolohiya ng mga pagbabakasakali
Antolohiya ng mga katiyakan
Antolohiya ng mga ikinakahiyang antolohiya
Antolohiya ng mga kinaiinggitang manunulat ng mga gatekeeper
Antolohiya ng mga pekeng antolohiya
Antolohiya ng mga subersibong antolohiya
Antolohiya ng mga umeeksenang antolohiya
Antolohiya ng magagandang manunulat
Antolohiya ng matatandang manunulat
Antolohiya ng mga kareristang manunulat
Antolohiya ng mga “may-mailabas-lang” na antolohiya
Antolohiya ng mga imposibleng antolohiya

XII

Mga Imposibleng Antolohiya. Lahat ng mga antolohiya sa Labirinto ay, sa maraming dahilan, imposible. Sa barcode na nakadikit sa bawat artifact ay may nakalagay na “I” pagkatapos ng taon ng publikasyon nito (hal., G 104 a 67893 1953 I). Samakatuwid, tatlo lang talaga ang distingtibong kategorya sa Labirinto sapagkat sa simula’t sapul ay imposible (sa lahat ng posibleng pakuhulugan ng termino) ang lahat ng mga antolohiyang inampon nito. Imposible dahil ayaw basahin. Imposible dahil ayaw unawain. Imposible dahil ayaw ilathala. Imposible dahil hindi pa napag-uusapan. Imposible dahil hindi pa pwedeng pag-usapan. Imposible dahil hindi pa naiisip. Imposible dahil hindi pa pwedeng isipin.

Halos anim na taon din akong naglamay sa loob ng Labirinto. At sa anim na taong iyon, halos sa Labirnto ko lamang ginugol ang oras ko. Stretching, manaka-nakang pag-iinom kasama ang mga kaibigan, at pagbisita lang sa mga libruhan ang aking naging pahinga. Ewan kung bakit, pero may kung anong pwersa ang lugar na ito sa akin. Nagawa kong maipagpaliban ang halos lahat ng bisyo at luho sa katawan matuklasan ang mga bagay na matagal nang inabandona ng nakararami. Sa kabilang banda, kailangan ko rin amining hindi ko nagawang masilip ang lahat ng manuskritong inampon ng Labirinto. Kulang ang isang buhay, kahit dalawahin pa, upang masukat ang lawak ng dinurungawan kong mundo. Bagaman napagtanto kong marami pa palang imposible sa mundo nating lulong sa lahat ng uri at hibo ng posibilidad, hindi ko alam kung malalantad ba sa akin/atin ang lahat ng imposible noon, ngayon, at sa hinaharap. Ang tanging nagawa ko sa loob ng anim na taon ay makinig at magtala. Makinig sa katahimikan ng Labirinto, sa kabila ng katotohanang nakapaloob sa mga imposibleng antolohiya ang lahat-lahat ng maaari pa nating marinig. At magtala ng mga “imposible” hindi upang gawin itong lehitimo, kundi upang ilantad sa lahat kung gaano pa kadilim ang landas na ating tatahakin.

Kaya naman nang minsan akong tanungin ni Gemma kung ano at para saan ang mga talang ito, simple lang ang naging sagot ko: “Isang paanyaya upang maligaw.”


[1] Nang tanungin ko si Gemma kung kasama ba ang memes at meme pages sa mga antolohiyang digital, mabilis niya akong sinagot na hindi. Ayon sa kaniya, gusto sanang isama ni Cynthia ang memes at meme pages, pero bago niya pa maisakatuparan ang kaniyang plano ay nakatanggap siya ng anonimong liham mula sa isang nagpakilala na may-ari ng isa pang Labirinto para sa “internet content.” Sa madaling sabi, ayon kay Gemma, magkakaroon ng overlap sa pagkakatalogo at conflict of interest kung isasama ni Cynthia sa Labirinto (ng Imposibleng Antolohiya) ang memes at meme pages sa pinakadalisay nitong anyo. Humantong na lang ang dalawang panig sa kompromiso na tanging ang mga internet content lamang na decidedly at aktuwal na inilathala bilang antolohiya ang maaaring isama sa Labirinto. Para sa mga nalalabi, napagkasunduan ng dalawang panig na bumuo ng isang sistema na kino-cross-catalogue ang resources ng dalawang Labirinto. 
[2] Muli, hindi representatibo ang Suicide City ng mga antolohiya na may game-like qualities at mga PC at console games na gumagamit ng mga elementong pampanitikan. Tulad ng Labirinto na nakatuon sa pagkakategorisa ng web content, may Labirinto rin na nakatuon sa pagtitipon ng mga “imposibleng” laro. Isang malaking halimbawa ng problema sa jurisdiction ay ang isang mod (modification) sa sikat na larong Diablo 2 kung saan pinalitan ang nakasanayang character classes ng iba’t ibang uri ng manunulat sa Pilipinas. Halimbawa, dahil kinamumuhian ng marami dahil sa kaniyang kritikal na interbensyon sa politika ng produksyong pampanitikan at intelektuwal ng Pilipinas, ang manunulat-kritiko na si Edel Garcellano ang pinalit sa class na “Barbarian.” Sa kabilang banda, maging ang boss monsters tulad nina Mephisto, Diablo, at Baal ay pinalitan ng mga manunulat na sinasabing kumakatawan sa mga itinatanging birtud at pag-uugali ng mga manunulat na Pilipino.
[3] Nang tanungin ko kung saan nanggagaling ang pondo ng Labirinto, blangkong tingin lamang ang isinukli ni Gemma sa, na para bang sinasabing “Bakit ko sasagutin ang tanong na yan? Ikaw ba ang nagpapalamon sa akin?”
[4] Ayon sa Arnulfo Canelo es la Revolucion Permanente (n.d.), hindi naman daw talaga sa Cagayan dumiretso si Canelo kundi sa Espanya upang lumaban para sa pwersa ni Heneral Franco. Sa isang artikulo na inilathala sa Sakdal na nasumpungan ko sa tahanan ni Mamerto Abaño (kapatid sa ina ni Crisanto Evangelista), sinasabing nagsilbi bilang “Matahari” o double agent si Canelo para sa mga Falangista.
[5] Orihinal na nailimbag noong Disyembre 1896, ngunit natagpuan ni Arnuflo Canelo sa estante ng isang tahanan ng isa sa mga apo ni Ladislao Diwa, isa sa mga tagapagtatag ng Katipunan, unang naipasok sa Labirinto ang Disenso y Castigos noong 1950. Ito ang dahilan kung bakit 1950 at hindi 1896 ang nakasaad na taon ng publikasyon sa artifact number ng naturang antolohiya. Sa paglaon, matutuklasan kong isa lamang ito sa maraming kaso ng pagpapalit (at kung minsa’y paghahalinhinan) ng aktuwal na taon ng publikasyon ng isang antolohiya at taon ng pagkakakupkop nito sa Labirinto bilang isang artifact. Ayon kay Gemma, simula nang maipasa kay Cynthia Canelo ang pagma-may-ari ng Labirinto ay napagkasunduan nilang isaad na lamang sa artifact number ang aktuwal na petsa ng publikasyon (kung nakasaad ito) ng isang antolohiya. Kung mangyaring walang nakasaad na taon o petsa ng publikasyon ay saka lamang nila gagamitin ang “metodo”ni Arnulfo Canelo.
[6] Ayon sa pagkukuro ni Gemma, dito raw nakuha ng ngayo’y sikat na sikat na batang manunulat mula sa Latin Amerika na si Mario Bellatin (1960-) ang inspirasyon sa kaniyang epinomyong koleksyon na Obras Reunidas (Alfaguara, 2013) at Obras Reunidas 2 (Alfaguara, 2014). Ngunit sa totoo lang, duda ako sa impormasyong ito. Baka nga ang kabaligtaran pa ang totoo.
[7] Na-tempt ako, sa ngalan ng siyensya at posteridad, na tanungin si Cynthia kung nag-69 sila ng naturang politiko. Buti na lang, napigilan ko ang sarili sa huling sandali. Mahirap na, baka masabihan pa akong impertinente, tactless, at walang-modo.
[8] Marahil masasabing nakapagtataka kung paanong napasok sa Labirinto ang isang antolohiyang tila tugmang-tugma (ginagagad pa nga) ang katangian ng kasulukuyang mainstream na diskursong intelektuwal sa Pilipinas. Maiisip mo pa nga na isa itong pagsisikap o pagtatangka na talagang susuportahan ni Duterte at ng kaniyang sirkulo. Lamang, tulad ng karaniwang problema ng mga grupo o hugpong na pinagbubuklod ng kagyat na ganansyang pang-ekonomiko, madaling makita kung saan nagkakaroon ng bara at buhaghag sa kanilang alyansa.
[9] Enggrande ang naging lunsad-aklat ng Galing-galingan. Nag-organisa ang mga patnugot at financiers ng antolohiya ng debate-cum-concert kung saan nagtipon-tipon ang mga pampublikong intelektuwal, artists, musikero, at iba pang mga organisasyon na sumusuporta sa bisyon ni Pangulong Duterte para sa Pilipinas. Ayon sa mga nag-organisa ng naturang pagtitipon, layunin daw ng debate-cum-concert na ipakilala sa kabataan at malawak na hanay ng sambayanang Pilipino ang isang uri ng politika na “hip” at “cool,” na madaling masasakyan ng mga taong sawa na sa pretensyoso, elitista, at komandistang politika ng pundits at tituladong intelektuwal na naglulungga sa akademya at iba pang “magiginhawang” institusyon. 
[10] May mga sabi-sabi rin na ipinamumudmod ang librong ito tulad ng kung paano “inilalako” ng mga sikat ng multi-level marketing companies (hal., Frontrow, Royale, New Skin) ang kanilang mga produkto bilang “bundles” o “packages.”
[11] Ayon sa mga sabi-sabi, na kung mapapansin ninyo’y ang siyang bumubuo sa 95% ng mga talang ito, ang totoong dahilan kung bakit tinanggal ng National  Bookstore sa estante nito ang Galing-galingan ay dahil takot mawalan ng “bankable” at gwapong awtor ang National sa kanilang roster.

Nagtuturo si Amado Anthony G. Mendoza III ng mga kurso sa panitikan at malikhaing pagsulat sa UP Diliman. Bukod sa kaniyang mga malikhaing akda at pananaliksik na nailathala sa Likhaan, Daluyan, Tomas, Southeast Asian Studies (CSEAS, Kyoto University), JONUS, at iba pang publikasyon, isinalin din niya ang ilang akda ng mga batikang manunulat na Indones tulad nina Eka Kurniawan, Wiji Thukul, Chairil Anwar sa Filipino. Siya ang may-akda ng nobelang Aklat ng mga Naiwan (Balangiga Press, 2018), ang unang tomo sa binabalak na “Trilohiyang Reaksyonaryo.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: