Maikling Kuwento

Retrato

Hindi ko naman talaga siya naging kaibigan. Pero nang nakarating sa ‘kin ang balita mula sa Facebook, nagdalawang-isip ako. Kinahapunan, natagpuan ko ang sariling nakikipagbalyahan sa kumpol ng mga taong papauwi galing trabaho para lamang makasakay sa Philcoa papuntang Maynila. Hassle pero kasubuan na. Hindi ko na lang din sinabi sa barkada na pupunta ako. Malabo rin namang kausap ang mga ‘yon. Gusto ko ‘tong gawin nang mag-isa. At ngayon, sa kasagsagan ng biyahe sa loob ng regular na bus, habang mga sardinas kaming pasahero sa pagkakadikit-dikit ay pilit kong binabalikan ang nakalipas kung saan naruon siya.

Highschool. Batch 100. Espesyal daw kami dahil Centennial, sabi ni principal Arboleda. Nakatatawang nakalulungkot. Dahil kung babalikan, pulos hindi nagtuloy ng kolehiyo ang aking mga kaklase. Ang iba nga’y may mga pinapasuso na. Pati iyong mga inaakala mong hindi makabasag pinggan. Ang pagpapatuloy ng kolehiyo’y luho para sa ‘min. Buwenas lamang na pinalad akong mapasama sa suntok sa buwang scholarship program ng konsehal naming puro pa-liga lang ang ata alam. Kung hindi, baka kasama ko na ngayon ang kababata kong si Atoy sa pagsa-sidecar boy.

“Kuk-uuku-kongrats ‘kel!” tinapik niya ako sa balikat. Kukuhanan daw kami ng nanay niya. Remembrance. Hindot na ‘to, ang drama. Natawa ‘ko. Magkaakbay kaming nag-pose. Lingid sa kaniya’y sinungayan ko ang ulo niya. Kinaltukan ko siya pagkatapos. “Mamimiss ko ‘yan,” biro ko. Minura niya ako. Kapwa kami nagtawanan. Iyon ang huling beses na nakita ko siya. Sa lahat ng mga alaala ko noong hayskul patungkol sa kaniya, ayun ang gusto kong alalahanin. Iyon at iyon lamang. Dahil aminado ako, hindi ako naging mabuting kaibigan ni kaklase sa kaniya. Lahat naman siguro tayo’y may kaniya-kaniyang kasalanan na hindi kayang lunasan ng panahon kaya’t minamabuting ibaon na lamang sa limot. Ngunit ngayon, bumabalik sa akin ang lahat na tila ba kahapon lamang kami huling nagkita. Taksil ang memorya. Iniisip ko ang mga pira-pirasong gunitang iyon habang matamang tinitignan ang mga naglalakihang billboard sa kahabaan ng biyahe.

Ulo. Ganoon kung siya’y aming tawagin. No’ng umpisa’y ginawa lamang itong biro ni Bal, ang pinakaluko-loko sa batch. Mahahalata mo kumbakit. Hindi normal ang laki ng kaniyang ulo. Kulang na lang ng ilang dali’y mapagkakamalan ng pakwan. Bahagyang nakangiwi ang kaniyang mukha at may sariling buhay na tila mga christmas lights sa pagkindat ang kaliwa niyang mata kada tatlo o apat na segundo. Sa taas niyang limang pulgada, at sa ‘di katabaan niyang katawan, malabong hindi mo mapansin ang kaniyang araw-araw na pasanin sa buhay. Transferee siya. Galing private. Kaya mas lalong mainit ang mata ng mga kaklase ko. Puting-puti ang kaniyang uniform at laging may bimpo sa likod. Diaper at gatas na lang ang kulang. Pang-aasar ni Allan habang nasa flag ceremony kami. Hagikgikan ang buong tropa.

No’ng una pa lang, kursunada na talaga ng buong magto-tropa si Aldrin. Madalas si Bal ang pasimuno. Kapag ka tinatawag ito upang mag-recite sa klase, magkukuyom si Bal ng kalahating pad ng papel. Magsusunuran kami. Paisa-isa naming babatuhin si Aldrin sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang likod, madalas ay sa ulo nang hindi nakikita ng kung sinumang guro. Wala namang nagsusumbong na mga kaklase. Paano’y gusto rin nila. At kung mayroon man, malabong kumontra. Sa takot lang nila sa ‘min. Ewan ko pero siguro, kaya ako nakikigaya kina Bal ay dahil kapag ka pinagti-trip-an namin si Aldrin, parang nakakalimutan ko ang mga problema sa bahay. Pati na rin si Ellen. Ang dati kong kasintahang taga lower section na puro Bibliya na lang ang inatupag. Buti sana kung naririnig ng Diyos ang mga panalangin niya. At saka siguro, masama lang talaga ‘kong tao. Makita ko lang ang ulo’t mukha noon ni Aldrin, middle class na wala namang maipagmamalaki maski sa katalinuhan, mas ginaganahan akong mabuhay dahil akala ko noon, malala na’ng buhay ko, namin. Kaming mga taga-looban na kahit kaila’y hindi binimpohan ng aming mga mahal na nanay.

Madalas kaming magkatabi sa klase. Kasi’y magkalapit lang ang apelyido. Oliveros, Pineda. Ako lagi ang sunod pagkatapos niya. Liban na lang sa Values Education dahil ang gusto ng titser naming pastor, sa unahan siya. Ewan pero sa tingin ko’y hindi rin naman iyon makakatulong. Mas lalo niya lamang pinapamukha kay Aldrin ang kaibahan niya sa amin. Ang di ko mawari dito kay Aldrin, sa kabila ng kalokohan ng tropa’y buntot pa rin nang buntot sa akin. Kagagawan iyon ni nanay. Dinaldal niya kasi nang dinaldal ang nanay ni Aldrin noong kuhanan ng card no’ng 1st grading. Bantayan ko raw at kaibiganin dahil kawawa naman.

Kawawa. Sa awa at hindi sa malasakit nanggagaling ang utos na iyon. Kaya hindi ko rin masabi kung dapat ko bang sundin. Basta ang tiyak lamang sa ‘kin, palaging umoorder sa kaniya ng kakanin (negosyo ng aming pamilya) ang nanay ni Aldrin at laging may pa-bonus pang pagkain sa restawran kapag ka nagkataong nagkita kami sa simbahan tuwing linggo. Kaya unti-unti, hinayaan ko na lamang siyang makipagkaibigan sa akin. Hindi naman ako talo. Apaw na apaw ang lalagyanan niya ng baon sa tuwing kami’y kakain. Minsan pa nga’y nanlilibre pa ng softdrinks si ulo. Mahina pang kumain ang loko kaya ako lagi ang tumitira sa mga pritong manok, liempo, at mga lutong ulam ng kasambahay nila. Kailangan mo lang talagang sakyan at sanayin ang sarili sa tila mahuhulog niyang ulo’t pakislot-kislot na mata. Tiniis ko ang mga pang-aasar ng tropa. Na kesyo baka raw di magtagal ay kumikindat-kindat na rin ako. Ginaya pa ni Allan ang pagkindat ni Aldrin. Sinapak ko siya. Bagsak siya sa lupa. Inawat kami nila Bal. Hindi ko alam kumbakit ko ginawa ‘yon. Pati ang mga tropa’y nabigla rin. Maski ako, sa aking sarili. Pero iyo’y isang madalang na kaso lamang. Dahil pagkaraan ng ilang buwan. Balik na naman kami sa pang-bubugoy ng mga kaklase. At siyempre, di mawawala sa listahan si Ulo. Halimbawa’y kapag vacant, hahablutin ni Bal ang bag ni Aldrin at pagpapasa-pasahan namin. Maghahabulan kami sa oval. Sa gitna ng mga iba’t ibang antas ng estudyanteng kumakain, naglalandian, nagdadaldalan o nagkakaklase ng P.E. Bubuksan ni Allan ang bag, at babaliktarin ito. Ikakalat sa abuhing aspalto ang lahat ng gamit sa eskuwela ni Aldrin. Pagdating sa ‘kin, ibabato ko ito sa kaniya. At pagmamasdan namin ang kaniyang pagkislot-kislot, pawisan habang ibinabalik ang mga maalikabok na gamit sa kaniyang mabuhangin na bag. Ngunit ang kakaiba dito kay Aldrin, hindi siya kailanman umiyak ni nagalit o nagsumbong sa nanay niya. Kahinaang pinagsamantalahan namin. Naulit nang naulit ang pangti-trip namin nila Bal. Kahit iyong iba’y hindi ko na masakyan. Lalo no’ng huli, na siyang aking pinagsisi[si]han.

Kanina sa bahay, binuklat ko ang lumang photo album na laging inilalagay ni nanay sa ilalim ng aking damitan. Dahan-dahan kong pinasadahan ang bawat madidikit na pahina na naglalaman ng mga larawan ng aking kamusmusan. Ang ang aking binyag, unang komunyon, graduation no’ng grade 6, mga inuman sa looban ng regalado, handaan, piyesta, ang aking ika-walong kaarawan. Mga masasayang mukha. Puro nakangiti. Kapansin-pansin na lagi’t lagi mula noong pagkabata, kundiman hawak-hawak, buhat-buhat ako ng Itay. Siya lamang ang taong bukod tanging nakita kong hindi nakangiti sa mga retrato. Pero ang kaniyang mga mata, hindi ko maipaliwanag. Punung-puno ng buhay. Saglit akong natigil sa pagbuklat. Ang tagal na rin pala. Itinuloy ko ang pagbuklat. Puro si nanay na ang kasama ko sa mga susunod na larawan. Hanggang makarating ako sa mga kuha noong pagtatapos namin ng hayskul. Sobrang dugyot ko pala talaga. Buti ngayo’y nagkalaman-laman na ‘ko. Magkakaakbay kami ng tropa. Ako, si Allan na naka-pakyu, at ang huli’y si Miko na nakapikit. Napa-iling na lang ako. Buklat. Kuha naming dal’wa ni Ellen, nasa gilid ang tungaw niyang nobyong kagaya niyang madasalin. Buklat. Si nanay, habang isinusuot ko ang toga sa kaniyang ulo. Buklat. Piktyur namin ni Principal, naka-pakyu ang mga tropa sa gilid. Buklat. Piktyur ng aming klase sa ceremony. Likdang. Piktyur ni Mayor Lumagad, habang nagtatalumpati. Buklat. Ako, sa pila ng pag-aabot ng diploma. Sa likod, si Aldrin, nakapikit ang kaliwang mata, nakapang-mister pogi pose. Medyo blurred ang gilid ng kaniyang ulo. Kayrami pang iba na hindi ko maintindihan kumbakit pina-develop pa ni nanay. Umabot ako sa dulong pahina’y hindi ko mahanap ang kuha sa amin ng nanay ni Aldrin. Sa pagkakaalam ko, binigyan si nanay ng kopya no’n ng nanay ni Aldrin. Nang tanungin ko naman ang nanay, katakutakot na sermon ang inabot ko dahil ako raw ang naglabas noon dati’t hindi ko na ibinalik. Wala akong maalalang ginawa ko iyon. Humiga ako sa butas na butas na banig. Tumulala sa kisame naming inaagiw. Inunat ang aking mga binti na kanina pa naka-indian sit. “Umalis ka na’t baka matrapik ka, aba, gagabihin ka ng dating do’n,” singhal ni nanay habang naglalaba sa labas. Pilit kong inaalala kung saan iyon napunta at bakit iyon nawawala. Pero wala. Nagbibiro ang tadhana. Hinablot ko ang nakasabit na tuwalya sa likod ng pinto’t dumiretso sa kubeta.

Third grading na noon. Nang mayroon na namang nadagdag sa aming section. Si Maya. May lahing Hapon at mahahalata na anak mayaman dahil sa kutis labanos at mamula-mula nitong mukha. Halos lahat ng aming mga ka-batch, kung hindi nagkakagusto, pinagnanasaan siya. Manipis ang mga uniporme nito na kung titignan mong mabuti’y tagos na hanggang panloob niyang damit. Hindi rin ito nagsho-shortskapag nagpapalda. Maiikli rin ang mga ito kaya naman halos araw-araw naming hinuhulaan kung anong kulay ng panty niya. Paunahan sa unang makakaalam. Uso noon ang kapirasong salaming idinidikit sa dulo ng sapatos para makita ang panloob na kasuotan ng mga babaeng aming pinag-nanasaan. Si Miko ang magaling sa mga ganun. Siyang pinakatahimik ngunit pinaka-pilyo sa tropa. Halos kabisado niyang lahat ng kulay ng panty ng aming mga kaklase. Pero agad itong napansin ni Maya. Kinalabasan, guidance kaming lahat. Buti na lamang at nakalusot ako dahil hindi naman ako kasama no’ng sinisilipan nila si Maya kaya ligtas ako sa sermon ni Nanay at sa kahihiyan. Tatlong araw na suspension at community service ang hatol ng guidance counsilor. Pinagtatawanan ko sila habang inilalagay ang pinagkainan kong balat ng chichirya sa mga winawalis nilang kalat sa oval.

“Tinamaan na ‘ta ko d’yan kay Maya,” minsan ay nasabi ni Bal habang sabay-sabay kaming naglalakad pauwi. Kahit ako rin naman, di malabong hindi magkagusto. Sino bang mangangayaw sa babaeng walang tapon ang katawan kahit ulo. Akala namin nuo’y sa pangarap o sa Playboy magazines lang matatagpuan ang ganoong kurbada’t ganda. Ngunit ang problema’y pihikan at lubhang malayo ang agwat namin kay Maya. Dahil unang-una, hindi kami mayaman. Ikalawa, liban sa ‘kin, ang mga tropa ko’y walang maipagmamalaki kundi kanilang mga bayag.

“Ala’y bonak ka ba p’re? Kung ako sayo’y bilis-bilisan mo’ng kilos mo. Ala’y nauunahan ka na ni ulo.”

Tawanan.

“Si Ulo? Ulol! Sa tingin niyo ba seseryosohin ‘yon ni Maya?”

“Ala’y madalas silang magkasama, e. Laging nasa library, e. Ala’y tanong mo pa jan kay Maykel e,”

“Di na ko madalas samahan no’n. Di ko alam pa’no sila naging magkalapit basta pagkatapos namin kumain nagpapaalam na, e.” Pagtatanggol ko sa sarili.

Ginaya na naman ni Allan ang pagkindat-kindat ni Aldrin. Nagkukunwaring kausap si Maya.

“Mmma-maya, pupu-wede pa-kikisss?” Tawanan ang buong tropa. P’wera kay Bal.

Kinabukasan, usap-usapan sa klase si Aldrin at Maya. Pero hindi dahil sa sila’y mayroong relasyon. Pero dahil sa ginawang kahihiyan ni Aldrin no’ng vacant sa oval. Kay Mico ko na lang nalaman.

“Ala’y gago talaga si ulo, e. Akala niya ata’y may gusto sa kaniya si Maya, e. Ala’y ayon, nangharana sa oval. Kindat nang kindat, e. Putang ‘na, tawa ko nang tawa e. Tapos, e di pinalibutan sila ng mga tao. Pati nga yung mga guard nagtatawanan na e. Ala’y sabi naman no’ng tapos nang kumanta ng One Thing, e kung puwede na raw bang sila na. Putangina gago sipa ka pa kasi nang sipa hindi mo tuloy nakita. Ala’y iyak si Maya, tumakbo papunta sa cr e. Pinagbabato namin si ulo e!”

Biglang balik sa ‘kin sa pagbuntot si Aldrin. Buti nga sa kaniya, sa isip-isip ko. Nangarap na nga’y gusto pang magkatotoo. Pauwi na ‘ko noon nang mag-ayang sabay na raw kami at ililibre niya ‘ko ng ice cream at burger kina Mang Gusting, ang kalapit na tindahan malapit sa paradahan ng mga sasakyan sa tapat ng terminal. Nagpalusot na lamang ako para hindi makasabay kina Bal. Walang-wala din kasi ako noon.  Mangyari’y manunuod lang din naman ako sa laban nila ng Dota sa kabilang section. Wala naman akong pamusta. Nagpapasundo sa palengke si Nanay, palusot ko. No’ng naglalakad na kami ni Aldrin, nagpapapayo sa akin kung paano raw bang ginawa niya’t hindi na siya pinapansin ni Maya. Tinawanan ko siya. Nanginginig ang kaniyang namimintog na ulo. Umiiyak pala.

“Hindi kayo bagay no’n, ang baduy pa nang ginawa mo,” pang-aasar ko. Hindi siya kumibo. “Dada-dahil ba sa it-itsura kkk-ko?” Hindi lang do’n ungas. Gusto ko sanang sabihin at ipamukha kay Aldrin ang katotohanang simpatya lamang ang mayroon si Maya para sa kaniya. Pero nang humarap siya sa ‘kin, sumasargo na ang uhog sa kaniyang ilong, kasabay nang inboluntaryong pagkindat ng kaniyang pulahang mata. Tinapik ko nang malakas ang kaniyang balikat.

“Ku, hayaan mo na lang yan. Si Ellen nga, wala na kong pake e, magsama-sama sila, may mga araw din ang mga lintek na babaeng yan! Nga pala, kala ko ba manlilibre ka?” 

Alanganing tumango si Aldrin na aakalain mong umiiling dahil sa pag-ngiwi ng kaniyang ulo. Tig-isa kaming burger at ice cream. Sa loob ng traysikel na lang namin kinain dahil malapit na ring magdilim. Nag-tenkyu sa ‘kin si Aldrin, nang malapit na siyang bumaba papunta sa subdivision na kinatatayuan ng kanilang adobeng bahay. Hindi ko siya pinansin.

Kinabukasan, iwas sa ‘kin ang tropa. Ni bati o titig sa mata, wala. Sinubukan kong makipag-usap, makisali sa kanilang pagkukuwentuhan pero nagmumukha lang akong tanga. Pinalipas ko ang inis. Nang mag-vacant, kinumpronta ko si Bal.

“Anong problema niyo?”

Sinalubong ang mukha ko ng kuyom na kamao ni Bal.

PAKKKKK!

Nagsalimbayan ang itim at puti sa ‘king paningin.

Binigwasan niya ang aking tiyan.

PAKKKKKKKKKK!

Umiikot ang aking wisyo. Nakita ko si Mico. Inaawat niya si Bal. Napaluhod ako. Nalalasahan ko ang lansa ng sariling dugo. Putok ang aking mga labi. Tinakpan ko ito ng aking panyo upang pigilin ang pag-agos. Akmang bibigwasan pa ko ni Bal ngunit, pati si Allan ay hawak na siya sa kaniyang kanang bisig.

“Putang ina ka, sinungaling! Kelan mo pa pinagpalit ang tropa?!”

“Anong pinagsasabi mo?”

“Wag mong sabihing di mo kasama si ulo kahapon?”

“Putang’na naman, parang yun lang?”

“Talaga ba?”

Hindi ako makasagot. Patuloy kong pinupunusan ang dugong sumisirit sa aking labi. Pulang-pula na ang aking tuwalya.

“Putang’na mo sumama ka mamaya a,” hamon ni Bal bago niya ako talikuran. Nakangisi si Mico at Allan. Ang mga gagong to. Akala yata’y ipagpapalit ko ang samahan kay ulo. Nang hapon ding iyon, ritwal na sumabay sa ‘kin si Aldrin ngunit sa partikular naming paglalakad pauwi’y kakaiba ang pakiramdam ko. Nagpupuyos sa galit. Nagkukuyom ng kamao. Tikom ang mga labi.

“A-aano iii-yan, na-papppano ka?”

Do’n sa gawing kanto bago kami tumawid pa-terminal, nakita ko na si Bal, kasama si Allan at Mico. Pundido ang posteng umiindap-indap ang kahel na liwanag. Nang malapit na kami duon, umatras akong palihim, bumuwelo nang hininga’t tinadyakan sa likod ang nagulat na si Aldrin.

KABLAAAAAAAAG!

Padapang bumagsak si Aldrin sa malamig na aspalto.

Tumilapon ang plastik niyang attache case. Nabiyak ito sa gitna. Lulan ang mga notebook, papel at iba pang gamit ni Aldrin.

“HAWAKAN NIYO ANG PUTANGINANG YAN!” sigaw ni Bal, kapwa kami nagtitigan, tinanguan niya ako’t ngumiti. Pahiwatig na tanggap na akong muli sa grupo. Hindi ko na tinignan pa kung anong ginawa nila kay Aldrin. Basta ang narinig ko, tinatawag niya ang nanay niya, umuungol, humahagulgol. Ngunit mas pumapainlanlang ang tawa nila Bal. Patakbo akong lumayo at sumakay sa unang traysikel na nadatnan ng mata. Sa biyahe, parang naririnig ko pa rin ang hagulgol ni Aldrin.

Dalawang linggo ang ipinalamagi ni Aldrin sa ospital. Lamog sa pasa ang kaniyang mukha’t nagtamo siya ng mga bali sa kaniyang katawan. Malas lamang at mayroon pa lang nakakita sa mga tropa, namukhaan si Bal ng isang janitor ng paaralan. Abot-abot ang pagkasuklam sa aming section. Nabalita pa nga ang insidente sa TV Patrol. Trending ang Mataas na Paaralang ng Sumahoy sa buong Caloocan. Kataku-katakot na sermon ang inabot namin kay Sir Arboleda, maging sa aming adviser. Malinaw ang hatol ni principal, expelled si Bal. Mananatili muna siyang nasa pangagalaga ng ilang social worker sa isang boystown at nakadepende sa kaniya ang tagal nang ipamamalagi niya ruon. Lusot ang dal’wang tropa. Wala akong maramdaman. Ni hindi ako makonsensiya. Hindi ko rin naman ikinalungkot ang pagkawala ni Bal. Pero nang umuwi ako, umiiyak si Mama. Tinatanong ako.

“Bakit anak? Bakit?”

Matagal niya rin akong hindi kinibo. Paano’y hindi ko rin kayang sagutin ang kaniyang mga tanong. Kagaya ng mga tanong ko sa kaniya noon kumbakit bukod sa aking Ama’y mayroon pang ibang tumatabi sa kaniya sa aming kama. Halos ilang linggo din iyon ng katahimikan. Iyon na ata ang pinakamahabang linggo ng buhay ko.

Dalawang buwan bago ang aming graduation, nakabalik na si Aldrin. Iilang peklat na lamang ang pansin sa kaniyang mukha. Ngumingiwi-ngiwi siyang lumapit sa ‘kin.

“Sa-sabbbbaba-bay tatatayo mamaya? Li-libre kiki-ta,” Hindi niya ako isinuplong. Panay pa rin ang lapit niya sa akin sa kabila ng katarantaduhan ko. Hindi ako sumagot. Pero sinabayan ko siyang kumain sa canteen, pati sila Allan at Miko, pinasama ko na rin. Kapwa sila binabagabag ng kanilang mga konsensiya.

“Wa-wala na i-i-iyon, ookay na k-k-koo,” pakindat-kindat na sabi ni Aldrin. Nais kong matawa sa sariling kahangalan.

Humingi sila ng tawad kay Aldrin. Nakinig lamang ako sa kanilang kadramahan. Naglabas ng kutkutin si Miko, kupit sa sarisari store nila, pinagsaluhan naming apat habang nagkukuwentuhan sa iba’t ibang mga bagay.  Basketball. Babae. Paglalaro ng sipa na pinangako ni Mikong tuturuan si Aldrin. Yung mga bali-balita tungkol sa napipintong pagbenta ni Mayor sa lote ng aming paaralan. Panay sa pagtaas baba ang balikat ni Aldrin dahil sa mga katatawanang istorya ni Allan. Iyong mga kuwentong paligsahan na ang laging bida ay si Juan. Nakikitawa rin ako. Tumunog na ang bell ngunit tuloy pa rin kami sa huntahan. Hanggang sa kami na lang ‘yung natira sa oval. Sabay-sabay kaming umuwi nang hapong ‘yon. Nagkayayaang magpunta kina Mang Gusting. Ngunit ang kaibahan, ako ang nanlibre kay Aldrin. Maging sa mga tropa. Ang totoo’y sinabi ko kay Mamang may project akong babayaran kahit wala naman talaga. Kesa naman mang-umit ako.

“Pano ‘yan Kel? Ala’y ikaw na’ng lider namin e,” kalat na kalat ang tunaw na puting sorbetes sa ibabaw ng labi ni Allan.

“Oy ‘drin, samin ka na ha,” inakbayan ni Mico si Aldrin, ngumiti ito, at kumindat-kindat.

“Yu-yuyoko nga, bugbog nini-yo ku-kuko eehhh!”  

Tawanan kaming lahat.

“Yung mga Chinese General jan, babaan na po tayo, kaunting bilis lang po, may nanghuhuli po, di na po kami puwede pang magbaba pagtawid, lakarin niyo na lang po! Chinese Gen na po! Pakibilisan lang po!”

Walang pagmamadali akong bumaba sa bus. Himalang maaliwalas ang Maynila. Taliwas sa inaasahan kong bulto ng mga tindahang dikit-dikit sa daan. Wala naman ding pasok bukas. Kung magkatao’y pwede akong magpagabi ng uwi at kahit umaga pa. Madali namang kausap si Mama. Tinanong ako ng guard, sabi ko’y bibisita ako sa isang kaibigan. Medyo magaspang ang kaniyang tono, dahil hindi ko agad nasabi ang buong pangalan ng sinasadya.

“Aldrin po ser, Aldrin Chua Oliveros.”

Pagkuwa’y sinalubong ako ng Ina ni Aldrin, kapwa nangapa ang aming mata. Bukod sa hindi ko na mamukhaan, hindi ko naman talaga kahit kailan nalaman ang pangalan niya.

“Binatang-binata ka na, a? Kumusta ka na iho? Ang nanay mo ba?”

“Eto po, graduating na po sa susunod na taon. Ayos naman po si nanay, nagkakakanin pa rin po,”

“Gusto mo bang magmeryenda na muna?”

“Ay di na po, busog naman po ‘ko,”

“Sabi nang duktor, kung nahuli lang daw ako ng ilang minutes, baka hindi ko na siya nailigtas,” pinunasan ng kaniyang ina ang luhang tumutulo sa kaniyang pisngi.

Patlang na katahimikan.

Sure ako, matutuwa siya kapag nakita ka niya, sa totoo lang, akala ko nga walang dadalaw sa kaniya kahit isa sa mga kaklase niya,nginitian niya ako at itinuro kung saan ko siya madadatnan.

Kuwartong may numero 409. Pansamantalang ipinahiram sa ‘kin ng nanay niya ang visitor’s pass dahil istrikto ang ospital sa pagpapadalaw. Dahan-dahan kong binuksan ang puting pintuan. Sa loob noon, nakita ko siyang muli, nakaratay, sa higaang kutson. May nakakabit na suwero sa kaliwang bahagi ng kamay. Pulang-pula’t namamaga/nangigitim ang kaniyang mga leeg, bunga nang kaniyang pagtatangkang umalpas sa buhay. Marahil naalimpungatan siya sa ‘king pagdating pagkat iminulat niya ang kaniyang mga mata. Kapwa kami nagtitigan. Titig nang pangingilala. Pakislot-kislot pa rin ang kaniyang mukha, pati ang pagkindat ng kaniyang mga mata. Walang pinagbago. Liban lamang sa mga dumaang panahon.

“Oy hindot, ‘wag mo sabihing di mo na ko kilala. Kakaltukan kita,” biro ko sa kaniya.

Akma niyang itinataas ang kanan niyang kamay ngunit pinigil ko.

“Huwag ka ngang magkikilos, di ka pa okay o.”

“Kkk-kku…”

“Ano?”

“Kkuu-kieel,”

“Suus-sala-”

“Sus-salammumu-”

 “Ako muna’ng bantay mo ha, ayoko ng maarte,”

“Ki-iiel, sskklamatt…”

“Gusto mo’ng ice cream?

Tumango-tango siya. Marahang yumuyugyog ang mga balikat. Tinapik-tapik ko ang mga ito. Para kong napuwing sa mata. Kaya kinuskos ko ng kamay. Nakalimutan kong magdala ng panyo dahil sa pagmamadali. Iniisip ko pa rin iyong piktyur namin no’ng graduation. Kung may kopya pa kaya siya no’n.  Gusto ko sanang ipa-scan. Itatanong ko na lang mamaya sa nanay niya.

“Anong flavor?” Hindi siya sumagot, patuloy ang pagyugyog ng kaniyang mga balikat, tinapik-tapik ko ito habang patuloy ang pag-agos ng tubig sa kaniyang mababaw na mga mata. Nginitian ko siya’t binulungan.

“Iyakin flavor?” 

Bahagya siyang ngumiti.

Maingat kong isinara ang pinto.


Si Jerwin Bilale Uy ay naging fellow sa online Luntiang Palihan 2020 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center sa De La Salle University. Nailathala ang kaniyang akda sa magasing Liwayway at ang ilan ay mapalad na napabilang sa mga antolohiya ng iba’t ibang lokal na publikasyon. Nakamit niya ang unang gantimpala [sa kategoryang tula] sa nakaraang Saranggola Blog Awards (2019). Kasalukuyan siyang nag-aaral ng programang AAMPF (Associate in Arts, Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa UP Diliman.

1 comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: