The Wallflower

Kolateral: Kuwento ng Masa sa Ilalim ng mga Pasista

Binuo ang album na Kolateral ng Sandata, isang grupo na binubuo ng mga lokal na mang-aawit, kompositor, at rapper ng Pilipinas. Ang buong proyekto ng grupong Sandata ay nagsimula sa rurok ng labang kontra-droga ng pamahalaan. Sa tulong ng mga pananaliksik at datos mula sa iba’t-ibang ahensya’t organisasyon, sumandig sila sa mga salaysay ng mga aktwal na biktima—mga kuwentong ng masa sa ilalim ng pasistang rehimen. Walang halong pagpapanggap ang koleksiyon ng mga awitin na kabilang sa Kolateral, sapagkat hindi lang ito mga istoryang binuo sa isip ng mga manlilikha—ito’y mga katotohanang hinaharap ng mga mamamayan at ng bansa.

Matagal nang kaakibat ang awiting-protesta (protest music) upang ihayag ang politikal na paglaban dulot ng inhustisya. Bago pa man dumating ang henerasyon ng pop music, ang mga klasikal na komposisyon tulad ng Symphony No. 3 ni Ludwig Van Beethoven ay nagbigay-suporta sa demokratikong ideya ng rebolusyon sa kalagitnaan ng Rebolusyong Pranses. Sa katunayan, ang orihinal na pamagat ng naturang komposisyon ay Bonaparte, bilang tugon ni Beethoven kay Napoleon I nang maramdaman niyang iniwanan na nito ang ideya ng rebolusyon (Kerman, 2016). Nang sumapit ang dekada ’60, nabihisang muli ang mga awiting-protesta sa porma ng psychedelic music at punk rock. Ang mga naturang awitin ay ginamit upang magpakita ng suporta sa civil rights movement sa Amerika. Tinawag itong ‘hippie music’ at ito ang naging dahilan ng pag-usbong ng tinatawag na ‘conscious rap,’ na siya namang ginamit ng African-Americans o blacks para iparating ang kanilang oposisyon sa karahasang dulot ng kapulisan at sistematikong rasismo sa kanilang bansa.

Ang labindalawang awitin mula sa Kolateral, isang album na naglalaman ng awitin hinggil sa digmaang kontra-droga. (Larawan: Kolateral)

Inuungkat ng Kolateral ang masalimuot na mga reyalidad ng digmaang kontra-droga (war on drugs) ng administrasyong Duterte. Isinasalaysay ng labindalawang (12) kanta sa loob ng Kolateral ang samu’t-saring karanasan ng mga biktima ng tokhang, pagpatay, at pang-aabuso. Iba’t-ibang karakter ang nabuo mula sa mahigit tatlong taon nang pakikipaglaban sa diumano’y salot ng lipunan: mula sa mga naulilang mga bata dahil sa tahasang pagpatay, sa mga inosenteng nadadawit, hanggang sa mga OFW na may takot na sa pag-iwan sa kanilang pamilya. Dagdag pa rito ang ilang audio clips kung saan may batang nagsasalaysay ng tula, mga tunog ng pagputok ng baril at pagsilip sa reyalidad ng stratification ng lipunan, ang kawalan ng awa ng gobyerno, at ang digma kontra-mahihirap.

Mula sa toreng garing kung saan madalas naglalagi ang mga obra, hinugot ng Kolateral ang musika at ibinalik ito sa masa, sa pamamagitan ng paglapit ng estilo, tugtugin, at aesthetics nito sa pamilyar. Ang naturang estilo ay pumapaloob sa conscious hiphop, isang subgenre ng hiphop na naglalayong subukin ang dominanteng kultural, politikal, pilosopikal, at ekonomikal na concensus; at nagbibigay-komento sa mga isyu at hidwaang panlipunan (Henry, 2015). Halimbawa na lamang ay ang pagtalakay sa mga tema ng rehiyon, krimen, karahasan, kahirapan, at iba pang usapin upang itaas ang kamalayan ng masa sa mga isyung panlipunan. Malapit ang awitin sa puso ng mga tao, bahagi na ng pang-araw-araw ng bawat Pilipino ang mga tugtuging katulad ng hiphop.

At dahil ang Kolateral ay materyalisasyon mula sa paghihirap ng mga ordinaryong tao; nailalapit nito sa lahat ang pagsasalaysay, pagninilay-nilay, at pagkakaroon ng opinyon sa mga bagay-bagay.

Ang mga Obra mula sa mga Dugong Dumanak sa Lupa

Ang labindalawang kanta sa loob ng Kolateral album ay may kani-kaniyang komposisyon at musika, ngunit hindi maikakaila ang isang natatangi nitong panawagan: ang lagi’t-laging pananda na mayroong paghihirap na tinatamasa sa kasalukuyang rehimen, at dapat gawin ng tao ang kayang gawin upang hindi lamang manatiling istorya ng mga pagdanak ng dugo sa lupa ang mga karanasang ito.

Makinarya

Ang “Makinarya” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat nina Calix at BLKD, na siya ring umawit ng naturang kanta.

Tumatalakay ang awiting “Makinarya” sa burukrasya sa likod ng laban kontra-droga ni Rodrigo Duterte, ang kasalukuyang presidente ng Pilipinas. Nagsimula ang unang segundo ng awitin sa voice-over mula sa speech ni Duterte kung saan hinihikayat nito ang kapulisan na pumatay ng mga adik sa lansangan. Inilapat din sa awitin ang sound effect ng pagkatok ng pintuhan, na tila sumisimbolo sa Oplan Tokhang, isang inisyatibo ng kasalukuyang rehimen sa pangunguna ng sangkapulisan (at ni Pangulong Duterte) upang sugpuin ang kriminalidad dulot ng droga. Ito rin ang naging pangunahing armas sa libo-libong extrajudicial killings, o walang-basehang pagpatay sa taumbayan, partikular sa masang Pilipino.

“At sa pagsupil ng mga salot ng lipunan, huwag nang alalahanin ang kanilang karapatan. Ang aking salita ang siyang magiging armas. Ang aking salita ang siyang magiging batas.”

—Calix, Makinarya

Hinihimay rin ng kantang ito mga utos at mga memorandum na siyang nagiging dahilan ng legalisasyon ng pagpatay. Ibinahagi rin ang proseso ang sistematikong pagpatay: mula sa pagngangalap ng ipabibilang sa drug watchlist, pagsasatibay ng mga memorandum, at pagkakalap ng hindi lehitibong impormasyon (pagbanggit ng kung sinomang pangalan na walang kongkretong pruweba). Ipinakita rin nito ang buktot na perspektibo mula sa kawani ng gobyerno, na siyang bahagi rin ng malaking makinarya ng pagbuo ng mga polisiya ng estado.

Sinasalamin ng kantang ito ang reyalidad ng pagbuo ng mga mapanganib na memorandum iba pang panukala, lalo na kung ang pinoprotektahan lamang nito ay may-kapangyarihan. Malaki ang posibilidad ng pang-aabuso sa batas, at ang pagdamay nito sa mga inosenteng mamamayan. Ngayon, kahit sinoman, maaari nang ituring na adik.

Ipinipinta ng “Makinarya” si Duterte at ang kaniyang mga galamay bilang bahagi ng malawak na instrumento ng walang-habas na pagpatay sa kung sinoman. Sinusunod nila ang anomang utos, kahit ito’y hindi na makatao—kapalit ang ganansyang pinansyal mula sa kinauukulan. Ngunit, mali ang ganitong paniniwala. Hindi naman maaaring pumatay na lamang nang pumatay dahil lamang sa sabi-sabi’t mga hinala.

“Isasabuhay, mga salitang pumapaslang. Nakatago sa mata ng publiko ang makinarya ng pagtokhang. Sa pagputok ng bariles, tutugisin ang mamayan. ‘Di nila kailangan na malaman ang dahilan, basta ba’t barilin n’yo na lang.”

—BLKD, Makinarya

Ibinahagi ng huling berso ng kanta ang nakatatakot na reyalidad ng Oplan Tokhang. May kurot sa dibdib ang tinig na maririnig mula sa isang taong nagmamakaawa para sa kaniyang buhay. Ngunit, sa likod ng pagsasamo’t paghingi ng buhay ay nagawa pa rin siyang patayin. Ito ay sinundan pa ng mas nakapanghihilakbo na iyak, ang luha ng mga taong nawalan ng mahal sa buhay—ang tangis na nagpapaalala sa kahit sinoman ng pait na dulot ng pagkamatay sa kamay ng pasistang rehimen.

Boy

Ang “Boy” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat ni BLKD at Kartell’em, na inawit nina Waiian, Sica, Ononymous, at BLKD.

Ang kantang “Boy” ay mula sa perspektiba ng mga batang-kalye na nagha-hanapbuhay upang may ipanglaman-tiyan, na siyang talamak na inaakusahan na adik. Bahagi ang kabataan sa bulnerableng sektor ng lipunan, lalong higit kung ang bata na ito’y mula sa mahirap na pamumuhay. At sa labanang kontra-droga, sila ang malapit na malapit sa kapahamakan, at wala silang kalaban-laban sa sitwasyon.

“Pagkatutok, ‘yon ang utos ng pinuno. Mga naka-all black pati mask. Pasensiya na kung naka-olaps, nanghoholdap talaga.”

Waiian, Boy

Sa unang berso nito, isinalaysay nito ang naratibo ng isang batang lalaki na nasaksihan ang pagpasok ng mga armadong indibidwal na nakaitim na maskara. Kahit anong pagmamakaawa ang ginawa ng batang paslit, pinaputukan pa rin siya—na siyang dahilan ng kaniyang maaga na pagpanaw. Pinapatunayan lamang ng “Boy” na sa laban kontra-droga, hindi lamang ang mga matatanda ang nagiging biktima. Nadadawit rin ang mga walang-muwang na bata, at ang ilan pa’y nagtatrabaho para lamang maitawid ang bawat araw.

Ayon sa ulat na “How Could They Do This To My Child?” ng World Organization Against Torture (OMCT) at Children’s Legal Rights and Development Center (CLRDC), ang mga pagpatay ay hindi lamang collateral damage tulad ng sinasabi ng mga kawani ng gobyerno. Napag-alaman din na ang mga batang edad isa hanggang labinpitong taong gulang ay madalas napapabilang sa humahabang tala ng mga pagpaslang dulot ng Oplan Tokhang at ng iba pang extrajudicial killings. Mayroong apat na isinaad na mga dahilan: (1) direktang panta-target, (2) pinatay dahil pinaghihinalaang proxy, (3) napatay sa maling hinala, at (4) kabilang sa collateral damage. Mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2019, 97 ang napatay na mga bata mula sa Luzon, 14 sa Visayas, at 11 sa Mindanao. Sumatotal, 122 ang bilang ng mga kabataan ang nawalan ng buhay sa operasyong kontra-droga.

“Ano ba ang hawak ninyong pruweba laban sa akin? Kung aking boses sa inyo’y pagsisinungaling. ‘Di naman manlalaban, wala kong patalim. Bakit ba ang hilig niyo man-trip d’yan sa dilim? Ni magnakaw nga, ‘di ko kayang sikmurain. Sa tingin niyo ba na kaya ko ‘yon gawin?”

—Ononymous, Boy

Sa ikatlong berso ng “Boy,” ipininta ito sa isang batang lalaki sa isang taong may hawak na baril; nagmamakaawa ang kaniyang tinig, na wala siyang kasalanan at siya’y napaghinalaan lamang. Ito ay malinaw na alegorya sa sitwasyon ni Kian Delos Santos, isa sa mga lumutang na biktima ng extrajudicial killings noong 2017. Naging mas maingay ang panawagan ng hustisya sa pagkamatay ni Kian dahil na rin sa malinaw na pruweba ng ginagawang pang-aabuso ng mga kapulisan sa kanilang operasyon. Ipinakita ng CCTV footage ng gabing dinala si Kian sa isang madilim na eskinita, pinaluhod, at walang-awa na binaril ng kawani ng pulisya. Ni hindi nagawang pakinggan ng pumatay kay Kian ang pagmamakaawa nito na siya’y pakawalan na’t huwag patayin dahil may eksamen pa siya kinabukasan.

Nabanggit din sa kanta ang usapin tungkol sa ganansya, o perang ibinibigay kapalit ng buhay ng kung sinoman. Pinaramdam ng “Boy” ang hindi kaaya-aya na sitwasyon ng mga kabataan sa kamay ng rehimeng Duterte, at ang kawalan ng hustisya lalo na’t ang tingin sa mga maralita’t mahihirap ay dahil sila’y ‘nagtutulak ng droga’ at hindi dahil sa sila’y biktima ng hindi maayos na pamamalakad ng pamahalaan.

Distansya

Ang “Distansya” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat nina Calix at Muro Ami, na siya namang inawit nina Muro Ami at 霏.

Imahen ng mga pamilyang higit na ipinagwatak-watak ang ipinapakita ng “Distansya.” Ipinapakilala nito ang isang ina na OFW na kinailangang mawalay sa anak upang may maipantustos sa pamilya. Gamit lamang ang teknolohiya at internet, nagagawan nitong mapunan ang pag-uusap at pagkakamustahan ng ina at anak na milya-milya ang distansya sa isa’t-isa.

“Para sa pangarap na ginhawa, tiniis itong distansya. Upang sa gabi makatulog kayo. Mainit na pagkain sa lamesa, sakripisyong tiniis na hindi kayo kasama.”

, Distansya

Nagsakripisyo ang ina, nakipagsapalaran sa ibang bansa upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya sa Pilipinas—kahit sa mga panahong walang kasiguraduhan ang kaligtasan sa sariling bayan. Ito’y awitin ng pagtitiis, mula na nga rin sa koro ng naturang kanta. Ito’y perspektiba ng pamilyang nawalay sa isa’t-isa, sa pagsisigurado na manatiling buhay at ligtas ang naiwang pamilya sa bayang sinilangan. At higit ang sakit na hindi magawang akayin ng ina ang kaniyang anak, lalo na kung ito’y wala nang buhay.

Umigting ang emosyon sa ikalawang berso ng “Distansya,” kung saan nabalitaan na lamang ng inang OFW ang kaniyang anak na nabawian ng buhay. Maihahalintulad ito sa sitwasyon ni Lorenza, ang ina ni Kian Delos Santos, na namamasukan sa Saudi Arabia.  Hanggang ngayon, inihihingi pa rin ng pamilya Delos Santos, mga organisasyon, at ng komisyon para sa karapatang-pantao hindi lamang ang pagkamatay ni Kian, kundi ang iba pang nakararanas ng distansya ng hustisya mula sa extrajudicial killings.

“Yayakapin kita kahit na duguan ka pa, tulad nang ika’y bagong silang ko pa lang. Hugas-kamay silang nagsasabi na binoto ko ‘to, wala nang bawian!”

—Muro Ami, Distansya

 Repleksyon ang kanta nito ang imahen ng marahil pinakamatinding bangungot ng sinomang magulang—ang pagkawala ng kaniyang anak na siyang pinag-aalayan nila ng kanilang pagtatrabaho at pagpapagod sa araw-araw. Nagsasakripisyo ang mga pamilya na mawalay at magwatak-watak, at ito’y sinamantala ng iba upang tuluyan silang malayo sa isa’t isa. Ang awitin ito ay nagpapakita lamang na sa labanang kontra-droga, habambuhay na pagdistansya—sa pamamagitan ng kamatayan—ang patuloy na idinudulot ng rehimen.

Papag

Ang “Papag” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat ni Calix, na siya ring umawit ng naturang kanta.

Mula sa ikaapat na awitin sa album na Kolateral, ibinahagi ng “Papag” ang sitwasyon ng lipunang maralita. Isinisentro ng kanta sa pagtingin sa kondisyon ng mga taong nasa papag, na katulad ng kanilang higaan at tahanan, ang buhay nila ay nasa lapag lamang. Bahagi pa rin sila ng naratibo ng biktima ng operasyong kontra-droga, silang mga naninirahan sa lansangan ay higit na apektado ng sitwasyon.

“Kahit mahirap, basta may sipag. Saktong pantawid, hindi humilab mga tiyang kumakalam. Nakakawala ng diwa, ang siyudad na may kuko. Kumakaskas sa tulad naming lagi nang nakayuko.”

—Calix, Papag

Inilalagay ng awitin sa perspektibo ng isang batang paslit na saksi sa kondisyon nilang pamilya. Sila’y may isang kahig-isang tuka na pamumuhay. Ang kaniyang ina ay hirap na sa paglalaba, ang kaniyang mga kapatid ay pumaparaan na rin sa pamumuhay, at ang kaniyang ama na ginagapang ang buong pamilya na makalabas sa papag ng kahirapan. Ito ang reyalidad ng pagiging mahirap, ang buhay nila ay nalalagay sa panganib dahil lamang sa sila’y nakatira sa papag. Sila ang malimit idispatsya dahil ang tingin sa kanila’y maliit na bahagi ng lipunan lamang; na sila’y walang espasyo at karapatang mabuhay.

Ayon sa datos ng Social Weather Stations (SWS), hati ang opinyon ng publikong Pilipino pagdating sa pagpatay ng mga tao bilang bahagi ng operasyong kontra-droga. Animnapung porsiyento ng mga rumesponde ang nagsasabing maralita lamang ang pinapatay (sila man ay kabilang sa drug watchlist o hindi), at pitumpu’t apat na porsiyento naman ng mga responde ang ibinahagi ang kanilang kagustuhan na isapubliko ng pangulo ang itinalaga sa loob ng drug watchlist. Matatandaan na noong Abril 2018, isinaad ni Rodrigo Duterte ang paglalabas ng drug watchlist, na diumano’y basehan ng mga sangkapulisan sa pagpatay na diumano ri’y bahagi ng paggamit o pagbebenta ng droga.

Nag-iiwan ang “Papag” ng isang makadurog-puso na katanungan: bakit nga ba pinapaslang ang mga mahihirap dahil lamang sa kanilang kahirapan? Ang kanta ay perspektibo ng isang anak na naging saksi sa kinahantungan ng kanilang haligi ng tahanan, na ito’y walang-awang pinatay dahil lamang napagkamalang adik. Imahen ang awitin nito kung paano ang walang kongkretong basehan ng pagpatay ay maaaring magdulot ng maling pagkamatay. Ngunit hindi tulad ng mga pagkakamaling maaaring iwasto, ang maling pagpatay sa isang tao ay hindi kailanman maibabalik.

Dumagdag sa emosyon at aesthetics ng awitin ang paglakip ng isang tula, na siya ring isinatinig ng isang batang musmos:

Tila ba bumagal ang lahat,
Pinapanood ko si Itay na dahan-dahang bumagsak.
At paglapag, pula ang alaalang pininta
Ng kaniyang dugo sa parisukat na papag, aming tahanan

Sabi ng pulis, “linis n’yo yan.”
Agad siyang umalis.
Mga matang nakatitig lang sa numero,
Mga matang hindi kami tinuring bilang tao.

Pula pa rin ang papag kung saan siya namatay,
Pulang mantsa na alaala ng aking itay.

Giyera na Bulag

Ang “Giyera na Bulag” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat nina Calix at Tatz Maven, na sila ring umawit ng naturang kanta.

Mga tao rin kami. Ito ang pangunahing mensahe ng awiting “Giyera na Bulag” sa mga tagapakinig nito. Nahahayag ito ng istorya ng mga hindi mapangalanang biktima extrajudicial killings, na mula sa operasyong kontra-droga. Totoo nga’y itong isang giyera na bulag, lalo na kung nakapiring ang mga pumapatay at tila nabulag na nga sa pagpaslang sa giyera na tanging sila lamang ang nakakikita.

“Di niyo nga alam ang pangalan? Tirahan? Pamilya’y ilan? Mga umuulan na luha, malamig na bangkay ang papatakan.”

—Calix, Giyera na Bulag

Ayon sa ulat ni Rachel Burford, mahigit 6,000 na ang mga napatay sa digmaan kontra-droga. Mula lamang sa unang anim na buwan ng pagkapresidente ni Rodrigo Duterte, napatay na ang halos 2,250 na hinihinalang may kinalaman sa droga. Marami ring bangkay na iniwanan ng karatula ang hindi na magawang makilala ninoman. Sa ulat naman ni Mariejo Ramos sa Inquirer, ibinahagi niya ang hindi mabilang na bangkay na inilagi sa morgue mula sa iba’t ibang punerarya sa Navotas, Malabon, at Caloocan na siyang nagiging dagdag-pasanin at gastusin nila.

Kinukuwestiyon ng “Giyera na Bulag” ang hindi etikal na pagpatay ng mga tao para lamang sa bulag na pagtingin sa konsepto ng kapayapaan at kaayusan. Sa loob ng tatlong taong operasyon na ito, hindi na mabilang ang dami ng bangkay na hindi na nakukuha sa morgue, mga bangkay na hindi na nabigyan ng pagkakataon na makilala ng mga mahal nila sa buhay. Ipinapaalala ng kanta na ito ang panawagan para sa hindi na magawang ipaglaban ang kanilang sarili—ang mga habambuhay nang nakapikit dahil sa giyera na hindi naman sana sila mapapabilang.

Hawak

Ang “Hawak” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat nina Calix at Mixkaela Villalon, na siya namang inawit ni Tao.

Sa buhay-maralita na tanging pag-ibig lamang ang pinaghahawakan, paano kung sila na ang maging biktima ng inhustisya? Ito ang pangunahing katanungan na umiikot sa awiting “Hawak.” May kakaibang lalim at pait na inihahatid ang awitin na ito kumpara sa matinding galit na nanunuot sa naunang awitin mula sa naturang album. Masalimuot, at may kirot sa puso ang bawat himig ng pagsasalaysay ng naudlot na kuwento ng pag-iibigan ng dalawang batang magkatipan.

“Sigaw nilang lahat (mga bata pa kayo). Dami niyong kailangan malaman. Musmos pa lang kami (ganito na ang buhay). Ito na ang katotohanan. Pinili mong kumayod, upang suportahan—ang aking pag-aaral, ang ating hinaharap. Hindi tayo takot (kahit na mahirap ang). Mundo ay iikot. Walang alinlangan (Basta ba kasama ka). Kahit na gutom… (Basta ba kasama ka, Basta ba kasama ka)”

—Tao, Hawak

Ang pangunahing inspirasyon ng awitin ay ang balita hinggil sa pagkamatay ng magkasintahan. Mula sa ulat, namatay si Jerico Camitan (21 taong gulang) at ang kasintahan niyang si Ericka Fernandez—na gumagamit ng alyas na “Angel Fernandez-Camitan” (17 taong gulang) matapos silang paulanan ng bala sa kanilang tinitirahan sa Quezon City noong Oktubre 2016. Limang tama ng bala ang bumutas sa katawan ni Jerico at isa naman ang dumamplis kay Ericka. May natagpuan pang isang plastik na naglalaman ng manika sa bulsa ni Ericka na sana’y ibibigay sa nakababatang kapatid. Tinambangan ang dalawa at nang matapos mapatay ang mag-asawa ay nagawa pang tapunan ng karatulang may nasasaad na siya’y animal at diumano’y drug dealer. Ngunit nang balikan ang pinagmulan ng pangyayari upang imbestigahan, hindi na natagpuan ang karatula na nakita ng kaibigan ni Jerico mula sa Riverside Boys, ang binuo nilang grupo.

Bagaman urong-sulong ang relasyon nina Jerico at Ericka, nagawa pa ring pagtagpuin ang kanilang pagmamahalan. Naging sanhi ng kanilang paghihiwalayan noong nalaman ni Jerico na may ibang lalaking kasama sa larawan si Ericka sa Facebook, na siyang binanggit din ng mga kasamahan sa Riverside Boys. Ilang linggo bago ng kanilang pagkamatay, muli silang naging magkasintahan. Ngunit, ang kanilang pinaghahawakang relasyon ay natupok lamang ng ilang bala ng baril at isang karatula—tanda na sila’y bahagi na rin ng buktot na naratibo ng pagsugpo sa pinaghahawakan na ‘laban’ sa pagsugpo ng droga. Ito ang kuwento ng mga napagbintangan, ng mga nabawian ng buhay, ng mga naudlot na pagsasama—ang kanilang buhay na hawak sa mapanakal na tali ng pasistang rehimen.

Pagsusuma

Ang “Pagsusuma” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat ni BLKD, na siya ring umawit ng naturang kanta.

Sa inilabas na balita ng Philippine Star noong Marso 2019, halos 29,000 bilang ng mga kaso ng pagpatay ang kinategorya ng deaths under inquiry magmula nang simulan ni Rodrigo Duterte ang kaniyang kampanya kontra-droga. Inihayag ng United Nations ang kanilang pinakamatinding pagkundena sa Pilipinas sa kanilang pahayag, kung saan nagkakaroon ng “matinding pagtuon sa pampublikong kapayapaan at seguridad” sa naturang bansa kahit ang nakaliligtaan na nito ang karapatang pantao, due process, at ang pagsunod sa saligang batas.

“Lampas limang libo, lampas limang libo dito—mula sa mga opisyal na operasyong parang dula. Higit dalawampu’t tatlong libo naman, mga bangkay na pagkamatay iniimbestigahan. Ano pa man ang kategorya, magaling man ang maneobra. May simpleng katotohanang dapat tumatak sa memorya: ang halaga ng buhay, walang sukatan. At anomang hindi masukat, hindi matutumbasan.”

—BLKD, Pagsusuma

Ibinabahagi ng awiting “Pagsusuma” ang mariing pagtatanong sa rehimen sa patuloy nilang pandarahas sa taumbayan. Punong-puno ng galit at pagkalampag sa pananagutan ang bawat liriko ng nasabing kanta. Dito, isinusuma na ang imahen ng laban kontra-droga ay isa lamang pagkukunwari; ang kampanya na diumano’y magliligtas sa taumbayan at maralita ay siya rin palang magbubuktot nito’t bibiktimahin ang mismong mahihirap at walang kakayanan. Itinatala ng awitin na ito ang mga bagay na hindi kayang gawan ng pagsusuma ng kasalukuyang pamahalaan: ilan pa nga bang buhay ang patuloy na uubusin ng rehimen na ito?

Hindi lamang de-numero ang bilang ng mga namatay, sila ay bahagi ng buhay na lipunan—na hindi lamang sila dapat i-sumatotal na bahagi lamang ng collateral damage, na sila’y nadawit lamang.

Ang “Pagsusuma” ay mas malawak ang pinagmumulan, at mas malalim ang pinanggagalingan. Higit pa sa bilang ang ibinabakas ng usapin hinggil sa hindi na mabilang na datos na pagpatay. Higit pa sa mga numero na patuloy na minamaneobra ngunit hindi maitatanggi ang mga lumulutang na kaso ng pagpatay. Higit pa sa buhay na patuloy na itinatanggi sa sinomang mapagkamalang adik. Marami nang pangako ang patuloy na ipinako—hanggang sa mismong kabaong na mga nasawing taumbayan sa kamay ng naturang rehimen.

Neo-Manila

Ang “Neo-Manila” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat ni BLKD, na siya ring umawit ng naturang kanta.

Simula nang maupo si Rodrigo Duterte sa pagkapangulo, tahasan na niyang isinusulong ang kaniyang kampanya sa pagsugpo ng kriminalidad na may kinalaman sa paggamit ng narkotiko (shabu, marijuana). Sa katunayan, sa unang buwan pa lamang ng kaniyang panunungkulan ay hinihikayat na niya ang publiko na patayin ang mga kilala nilang adik dahil “kung ang mga magulang nila ang papatay sa kanila (mga adik).” Siya rin ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga kapulisan na gumanap ng extrajudicial killings, o ang pagpatay sa sinoman na hindi nililitis at walang warrant of arrest.

Mga anino sa dilim, kung magmanman maigting. Kulong sa ruta, praningning. Pagtambang, tumbang mahimbing. Takdang lugar sinusuyod, hanggang lulong matunton. Paspasan lang sumusugod. Pagplakda, takas motor. Coordinated ang barangay. Mga CCTV’t ilaw patay. Mga tanod, bumagal umaksyon—sa timbreng oras at lokasyon.”

—BLKD, Neo-Manila

Ito ang imahen na ipinakikita ng “Neo-Manila,” ang histura ng isang lungsod na kung saan normal na ang pagpaslang sa kung sinomang matutukan o matagurian na adik. Nagsimula ang awitin sa isang sound clip mula noong nanunungkulan pa lamang si Duterte sa Davao. Aniya, nakamotorsiklo pa siyang rumoronda sa Davao at personal niyang pinapatay ang kung sinomang itinuturo na gumagamit o nagbebenta ng narkotiko. Maihahalintulad ang “Neo-Manila” sa naunang awitin na “Makinarya” dahil sa pareho nitong inilalahad ang sistematikong pagbuo ng lokal at nasyonal na pamahalaan sa Oplan Tokhang, mula sa pagmamanman sa mga CCTV, paghingi ng responde mula sa mga opisyal ng barangay, pagbuo ng drug watchlist, at pagtawag sa awtoridad at iba pang ahensya na responsable sa mga sunod-sunod na pagpatay.

Sa inalabas ng Human Rights Watch na publikasyon na “License to Kill: Philippine Police Killings in Duterte’s ‘War on Drugs” noong 2017; napag-alaman na ang Philippine National Police, ang pangunahing ahensya ng sangkapulisan sa Pilipinas ay isinasagawa ang extrajudicial killings bilang bahagi ng diumano’y self-defense. Gayundin, nabanggit ng mga kamag-anak, kapitbahay, at ilang saksi sa mga mananaliksik mula sa Human Rights Watch na ang mga pumapatay ay binubuo ng dalawa, apat, at maging isang dosenang katao. Nakadamit-sibilyan ang mga ito, at madalas nakasuot din ng maskara, helmet, at iba pang kasuotan na nagkukubli sa kanilang mga mukha. Armado ang mga ito, nakasakay sa motorsiklo, o dili naman kaya’y sa van. May ilan ding natagpuan na mga pulis na unipormado’t pumapatay kahit na walang warrant of arrest.

“Dati, patago-tago lang nu’ng nag-uumpisa pa lang ako ng pagpatay. Pero ngayon, mas malakas na ang loob ko na may backup kang pulis, tapos utos pa ng sa taas. Kaya hindi ka na matatakot pumatay.”

—voice clip mula sa isang mercenary ng Oplan Tokhang

Hindi nalalayo ang mga nakalap na salaysay ng Human Rights Watch sa mga naratibong mapapakinggan sa “Neo-Manila.” Mas naging detalyado ang paglalahad kung papaano tinatrato ng mga mamamatay-tao ang kanilang piñata. Nariyan ang taniman sila ng baril, bala, at ilang paketa ng droga upang bilang frame-up o pagbuo ng pekeng naratibo na ang napatay ay isang drug user—nang sa gayon ay mabigyang-rason ang naturang pagpatay. Nagawa ring ibahagi ng kanta ang walang-humpay na pagtugis ng iba’t-ibang bahagi ng malawakang operasyon (pulis, mercenary) sa sinomang mailalagay nila—may katuwiran man ang pagpatay o wala.  

Parasitikong Abusado

Ang “Parasitikong Abusado” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat nina 1KIAO at Calix, na siya namang inawit nina WYP, Prolet, at Invictus.

Malinaw sa pamagat pa lamang ng awitin ang mensaheng nais ipabatid: na ang nagtutulak ng adbokasya ng laban kontra-droga ay mga parasitikong abusado. Binibigyan-mukha rin nito ang tunay na salarin sa pagpatay na siyang dapat managot: ito ay ang mga opisyal mula sa sangkapulisan at nasyonal na pamahalaan na siyang gumagamit sa mga minoryang bahagi upang maisagawa ang pambansang operasyon sa pagpatay sa sinomang ibigin nila. Tunay na sakim, ganid, at haling ang sikmura ng mga taong na ang tingin sa bawat tao na mababawian nila na buhay ay karagdagang salapi sa kani-kanilang bulsa.

Ayon sa imbestigasyon ng Amnesty International, napag-alaman nila ang malaking porsiyento ng pagpatay ay mula Oplan Tokhang matapos nila malaman na sa loob ng 27 na pagpatay sa Bulacan mula Mayo 2018 hanggang Abril 2019, dalawampung kaso sa mga ito ay mula sa extrajudicial killings. Dagdag pa rito, naitala rin ng Amnesty International ang kapansin-pansin na paglipat ng mga opisyal mula sa Manila sa mga bahagi ng Gitnang Luzon, partikular sa Bulacan, kung saan naitatala ang mataas na kaso ng drug-related killings.

Matindi ang pagsuporta ng kasalukuyang administrasyon sa sangkapulisan at sa armadong tauhan ng estado (pulis, sundalo) upang matugunan ang kani-kaniyang personal na interes. Matatandaan na sa loob ng tatlong buwan ng panunungkulan ni Duterte, ipinasa na niya kaagad ang sa Executive Order No. 76  na siyang nagbigay ng karagdagang sahod, armas, pasilidad, at iba pang pangangailangan sa sektor ng kasundaluhan at kapulisan. Sa katunayan, pinirmahan na rin niya nitong Abril ang karagdagang benepisyo para sa mga nasawi at napinsalang mga pulis at sundalo—hindi pa kabilang rito ang kaliwa’t kanan na tulong sa edukasyon, pabahay, at negosyo.

“Tinamasa ang lagim, nanggaling sa ‘di-patas at mga sakim. Wala na pang madadamhin, binawi ang buhay sa perang hihiramin. Inubusan na, may kita pa. Hinugasan ba? Dumudungis nga! Binababad sa kalsada, tumatambad ang may sala. Umuusad ang pag-asa? Inuuod lang ng pera?”

—Prolet, Neo-Manila

Isang nakaaalarmang indikasyon ng kawalan ng kaparusahan ang ipinapakita ng patuloy na pagsuporta ng mga opisyal ng kapulisan at ang paglipat nila sa mas malapit sa operasyon kontra-droga, ito ang binabanggit ni Nicholas Bequelin, ang regional director ng Amnesty International sa Silangan at Timog-Silangang Asya. Isang nakatatakot na reyalidad ang ipinapakita ng mga abusadong opisyal na tilang mga parasitikong sinisipsip ang buhay ng kahit sinoman, matugunan lang ang pangangailan ng kanilang bulsa—ito ang pilit ipinaparating ng “Parasitikong Abusado” hindi lamang sa masa, kundi lalong higit sa mga opisyal na matagal nang nag-aastang bulag at pipi sa lahat ng kaganapan.

Walang Maiiwanan

Ang “Walang Maiiwan” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat nina Calix at Mixkaela Villalon, na siya namang inawit ni Calix.

Ang kolektibong paglaban ng taumbayan ang karahasan ng kasalukuyang rehimen ang siyang pangunahing mensahe ng “Walang Maiiwan.” Inilalapit ng awitin na ito ang pagkakapit-bisig ng lahat para sa panawagan ng magkaroon ng reporma sa kasalukuyang sistematikal na pagliban sa karapatang-pantao ng mga Pilipino.

“Kahit ganu’n pa man, tuloy pa rin ang laban. Iikot ang mundo kahit sa madugong daan. Ang araw ay sisikat sa gitna ng kadiliman. Hustisya’y darating basta hindi ito sukuan. Nakatayo kami’t nanawagan, buong komunidad nanawagan. Pagka’t kung tanikala lang ang mawawala—oras nang lumaban.”

—Calix, Walang Maiiwan

Napakatagal nang panahon na naghihirap ang masa sa buktot na sistema. Wala silang mapuntahan at masandigan. Patuloy silang kinukutya at dinedehado dahil lamang sa sila’y itinuring na latak ng lipunan. Matagal nang pinapagod ang masa, ibinubusog sila sa mga huwad na pangako at pag-asa sa mas mabuting buhay. Ngunit, malayo na sa katotohanan ang lahat. Sa katunayan, kahit nasa gitna ng global na pandemya ay patuloy pa rin ang operasyon sa pagkitil ng buhay ng taumbayan sa halip na tugunan ang kanilang medikal at pinansyal na pangangailangan. Ngayon ang panahon na dapat magkapit-bisig ang lahat—na walang maiiwan sa paglaban.  Tulad nga ng nabanggit sa mismong kanta, hindi dapat maliitin ang tapang ng maralita.

Stand By

Ang “Stand By” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat nina BLKD at Calix, na siya namang inawit nina BLKD, Calix, at WYP.

Ang “Stand By” ang pinaghalawan ng salitang balbal na ‘tambay,’ o mga tao na bahagi ng maralitang lipunan. Ito ay himig ng perspektiba ng mga tambay, hindi lamang bilang sa madalas nilang pagiging biktima ng operasyong kontra-droga, pati na rin sa mga pangunahing pangangailangan na hindi nila matama-tamasa. Maituturing na isang panawagan ito sa mga makapangyarihan na tigilan ang pansisiil at karahasan para sa mga katulad nilang tambay at iba pang biktima ng sistemang sila mismo ang nagpapatakbo. Hindi dapat sila ituring na mga kriminal dahil lamang sa laman sila ng lansangan.

“Sa dinami-rami ng mga kriminal, ng mga may mga nagawa nang ilegal. Kami pa talaga ang una ninyong sinala. Puwede na bang ebidensiya ang hinala? Sa mga kaso, gawa-gawang atraso. Kitang-kita, quota-quota lang at panggagago. Sa gan’tong kaayusan, walang panalo. Dumarami ang tambay ‘pagkat walang pagbabago.”

—BLKD, Stand By

Kinukuwestiyon din ng “Stand By” ang pagsasagawa ng Oplan Tokhang, maging ang ginagamit na batayan sa pagsasabilang ng mga tao sa drug watchlist. Pilit hinahanap ng kasagutan kung bakit palaging pinupuntirya ang sektor ng mga tambay pagdating sa paghahanap ng ituturong maysala at kung bakit sila palagi ang dinarahas. Ayon sa Amnesty International, iginigiit na ang mga namatay mula sa operasyon kontra-droga ay mula sa drug watchlist—mga listahan ng mga tao na natipon na mga awtoridad na labas sa kahit anong legal na proseso. Ang nasabing listahan na ito ay nagiging gabay ng sangkapulisan kung sino ang kanilang huhuliin, maging papatayin—kahit na hindi lehitimo, walang kongkretong patunay, at buktot ang impormasyong naroon.

Bukod pa rito, nagawang tahakin din ng awitin ang mga kawalan ng ilang pangunahing pangangailangan na siyang maglalayo sana sa kanila sa pagiging tambay, o ang paglalaboy sa kung saanmang estero o espasyo na mayroon. Binigyang-pansin din ang kawalan ng oportunidad at akses sa edukasyon para sa mga maralita—na siyang puno’t dahilan kung bakit sila ay nakapirme na lamang sa kasalukuyang kondisyon. Hanggang ngayon, malaking problema ang kawalan ng sapat na trabaho sa Pilipinas, na siya ring pangunahing dahilan kung bakit marami ang naghihirap. Ayon na rin sa datos ng Philippine Statistics Authority noong Hulyo 2019, umaabot na sa halos anim na porsyento ang walang trabaho sa Pilipinas. Halos 46 porsyento mula sa kabuuang bilang ng walang trabaho ay ang mga kabataan mula 15 hanggang 24 na taong gulang, kung saan nagmumula rin ang malaking bahagi ng mga tinaguriang tambay.

Sandata

Ang “Sandata” ay kabilang sa album na Kolateral. Ito ay isinulat at inawit nina Calix, BLKD, Lanzeta, Because, Pure Mind Quiet Heart, Muro Ami, KIYO, Bang Boss, at Promote Violence.

Katulad ng pamagat, ginamit na sandata ang mga salita upang labanan ang pang-aabusong dinaranasan ng taumbayan ngayon. Napakarami nang buhay ang nasawi mula nang ipinanukala ni Rodrigo Duterte ang giyera kontra-droga. Napakarami nang plakard at karatula na initsa sa mga bangkay ng hindi na nagawang makilala ng kanilang mga mahal sa buhay. Marami nang tinig ng pagmamakaawa ang pinakawalanan. Marami na ring luha mula sa naiwan. Marami nang opisyal na patuloy sa pagpuno ng kani-kaniyang quota’t wala nang pakialam kung sinoman ang patayin. Marami nang ahensya’t organisasyon ang patuloy na kinakalampag ang pasistang rehimen.

“Pasistang rehimen, buwagin! Pababain ang mga nakaupong ulupong, patumbahin!

Ang sistema na bulok gigibain (gigibain!) Sistema na bulok gigibain (gigibain!)”

Sandata

Umaalingawngaw sa unang dalawampung segundo ng “Sandata” ang matinding galit sa kasalukuyang administrasyon—na tinagurian bilang pasistang rehimen. Tahasan din ang pagbanggit sa pangalan ni Duterte, maging ang pagbibitaw ng malulutong na mura’t panlalait na kadikit sa pangalan niya. Punong-puno ng galit ang bawat linya na binibitawan ng siyam na mang-aawit sa loob ng nasabing kanta. Narito ang murahin siya, ang banggitin ang pagkalulong niya sa droga, ang pagwawangis sa kaniya sa isang tae, na tawagin siyang animal, at maging ikumpara sa demonyo. Ramdam sa bawat binibitawang salita ang galit at poot nila na tila sandata na itinatarak nila sa puso’t isipan.

Hindi lamang “Kolateral ng Bansa” ang Masa

Ang album na Kolateral ay nagsisilbing mabigat na paalala sa ating lahat: na bilang bahagi ng masang Pilipino, hindi dapat tayo ituring lamang na kolateral ng bansa. Ibinubukas nito ang mga pikit na mata’t inilalapit ang mga tainga upang muling making sa hinaing ng lipunan. Sa loob ng mahigit tatlong taon ng panunungkulan ni Rodrigo Duterte, malinaw na ang matinding konsentrasyon ng kasalukuyang administrasyon na isakatuparan ang tunguhing diktadurya para sa pansariling interes.

Patuloy na ipinapain ang mga Pilipino sa hindi-maikukubling pagpapasailalim sa Tsina. Napakarami nang panahon na ipinahamak ang taumbayan ng kasalukuyang administrasyon. Nariyan na gawing lugar-libangan ng mga Tsino ang Pilipinas sa pagtatayo ng POGO. Nariyan ang ipagsawalang-bahala ang kondisyong medikal ng mga Pilipino sa mahabang pagtanggap sa mga residente ng Tsina kahit na may pandemya. Nariyan ang pagtutol ni Duterte na ihinto ang operasyong mula sa Tsina.

Higit pa sa sapat ang inihain ng mga awiting nagmumula sa Kolateral. Hindi lamang kolaborasyon ng mga mang-aawit at kompositor ang album na ito, itinatala nito ang anyo ng himig ng galit, poot, lungkot, at pag-asa ng masang sadlak sa hirap. Masalimuot ang reyalidad na mayroon tayo ngayon, at may ilan nang naliliwanagan sa imahen na ito. Magmula nang masaksihan ng taumbayan ang responde ng administrasyong Duterte sa global na pandemya, dahan-dahang kumakalas ang ilang naniniwala sa huwad na pagbabago ng administrasyon—na sila ma’y bahagi pa rin ng kolateral ng pagkawasak ng lipunan.

Magsilbing himig ang bawat awitin sa Kolateral para sa lahat. Panahon na upang ang taumbayan ay maningil sa mga kumikitil. Hindi na dapat magtagal pa ang pang-aabuso ng pasistang rehimen; kailangan na itong mabuwag upang tuluyan nang makalaya ang maralita’t masang inabuso. Ito ang isinisigaw nating lahat: sawa na tayo sa pangakong napapako, sa mga salitang ginagamit sa pagpatay, sa lantarang pagturing sa ating soberanya bilang materyal na maaaring ibigay na kolateral sa ibang bansa.

Ngunit, mabubuyangyang din ang kabuktutan ng kasalukuyang rehimen. Lalabas at lalabas din ang angking baho nito. At sa panahong nangyari iyon, hahayaan mo pa rin ba abg sarili na maging bahagi ng habambuhay na kolateral?

Magbubulag-bulagan ka pa ba?

Pinagkuhaan:

Adaso, Henry. 2018. “Conscious Rap Reveals Genre’s Uplifting Side But Has Limited Appeal”. Liveabout. https://www.liveabout.com/conscious-rap-defined-2857304.

Albani, Matthew. 2016. “From Vietnam To Trump: Protest Songs Throughout The Decades”. Billboard. https://www.billboard.com/articles/news/7587885/protest-music-america-decades.

“How Could They Do This To My Child?” Extrajudicial Killings Of Children During The War On Drugs In The Philippines.. 2020. 1st ed. World Organisation Against Torture.

“If You Are Poor You Are Killed”: Extrajudicial Executions In The Philippines’ “War On Drugs”. 2017. 1st ed. London: Amnesty International Ltd.

Kerman, Joseph, Gary Tomlinson, and Vivian Kerman. 2016. Listen. 8th ed. New York: W.W. Norton & Company.

“License To Kill”: Philippine Police Killings In Duterte’s War On Drugs. 2017. 1st ed. United States of America: Human Rights Watch.

Philippines: ‘They Just Kill’. Ongoing Extrajudicial Executions And Other Violations In The Philippines’ ‘War On Drugs’. 2019. 1st ed. London: Amnesty International Ltd.


Si Kayla Nicole Togonon ay isang manunulat, campus journalist, bookworm, at isang entrepreneur. Siya rin ang kasalukuyang ulong patnugot ng Vox Populi PH, isang lokal na plaform para sa mga batang manunulat at kritiko. Inilalaan ni Kayla ang kaniyang oras sa pagsusuri at pagluluto. Ang kaniyang column na The Wallflower ay magtatalakay ng mga opinyon at kritisimo tungkol sa pop literature at kultura. Makipagkuwentuhan kay Kayla sa Minds at MeWe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: