hapót-simbág

Queerbaiting: Komodipikasyon ng LGBTQIA+ sa “Huling El Bimbo” (2019) at “Sakristan” (2020)

Walang sinoman ang gustong maloko, at walang sinoman ang gustong magpaloko. Halo-halong emosyon ang bumabalot sa sinoman sa oras na malaman niyang nasa loob siya ng sirkulo ng panloloko. Galit ang sinomang niloko sa relasyon. Galit ang sinomang niloko ng kaibigan, o ng kakilala. Galit ang sinomang niloko ng politiko, o ng pamahalaan. Kaya hindi na kataka-taka kung bakit ganoon na lamang ang #rage at #agit sa tuwing hindi tumutugon sa inaasahan ang resulta ng mga bagay-bagay: mula sa hindi nagkatuluyang screen partners, at maging sa inakalang relationship build-up sa dalawang karakter.

Sa panahong digital, kaakibat ng bawat Pilipino ang mundo ng internet. Naglilipana sa social media ang iba’t-ibang opinyon at kuro-kuro sa napakaraming bagay. Naging bahagi na rin ng pagbabahagi sa social media ang iba’t-ibang imahen ng panloloko; mula sa paglalantad ng mga relasyong polygamous, pagbabahagi ng ‘catfish’ o mga tao na pekeng identidad, at maging ilang online scam ng ilang hindi masyadong pamilyar sa mga modus operandi sa internet. Ngunit ang isa sa mga maigting na usapin ngayon ay ang pagko-callout o pagtawag ng pansin sa queerbaiting.

Queerbaiting: Identidad bilang Páin

Sa konteksto ng pag-aaral ng kultura ng fandom, ang queerbaiting ay istilong ginagamit ng ilang manunulat, direktor, at maging mga negosyante upang ipáin ang sinoman na ang binabasa at/o pinapanuod ay naglalaman ng relasyong homosekswal. Higit na pinalawig ang kahulugan nito ng ilang akademiko’t mananaliksik, kung saan nagbahagi sila ng mas ispesipikong perspektibo. Nabanggit ni Eve Ng (2017) na maituturing na queerbait ang isang babasahin at/o panuorin kung ito’y hindi natugunan ang kanonikal na representasyon ng pagka-queer. Sinusugan naman ito ni Judith Fathallah (2015), kung saan idinagdag niya na paggamit ng ilang pananda ng pagiging homosekswal—kasama na rin ang pagkakaila’t panlalait ng pagbasa sa isang queer ay nagreresulta ng ‘isang naratibong hindi naglalayong mang-uyam sa ilang manunuod kapalit ang sana’y totoong representasyon sa mata ng isang queer.’

Ibig sabihin, bahagi ng panlilinlang ang pagbuo ng imahen na may ‘totoong’ relasyon na namumuo sa pagitan ng dalawang itinalagang mga homosekswal. Sa introduksyon ng aklat na “Queerbaiting and Fandom: teasing fans through homoerotic possibilities” ni Joseph Brennan (2019), binalangkas niya ang queerbaiting bilang industriyal na taktika kung saan ginagamit ang naratibo ng LGBTQIA+ kahit na ang mismong teksto ay hindi umaayon sa konsepto ng ‘non-heterosexuality’ o ang pagiging homosekswal ng mga karakter. Problematiko’t marumi ang istilo ng [mis]representasyon na ito dahil sa lantarang ginagamit sa identidad ng mga homosekswal bilang páin sa mga konsumer (kapwa-queer, ally) nito. Ang konsepto ng baiting ay lantarang panlilinlang. Katulad ng kawit, may angking talim ito’y may layon na maminsala—upang talamak na pagkakitaan ang identidad. Na tila ang tingin nila sa kaibahan ng identidad ay isang materyal maaaring ikalakal at pagkakitaan. Sa mata ng ilan na hindi mulat sa kanilang kamalayang politikal, ang ginagawang subhetipikasyon ng ilang manlilikha ay sapat na upang bigyan sila ng mumunting espasyo—at lingid sa kanila na kinakasangkapan lamang ang kanilang mga danas bilang aparato upang bumuo ng huwad na konsepto ng pagtanggap.

Dito sa Pilipinas, matindi ang pangangailangan ng pagsasatibay ng representasyon ng mga homosekswal, lalo na’t hanggang ngayon—limitado pa rin ang kanilang espasyo. Sa isang ulat ng Human Rights Watch noong 2017, napag-alaman na kahit may pagsasabatas ng Anti-Bullying Act of 2013 sa bansa, hindi pa rin nito natutugunan ang napakaraming tala ng pang-aabuso sa mga estudyanteng kabilang sa LGBT community. Gayundin, labinlimang porsiyento (15%) lamang ng kabuuang populasyon sa Pilipinas ang nakatira sa mga lugar na may mga ordinansang laban sa diskriminasyon sa oryentasyong sekswal at identidad (sexual orientation and gender identity). Sa artikulo ni Dominique Mosbergen (2015) sa Huffpost, ang Pilipinas ay isa sa mga bansang ‘queer tolerant’ sa buong Timog-Silangang Asya, ngunit wala pa rin itong tunay na pagtanggap at pagkakapantay-pantay sa pagitan ng heterosekswal at iba’t-ibang sangay ng komunidad ng LGBT (homosekswal, transekswal, asekswal).

Maliban sa patuloy na debate pa rin sa sekular na sektor, maging sa lokal na pamahalaan ang tindig sa pagtanggap sa nasabing komunidad—patuloy pa ring nagiging mapanganib sa kanila ang bawat araw na lumilipas. Araw-araw, nakatatanggap ng berbal, sikolohikal, at pisikal na pang-aabuso ang ilang kabilang sa LGBT community; na umaabot sa puntong pinapatay ang isang tao dahil lamang sa kaibahan ng kaniyang identidad at oryentasyon. Limang taon ang nakakaraan, naging laman ng samu’t-saring palimbagan at publikasyon sa loob at labas ng Pilipinas ang naganap na pagpatay kay Jennifer Laude sa isang motel sa Olongapo. Natagpuan na lamang hubo’t hubad ang wala nang buhay na katawan ni Jennifer at ang ulo nito’y nakasaluksok sa kubeta, dahil lamang sa nadiskubre na siya’y isang transgender. Ang suspek na si Joseph Scott Pemberton, na ngayo’y 24 taong gulang na mula nang naganap ang karumal-dumal na krimen ay binigyan ng pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan lamang1.

Bumubuo ng malawak na kastilyo ng ilusyon ang queerbaiting. Binibigyan nito ng huwad na pag-asa ang mata ng isang Pilipino queer na sila’y nariyan upang bigyan sila ng tinig. Kahit ang totoo, walang intensyon ang mga kapitalistang manlilikhang ito na maghayag ng kongkretong pagkiling at magbuo ng tunay na representasyon sa kalagayang sosyopolitikal ng kanilang komunidad. Hanggang sa huli, sila’y páin lamang at bahagi ng walang-habas na pangangapital sa kung anomang maaaring pagkakitaan.

[Mis]representasyon: Komodipikasyon sa ilang Pilipinong Palabas

Talamak ang komodipikasyon o ang pag-atas sa isang grupo o bagay bilang uring-pagkakikitaan; at ito’y patuloy na sinasamantala ng mga ahensiya—mula noon hanggang ngayon. Magmula dekada ’40 pa man, ginagamit na bilang marketing strategy ng ilang kompanya sa kanilang mga patalastas ang imaheng homoerotic o ang pagkakaroon ng tila sensuwal na na atraskyon sa kapwa-kasarian (e.g., babae sa babae, lalaki sa babae). Pilit tinatapik nito ang bulnerableng sektor ng queer, lalo na’t sa panahon na discreet o patago pa lamang ang pagiging isang homosekswal. Maging sa Pilipinas, naging mainit din na usapin ang paglabas ng billboard ng Bench noong Pebrero 2015 kung saan nagtatampok ito ng iba’t-ibang uri ng pag-ibig: heterosekswal, filial, at homosekswal2. Ang nasabing “Love All Kinds of Love” billboard ay nadagdagan pa ng kontrobersya noong tinakpan ang kamay ng real-life gay couple na sina Nino Gaddi at Vince Uy at lumaganap ang #PutTheirHandsBack mula sa mga netizen na nagbahagi ng samu’t-saring digitally-enhanced na magkahawak-kamay upang magpakita ng suporta sa dalawang magkatipan.

Bagaman may ilang pagtatangka na palawigin ang espasyo para sa komunidad ng mga queer, hindi maitatanggi na patuloy pa ring pinapagana ang queerbaiting sa ilang babasahin, pelikula, at seryeng Pilipino. Sa katunayan, ginagamit na rin ang pabrikasyon ng romansa sa pagitan ng dalawang aktor/aktres bilang bahagi ng fan service, o pangangapital sa fandom sa pamamagitan ng paghahatid-serbisyo sa nais nilang imahen. Kamakailan lamang, kumakalat sa iba’t-ibang social media platforms ang diumano’y namumuong romansa sa pagitan nina Tony Labrusca at JC Alcantara, ang dalawang pangunahing actor sa “Hello Stranger,” isang BL series sa Pilipinas na magkakaroon ng movie sequel. Nariyan ang magpalitan sila ng pa-kilig na mga komento sa kanilang Instagram accounts, maging mga larawan ng isa’t-isa sa loob at labas ng set. Higit na tinangkilik ito ng masugid na fans ng naturang serye, na patuloy na sinusubaybayan ang off-screen romance ng dalawang aktor. Gayunpaman, hindi nakawala sa mapanuring mata ng ilang kritiko ang lantarang komodipikasyon sa relasyong homoerotiko sa pagitan nina Labrusca at Alcantara. May ilang netizens ang nag-iwan ng kanilang opinyon sa pagganap ng dalawang aktor sa naturang BL series, na ito’y “pilit” at “walang chemistry.” May ilan ding nakapagbanggit na ang producer ng serye ay isang bandwagoning, na sila’y lumikha lamang upang makisabay sa produksyon ng samu’t-saring palabas na may kinalaman sa relasyong queer.

Huling El Bimbo (2019)

Ang “Huling El Bimbo” ay isang musical play tungkol sa kuwento ng pagkakaibigan nina Joy (Gab Pangilinan, Carla Guevara-Laforteza), Hector (Bibo Reyes, Gian Magdangal), Emman (Boo Gabunada, OJ Mariano), at Anthony (Phi Palmos, Jon Santos) sa saliw ng tugtugin ng Eraserheads, isa sa mga kilalang banda sa Pilipinas mula dekada ’90. Ito ay isinulat ni Dingdong Novenario, at idinerekta ni Dexter Santos. Mula Mayo 8-9 ngayong taon, ipinalabas ng libre ang naturang palabas bilang bahagi ng fundraising activity ng ABS-CBN na “Pantawid ng Pag-ibig” upang tulungan ang mga Pilipinong apektado ng enhanced community quarantine.

Naglalaman ng maraming tema na maaaring pag-usapan ang naturang palabas. Isa na rito ay ang katauhan ni Anthony, isa sa apat na matalik na magkaibigan. Sa takbo ng naturang palabas, napag-alaman na si Anthony ay inililihim sa kaniyang ama ang kaniyang pagkabakla dala na rin sa matinding takot nito sa ama. Ang ama rin niya ang naging dahilan ni Anthony upang magkunwaring matikas sa ROTC, kung saan minsan na ring naging military instructor ang kaniyang sariling ama. Bagama’t naipakita ang korelasyon ni Anthony bilang isang kaibigan, hindi naging malinaw sa buong palabas ang representasyon niya bilang bahagi ng komunidad. Sa katunayan, malinaw na ginamit lamang ng produksyon ang kaniyang karakter bilang bakla upang magkaroon ng entertainment value ang palabas. Matatandaan na sa isang parte ng pag-awit ng rendisyon ng musical sa awiting “Pare Ko” ng Eraserheads, ginawang kakatwa ang pagiging malumnay at ang pilantik ng katawan ni Anthony sa pagmartsa. Pati ang kaniyang pagkendeng sa tuwing hindi napapansin ng kanilang instructor ay higit na ikinatuwa ng mga manunuod.

Isa sa mga eksena na lumutang ang queerbaiting sa karakter na si Anthony (Phi Palmos) ay ang rendisyon ng produksyon sa “Pare Ko” ng Eraserheads kung saan ginawang kakatwa ang ilang indikasyon ng pagiging homosekswal ng naturang karakter. (Screenshot: Huling El Bimbo)

Maliban sa pagkawing ng pagiging homosekswal ni Anthony, wala na itong ibang pagkakakilanlan upang maging mainam na representasyon ng kinabibilangang komunidad. Sa inilabas na pag-aaral ni Ng (2015) hinggil sa ispekulasyon ng naratibo ng mga queer, ibinahagi niya ang tatlong pamantayan upang matukoy kung ang palabas ay isang uri ng queerbaiting: (1) ang balidasyon sa pagbasa sa teksto, (2) ang politikal at ekonomikal na kakayanan ng produksyon upang mas mapagtibay ang naratibong queer, at (3) ang kalidad ng kanonikal na naratibong LGBTQIA+ na inilikha. Sa tatlong nabanggit, mas mabibigyang-linaw ang mga sumusunod: [A] walang malinaw na balidasyon bilang homosekswal ang karakter, [B] bagaman may kapasidad ang produksyon na palawigin ang naratibo ng homosekswalidad, ipininid nila ang pintuan at ginawa na lamang kakatwa ang karakter, at [C] malabnaw na representasyong kanonikal ng karakter.

Sakristan (2020)

Ang “Sakristan” ay isang on-going YouTube series mula kay Daryl Yap, ang direktor ng “Jowable” na siyang lumikha rin ng mga kuwestiyunable’t kontrobersyal na online series, kabilang ang “KPL (Kung Puwede Lang)” na nagtampok ng ilang derogatibong opinyon (sa anyong rant) sa iba’t-ibang sektor ng lipunan. Sa loob ng walong webisodes, pinilit talakayin ng “Sakristan” ang perspektiba ng BL sa Pilipinas, at ang tahasang pagbangga sa sekular na sektor sa pamamagitan ng paggamit ng karakter na bahagi ng simbahang Romano Katoliko.

Kuwento ng naudlot na pag-iibigan ni Christian Cordero (John Henry Villanueva) at Zachary Vigo (Clifford Pusing) ang “Sakristan.” Matapos bitawan ng sakristan na si Christian ang pagiging bahagi ng ministry ng Paquito A. Kalibre University (PAK-U), nagkaroon siya ng isang buwang relasyon sa atletang si Zachary matapos niya masalba ito sa pagka-drop out sa PAK-U. Sinubukang itampok ng “Sakristan” ang tipikal na tema ng lipunan: pag-ibig, pamilya, pakikipagkaibigan. Tahasang binuo ng generalisasyon ang mga miyembro ng Kristiyano sa serye, kung saan sa bawat episode ay may iniiwan na pang-uuyam (na binibigkas ni Zachary) hinggil sa diumano’y pangkalahatang gawi ng isang Kristiyano.

Sa unang episode ng “Sakristan,” ipinakita ang magkakaibigang bakla na binibigyan ng pop na panukat kung gaano ‘kasarap i-suck’ (na tila lollipop) ang isang lalaki. (Screenshot: Sakristan)

Lantaran ding ibinuyangyang ng “Sakristan” ang buktot na perspektiba sa isang Pilipinong bakla bilang mga taong hayok sa laman. Sa isang episode (E1: TOUCH-MOVE), ang apat na kaibigan ay humahalinghing sa tuwa habang isinusubo ang dala-dalang lollipop bilang pamilang kung gaano ‘kasarap’ ang isang lalaki. Ang nasabing eksena (na kilala na ngayon bilang ‘pop counter’) ay problematiko dahil iginagayak nito ang mga miyembro ng komunidad bilang sexual predators, isa sa mga buktot na misinterpretasyon ng ilan sa mga Pilipinong homosekswal hanggang ngayon.

Ang produksyon ng “Sakristan” ay malinaw na imahen ng queerbaiting dahil sa halip na magkaroon ng matibay na representasyon ang mga kabilang sa homosekswal na kasarian, isinusukat lamang ang kanilang pagiging “tanggap” na nakadepende sa panlabas na anyo ng karakter. Mapapansin na nasa loob ng naturang serye, hindi patas ang daynamiko ng pagtrato sa mga bakla. Ginawang katawa-tawa ang pisikal na anyo ni La Niña (E4: THICK AND WHITE), malayo sa madaling pagtanggap sa relasyon nina Christian at Zachary (E3: CUERDAS). Patuloy rin kinakapital ng produksyon ng “Sakristan” ang lantarang pabrikasyon ng pagsuporta sa komunidad ng LGBT. Halimbawa nito ay ang paggawa ng rendisyon ng paanyaya ng MTRCB upang magkunwa bilang representasyon sa komunidad ng LGBT gayong sa loob naman ng web series ay tumataliwas dito.  

Muling ibinalik ni Daryl Yap ang buktot na pagtanggap sa mga kabilang sa LGBT sa pamamagitan ng paghingi ng basbas ng sekular na sektor, sa halip na kundenahin ang maling praktikang ito. (Screenshot: Sakristan)

Gayundin, pinili ni Daryl Yap na ilapit ang usapin sa diplomasyang Romano Katolisismo ang web series nang sa gayon ay matugunan niya nang higit ang kabilang dibisyon ng manunuod (E8: AMEN). Sa halip na maging behikulo ang series bilang kanonikal na representasyon ng komunidad ng LGBT, mas pinili nitong bumalik muli sa sekular na pagtingin sa konsepto ng sekswalidad, identidad, at oryentasyon. Hinihingi nito ang basbas ng sekular na sektor (sa pamamagitan ng pagturing sa mga homosekswal bilang bahagi ng ‘anak ng Panginoon’) sa halip na kundenahin ang isa sa matinding punyal sa kasaysayan ng opresyon sa mga Pilipinong LGBT. Higit na idiniin at ipináin ng “Sakristan” ang perspektibo na ang pagiging bakla sa Pilipinas ay dapat hanggang sa kung anomang tolerable sa patriarkal-piyudal at heteronormatibong lipunan. Idinildil ng buktot na produksyon ni Yap ang matinding stigma, isang punyal na siyang nagpapahirap sa buhay ng bawat Pilipinong LGBT: na sila’y hindi pa rin tinatanggap sa kung anoman sila, na sila’y idinaraan na lamang sa pagpapasensiya ng lipunang hindi sila maunawaan.

Higit sa kinang ng pinilakang tabing, malaki ang epekto ng [mis]representasyon ng LGBTQIA+ sa panitikan, sining, at maging sa midya sa pagtanaw ng direksyon sa kung saan patungo ang patuloy na paglaban sa pantay na karapatan at proteksyon sa diskriminasyon sa komunidad ng LGBT. Ang manipestasyon ng mga problematikong produksyon ni Daryl Yap sa mainstream ng sangka-Pilipinuhan ay nagpapakita lamang ng malayo-layo pang tatahakin upang tuluyan nang makawala sa pagkakapáin ng mga oportunista ang mapait na danas ng mga buhay at kasaysayan ng bawat Pilipinong LGBT na kani-kaniyang panahon.

Pagkawala sa Páin ng Opresyon

Kibit-kibit ng komunidad ng LGBT ang matinding stigma sa kanilang ginagalawan na lipunan. Ang mga masugid na tagahanga ng mga produksyon na mula sa queerbaiting ay maaaring ituring na complicit, na tinutulungan nila ang mga opresibong manlilikha at producer na pagsamantalahan ang identidad, sekswalidad, at oryentasyon ng isang queer. Kaya naman labis ang pagtawag ng pansin ng ilang progresibong sektor sa ilang manunulat at manlilikha na patuloy na kinakapital ang identidad upang magkaroon ng reporma sa pagpapabuti ng representasyon sa naturang komunidad. Bahagi ng aktibismo ang paghahangad ng diskurso, lalo na’t ang intensyon ay upang magkaroon ng mas mainam na representasyon hindi lamang sa komunidad ng LGBT kundi pati na rin sa publiko. Malaki ang naitutulong ng representasyon ng LGBTQIA+ sa panitikan, sining, at midya dahil dito nagkakaroon ng sistematikong produksyon ng kultura. At ang kultura, upang hindi maging mapaminsala sa hinaharap ay kailangang ayusin sa kasalukuyan na ang sandigan ay ang kasaysayan.

Patuloy ang pagtawag ng pansin ng mga progresibong grupo’t aktibista sa Pilipinas upang mabigyan ng espasyo ang komunidad ng LGBTQIA+ para sa kanilang kaligtasan, kalayaan, at karapatan. (Larawan: Reuters)

Sa pagbabaybay ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng teksto at parateksto na nahihinuha mula sa mga naratibong ipinepresenta sa manunuod, nabibigyang-linaw ang dislokasyong nararanasan ng mga miyembro ng queer community (Aguas, 2018). Isinalarawan ni Heather Love sa “In Feeling Backwards: Loss and the Politics of Queer History” ang kontemporanyong karanasan na ito bilang “kakaibang sitwasyon ng ‘pagtingin sa hinaharap’ habang tayo [queer] ay ‘pagdaramdam sa nakaraan.’ Para kay Love, mailalarawaan ang ‘pagdaramdam sa nakaraan’ sa pagkapit sa kasaysayan, kung saan nakatala sa tala nila ang sakit na naranasan dahil sa “historikal na imposibilidad na mahalin ng kapwa-kasarian.” Ito ang pait na nakatala sa kasaysayan ng bawat kabilang sa komunidad ng queer na hanggang ngayon ay patuloy pa rin nilang nararamdaman.

Kaya naman, labis ang pagtawag ng pansin ng ilang progresibong sektor sa ilang manunulat at manlilikha na patuloy na kinakapital ang identidad upang magkaroon ng reporma sa pagpapabuti ng representasyon sa naturang komunidad. Maliban sa paglulunsad ng malawakang kilos-protesta para sa pagtawag-pansin sa karapatan ng mga homosekswal, patuloy silang pag-oorganisa upang mabigyan ng hustisya ang bawat biktima ng opresyon sa kamay ng lipunang anti-LGBT.

Mula nang magkaroon ng malawakang pagko-call out sa mga manunulat, direktor, at producer na gumagamit ng queerbaiting, unti-unting napapabuti ang representasyon ng komunidad sa publiko. Sa katunayan, ang mga palabas mula sa Netflix ay sinusubukang baguhin ang viewing landscape sa pamamagitan ng pagbibida ng mga katangi-tanging karakter na may hindi nalilimitahan ang pagkatao sa kung anomang perspektibo sa kaniyang identidad. Sa Pilipinas, may ilang umuusbong na rin na Youtube series (katulad ng “AL+ER” at “Gameboys”), maging mga pelikula (katulad ng “Die Beautiful”) na naglalayong bigyan ng mas malawak na representasyon ng Pilipinong LGBT.

Masyado nang durog at wasak ang puso’t isipan ng bawat kasapi ng komunidad ng LGBT—at patuloy silang nayuyurak sa bawat paggamit sa kanila bilang páin, na huwad ang pagtanggap sa kanila’t pinapanatili lamang sila tolerable upang hindi masira ang impresyon ng mga heteronormatibo’t homopobiko. At ang tanging paraan upang maipagsatibay ang lipunang bahagi ang LGBT na higit pa sa representasyon ay ang sama-samang pagbuo ng naratibong higit na malakas at matibay—nang sa gayo’y hindi na muling maging páin ninoman.

[1] Idinagdag ng kolumnista ang karagdagang impormasyon hinggil sa limang taon nang pag-usad ng Jennifer Laude murder case. Maliban sa pagbigay ng pardon ng presidente nitong ika-7 ng Oktubre (anim na araw mula nang lumabas ang komentaryong ito), napag-alam din na sinubukang abutan ng pinansyal na ganansya ang pamilya ni Laude upang tuluyan nang isara ang kaso.
[2] Mula sa orihinal na artikulong “BENCH ADVERTISMENTS: PAANO NILA NAKO-COMMODIFY ANG LGBT COMMUNITY?” ni Maria Kristelle C. Jimenez na mababasa sa Medium account ng Kadlit Press.

Sanggunian:

Brennan, Joseph. Queerbaiting And Fandom: Teasing Fans Through Homoerotic Possibilities. University Of Iowa Press, 2019, pp. 2, 3, 25, 27, 41, 42.

Fathallah, Judith. “Moriarty’s Ghost: Or The Queer Disruption Of The BBC’s Sherlock”. Television & New Media, vol 16, no. 5, 2014. Sage Journals, doi:10.1177/1527476414543528.

“Just Let Us Be: Discrimination Against LGBT Students In The Philippines”. Human Rights Watch, 2017, https://www.hrw.org/report/2017/06/21/just-let-us-be/discrimination-against-LGBTQIA+-students-philippines.

Mosbergen, Dominique. “The Dangers Of Being LGBT In ‘Tolerant’ Philippines”. Huffpost, 2015, https://www.huffpost.com/entry/LGBTQIA+-philippines_n_5614f92fe4b021e856d2d870.

Ng, Eve. “Between Text, Paratext, And Context: Queerbaiting And The Contemporary Media Landscape”. Transformative Works And Cultures, vol 24, 2017, doi:10.3983/twc.2017.917.

Stuart, Hall. Representation: Cultural Representations And Signifying Practices. Sage Publications, 1997.


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, at kasalukuyang associate editor sa Filipino ng Revolt Magazine. Ang hapót-simbág ay ang kauna-unahan niyang lingguhang komentaryo, analisis, at rebyu hinggil sa lipunan at kultura. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mkcjimenez@revoltmagazineph.ink. Makipaghuntahan kay Marya sa Minds at MeWe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: