Narito ang palad ng mga dasal,
Ang tuhod ng paghingi ng tawad,
ang krus ng matandang rosaryo,
Maging ang mantsa ng abito.
Dumudungaw mula sa camarin
ng birhen ang liwanag ng pag-ibig.
Kung ito nga ba’y pag-ibig.
Palaging may bahaghari
sa mga bintana ng katedral.
Paulit-ulit na binibinyagan
sa pasilyo ng konsensiya
ang mga multo ng kasalanan.
Nagtatanghal sa harapan
ang salita ng diyos.
Walang nakikinig
Walang nanonood
kundi ang mga sugat
ng kaniyang taga-sunod.
