Kritika

Pagmumundo, Pagsinta, at Demokrasya sa Dead Balagtas ni Emiliana Kampilan

Ang Dead Balagtas Tomo 1: Mga Sayaw ng Dagat at Lupa ni Emiliana Kampilan ay isang Filipinong graphic novel mula Adarna House, Inc., sa imprentang ANINO Komiks. Nagsimula si Emiliana Kampilan sa online komiks bago naipasalibro ang apat na kabanata sa Tomo 1. Tampok sa Dead Balagtas ang mga panibagong salaysay ng katauhan ng mga Pilipino, ng bayan, at kasaysayan ng bansa mula sa dalawang magkahiwalay na perspektibang pinag-isa ng komiks.

Ang apat na kabanata’y may pundasyon ng iba’t ibang siyensiya, tulad ng geology at oceanography. May pagkilala sa mga datos, at sa siyentipikong mga paliwanag kung paano unang umahon sa karagatan ang mga kontinente at mga isla. Sentral sa pagkakasaysayan ni Kampilan ang pag-ahon ng lupa, ang pagkabitak nito, at ang unti-unting pagdaloy at paglawak ng tubig sa pagsasanib ng dalawang bahaging ito ng mundo. Ang kuwento ng mundo ay siya ring kuwento ng mga katauhan sa apat na kuwento, ng mga Pilipino, at ang tinawag na “Lupang Hinirang.”

Ang mga kabanata ay isinasalaysay ng isang “maalam na babaylan” na inaawit ang mga kagananapan sa bawat eksena. Ang awit ng babaylan ay malayang lumilipad sa iba’t ibang antas ng kahulugan, mula sa karaniwan patungong metaporikal. Ang hiwaga ng Dead Balagtas ay kung paano nito napagtagni-tagni ang napakaraming mga pagkakataon na parang walang mga koneksiyon, ngunit meron pala—kailangan lamang tingnang mabuti ang paligid, ang lupang tinatapakan, at ang mga katubigang dinaraanan sa ating paglipat sa mga pulo.

Tungkung Langit at Laon Sina

Si Tungkung Langit at Laon Sina. (Larawan: Dead Balagtas)

Nagsimula ang pag-awit ng babaylan sa “Ang Santinakpan” kung saan tampok ang kuwento ni Tungkung Langit at Laon Sina. Ayon sa babaylan, ang init ng pag-iibigan ng dalawa ay daig pa ang init ng ilang libong araw. Ang kuwentong “Tungkung Langit at Laon Sina” ay halimbawa ng mitolohiya ng paglikha na nagmula sa Hinilawod (Clark, “Tungkung Langit & Alunsina | The ‘Other’ Visayan Creation Story). Ang mitos na ito mula sa Hinilawod ay may mga modernong adaptasyon na rin, tulad ng maikling kuwentong isinulat ni Allan Derain:

“Dito, si Tungkong Langit at Alunsina ang araw at buwan. Liwanag sa ulo ng dalawang diwata ang liwanag ng lahat. Dagdag sa kanilang tanglaw ang mga santelmong nagpaparoo’t parito, na humahawi sa dilim ngunit madalas ding humahalo rito. Na nag-aasawahan at nanganganak ng mumunting balang na madalas maging salot kapag sama-samang sumalakay sa mga palayan. Maliban sa walang mga palayan ang daigdig na ito sapagkat wala ditong agrikultura, at dahil walang agrikultura kaya wala ring salot. Sa halip na magsilusob sa mga palayan, ang mga bibig ng bulkan ang pinapasok-labas ng mga ito sapagkat doon sila pinasususo ng kanilang mga magulang hanggang sa sila’y lumaking malulusog na santelmo. At sa ganitong paglalabas-masok sila paboritong lundagin at kainin ng mga palaka kaya hindi lahat nagtutuloy sa pagiging mga bolang apoy.”

Tungkong Langit + Alunsina

Ang bersyong inakda sa Dead Balagtas ay ‘di nalalayo sa bersyon ni Derain, bagamat mas ekstensibo ang adaptasyon sa maikling kuwento. Parehong tapat ang mga adaptasiyon. Marapat bigyan ng pansin na ang diin sa bersyon ng Dead Balagtas ay ang naratibo ng patriyarka.

Bagama’t may mga limitasyon ang diskurso dahil sa depiksyon ng panahon (bago mabuo ang sangkatauhan), mapapatawad na ang limitasiyong ito sapagkat ang basehan naman ng eksplorasyon ng kapangyarihan ay ang seks (babae at lalaking nag-iibigan). Ang depiksyon ng pinakaunang heteroseksuwal na relasyon sa tanan ng uniberso ay patotoo lamang sa unibersal ding pagkakawing ng inekuwalidad o kawalan ng pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga kababaihan at kalalakihan sa buong mundo.

Ang paglalaban ng dalawang panig o puwersa ay makikita sa pagdurog ni Tungkung Langit sa hiningang-buhay ni Laon Sina, at ang biglang paglayas ni Laon Sina mula sa piling ni Tungkung Langit. Bagama’t humingi ng tawad si Tungkung Langit at patuloy ang kaniyang pagtawag sa asawa hanggang sa kasalukuyang panahon, piniling hindi na magparamdam o bumalik muli ni Laon Sina. Sa karaniwang pagbabasa, maaaring sabihin na “away-asawa” ang nangyari sa dalawang diyos. Ngunit sa mas malapit na pagsusuri, mahalagang tandaan na dalawa lang ang diyos na manlilikha at parehong may kakayahan, ngunit ayaw pumayag ni Tungkung Langit na lumikha rin sa loob ng Santinakpan ang asawa.

Jonoel at Danica

Sina Jonoel at Danica. (Larawan: Dead Balagtas)

Laging may kurot sa puso kapag ang kuwento ng pagkakaibigan ay nagsisimula sa pagkabata. Dito nagsisimula ang kabanatang “Ang Daigdig,” sa pagkakaibigan ni Jonoel at Danica. Mula pagkabata, nangarap silang lagi silang magkasama sa pagtupad ng mga pangarap. Alinsabay ng kanilang pangangarap ang paggamit ni Dead Balagtas sa teorya ng plate tectonics, kung saan maaaring maghiwalay ang dating magkadikit na kalupaan.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting naghiwalay ng landas ang dalawang bata, hanggang sa punto na si Jonoel ay tumungo na nga sa orihinal nilang pangarap ni Danica na bumuo ng video games. Si Danica naman ay pinili ang mag-premed nang makapag-duktor.

Ang huling eksena ng kuwento ng dalawa ay ang pagbuo muli ng koneksiyon matapos ang paghihiwalay. Nananatiling may pagtingin at pagpapahalaga pa rin sila sa isa’t isa, sa kabila ng katahimikan na namayani ang tuluyan nang maglayo.

Sa geolohikal na panahon, wala pang nabubuong nasyon o imperyo sa panahong pinakita ng Dead Balagtas sa kabanatang ito. Ngunit, may dahilan ang pagbibigay-diin ng Dead Balagtas sa panahong Permiyano—sa panahong ito kasi nagsimulang magbitak-bitak ang mga super land masses ng mundo. Ngunit ang proseso ng paghihiwalay ay mabagal, halos hindi mo masusukat kung sa perspektiba lamang ng tao na maigsi ang buhay at limitado ang kakayahang mapansin ang mga pagbabago sa mabagal na pag-usad ng panahon.

Masasabi nating sa layer o suson nila Jonoel at Danica pinapahiwatig ng Dead Balagtas ang esensiya ng pagbuo ng isang bayan. Na kahit magkakalayo ang mga pulo at magkakaiba ng interes, wika at kaisipan ng mga tao ay posible ang pagkakaroon ng pagtingin at pagsinta sa pagitan ng mga tao. Lumalampas ang signifikasiyong ito sa konsepto ng pagkakaibigan at komunidad. Ang pagiging bayan ay nagsisimula sa imahinasyon at nagmamarka sa pagkatao, at sa pagkilala at pagkakakilanlan (identidad) sa espasyo ng katauhan at pag-aako. Malinaw na ang Dead Balagtas ay isang halimbawa ng national allegory (ala Jameson) kung saan ang usaping libidinal at usaping politikal ay “sumeseniyas” at nagbibigay ng patotoo at kahulugan sa isa’t isa sa panitikan (Nayar 108). Ang metodolohiya ni Kampilan ay halo ng hayag na indibiduwal/libidinal  na mga naratiboat imahinasyong nasyunal sa iba’t ibang aspeto ng pag-awit ng babaylan.

Rahman at Ramon

Sina Rahman at Ramon. (Larawan: Dead Balagtas)

Sa ikatlong kabanata (Ang Karagatan) naglayag ang awit ng babaylan patungong ibigang homoerotiko, sa pagitan ng dalawang lalaki. Sa panig nito ng mundo, ang kapangyarihan ng karagatan ang namamayani. Ginamit ang metapora ng tubig upang bigyan ng mas malalim na paliwanag ang interrelasyon ng mga tao sa kalunsuran, kung saan ang pangangailangang mabuhay at magtrabaho ay parang isang daluyong ng karagatan sa araw-araw. Dadaloy at dadaloy ang buhay at mga tao, at magsasama-sama kahit madalas, gusto ng mga taong may malawak na espasyo para sa sarili, at umiwas sa kapwa. Nagsimula ang kuwento ni Rahman at Ramon sa aksidente sa tren—nasugatan si Rahman dahil sa nakasabit sa bag ni Ramon, at nasira ang suit ni Rahman. Para makabawi, inalok ni Ramon na bilhan na lamang ng bagong suit si Rahman sa susunod sa stop ng tren. Karaniwang trabahador si Ramon sa ‘SN’ at si Rahman naman ay tila manunuri o analyst ng stock market. Hindi nagtagumpay si Ramon na mapalitan ang suit gamit ang kaniyang dalang pera, kaya ‘inutang’ muna niya ang hindi niya nabayaran nang bilhin ang bagong ‘suit.’ Dito nagsimula ang kaniyang ‘paghuhulog’ sa bagong kakilala, na naging matalik rin niyang kaibigan sa pagdaan ng mga araw.

Kristiyano si Ramon, at Muslim naman si Rahman. Sa parehong relihiyon, hindi pinahihintulutan ang relasyong homoseksuwal. Sa panahong isinulat ang pagsusuring ito, unti-unti nang bumubukas ang kaisipan ng mga tao ukol sa usaping queer or LGBT—ngunit malayong-malayo pa ang buong paglaya ng mga miyembro ng komunidad ng LGBT sa bansa. Maliwanag ang posisyon ng Dead Balagtas ukol sa mga relasyong labas sa konfigurasyong heteroseksuwal. Bukod sa suporta, kritikal din ang lente ng Dead Balagtas sapagkat pinasok din nito ang mga dikta ng karaniwang buhay at relihiyon na isinabuhay naman at nilalabanang sabay ni Ramon at Rahman. Sa isang eksena, makikiang umiiyak si Rahman sapagkat ‘hindi na niya kaya.’ Noong mas bata pa si Rahman, ipinalangin niya kay Allah na ‘tanggalin na’ ang kung ano mang mayroon siya. Mula pagkabata kasi, alam niyang may kakaiba sa kaniya. Hindi siya tulad ng ibang kalalakihan, ngunit gusto niyang maging mabuting Muslim. Hanggang isang araw na bumukas ang Quran at nabasa ni Rahman ang isang partikular na surah tungkol sa paglikha ni Allah at pagdakila sa kaniya:

“Aba kayong mananampalataya, luwalhatiin ninyo ang Allah at purihin magdamag! At masdan ninyo ang mga patunay ng karunungan at kadakilaan niya: nariyan ang kalangitan. Ang daigdig. At maging kayong tao ang papapasibol niya sa inyo ng samu’t saring wika at lahi, kulay, diwa, at panlasa. Bawat isa’y kumikilos ayon sa katangiang iginawad ng Allah sa kaniya. (Surah Al-Rum 30:22)” (Kampilan, 61-62)

Ang alegorya nila Rahman at Ramon ay tumutusok din sa hidwaang Kristiyano at Muslim na patuloy na bumibiyak sa pagiging ‘bayan’ at nasyon ng Pilipinas. Kung susuriin mula sa politikal na dimensiyon, ninanais ng Dead Balagtas na magkaroon na sana ng kapayapaan at pag-unawa sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim sa Pilipinas. Pinakita ni Kampilan ito sa pagtahak ng daan ng eros – sa paraan ng pagsinta’t pag-ibig sa pagitan ng isang Muslim at isang Kristiyano. Bagamat malayo pa ang tatahakin upang magkaroon ng lubusang kapayapaan sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano, may historical record na sa kontemporaryong komiks ang bahaging ito ng pagpapagal ng mga kapatid na Muslim sa pagiging mas malaya bilang mga Muslim sa Pilipinas.

Anais at Dylan

Si Anais. (Larawan: Dead Balagtas)

Ang ikaapat na kabanata (Lupang Hinirang) ang huli at pinakamalakas na salvo sa naratibisasyon ng bayan at lipunang Pilipino. Narito sa kabanatang ito makikita ang kristalisasyon ng konsepto ng sambayanang Pilipino, uri, at class struggle. Sa pag-iibigan ni Anais at Dylan naipakita ng awit ng babaylan na maging sa pinakasulok ng pinakamarungis at siksikang siyudad, may paraan upang mahumanisa at bumangon mula sa lusak na gawa ng mga kapitalista. Ang daan patungo sa paglaya ay nagsisimula sa pagkuha ng mga bagong karunungan, upang ang sarili’y maiahon mula sa eksploytasyon at panlalamang ng mga pabrika at iba pang lugar ng pagtatrabaho.

Bagaman iisa lamang si Dylan sa maraming aktibistang naglalayong mag-organisa sa siyudad, makikita mula sa alegoryang nabuo ang kagyat na pangangailangan ng mas malawak pang pagbabago sa lipunang Pilipino, sapagkat sa panahong ito, ang ‘demokrasiya’ ay naging ‘hungkag na konseptong’ wala na halos unipikadong pagkakakilanlan (Brown 44). Ito mismong pangkahungkag na ito ng tinatawag ng ‘demokratikong bansa’ ang dahilan kung bakit may pangangailangang bigyan muli ng maayos na signifikasyon kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng demokrasiya sa backdrop ng kapitalismo at pamamayani ng mga naghaharing uri. Saan patungo ang mga katulad ni Anais, na mababa ang pinag-aralan ngunit gumagawa naman ng halagang milyon-milyong mga komoditi sa mga pabrika para sa mga mayayamang may-ari?

Maraming undercurrents ang pagsinta ni Anais at Dylan, bukod sa nasyunal-politikal na aspeto ng kanilang relasyon. Nariyan ang pagtanggi ng ina ni Dylan sa pinili ng kaniyang anak bilang maging kasintahan. Nandiyan din ang sinasabi ni Dylan na kaniyang ‘pagpurol’ bilang aktibista sapagkat nalayo siya sa mass work nang siya’y magtapos sa UP. Taliwas sa naratibong ang masa’y hindi makakasabay sa agos, ipinakita ng Dead Balagtas na maraming paraan upang umahon ang isang taong pinagkaitan ng maraming pagkakataon sa buhay. At ang isa sa mga paraang ito ay ang skills acquisition/training na mahalagang aspeto kapag naghahanap ka ng trabaho.

Hindi maaaring ihiwalay ang usaping hanapbuhay sa usapin ng relasyon ng dalawang taong nagsasarili. Nang magsama sila Anais at Dylan bunsod ng pangmamata ng ina ni Dylan, naging malinaw ang lahat kay Dylan, na hindi sanay mamuhay mag-isa: iba ang ihip ng hangin at agos ng tubig kapag gradwado ka na’t lumalapit na sa mga kumpanya at organisasyong tanggapin ka. Mababatid sa teksto na sistemiko ang problema, bagamat may agency ang mga tao. Ngunit babalik at babalik rin sa iisang sistema ang lahat.

Maaaring ihalintulad ang paglaban nila Anais at Dylan sa kondisyon ng mga kababaihan sa iba pang island economies, kung saan bumabagsak sa kababaihan ang responsibilidad ng pagkita ng karagdagang pera at pagbabadyet ng kakarampot na kita kapag may resesyon at kapag biglang natanggal sa trabaho ang mga kalalakihan. Ang trend na ito ay nagsimula pa noong 1960s at naging mas mahirap ang kondisyon ng mga kababaihan sa maraming nasyon sa buong mundo (Karides 73-74).

Mainam ang treatment ni Kampilan sa usaping pamilya at pagsasarili sa kabanatang ito, na bagamat mahirap, ang ilang mga pagsubok sa labas ng kahon ng pamilya ay maaaring gamitin upang lumawak pa ang vista ng pag-unawa sa tunay na kalagayan ng sarili—at lipunan.

Pinagkunan:

Brown, Wendy. Democracy, In What State?. 1st ed., Columbia University Press, 2012, p. 44.

Clark, Jordan. “Tungkung Langit & Alunsina | The ‘Other’ Visayan Creation Story • THE ASWANG PROJECT”. THE ASWANG PROJECT, 2020, https://www.aswangproject.com/tungkung-langit-alunsina/.

Derain, Allan. “Tungkong Langit + Alunsina”. Revolt Magazine, 2020, https://revoltmagazineph.ink/2020/08/18/tungkong-langit-alunsina-allan-derain/.

Kampilan, Emiliana. Dead Balagtas Tomo 1: Mga Sayaw ng Dagat at Lupa. 1st ed., Adarna Publications, Inc., 2017, pp. 61-62.

Karides, Marina. The Wages Of Empire: Neoliberal Policies, Repression And Women’s Poverty. 1st ed., Paradigm Publishers, 2007, pp. 73-74.

Nayar, Pramod K. The Postcolonial Studies Dictionary. 1st ed., Wiley Blackwell, 2015, p. 108.


Si Marius Carlos, Jr. ang kasalukuyang punong patnugot ng Revolt Magazine. Isa siyang kuwentista, manunuri/kritiko ng panitikan at midya, malayang mananaliksik, at isa ring manananaysay sa wikang Filipino at Ingles. Mahilig siyang makipagtalo sa sarili kung matutulog pa ba siya o hindi na. Ipadala ang mga komento o suhestiyon ukol sa kaniyang mga akda sa Revolt Magazine sa mcarlosjr@revoltmagazineph.ink
Maaaring siyang kapanayamin sa social media sa Minds at MeWe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: