Sa kalabos ng patriyarko sila’y ipiniit nang kaytagal,
Idinikta ang kakayahan sa apat na sulok ng tahana’t ginaralgal
Mula sa labas, ang dangal ay pinintahan ng kamuhian,
Nagsunod-sunuran sa mando’t kapanaigan ng karamihan
Ngunit sa pagdatal ng milenyo’y pinaram ang lumikaw na tanikala,
Kanilang yumi ang humahasa sa espadang lalaban sa pananansala
Ihihirang ang balanseng lipunan sa pamamagitan ng tapang,
Silang makabagong gererong iniirit ay katarungan
Mga bayaning magluluwal ng pag-asa sa yurak na tinubuang lupa,
Kakatigan ang katotohanang hindi sila mahihina
Kahima’t hinusgahan ang lipad ay patuloy ikakampay ang bagwis,
Kababaihan ang salamin ng lipuna’t hahaligi sa hustisyang ginahis
