Nanghihina ka na, tulad nilang
mga nagbibingi-bingihan, nagtatago,
nagpapaanod sa agos,
upang iligtas ang sarili sa unos;
pananatilihin ang pagsamba
sa rebultong naaagnas na, kasama
ng mga sikmurang kumakalam,
tumatalon sa pag-asang makakalipad
at sa pagkabulag ang hantungan,
mga taong tinutusok ang mga mata
habang sumasamba sa mga santito.
Bawat salita ay bahagi ng laro
ng mga sandaling kailangan nila;
nagiging usok matapos masunog.
Isang upos lang at naglalaho,
matutumba sa bawat kalabit
ng layter ng taong may hawak,
bawat pagpitik sa pera mong
tila tatlumpung patak ng sandali
ang katumbas, saka maglalaho.
