Nakaupo ako sa linyang
maaaring huling pangungusap
ng isang nobela o dagling
nagsasalaysay ng habilin
ng mga naulila ng panahon.
Sa malayo, may namumuong
badya ng digma sa mga ulap
na nagluluwal ng mga
makabagong lason.
Hindi ko na kilala ang papawirin.
May bigat sa mga patak ng ulan,
May bagal sa pag-inog ng mundo.
Kung kalayaan ko ang kable
ng kuryenteng ito? Ano ang
para sa de-makinang ibong
nag-iiwan ng guhit sa alangaang?
