Nakalimutan ng grabedad
ang iyong taglay na kagandahan.
Babagsak ka sa kapatagan
habang pasan ang liwanag
ng ilang daang taon.
Ang silaw na kumitil
sa mga higanteng buwitre.
Ang apoy na nag-iwan ng
malawak na butas sa ilahas.
At sa lugar ng pagsabog,
Natagpuan kitang anghel sa lupa.
Pinulot ko ang mga pilas
ng iyong nawasak na pakpak.
Pinagtagpi-tagpi
ang bawat piraso
na parang pahina
at ginawa kong libro.
“Isa ka nang ganap na tao,”
ang sabi sa unang tala.
