Parrhesia

Ang Isang Siglong Apoy ni Lola Igna

Ang Lola Igna ni Eduardo Roy, Jr. ay isang entri sa Pista ng Pelikulang Pilipino, taong 2019. Pinangunahan ang pelikula nila Angie Ferro (bilang Lola Igna) at Yves Flores (bilang Tim). Kasama rin dito sila Meryll Soriano (bilang Ana) at Maria Isabel Lopez (bilang Nida). Bagama’t ang pelikula’y noong nakaraang taon pa ipinalabas, mainam pa ring sariwain kung bakit naging epektibo ang pagbaligtad nito sa maraming paniniwala at temang karaniwan sa mga pelikulang komedi sa Pilipinas.  

Ang opisyal na trailer ng Lola Igna. (mula sa YouTube)

Ang Nayon at si Lola Igna

Ang puso ng kanayunan ay si Lola Igna mismo, bilang pinakamatandang residente nito. Ang kaniyang palayaw na “Igna” (mula sa Ignacia) ay nangangahulugang “apoy” sa wikang Kastila. Sa antas ng metapora, si Ignacia Rivera ang isang apoy na isang siglo nang naglalagablab. Para sa mga kanayon, ang kaniyang patuloy na pamumuhay ay nagsisilbing init at ilaw sa komunidad. Mapanglaw ang kasalukuyan at hinaharap ng nayong tinitirhan ni Lola Igna. Pagsasaka lamang ang pangunihang pinagkakakitaan ng mga tao. Malayo sila pare-pareho sa bayan, at hindi karaniwang kumikita ng sapat ang mga tao. Makikita ito sa biglaang pagtitinda ng mga kapitbahay ni Lola Igna nang siya’y simulang dalawin ng mga turista na nakita siya sa telebisyon. Sa ganitong paraan din siya natuklasan at napuntahan ni Tim, ang kaniyang apo sa talampakan.

(Screenshot: Netflix)

Ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng mga tauhan kay Lola Igna sapagkat sa kulturang Pilipino, isang natatanging karangalan ang magkaroon ng kapamilyang matanda. Simbolo daw ang pagtanda ng karunungan at pagiging dalubhasa sa buhay. May anggulo ring handog ng langit ang mahabang buhay. Ang mga matatanda rin ang madalas tanungin  tungkol sa mahahalagang pagpapasiya, kapag ang pinag-uusapan na’y mabibigat na bagay tulad pag-aasawa, pagpili ng karera or propesyon, pagbili ng bahay at lupa, at madalas din, kapag may hidwaang hindi masolusyonan ng mga nakababatang miyembro ng pamilya.

Sa antas ng metapora, si Ignacia Rivera ang isang apoy na isang siglo nang naglalagablab. Para sa mga kanayon, ang kaniyang patuloy na pamumuhay ay nagsisilbing init at ilaw sa komunidad.

—Marius Carlos, Jr.

Ang pangunahing kasabikan sa pelikula ay ang posibilidad na magawaran ang matanda  ng parangal na “world’s oldest living grandmother.” Sa posibilidad ng parangal na ito nabuhay ang nayon at nabaliktad ang minsa’y tahimik na buhay ng matanda. Ngunit siya mismo’y hindi kumbinsido sa awtentisidad ng nasabing parangal. Sa isang eksena, tinanong niya ang kaniyang apong si Nida: “Punyeta, tumanda lang pararangalan na? O, e paano yung mga tumandang wala namang pinagkatandaan? Puro kayo kalokohan.”

Buhay sa Gitna ng Kamatayan

Naging isang malaking pasakit sa matanda ang kaniyang patuloy na pamumuhay. Malinaw sa tauhan ang kaniyang pagnanais nang mamatay. Ang kamatayan, ayon sa kaniya, ay hindi dapat katakutan. Taliwas naman ang paniniwala ng mga mas bata niyang kamag-anak. Walang nagnanais na pag-usapan ang posibilidad ng kaniyang kamatayan kahit siya 118 na taon na. Ito ang sentral na absurdidad ng naratibo na nagkakawing kay Lola Igna sa buong bayan.

Walang may nais na siya’y pumanaw. Walang may nais isipin na may katapusan din ang napakahabang buhay ng matanda. Alam ng matanda ito, kaya paulit-ulit niyang isinisingit sa mga usapan ang kagustuhan niyang mamatay. Lumampas na si Lola Igna sa antas ng pakikipagkompromiso sa langit—sabik na siyang sunduin ng kaniyang yumaong asawang si Carias.

(Screenshot: Netflix)

Sa tagal ng kaniyang buhay, pakiramdam niya kasi’y pinagdamutan na siya ng langit.

—Marius Carlos, Jr.

Sa tagal ng kaniyang buhay, pakiramdam niya kasi’y pinagdamutan na siya ng langit. Nag-iisa na lamang siya sa lumang buhay, at binibisita na lamang ng pamilya ng kaniyang apong si Nida. Sa isang eksena kung saan nanggaling sila ng kaniyang apong si Tim sa burol ng pinakaunang taong tinulungan niyang iluwal, nagngangalit sa galit ang matanda sa kaniyang naging kapalaran.

“Mga anak ko, nauna pa sa akin, aking asawa, at lahat ng aking kaibigan. Bagot na bagot na ako sa buhay. Hindi ko na kilala ang mga tao rito. Hindi ko na kilala ang bayang ito.”

Hindi lang siya ang pinakamatandang residente ng nayon. Siya rin daw ang nagpaanak sa halos lahat ng tao doon. Nagsilbing kumadrona si Lola Igna sa matagal na panahon. Ang unang batang kaniyang tinulungang isilang ay nauna ring mamatay sa kaniya. Sa huli, tinigilan daw niya ang pagkokomadrona at tila sa bawat batang kaniyang tinutulungang isilang ay humahaba lalo ang kaniyang buhay.

Sentro ang Laylayan

Tampok rin sa kuwento ang malinaw na pag-eespasyo ng bayan: ang apong si Ana na matagal na panahong nawala ay simbolo ng migrasyon o internal na diaspora mula sa mahirap na kanayunan patungong ‘matiwasay, masaya at masaganang’ sentro (tulad ng Maynila). Ang periphery/margin/laylayan naman ang kanayunan. Ang signifikasyong ito ay nagmula sa mas malawak na sistemang sinimulan ng imperyalistang Europeo, kung saan ang Europa naman ang ‘sentro’ habang ang buong mundo ang ‘laylayan’ (Masood, “Center/Periphery”).

Ang tuwirang naratibo ang marka ng awtentisidad ng paglalahad, at tapat ang representasyon sa katotohanang mayroon ngang penomena ng migrasyon dahil sa kakulangan ng pagkakakitaan sa kanayunan.

—Marius Carlos, Jr.

Iniwasan ng pelikula ang karaniwang paghahambing at fetishismo sa sentro sa mga simpleng paraan. Hindi humihingi ng paumanhin ang nayon sa mga taga-sentro o bayan. Ang kapayakan ng pamumuhay ang siyang normalisado, at sa pagkakataong ito, ang taga-sentro (ang apong si Tim) ang kailangang makibagay at umayon sa patakaran ng nayon. Ang tuwirang naratibo ang marka ng awtentisidad ng paglalahad, at tapat ang representasyon sa katotohanang mayroon ngang penomena ng migrasyon dahil sa kakulangan ng pagkakakitaan sa kanayunan.

(Screenshot: Netflix)

Ang naratibisasyon sa Lola Igna ay kahilera ng pagkukuwento ni Jun Cruz Reyes sa Ang Huling Dalagang Bukid at Ang Autobiography na Mali: Isang Imbestigasyon:

“Nangyari ito kung kailan halos wala nang interes na magbungkal ng bukid. Tinatamad na ang mga magbubukid. Ayaw na nila sa bukid. Hayaan itong tubuan ng talahib kung tag-ulan. Hayaang ahasin. Hayang magkabitak-bitak kung tag-araw. Hayaang hangin na lang ang kumilos at damo ang mabuhay. Pati ang kalabaw ay pinagpahinga na rin. (Reyes, 11)

Ang Pagkatanda ni Lola Igna

Ang katahimikan sa nayon ay hindi garantiya ng kapayapaan. May pakla at galit sa pagitan ng magkapatid na Ana at Nida, sapagkat inaasahan ng lahat na mananatili ang pinkamalalapit na kamag-anak upang mag-aruga ng matatandang kapamilya. Isang pagtatanong din ang pelikula sa nakasanayang gawi na ito. Si Lola Igna ang siyang sagot sa katanungan. Ayon sa kaniya, hindi niya pinigilan ang pag-alis ng kaniyang apong si Ana noon, sa pag-aakalang sa pupuntahan ni Ana matatagpuan ang kaligayahan ng apo. Walang bahid ng paninisi ang matanda, sapagkat ninais lamang niyang maging masaya ang kaniyang mahal sa buhay.

Makikita rin ito sa kaniyang masuyong pagtanggap kay Tim sa biglaang pagdating nito sa nayon. Na kahit ayaw niya sa mga “bagong uso” tulad ng selpon at digital camera ay pinayagan niyang i-vlog lang siya nang i-vlog ng apo sa talampakan. Taliwas ang mga paniniwala ni Lola Igna karaniwang ideolohiya ng walang katapusang utang na loob na pinaiiral sa kulturang Pilipino, kung saan ang mga kamag-anak na tinulungan at sinuportahan ay kailangang mag-alay ng kanilang buong buhay sa mga magulang o kaanak na tumulong. Hindi na nalalayo sa pang-aalipin ang sistemang ito sa kasamaang-palad ay palasak pa rin sa iba’t ibang uri ng Pilipino.

(Screenshot: Netflix)

Pinakita ni Lola Igna ang uri ng “pagkatanda” na marunong umunawa sa pagbabago ng panahon at pangangailangan ng mga tao sa paligid. Tanggap niya ang mga pagbabago, ngunit may hapdi ring dulot ito sa kaniya—ang pagbabago ng bayan sa loob ng mahabang panahon ang siya ring nagbura ng kaniyang pagkakilala sa sariling bayan.

Ang elementong ito ng absurdismo, ng isang taong humihiling nang mamatay ngunit hindi pinagbibigyan, ang nagbibigay ng mas matingkad na pagpapahiwatig sa eksistensiyal na mga katanungang bumabagabag sa mga tao…

—Marius Carlos, Jr.

Sa kabila nito, nananatiling masuyo ang matanda sa kapwa. Ang kaniyang mga hinanakit ay sa pagitan lamang niya at ang langit. Gabi-gabing nagtutuos si Lola Igna at ang Diyos sa kaniyang kinahinatnan. Ang elementong ito ng absurdismo, ng isang taong humihiling nang mamatay ngunit hindi pinagbibigyan, ang nagbibigay ng mas matingkad na pagpapahiwatig sa eksistensiyal na mga katanungang bumabagabag sa mga tao paminsan-minsan, tulad ng “bakit nga ba kailangan pang mabuhay?” at “ano/sino ang nagbibigay ng saysay sa buhay?”

Sa huli, nagsilbing ilaw si Lola Igna sa madilim na espasyong hindi natin tinitingnan, sapagkat ito ay kabaligtaran ng buhay: ang kamatayan at ang mga posibilidad at pangangailangan para rito, at kung paano natin ito maaaring yakapin bilang bahagi na rin ng ating pananatili sa mundo.

Sanggunian:

Raja, Masood. “Center/ Periphery – Postcolonial Space”. Postcolonial Space, 2020, https://postcolonial.net/glossary/center-periphery/.

Reyes, Jun Cruz. Ang Huling Dalagang Bukid At Ang Autobiography Na Mali. Anvil, 2011, p. 11.


Si Marius Carlos, Jr. ang kasalukuyang punong patnugot ng Revolt Magazine. Isa siyang kuwentista, manunuri/kritiko ng panitikan at midya, malayang mananaliksik, at isa ring manananaysay sa wikang Filipino at Ingles. Mahilig siyang makipagtalo sa sarili kung matutulog pa ba siya o hindi na. Ipadala ang mga komento o suhestiyon ukol sa kaniyang mga akda sa Revolt Magazine sa mcarlosjr@revoltmagazineph.ink. Maaaring siyang kapanayamin sa social media sa Minds at MeWe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: