Tunay na mapalad ang mga pusa.
Alaga man o gala, sa lakad ng mundo,
wala silang pakialam. Sila’y mga hari
ng payapang isip at pag-iral
saan mang semento abutin ng antok.
Mahuli man at kagalitan sa pagnanakaw
ng pagkain, agad nakapupuslit
at hindi na mahahabol pa. Sila’y abswelto
palagi sa opensa ng sangsang ng dumi
at ihi na hindi makakayanang tanggalin
ng mamahaling pabango. Wala mang tubig,
ang gusgusing balahibo ng mga pusa’y lilinis,
pasadahan lang ng kanyang dilang magaspang.
Awa at konsensya’y hindi mga pasanin,
tumugis man ng daga, butiki, at ipis
na sa kanila’y wala namang mailalaban.
Ang pagpaslang ay laro sa kanilang kaharian
na kahit mga batong bakod ay ‘di hangganan.
Kung may mag-post sa social media
ng mga litrato o bidyo ng mga pusa,
tiyak may hahanga kahit pa ang mga ito
ay nangangalmot o nagwawala. Diktador
ng kasiyahan at engganyo, itong mga pusa
na hungkag ng bagabag; kayang mahimbing
sa kabila ng dulot na karahasan.
