Rehas itong mga salita
na tinatawag nilang kalayaan
sa henerasyon ng imahen
at bidyo na tinatabas ang totoo—
lumilikha ng mga bayani
at kaaway. Ang estado
ng buhay ng bawat isa’y nakapiit
sa bubog na iskrin, dinadaliri
ng umiidolo, líbog, buryong,
o ng handang kagalitan
ang ayaw unawain. Kahirapan
itong walang pagsusuri, mabangis
na diwata ng mga hinehele
ng malalamig na silid at laging puno
ang mga eskaparate ng pagkain.
Buo ang kanilang katapangan
sa harap ng tiklado, kalasag
ang elektronikong maskara,
hindi inda ang hampas at bigwas
ng panahon sa maliliit na kakambal
ang krisis mula kuna
hanggang kabaong. Ginagahasa
nang halinhinan ang lahat
sa loob ng rehas ng mga salita,
imahen, at bidyo—ang abá,
higit pa nga, hindi rin makawala
sa buhay sa labas
na lalong dambuhalang karsel.
