Kinakamot ng makata ang kati
ng diwa kung may sigwa
na namumukol kapag pinupukol
ng sukaban, pilit sinusubukan
ang timpi’t tapang ng tinampalasan
na mga walang palad at lipad
ang mga pangarap. Hindi maapuhap
ang mga salita, walang bisa
ang mga pangako na ipinako
sa hubad na likod ng naglilingkod
nang walong oras na walang habas
kung humamig sa pagniniig at pag-ibig.
Ngayong may sakit na pasakit
na lalong kumakalat sa mga salat,
kinakamot, kinakalmot ng makata
ang mga sulok ng sulasok,
nilalagnat sa kagat ng sápat
na mahilig manligalig kapag ibig,
o kung nasisiwalat ang pangungulimbat,
o kung nanunumbat sa mga mulat.
At ang sápat ‘di pa pala sumasapat:
mga kagaw ang kaulayaw na sumasawsaw
sa paglikha ng hinihikang mga panukala
na lumalambong sa pagdaluhong
ng mga singkit na sumisikil,
nang-aalipin, at nang-aangkin ng lupain,
sa pagsunggab sa bayag ng pamamahayag
sa pagsalang sa kanilang sangsang,
at sa pangungutang upang ibulsa ng swapang.
Kaya’t itong kati na pilit kinukubli,
nag-aaantak, nagnanaknak, nanganganak
na alipunga na nakanganga, nginangatngat
ang kabaong na binaon sa kahapong
nagsabing, “Ang pagtula ay pagtunganga!”
Ang makata ay ‘di na madadapa, mangangapa,
bagkus buong talas at gilas na ibubulalas
ang talim at talab ng tinimping tula;
taimtim na titipunin ang mga talutod,
lilinangin ang mga linya, ililiha ang lamya,
ikukuyom ang nilikom sa palad na tikom
ang mga bersong subersibo at susugod,
itatarak ang itak ng mga titik,
pupugutan at pupugpugin nang mapanagutan
ang ganap na pagpapanggap ng nagpapahirap.
At ang kati ng makata ay makakawala
sasama sa masa sa saliw at sigla ng sigwa.
