Kahit ngayong gabi lamang.
Hayaan mo sana akong
handugan
ka ng mga rosas
na simpula ng kalangitang
sabay sinamba
ng ating mga mata,
isang dapithapon.
Huwag mong katakutan
ang mga tinik.
Hayaan mong matusok
ang iyong daliri,
hayaan mong dumugo
at saka ipatikim
sa iyong mga labi.
Ganyan katamis
ang aking pagmamahal
para sa ‘yo,
sa gabing ito.
Kahit ngayong gabi lamang.
Hayaan mo sana akong
baybayin
ang lansangan
ng iyong katawan.
Huwag mong ikabahala
kung ako ma’y maligaw.
Hayaan mong hanapin
ko ang tamang daan
pabalik
sa ‘yo.
Hayaan mo akong
kabisaduhin
ang bawat liko
at lubak
ng iyong pagkatao,
sa kadiliman
ng gabing ito.
Kahit ngayong gabi lamang.
Hayaan mo sana akong
tamnan ng mga ngiti
ang iyong mga labi.
Huwag kang mangamba
kung paano
ka gigising bukas
ng umaga.
Hayaan mo muna
akong ika’y isayaw
sa ritmo
ng ating mga hininga
bago ako tuluyang
maglaho
kasabay
ng pagtatapos
ng gabing ito.
