Class Picture

Ikaisang Kabanata: pagbabalik

“Kristel, long time no see!”

Napakunot-noo ako nang marinig ko ang aking pangalan. Ika-28 ng Agosto, taong 2025. Labing-apat na taon ang matuling lumipas, ngunit segundo lamang ang aking kinailangan para makilala ang tumawag sa ngalan ko. Palapit nang palapit si Elena, isa sa mga naging kaklase ko sa loob ng tatlong taon. Ganoon pa rin siya: palangiti, at tila hindi alam ng katawan niya ang salitang pagod. Parang oras lang ang pagitan ng hindi naming pagkikita. May kaibahan man nang kaunti sa hubog ng kaniyang katawan, dala pa rin ni Elena ang matinis niyang tinig.

Binati ko agad siya nang magkalapit kami.

“Dios marhay na aga!”

“Aba, aba…marunong ka pa ring mag-Bicol, Kristel? Iyo nasasabutan ini? Iyo baga, hadi?” tanong niya, sinusukat kung gaano ko pa rin kaalam ang pagsasalita ng Bicol.

“S-Siring kaan? Dae na ako sanay magtaram nin Bicol,” pag-amin ko sa kaniya. “Diit lang,” dagdag ko pa habang ipinaglalapit ko ang aking palasingsingan at hinlalaki.

“Pansin ko nga,” sang-ayon niya. Bigla siyang lumunok nang malalim at binago ang rehistro ng pagsasalita.

“Good thing, nakapag-adopt ako sa Maynila. Ilang taon din akong nag-OJT at nagtrabaho roon,” bungad niya sa akin. Napangiti naman ako.

“Marhay man. Salamat,” sabay alok ko sa kaniya ng mauupuan. Kami pa lamang dalawa ang narito sa lomihan—ang napagkasunduang meet-up location naming magkaklase. Mabuti na lamang, ready sa kuwentuhang itong si Elena. Hindi kami mapapanisan ng laway sa paghihintay sa iba pa naming kaklase.

Saglit ako umunat sa upuan. Masakit pa ang kanang braso ko mula sa sampung oras na biyahe. Sa halip na sumakay ng pier o eroplano, pinili ko ang mag-commute. Kahit 2025 na’t diumano’y marami nang improvement sa travel infrastructures, hindi pa rin naging komportable ang biyahe ko. Nang makalabas na kami ng Caluag, ang dating kalsada na naliligiran ng acacia’t puno ng saging ay napalitan ng matataas na puno ng niyog. Hinubad ko ang aking jacket dala na rin ng biglang pag-init sa lugar. Ilang oras pa, nakarating na ako sa Daet. Halos isuot ko na ang ulo ko palabas ng bintana ng bus nang bumungad sa akin ang sunod-sunod na tindahan ng coco jam, pili brittle, at ilan pang kakanin na gawa sa gata. Mas nangingibabaw ang amoy ng latik sa buong paligid, tanda na nasa bahagi na nga ako ng Camarines Sur. Binuksan ko ang phone ko’t kumuha ng ilang larawan. Remembrance na rin sa sarili. Nang huminto ang bus sa Naga para magpahinga’t makakain kami, dali-dali akong pumunta sa 3N bakery, na kilala sa kanilang toasted siopao. Minsan na rin akong nagtrabaho sa isang branch nila sa Tigaon noon, at naging paborito kong pagkain ito. Sakto naman at may lomihan din. Um-order ako, special lomi. Pinadagdagan ko ng tuwalya’t isa pang itlog. Hiniwa ko sa gitna ang toasted siopao at nilanghap ang amoy ng asadong baboy ni bago ko tinubog sa mainit-init pang lomi. Iba pa rin talaga ang lasa ng lutong Bicolandia. Masiramon! Busog na busog ako nang makabalik na sa bus. Hindi ko namalayan na nakaidlip na ako. Paggising ko, bumungad na lang sa akin ang arko ng Tigaon. Ang dating kulay pula na arko ay naging kulay-asul na. May idinagdag na rin na bakal, dagdag-suporta na rin siguro sa sementadong arko. Nang makahinto na sa istasyon, agad akong naghanap ng dyipni papuntang Talojongon. Dito na rin ako naghanap ng matutuluyan sa loob ng isang buwan. Matapos kong maligo’t magpalit ng damit sa motel, tumungo na agad ako sa lomihan sa Baranggay Poblacion—malapit sa Tigaon North Central School—kung saan ako nag-aral.


Lumapit sa amin ang matandang dalaga, si Manay Josie. Siya pa rin ang tindera, kusinera, at may-ari ng lomihang ‘to. Dito kami minsan kumakaing magkaklase, noong nag-aalok pa si Manay Josie ng limang pisong kanin na may sabaw. Minsan, pinagbibigyan na rin niya kami kapag tatlong piso lang ang mayroon kami. Bilang pasasalamat na lamang kay manay, kami na ang nagpi-presentang taga-hugas ng pinggan o taga-walis ng lomihan. Tulong na lamang din sa kaniya.

Ngayon, may kasa-kasama na siyang utusan sa lomihan. Ang dating sementadong lugar ay napalagyan na rin niya ng tiles, pati na rin ng ilaw. Mayroon na ring videoke. ‘Yon nga lamang, presyong restawran na rin ang mga paninda ni Manay Josie.

“Mayo na akong kuwarta. Nawara si pitaka ko,” pagbibiro ko.

“Inda ko saimo. Magbayad kayo,” garalgal ng matanda.

“Dae kayo mabiro, Manay Josie. Mala saimo? Diri kami magkaon. Elena? Kristel?” ani Elena, pinapaalala sa matanda na dati na kaming kumakain dito.

“Ay, ‘yong Kristel na dae aram nin Bicol? At ikaw ang nagsasabi sa kaniya?” matawa-tawang tugon ng matanda. “Maogma ako, aw iyo. Siyempre naalala ko pa rin kayo,” aniya. “Dae puwede libre digdi, magbayad dapat kayo. Matatanda na kayo at may trabaho,” paalala ni Manay.

Tumango-tango na lang kami.

“Igwa tabi kamong tubig o juice, Manay? Uhaw na kami,” pakiusap ni Elena. “Mamaya na lang po kami o-order, may hinihintay lang.”

Ilang saglit lang, inabutan kami ng dalawang baso na may isang litrong tubig. Mayroon din siyang isinamang isang litrong coke at isang bucket ng yelo.

“Mamira sa coke?” tanong ko.

“75 piso,” sagot ni Manay Josie. Inabot ko agad ang sandaan at hindi na nagpasukli.

“Dios mabalos,” aniya.

“Daeng anu man,” aniko.

“Talino mo talaga, Kristel. Marunong ka na ring mag-Bicol kahit lagpas dekada ka nang hindi nakapupunta rito?” manghang sabi ni Elena.

“Conversational level lang ang kaya ko,” nahihiyang tugon ko.

Natawa na lang si Elena sa akin. “Much better compared sa uutal-utal na ikaw no’ng Grade 3,” at hindi na nga niya napigilan ang pagtawa. Nakitawa na lamang din ako sa kaniya.


Tiningnan ni Elena ang wall clock na nakakabit sa pader ng lomihan. Tatlumpung minuto na pala mula nang naparito kami. Naubos na rin namin ang isang plato ng pansit bato at kung ano-ano nang dinako ng kuwentuhan namin. Naroon ang ikuwento niya ang tungkol sa unang taon niya sa pagtuturo. Narito ang ikuwento ko naman sa kaniya ang buhay ko bilang creative director sa isang local magazine. Narito ang sariwain namin ang matinding epekto ng COVID-19 sa loob ng dalawang taon. Naroon ang masaksihan namin sa telebisyon ang pormal na pagbaba ni Rodrigo Duterte at ipinasa na sa bise-presidente’t taumbayan ang pagresolba sa pandemic. Lahat nang posibleng ikuwento—sa loob ng maigsing panahon. Sa totoo lang, nabibilisan ako sa daloy ng pangyayari. Nakakapag-email man kami ni Elena sa isa’t isa, pakiramdam ko ay hindi pa rin sapat ang kakarampot na oras upang habulin ang lahat ng nangyayari. Dalawampu’t limang taon na kami ngayon, malayo sa dating siyam hanggang labing-isang taong gulang na mga bata na naging bahagi ng tatlong taon ng aking buhay-elementarya. Malayo na sa dating nagkakapikunan at nagsisigawan ng udo, uring, mati, bongog, bagla, at iba pang asarang-pambata.

Dalawampu’t limang taon na kami ngayon, malayo sa dating siyam hanggang labing-isang taong gulang na mga bata na naging bahagi ng tatlong taon ng aking buhay-elementarya.

Heto na kami ngayon: may kani-kaniyang ruta at daan na tinatahak—minsang pagtatagpuin ng anomang puwersa ng santinakpan, ngunit hindi kailanman magiging kapareho.

“Maiba nga, nakapag-usap na ba ulit kayo ni Joemar?” tanong niya sa akin. Sansaglit lang, may kakaibang kurot na bumalot sa buo kong katawan.

“H-Hindi pa…” halos pabulong ko nang sagot.

“Kahit sa Facebook o e-mail, wala? How about Twitter, or Grindr?”

Napakunot-noo ako sa sinabi ni Elena.

“Seriously, Elena? Mukha bang hanapan ng dating kaklase ang Grindr?”

“Chill girl,” pabiro niyang tugon habang nakataas ang magkabilang-kamay. “Baka lang naman.” Umismid na lang ako sa kaniya bago niya ibaba ang mga kamay niya. “Akala ko lang naman, nahanap ka na niya.”

“Elena? What do you mean?”

“Anong what do you mean ka d’yan? Kristel, naturingan kang writer pero hindi mapag-connect sinabi ko? Una, naging kayo. Ikalawa, iniwanan mo si Joemar pati kami sa mismong graduation natin. Umalis ka nang walang paa-paalam. Anong sa tingin mong iisipin ni Joemar?” tanong niya sa akin.

May punto rin naman ang kababata sa pagtatanong niya. Bakit nga ba ako umalis na lang bigla? Kung tatanungin ako sa ngayon, dahil wala akong choice. Bata pa lang ako noon.

“We’re just kids at that time. I didn’t realize that he’ll take us seriously,” depensa ko.

“If that’s your point of view, bahala ka. Sinasabi ko lang naman na noong nawala ka, hinanap ka niya. Pumunta pa nga siya sa inyo pero wala na daw tao roon. Ni hindi ka daw ma-text o ma-contact,” pagdidiin ni Elena sa akin.

“And the point of bringing this up is?” ramdam ang tensyon sa tinig ko. “Dati na ‘yon. Childhood sweethearts. Ka-tweetums. If I know, he’s already over it. Wala nang kami. Wala nang dapat pag-usapan pa,” dagdag ko. Itinikom na lamang ni Elena ang kaniyang bibig at muling binalikan ang pagkain ng natitira pang pansit bato.

Lumayo muna ako ng tingin sa kaniya, siniyasat kung tama nga ba ang naging tugon ko kay Elena. May punto rin naman ang kababata sa pagtatanong niya. Bakit nga ba ako umalis na lang bigla? Kung tatanungin ako sa ngayon, dahil wala akong choice. Bata pa lang ako noon. Kahit nababanggit na sa akin nina Mama at Papa ang paglipat namin sa Laguna, hindi ko inaasahan na sa mismong graduation ko iyon gagawin. Bigla na lang nangyari ang lahat. Pagkatapos kong magbitaw ng valedictorian speech, naroon na si Papa, hinahatid na ako. Hindi ko na nagawang iproseso ang lahat. Wala nang malungkot na pagpapaalam. Wala nang yakap-halik sa mga kaibigan na maiiwan. Wala nang Tigaon na masusulyapan sa muling pagmulat ng aking mga mata. Isang lagok ko itong tinanggap, kasama na rin ang hindi ko pagsabi kay Joemar tungkol dito.

“Pasensiya na kanina. Nabigla lang ako,” pagsisimula ko kay Elena. Bumalot ang nakabibinging katahimikan sa aming dalawa. Ang namumuong tensyon ang nagsilbing busal sa aming mga bibig. Pinakikiramdaman ang mga tama sa pagitan ng pagkakamali.

“Kasalanan ko rin naman,” pag-ako ni Elena. “Hindi ko naman dapat bini-bring up ang ganoong bagay. Tama ka nga, past is past. Ano pa nga bang magagawa natin doon?” dagdag pa niya.

Nagsapol ang aming mga mata, tanda ng pagkalas namin sa panandaliang tensyon. Saglit kaming nagyakap, at parang katulad ng aming pikunang-bata, muli kaming naghagikgikan.


Sa gitna ng aming pagtatawanan, biglang bumukas ang pinto ng lomihan. Matapos ang mahigit isang oras na paghihintay—dumating na rin ang iba pa naming kaklase. Napuno ang lomihan ng tao mula sa amin. Hindi magkandamayaw ang dalawang utusan sa pagdampot ng mga order. Binuksan na rin ni Manay Josie ang videoke. Kani-kaniya nang dampot ng song book ang batchmates ko. Ang nanguna siyempre, si Anjelica—na mula Grade 4 ay laman na talaga ng videoke at singing contest sa barangay. Si Anton ang nakatoka sa pagbukas ng mga bote ng beer samantalang si Lizette ay panay iwas naman sa tawag ng alak. Kung anong iwas niya rito, siyang inom naman namin nina Elena, Chyrstalyn, Victoria, at Cheska. Hindi naman mapainom si Edwin, na ngayon ay Father Edwin na. Natuloy nga siya sa pagsasakristan. Si Andrei, na pinsan ni Lizette, hindi raw makararating. Ang iba naming batchmates, narito rin. May kani-kaniya nang buhay na tinatahak. Ang ilan, pamilyado na. Ang ilan ay katulad ko na lubog pa rin sa trabaho’t walang espasyo sa pag-ibig.

“Guys, total at nandito na rin naman tayo, bakit hindi pa tayo mag-roll call?” sabi ni Anjelica habang nakatayo sa stage at kapit-kapit pa rin ang microphone. “Just like the good old times, ‘di ba? Say present kapag nandito kayo,” panuto niya.

Inisa-isa na niya ang mga pangalan ng aking mga ka-batchmate. Ang mga tinandaan ko, ang mga pangalan ng mga taong naging mahalaga sa akin.

“Reverent Father Edwin Cruz?”

“Present, sister.”

“Cheska Hernandez?”

“Present na present!”

“Victoria Lindio?”

“Here, present!”

“Chrystalyn Manaog?”

“Present!”

“Kristel Reyes?”

“Present,” sagot ko.

“Elena Solonon?”

“Present!”

“Anjelica Suyat? Yours truly, present!”

“Lizette Tan?”

“Present po.”

“Anton Tuico?”

“Present ire!”

“Joemar Trinidad?”

Katahimikan.

Nagkatinginan ang bawat isa sa kanilang katabi. Napatingin sa akin si Elena, at umiling-iling. Maliban kay Andrei, wala rin si Joemar. Nasaan na nga ba siya? Hindi man naging maayos ang naging direksyon ng aming relasyon, gusto ko pa siyang makita. Dinampot ni Lizette ang cellphone niya upang tawagan si Joemar. Out of coverage area. Please try again later. Hindi na rin napakali si Edwin at nagpadala na rin ng text sa kaniyang tropa. Napatingin sa akin si Anjelica, pati na rin ang iba kong ka-batchmates. Binalikan ko sila ng tingin, na maging ako ay hindi ko alam kung nasaan siya.

“Well I guess, wala nga si Joe—”

Malinaw pa rin sa akin ang mukha ng lalaking unang nagmulat sa akin sa hiwaga ng pag-ibig.

Bago pa man matapos ni Anjelica ang kaniyang sasabihin, iniluwa ng pinto ang imahen ng isang binatilyo. Matangkad, may matipunong pangangatawan, at may kakaibang lalim sa kaniyang mga mata. Isang malapad na ngiti ang iginanti nito sa pagkaway ni Elisha. Tumayo naman sa kinauupuan si Edwin upang makipagkamay sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Akala ko hindi ka na darating,” sabi ni Edwin.

“Late na ba ako, father?” ang narinig kong tugon.

Ipinikit ko ang aking mga mata, pilit inilalayo ang tingin sa presensiya ng bagong dating. Kumuha ako ng panyo para matakluban ang nagbabadya kong luha. Pero kahit anong pilit kong layo’t iwas, tumatakas pa rin ang pananariwa ng aking mga alaala. Malinaw pa rin sa aking tainga ang rehistro ng kaniyang tinig. Malinaw na malinaw pa rin sa akin ang mga brasong minsan na ring umalo sa aking bawat pag-iyak. Malinaw pa rin sa akin ang mukha ng lalaking unang nagmulat sa akin sa hiwaga ng pag-ibig.

“Hanggang ngayon, iyakin ka pa rin.”

Kung anong bilis ng mga salita na tumatakbo sa puso’t isip ko, siya namang ilap ng aking bibig na isambulat ito. Ang init na mula sa paligid ng lomihan ay tumatagos na sa aking puso’t tinutusok na ang loob-looban ko. Nag-uumapaw na sa akin ang damdaming ayaw magpagalaw sa aking labi.

“Tama ba, ikaw si Kristel?”

Siya na nga ito.

“J-Joemar?”


Nagtatrabaho bilang freelance writer, layout artist, at website specialist sa Pampanga si Maria Kristelle Jimenez. Ilan sa kaniyang mga akda ay nakatanggap ng karangalan sa Saranggola Blog Awards at Gawad Digmaang Rosas. Ang kaniyang website na Espermarya ay panaka-nakang naglalabas ng mga libreng babasahin. Ang ilan sa kaniyang mga journalistic essay ay nailalabas sa Assortedge, Philippines Graphic, maging sa Vox Populi. Sa ngayon, tumatayo siya bilang isa sa tagapamahala ng KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik. Siya rin ang kumakatawang founder-owner ng Rebo Press Book Publishing, at kasalukuyang associate editor sa Filipino ng Revolt Magazine. Maaring mag-iwan ng mensahe sa kaniya: mariakristellej@gmail.com. Makipaghuntahan kay Maria sa Minds at MeWe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: