Pauunlakan kita sa abot ng iyong makakaya. Hindi na problema ng mga patay ang kakulangan ng oras. Hindi ko papansinin ang nanginginig mong kamay at ang higpit ng iyong kapit sa mga bakal na kasangkapan na bumabaklas sa balat ko’t laman. At kung paanong sa pagkahaling sa pagsiyasat sa organo ko’t kalamna’y ipapadpad mo ang […]
Pauunlakan kita sa abot ng iyong makakaya. Hindi na problema ng mga patay ang kakulangan ng oras. Hindi ko papansinin ang nanginginig mong kamay at ang higpit ng iyong kapit sa mga bakal na kasangkapan na bumabaklas sa balat ko’t laman. At kung paanong sa pagkahaling sa pagsiyasat sa organo ko’t kalamna’y ipapadpad mo ang iyong sarili sa isang pula-berde-bughaw-abuhin na kagubatan. Kay lamig, ano? At kay lagkit, kay sukal. Tingin mo ba’y nasa tuktok ang katotohanan? Kung gayon, gawin mong hagdan ang aking tadyang. Hawiin mo ang nagsasalabid na baging kong mga ugat. Lagusin mo ang bumabalakid na laki ng bagà, at tunghayan mo ang nakatiwangwang kong puso. Saka mo ito hawakan at yugyugin. Sampal-sampalin mo ito’t pakinggan. Baka sa iyong paggigiit, dumagundong itong muli’t maghatid ng lakas sa aking lalamunan. Baka sa wakas, makuha ko nang magsalita.
Si Nikki Mae Recto ay lumaki sa Arkong Bato, Valenzuela City. Nagtapos siya ng BS Accountancy sa Polytechnic University of the Philippines at kumuha ng Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa parehong pamantasan. Naging fellow siya ng Tula sa Valenzuela Writers’ Workshop 2019. Isa siyang ganap na kasapi ng Valenzuela Arts and Literary Society (VALS) at Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Isa rin siya sa mga kasapi ng Atsara Collective na naglunsad ng Quickie: Drive-in Stories (2018). Hilig niyang magbasa ng libro, maglakad-lakad at kulitin ang mga alaga niyang pusang si Mingming at Mimo.
Like this:
Like Loading...
Related