Maikling Kuwento

Sa Pagtanaw ng Dagat

Mayo 17, 2032 – 北区 (Dating North Edsa, Quezon City)

Tinitigan lang niya ang librong nakalagay sa bookshelf ng Fullybooked. Animong parang nakikipagtitigan sa isang tao bago magsimula ang gulo. Ang “calm before the storm,” ika nga. Kinuha niya ang libro at dumiretso sa counter. Hindi man lang niya binuklat o tinignan ang nakasulat sa likod ng libro. Na para bang alam na niya ang laman at kuwento. Basta na lang niya kinuha nang makita ang isang pangalan. Pagkaabot niya sa cashier tinanong pa siya ng babaeng naka-facemask at PPE kung gusto ba niyang balutan ng plastic cover.

“Hello Ma’am, we have a new plastic cover to offer. This is self-disinfecting to lessen the risk of being a carrier of the COVID-19B strain,” mahinhin na pag-alok nito kay Jae Lin.

“Hindi na. Pakiiwan rin ang tag,” diretso at direkta niyang sinabi.

“Ay, Filipino po pala kayo. Akala ko po tsekwa.” Ang laking gulat ng cashier.

Babaeng matangkad, singkit ang mga mata, at may kaputian, hindi malayong mapagkakamalang dayuhan. Ang naisip ni Jae Lin kaya’t lagi pa rin siyang pinagkakamalang Intsik. Hindi niya sumagot sa sinabi ng babae.

Parang nagmamadali, na ayaw magtagal sa loob ng bilihan. Pagkaabot ng paperbag at resibo, tumango lang ito para magpasalamat, at agad rin lumabas ng bookstore. Hindi ito huminto pagkalabas para silipin ang librong binili. Pasara na ang mga tindahan. Habang pauwi sa kaniyang condo sa Vertis, ang lakad pauwi ay hindi pa rin niya nakakasanayan kahit ilang taon na ganito ang lugar. Ang bangketa sa overpass na dating may mga nagbebenta ng anik-anik ay ngayong tambayan ng mga intsik na nagyoyosi at nagkukwentuhan, ang mga nadadaanang tarpaulin at panawagan ay sumisigaw ng mga matitingkad na kulay at malalaking chinese characters na maaaring nag-aadvertise ng massage services. Ang pagsigaw ng mga barker sa jeep na dating naririnig ang ruta papuntang UP Campus, ay ngayong tinatawag na nilang FUQ (Facility of Under Quarantine). Madalas, may saglit na ninikip ang pakiramdam ng babae sa t’wing sumasagi sa isip niya ang pagiging dayuhan sa sarili niyang bansa. Pamilyar ang lugar pero hindi na niya ito kilala.

Nang makauwi, pagpasok, kita ang linis ng tinitirhan. May lamig at aliwalas na parang kasingkahulugan ng salitang katahimikan. Sumasalamin sa tindig at ugali ng babae. Hindi niya binuksan ang ilaw. Agad niyang binuksan ang disinfectant machine niya na nakapwesto sa tabi ng pintuan. Pinausukan siya nito, na laging nagpapaalala sa kaniya ang kabataan niya noong lagi siyang nagne-nebulizer bago matulog (noong nebulizer lang ang kailangan niyang gawin sa gabi na may proseso. Na para sa ikabubuti ng kaniyang kalusugan). Sumunod, inilapag niya sa mesa ang paperbag, at dumiretso sa banyo. Naghilamos at nagpalit ng damit.

Pagkatapos, dumiretso sa kusina, binuksan ang cabinet at inaral ang mga laman. Nakalimutan niyang dumaan ng fastfood upang magtake-out, kaya isa-isa nilabas ang mga sangkap na kung ano na lang ang makakain para sa hapunan. Sunod, binuksan ang ref, at nilabas ang wine. Kumuha ng baso mula sa lalagyan, at binuhos ang wine at ininom ng kaunti, bago siya magsimula sa pagluluto. Nagpakulo ng tubig para sa oatmeal na lulutuin, hinugasan ang mga strawberries at hinaluan ng asukal saka ito idinikdik na para bang pang palaman na jam, at isinalang sa kalan. Tinititigan niya ang pagbula ng tubig at pag-angat ng usok, at biglang napalingon sa mesa, tinignan ang paperbag na nakapatong. Saglit niyang iniwan ang niluluto at nilapitan ang mesa. Kinuha ang paperbag at nilabas ang libro. Pinagmasdan niya lang ng hindi pa tatagal sa isang segundo ang front cover bago niya tinignan ang likod. Pamilyar ang mga pangalan na nagrerekomenda sa libro. Parang minsan na niya nakausap at nakasama ang mga ito, pero marami sa kanila, wala na ngayon sa mundo. Binalik niya muli sa loob ng paperbag at nilapag uli sa mesa at bumalik sa ngayong kumukulong tubig. Hindi pa rin niya binubuklat ang libro.

Nang matapos na siya sa pagluluto, inilatag niya ang pagkain at inumin sa higaan. Binuksan ang TV at nanood ng balita, bumungad ang mukha ng Provincial Mayor ng Pilipinas na nagsasalita in Mandarin. May dalawang subtitles na lumilitaw: English at Mandarin. Kung ano na naman ang pinagsasabi ng provincial mayor ng Pilipinas. Hindi na rin mabilang kung pang ilang press conference na rin ito simula noong 2020. Hindi na siya namili ng channel, sa ngayon, wala naman siyang inaabangang panoorin. Idineklarang bumabalik na sa kaayusan ang ekonomiya ng bansa. Patapos na ang recession na sinasabi ng IMF.

Inabot ng halos isang dekada ang bagsak na ekonomiya ng bansa matapos ang tatlong taong pananalanta ng pandemya, tatlong taon, pero hanggang ngayon hindi pa rin nasosolusyonan ng bansa kaya naging normal na sakit na lang ang kumakalat na sakit, nakasanayan na ang libo-libong namamatay kada araw, at baon na baon pa rin sa utang ang probinsya ng Pilipinas. Hindi na rin niya maisip kung gaano na rin ba katagal simula noong nadeklarang probinsya na ng Tsina ang Pilipinas. Ang dami na ring namatay at halos kalahati ang nabawas sa populasyon, hindi na rin niya gustong alalahanin ang mga kaibigang nasawi at ang mga hindi niya nagawa para sa mga minamahal.

“Ano pa ba ang mayroon at naririto pa rin?” matamlay na ibinulong sa sarili at sabay humingang malalim.

Nang biglang tumunog ang telepono niya. Hindi na niya tinignan kung sino ang tumawag, at basta na lang niyang sinagot.

“Hello?” sagot ni Jae Lin habang hinihinaan niya ang volume ng TV.

“Nakauwi ka na?” sabi ng lalaki mula sa kabilang linya.

“Oo, I’ve arrived half an hour ago. Ikaw ba?” pabalik niyang itinanong.

“Not yet. Working late. Tinatapos ko na mga paperworks ko dahil deadline bukas, was thinking na hindi na ako papasok tomorrow if I finish this all tonight,” rinig sa telepono ang ingay ng opisina at mga boses ng mga kasama.

“Okay sige. Text me when you are on your way home. Might stay up late tonight, I have so much pending projects due to revisions.” Pinatay na niya ang TV.

“Okay, got it. So, gusto mo bang lumabas bukas? Dinner and some movies probably?” Tanong ng lalaki.

“Let us see about the movie, but Dinner is good. I’ll update you kung afford ko to slack-off.” Sagot ni Jae Lin.

Rinig sa kabilang linya ang pasigaw na pag aya ng ka-officemate ng lalaki.

“Bro, sama ka ba dinner? Baba na kami.”

Sumagot pabalik ang lalaki sa kaniya, “Oo, sunod ako.”

“Okay, I’ll text you later. We’ll head out for dinner. Bye.” sabi ng lalaki.

“Bye.” at sabay binaba na niya ang telepono.

Tahimik na muli sa loob ng Condo. Naririnig ang mga kotse sa kalsada sa labas. May mahinang ingay rin mula sa construction sa kabilang street kaharap ng condo, kung saan dating nakatayo ang landmark. May tinatayong panibagong BPO para sa mga POGO. Mula sa kama, tinignan muli ng babae ang librong nakapatong sa mesa. Nakikita kahit papaano sa dilim dahil sa liwanag ng ilaw mula sa umaandar na construction crane sa labas. Naririnig mo na lang ang pagdaan ng mahabang kamay ng orasan at malalim na paghimig ng aircon. Humarang ang anino ng babae sa harap ng mesa. Nadadaplisan na lang ng liwanag ang pangalan sa balot ng libro.

Lumiwanag muli ang telepono ni Jae Lin.

老板发来的电子邮件

May email na dumating mula sa kaniyang boss. Pagkatapos niyang mabasa ang email, tumayo siya mula sa kama, inilagay ang pinagkainan sa lababo, at binuksan na ang kaniyang bag at naupo na sa harap ng mesa. Mukhang may kailangang tapusin bago pa talaga matapos ang araw. Ilang minuto pa siya napatulala. Tinititigan ang background ng kaniyang laptop. Inaalala niya ang kaniyang mga magulang at bunsong kapatid. Hindi na niya matandaan kung kailan siya huling nakabisita sa kanila. Mga limang taon na ba? Kailan ba ang huli? Sheng Dan Jie? Qing Ming Jie? Chinese New Year? Iniisip niya kung anong magandang dalhin kapag bumisita ulit siya.

“Baka dalhan ko na lang ng bagong kahel na tsinelas si Angelo, siguro para naman kay Papa ang nitong kakalabas lang na bagong edisyon ng Chivas Regal, at para kay Mama, ang matagal na nitong pinapabili sa akin na kulay green na flowerpot na may Gardenia.” Binulong niya sa kaniyang sarili habang inililista ang kaniyang mga bibilhin sa loob ng to-do-list.

Bago niya simulan ang trabaho, tinignan niya muli ang librong nasa paperbag. Kinuha na niya’t binuksan ang paperbag, at saka binasa ang pamagat.

Natatanaw ko na ang Dagat. Isang Nobela ni Alberto Carpio III.

Ipinatong niya muli sa mesa ang libro, at binuksan ang kaniyang e-mail at nagbukas ng panibagong draft.

To: Pio Carpio (pio.carpio03@gmail.com)
Subject: Hindi ka na nagpaparamdam

Pio… Kumusta ka na? Ang tagal na natin hindi nag-uusap. Ang daya mo naman. Masyado ka nang nakapokus jan sa sinusulat mong bagong akda, hindi ka man lang makapagkumusta sa kin o ‘di kaya’t kwentuhan sa sinusulat. Dumaan ako kanina sa Fullybooked. Congrats nga pala sa akda. Balita ko tuwang-tuwa ang barangay chairman niyo sa inyo dahil maraming nahikayat bisitahin ang dagat sa kuwento. Isa na rin ata ito sa mga akdang huling naisulat sa Filipino. May isa na namang publishing house ang ipinasara dahil sa isang akda na bumatikos sa kasalukuyang provincial mayor. Hindi pa nila nakikita ang nilalaman ng akda. Hindi pa nila napapansin yong tinago mo roon. Kung sakali, alam mong marami akong malalapitan para matulungan ka, a? Magkita tayo minsan. Nangako ka pa sa kin. May utang ka pa sa kin! Kung hindi ka lang kasi nang tokis nung huli nating usap, e di sana ‘di ba?!

Miss na kita, Pio. Sana okay ka lang. Alam ko namang okay ka, kasi ginagawa mo na ang matagal mo nang pinapangarap. ‘Yong pinakamahal mo sa buhay: Ang pagsusulat. Magbibirthday ka na uli sa susunod na linggo ‘di ba? Kung may libre ka kahit isang oras, sabihan mo ‘ko. Magda-drive ako papunta sa inyo.

Makabawi man lang din sana sa iyo. Laging mag-ingat.

Lagi’t Lagi,
Jae Lin Hye

Pagkatapos maisend ang e-mail kay Pio, tumayo muli siya at inilagay ang libro sa bookshelf. Katabi nito ang ilan pang mga akda na magkakaiba ng pabalat ngunit iisa lang ang pamagat. Ang bagong librong inilagay sa bookshelf niya ay ang pangatlong kopya na ng akda ni Pio. Bumalik siya sa harap ng Laptop, at sinimulan na ang pahabol na trabaho na ibinigay ng boss niya para sa araw na ito. Madilim pa rin ang apartment. Tanging pinanggagalingan lang ng liwanag ay ang Laptop ni Jae Lin, at ang naririnig lamang ang pagtipa ng kaniyang mga daliri sa keyboard, paghimig ng aircon, at ang mahabang kamay ng orasan.

Pebrero 24, 2020 – UP Diliman, Quezon City

Alas singko ng hapon. Tinitignan ni Jean ang kaniyang orasan habang naghihintay sa harapan ng Theater. Kukunin na sana niya ang kaniyang telepono upang tumawag, nang may biglang tumawag sa kaniyang pangalan muna sa likod.

“Jean! Sorry! Nandito na ako! Naligaw pa ako, sa kabilang theater ako binaba ng Ikot,” pangiting sinabi ni Pio. Kita sa kaniyang hinihingal siya at mukhang tumakbo papunta dito.

“Sabi ko naman sa iyo sa may Adarna, e! Bakit ka sa Univ Theater binaba?” Natatawa pa si Jean nang makitang medyo nahihiya si Pio.

“Tara? Hayaan mo, 7:00 P.M. pa naman ang start ng set ng paborito mo. Gusto mo ba muna maglakad-lakad?” Paanyaya ni Jean at gusto niya muna sana makipag-kwentuhan kay Pio.

“Sige! Nga pala, eto, pambawi, nakakahiya pinaghintay kita.” May kinukuha si Pio mula sa kaniyang bag at iniabot kay Jean. Librong nakabalot na may pamagat na The Sea Close By.

“Wow! Hindi pa ito available, a? Hindi ba isa ito sa mga unang sulat ni Camus? Salamat, Pio. Tara lakad na tayo!” Natuwa si Jean sa kaniyang natanggap na libro.

Habang naglalakad sila, kita mo ang masiglang kapaligiran ng Oval. Naririnig mula sa malayo na nagsisimula na rin ang konsert sa may open field. May mga nagjojogging at mga batang naglalaro sa may damuhan. Mayroon rin mga engineering students na mukhang may sinusukat gamit ang mga instrumenting mistulang mukhang tripod na may telescope at sa kabilang dulo naman ay may ruler na kasing tangkad ng tao. May mga nagbibike rin, at may mga nagdadeyt sa mga benches. Malikot ang mga mata ni Pio at nalulunod sa tuwa sa kaniyang nakikita. Para sa isang laking probinsyang binata, iba ang ginhawang makita na parang hindi parte ng Siyudad ang magubat na unibersidad. Habang siya’y ligalig sa kapaligiran, sa sobrang pananabik Mabasa ang kabibigay lang na libro, sinimulan na ni Jean ang pagbabasa habang naglalakad sila ni Pio.

“Baka madapa ka sa ginagawa mo. Maya mo na yan basahin. Kumusta ka? Anong sinusulat mo ngayon?” tanong ni Pio kay Jean habang nakaakbay ito upang alalayan ito sa paglalakad dahil sa hindi ito nakatingin sa dinadaanan.

Huminto sa pagbabasa si Jean at tinignan si Pio at nginitian ito.

“Hmmm…napaisip ako. May kakaibang pakiramdam kapag nagbabasa ako ng mga kuwento patungkol sa dagat o kung ano mang anyong-tubig. Parang ang lawak. Parang dinadala ka ng mga salita sa pampang at pwede kang magpaanod sa mga alon na paparating. Ang payapa,” sagot ni Jean kay Pio na hindi man lang pinansin ang tanong nito sa kaniya, at sabay bumalik sa pagbabasa.

Ngumiti lang si Pio sa kaniya. May inaalala sa sinabi ni Jean. Tahimik na muli silang naglalakad at rinig sa kapaligiran ang huni ng mga ibon at ang mga sigawan ng mga bata mula sa malayo.

Nang makarating sa ampitheater, huminto sa paglalakad si Pio.

“Jean. Maupo muna tayo dito,” sabi ni Pio. Tumungo lang si Jean at nang makaupo na sila sa mga hagdan ng ampitheater, halos pababa na ang araw. Naghahalo-halo na ang iba’t ibang kulay ng kalangitan. Nagsasama na ang kulay ng kahel na unti-unti nagiging bughaw. Mamaya, unti-unti itong magiging abo.

“Malayo pa ang Dagat. Pero sana hindi tayo panghinaan ng loob sa kakahintay. Sa pagmithing makarating sa kabilang panig. Kung may kabilang islang hindi natatanaw ng ating mga mata, sa ngayon, wala tayong ibang kayang gawin kundi pangarapin at ikatha ito sa ating isipan.” Sinabi ni Pio habang nakatanaw sa malayo’t tinitignan ang pagbaba ng Araw na hinaharangan ng Quezon Hall. Sinara ni Jean ang libro at sinundan ang tingin ni Pio sa malayo. Pinanood nila ang paglubog ng araw. Makikita na gumagalaw rin ang mga anino sa damuhan, nag-iiba ng puwesto, kumokonti na ang tao, at hanggang sa tahimik na muli ang kapaligiran.

Mayo 18, 2032 – 西区 (Dating Eastwood City, Quezon City)

Pasara na ang mga tindahan. Matapos ang pamimili ng kaniyang mga nilista kagabi, napagdesisyunan na niyang kumain ng hapunan sa labas. Mag-isa lang si Jae Lin. Halos puro mga dayuhan na ang umiikot at namamasyal sa mall. Hindi na rin niya maintindihan masyado ang ingay sa kapaligiran kahit pa marunong siya mag mandarin. Minsan may mga titig ang mga nakakasalubong niya na iniiwasan na lang niyang tignan na para bang mga multo’t anino lang ang dumaraan sa harap niya.

Nang maupo na siya sa isang restaurant, tumunog muli ang kaniyang telepono. Hindi na niya ito sinilip at sinagot ang telepono.

“Hello.” sagot ni Jae Lin habang namimili ng kakainin sa menu.

“Nakauwi ka na?” sabi ng lalaki mula sa kabilang linya.

“Nope. I am still at the mall. Ikaw ba?” pabalik niyang itinanong.

“Not yet. Working late. Tinatapos ko na mga paperworks ko dahil deadline bukas, was thinking na hindi na ako papasok tomorrow if I finish this all tonight.” rinig sa telepono ang ingay ng opisina at mga boses ng mga kasama.

“Okay sige. Text me when you are on your way home. Baka I’ll be home in a while. Dito lang ako magdi-dinner.” Tinuro ni Jae Lin ang gustong kainin sa loob ng Menu nang makarating ang waiter sa kaniyang mesa.

“Okay, got it. So, gusto mo bang lumabas bukas? Dinner and some movies probably?” Tanong ng lalaki.

“Let us see about the movie, but Dinner is good.” Sabi ni Jae Lin habang nakatingin sa bintana ng restaurant.

Rinig sa kabilang linya ang pasigaw na pag aya ng ka-officemate ng lalaki.

“Bro, sama ka ba dinner? Baba na kami.”

Sumagot pabalik ang lalaki sa kaniya, “Oo, sunod ako.”

“Okay, I’ll text you later. We’ll head out for dinner. Bye.” sabi ng lalaki.

“Ingat.” at sabay binaba na niya ang telepono.

Tinitigan ni Jae Lin ang walang laman na upuan sa tapat niya. May plato’t mga kubiertos. Pero walang may-ari. Walang kasama si Jae Lin. Pero hindi niya pinatanggal sa waiter. Tahimik siyang naghihintay ng kaniyang order nang may biglang pamilyar na pangalan ang kaniyang narinig mula sa malayo, na naging sanhi ng pagiging aligaga’t hinanap ang boses.

“Jean.” Hindi malaman kung saan nanggagaling ang boses.

Napalingon si Jae Lin. Bumilis ang pagtibok ng puso niya. Hinanap niya ang boses. Pero wala siyang makita. Puno ng mga dayuhan ang kainan. Nalulunod sa ingay ng mga nagtatawanan at naghihiyawan mula sa iba’t ibang mesa. Nag isip si Jae Lin, na baka guni-guni niya lang ang narinig.

Lumapit ang waiter, hindi pagkain ang inaabot nito, kundi sobre. May sulat sa loob.

“Pinapabigay po ito no’ng lalaking kaaalis lang,” turo ng waiter sa pintuan.

Hindi na nakapagpasalamat si Jae Lin, at agad itong tumayo sa kaniyang mesa at tumakbo palabas. Hinanap niya kung may mamumukhaan siyang lalaki. Pero wala. Naglaho ang lalaki, ni hindi man lang niya nakita kung sino siya o ano ang itsura nito. Tinignan ni Jae Lin ang hawak niyang sobre. Nagulat siya nang makita ang pangalan na nakasulat dito: JEAN. Pagbalik niya sa loob ng restaurant, sinabihan niya ang waiter na itatake-out na lang niya ang pagkaing in-order, binayaran ang bill, at agad itong umuwi. Habang pauwi, naging mapagmatiyag si Jae Lin sa mga nakakasalubong. Natatakot siya. Na baka may sumusunod sa kaniya. Ang mga dumadaan na enforcer at patrol ay kinakatakutan niya bigla. May kakaibang pakiramdam, parang nanumbalik mula sa nakaraan.

Maghahatinggabi na nang makarating sa kaniyang condo. Tulad ng dati, hindi niya binuksan ang ilaw. Pagkatapos sa disinfecting machine, ipinatong sa mesa ang mga binili, at agad niyang inilabas ang sobreng natanggap kanina. Naanigan ang pangalan sa sobre dahil sa liwanag na nanggagaling sa bintana. Overtime na naman ang construction sa harap ng condo niya. Mas maingay na ngayon at gumagamit ng mga jackhammer at excavator ang mga trahabador. Mukhang tinitibag na ang huling palapag ng landmark.

Pagkabukas ng sobre, binasa ni Jae Lin ang sulat.

Kung ikaw nga ang makatanggap—

Huwag kang matakot. Lumapit kami sa iyo dahil kailangan ka namin. Alam namin ang sinapit mo noong mga unang taon nang patahimikin tayo. Hindi ka namin masisisi kung bakit ka nagpalit ng pangalan ngayon. Wala namang may kasalanan sa atin, lalo na’t tayo naman ang inaapi. Akala nila napatahimik na nila tayo sa pamamagitan ng pagpapakita ng dahas at paninindak. Sa pagtakip ng mga mata ng maraming mamamayan, sa pagnakaw sa ating mga karapatan. Sa pagdami ng mga dayuhan, sa pagsakop ng ating bayan. Unti-unti na nila tayong tinatanggal sa sariling bansa. Nagiging alila’t alipin. Nagsusulat ka pa rin ba? Sa katunayan, marami sa amin, na baka ikaw rin, ay pinaghihinaan na ng loob. Na baka wala na rin saysay kung lalaban. Marami pa kaming gustong sabihin sa iyo. Pero gusto namin sabihin ito sa personal. Natatakot ka pa rin ba? Nandito kami. Takot rin kami. Pero hindi natin puwede hayaang matakot ang bawat isa nang mag-isa. Kung sakaling magbago ang isip mo at gustuhin sumama sa laban.

Alam mo kung ano ang gagawin.

Ano ang pangalan mo?

“Ano ang pangalan ko?” tanong ni Jae Lin sa kaniyang sarili. Napatulala siya sa kaiisip ng nilalaman ng sulat.

“At ano ang gagawin ko?” inipit ni Jae Lin ang sulat sa pagitan ng mga pahina ng librong kaniyang binili kahapon.

Pagod na buong araw si Jae Lin. At mas lalo siyang napagod sa nangyari ngayong gabi. Agad rin siyang nakatulog sa kabila ng ingay sa labas. Ilang minuto lang, nanaginip na siya.

Nakita ni Jae Lin ang sarili sa harap ng estokada. Maraming mga pulis. Tanaw niya mula sa kinatatayuan ang kanilang bahay. Gusto niyang umalis mula sa kinatatayuan upang pumasok sa kanilang bahay at makita ang kaniyang katapid at magulang. Pero hindi siya makagalaw. May lumabas mula sa bahay. Si Angelo. Sigaw nang sigaw si Jae Lin pero hindi siya naririnig nito. Hanggang sa unti-unting nakakabinging tunog na ang lumamon sa kapaligiran hanggang sa wala nang lumalabas na boses mula sa kaniyang bibig. Dumaan sa tabi ni Jae Lin ang ilang mga lalaking nakasuot ng mga fire safety equipment. May mga hawak-hawak na armas na nakakabit sa isang tangkeng bagpack na nasa likod ng mga ito. Isang higante ang lumitaw mula sa likod ni Jae Lin at rinig mo ang lalim at malakulog na boses nito na bumalot sa kapaligiran.

“Pagpapatayin niyo na iyan. The cure to this pandemic is to kill those who are infected. Mga matitigas kasi ang ulo. Sinabi nang huwag lumalabas. Para madali na lang, pagsusunugin niyo na lahat. Barilin niyo lahat ng magtatangkang tumakbo. Shoot them dead,” sabi ng higanteng nasa likod ni Jae Lin.

Nasisilayan ni Jae Lin ang mga magulang mula sa bintana. Nagdadasal ang mama’t papa niya habang ang kaniyang kapatid ay naglalaro ng selpon sa sala.

“MA! PA! ANGELO! LUMABAS KAYO JAN! MADADAMAY KAYO! TUMAKBO NA KAYO! MA! PA! ANGELO!” Halos mangiyak-ngiyak si Jae Lin, pilit niyang tinatangkang gumalaw, umalis sa kinatatayuan, sumigaw-sigaw, pero parang bumubulong lang ang lakas ng boses niya.

Nang marinig na niya ang pagputok ng mga baril—

“BRRRRRRRRRRTTTTTTTT….” biglang nagising si Jae Lin.

“BRRRRRRRRTTTT… BRRRRRRTTTTT…” Tunog pala ng mga jackhammer drill at excavator sa labas ng kaniyang condo.

Hinihingal siyang gumising at pinagpapawisan ng malamig. Agad rin siyang naghanap ng tubig na maiinom. Nanginginig, napaupo na lang siya sa sahig at hindi na nakatulog muli. Alas tres na ng umaga. Pero overtime nga ang mga trabahador sa ginigibang gusali. Umiiyak na lang si Jae Lin. Pagod na siya. Gusto na niyang matulog. Pero magulo na muli ang kapayapaan sa loob niya. Pero may kapayapaan nga ba sa simula pa noon?

Mayo 23, 2032 – 骨灰棒 (Ashes Bar of South District)

Dala-dala ni Jae Lin ang mga pinamili noong isang araw. Nang lumapit siya sa may papasok ng Columbario, agad siya tinanong ng babae kung sino ang bibisitahin.

“Name?” tanong ng babae kay Jae Lin.

“Jae Lin Hye,” sagot naman niya rito. Pinagmamasdan ni Jae Lin ang mga bisita. Maraming lumalabas na mga puti, at mga singkit. Pati ang mga nagbabantay, hindi na ata mga Pilipino.

“What’s the name of the person you’re visiting?” tanong uli nito sa kaniya.

“Gonzales. Household Gonzales,” sagot ni Jae Lin sa kaniya na may halong accent ng dayuhan.

“Okay. Madam. The people you are visiting, are transferred to a smaller space. They will be sent away as well after some time. Would you like to take them with you? Are you in any way related to these people?” tanong uli sa kaniya ng babae.

Nagtataka si Jae Lin kung bakit sila papaalisin.

“May I know why they have to leave this place?” kumunot ang noo ni Jae Lin nang marinig ang sinabi ng babae.

“They’re the only Filipinos here in the place. We are trying to cater more foreign nationalities. Since they pay more. Some tenants won’t even want to be beside their spaces. Because they are Filipinos.” Walang emosyon nitong sinabi sa kaniya ng babae.

“I’ll tell you my answer as soon as possible. For now, can I visit them first?” naiinip na si Jae Lin. Naiirita sa kaniyang narinig.

Tumango na lang ito. At nagpasalamat si Jae Lin.

“Xiexie,” sagot ni Jae Lin habang yumuyuko. At saka ito dumerecho sa isang silid.

Nang makarating na si Jae Lin sa silid, tatlong lalagyanan ng abo ang nasa kaniyang harapan.

Ernesto Gonzales (1965-2023), Maritess Gonzales (1970-2023), Angelo Gonzales (2005-2023)

Umupo si Jae Lin sa harap ng mga ito. At inilabas na ang mga regalo.

“Ma, Pa, Angelo. Umuwi na po ako. Pasensya na at natagalan. Pasensya na ang tagal kong hindi bumisita…” naluluha si Jae Lin habang tinitignan ang mga larawan ng kaniyang pamilya.

Una niyang nilabas ang kahel na tsinelas.

“Angelo. Kakalaro mo, alam kong nagsabi ka sa akin na bilhan kita ng bagong tsinelas at napudpod na ang luma. Sana magamit mo ito. Paborito mo pang kulay o.” isinandal niya ito sa may salamin.

“Pa. Ano? Liquor ban pa ba diyan? Dinalhan kita ng alak. Ito iyong lagi mong nababanggit sa akin sa chat. Sayo na ang buong bote. Pero paisang shot lang. Puwede naman na ako. Matanda na ako, pa.” pilit na gustong tumawa ni Jae Lin. Nagbuhos ito ng alak sa dalawang baso, at itinaas ang isa. “Para sa kaginhawaan, Pa.” at sabay ininom niya ang alak.

Huli niyang nailabas ang bulaklak na Gardenia.

“Ma. Hindi na umabot sa birthday mo no’ng buhay ka. Ma, alam kong diyan sa langit, may ginhawa at kapayapaan ka nang nakakamit. Kung sumama lang kayo sa akin, Ma. Hindi sana kayo madadawit. Ginawa niyo ang lahat para hindi magkasakit, pero dahil pala sa kapalpakan ng gobyerno kayo mawawala…” umiiyak na si Jae Lin. Sumasakit na ang dibdib niya at parang gusto niyang sumigaw.

“Ma, Pa…hindi ko puwedeng hayaan na lang masayang ang ginawa ko noon.” Tumahan na siya’t nagpunas ng mga luha.

“Sa susunod po uli. Makakasama niyo na rin ako.” Tumayo na si Jae Lin, at yumuko sa huling pagkakataon.

Paglabas ng gusali, tumunog muli ang kaniyang telepono.

“Pio,” sagot ni Jae Lin sa tumawag.

“Nakauwi ka na?” sabi ng lalaki mula sa kabilang linya.

“Pio, lalaban uli ako. Hindi ko sasayangin ang mga pinaglaban natin noon.” Sagot ni Jae Lin sa kaniya.

“Not yet. Working late. Tinatapos ko na mga paperworks ko dahil deadline bukas, was thinking na hindi na ako papasok tomorrow if I finish this all tonight.” rinig sa telepono ang ingay ng opisina at mga boses ng mga kasama.

“Pio, marami pa ang lumalaban. Akala ko wala na tayong laban. Akala ko hihintayin ko na lang dumating ang araw na mawala tulad ng ginawa nila sa iyo.” may tindig ang boses ngayon ni Jae Lin.

“Okay, got it. So, gusto mo bang lumabas bukas? Dinner and some movies probably?” tanong ng lalaki.

“Alam kong lalaban ako, sa paraang alam ko,” sagot ni Jae Lin.

Rinig sa kabilang linya ang pasigaw na pag-aya ng ka-officemate ng lalaki.

“Bro, sama ka ba dinner? Baba na kami.”

Sumagot pabalik ang lalaki sa kaniya. “Oo, sunod ako.”

“Okay, I’ll text you later. We’ll head out for dinner. Bye,” sabi ng lalaki.

“Magkikita pa tayo uli, para sa iyo, mahal. Para sa iyo at ng pamilya ko,” sagot ni Jae Lin dito. Hindi niya muna binaba ang tawag.

Pagkatapos marinig ang huling tone nito. Inoff na niya ang timer ng voice message, at saka ito idinelete.

“Mananatili kang buhay sa aking mga salita, at sa iyong mga akda, Pio.” Bulong ni Jae Lin sa kaniyang sarili habang lumitaw ang confirmation message ng delete option.

Pagkauwi, dumerecho siya sa harap ng bookshelf, kinuha ang librong may nakaipit na sulat. At saka ito binuksan ang kaniyang laptop.

Pag bukas niya ng blangkong word document. Binuklat niya ang libro sa dedication nito.

Para kay Jean—

Hindi lang kapayapaan ang matatanaw sa kabilang panig ng dagat. Maaaring naroon rin ang kalayaan na hinahanap. Malayo man sa realidad at hindi matanaw, kaakibat ng kapayapaan ay ang kalayaan. Manatili tayong pangarapin ang dagat. Matatanaw rin natin ang kabilang panig ng dagat.

“Babawi ako, Pio. Matatanaw rin natin ito.” Nakangiting sinabi ni Jae Lin habang naluluha.
Sunod niyang binuksan muli ang sulat na kaniyang nakuha. Alam na niya ang isasagot. Alam na niya ang gagawin.

Lumipat na sa laptop ang tingin ni Jae Lin. Isang blangkong word document, tanging liwanag ng condo ay nanggagaling muli sa kaniyang laptop.

Rinig na nagsimula na muli ang pagtipa sa keyboard. Tahimik ngayon ang kapaligiran. Wala nang tinitibag na gusali sa labas. May ingay mula sa malayo, rinig ang sirena ng mga pulis, mga busina ng mga kotse, at ang malalim na tunog na nanggagaling sa mga eroplanong lumilipad sa kalangitan.

“Ano ang pangalan mo?” bulong muli ni Jae Lin sa sarili.

Sa Pagtanaw ng Dagat
ni Jean Gonzales


Eunice Helera, is a BA Malikhang Pagsulat sa Filipino Major in UP Diliman. She writes stories in relation to space and human (dis)connections. She was a fellow in the 6th Thomasian Undergraduate Writer’s Workshop in 2019, and also in the 3rd Cavite Young Writer’s Workshop this year. She has performed her poems in various spoken word events such as Third Thursdays and WePoetry Global and has published some of her works in literary folios, with her recent collection under LAKBAY: A collection on places and travels.

1 comment

  1. Isang mahusay at matapang na pag akda, napapanahon na isyu at malapit sa realidad na pangyayari. Sana itoy maging isang aklat/libro para sa malawak na pagkikilala ng mga karakter.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: