Mga bagyo’y nagtitipon,
Hinagpis ang naiipon,
Mga daho’y bumibilog
Para maging bolang apoy!
Ngayon, hubad sila’t mangmang,
Tayong mga magsasaka,
Bihisan ang kalikasan,
Lipulin mga gahaman!
Hubad ang baga ng mundo
Sa lasong buga ng karbon,
Tao ay mga ‘di robot,
Dapat maputol ang salot!
Nag-iingay ang banyuhay,
Buhaying muli ang uhay,
Punit na ang kalangitan
Sa lalong mga gahaman!
Lupa ang pinagkaitan
Ng kamay na naglilinang,
Tambiolo ang inampalan,
May goons pa na inupahan.
Hacienda’y may pinipino,
Sa angas waring tambutso,
Sa pagsunog nitong mundo
Umuunlad nga ba tayo?
Isang kulani ng gubat
May bumubukol sa dagat,
Nag-aalab na ang lupa,
Luhang tinatampisawan.
Illegal logging, minahan,
Mga ulo’y singkukunat!
Ang bawat patak ng ulan,
Luha ng gintong kalawang.
Sa lupang mga minana
Katutubo’y pinapaslang,
Lumad mga inialay—
Na dugo ng kaunlaran?
Daigdig ng kalikasan
Mundo ng pagmamahalan,
Tao’y mga ‘di mahukay
Mga dam, dugo ang kulay!
Iilang bansa yumaman,
Kalikasan ang puhunan,
Ang lalong mga gahaman,
Sa karbon nagtuturuan.
Kalikasan nating wasak,
Bayan natin pinaghirap,
Sa climate change na kaharap,
Mga ganid ang ibagsak!
Daigdig ng kalikasan
Mundo ng pagmamahalan,
May pag-asang makakamtan,
Tayong api ang mumulan.
Climate change, isa nang rehas
Na wala nang makatakas,
Mga sakim kung maawat,
Sagana ang sasambulat.
Mundo ng lupa’t bulaklak,
Karbon walang halimuyak,
Kitang armas ng tagumpay,
Digma itong magugutay!
