Maikling Kuwento

Tungkong Langit + Alunsina

Ang Bathalang may pulang palong na parang bulalakaw. Si Tungkong Langit, walang iba. Kung gumiri parang tandang sa misis na humahapay-hapay sa pag-inom ng tuba. Itong si Alunsinang may buhok na kasing haba ng bakunawa. Ang nag-iisang bathala bukod kay Tungkong Langit. Kasalo-kasali sa dangal at luwalhati. Pati sa pag-inom ng alak na kinuha sa puno ng lubi. Parang mga baging ng alugbati ang mga hibla ng buhok sa pagkapit sa kawayan. Parang may sariling buhay. Dahil meron nga. Hinihigpitan ang kapit sa mga sanga at buho nang huwag malaglag sa lagunlong ng kawalang naghihintay sa ilalim ng kawayan itong bathalang nagdaraan. Sapagkat ang mga buho ng kawayan noon ang mga paseong kanilang nilalakaran upang sila’y makapagparoo’t parito. Noong unang panahon nang wala pang panahon. Noong dadalawa pa lang silang lumiligid sa ibabaw ng kawalan.

Ngunit kahit anong higpit ng kapit sa mga sanga at buho, mawawalan din ng panimbang ang babaeng amo kapag kinubabawan ng nag-iinit niyang bana. Magpapambuno ang dalawa saka magkayapos na babagsak sa naghihintay na karimlan at magpapagulong-gulong sa maligoy na kawalan.

Na hindi naman talaga karimlan o kawalan. Kahit madalas ganito ilarawan. Na pook daw ng walang hanggang karimlan, o isang daigdig ng hamog ng kawalang-kaayusan. Dahil nasaan ang wikang maaaring magamit sa tiyak na paglalarawan? Wala sa pook at panahong ito. Na wala ring pangangailangan sa kahit anong akto ng paglalarawan. Kaya di ibig sabihing wala itong laman. Itong kawalan. Sa katunayan, ito’y isang walang sawang pagsasanib at pagsasapin-sapin ng dagat, lupa, at ulap. May mga rehiyong dagat ang nakapatong sa ulap, at sa ibabaw ng ulap nakalaman ang mga lawa na karugtong ng pinatungang dagat. Mula sa mga lawang ito, lumilitaw na parang kabute ang mga bulkan na binubukalan ng hangin, tubig, at kuryente sa tuwing nagngingitngit. Ngunit kapag tahimik, parang ilalim ng bangkang panatag na nakakapitan ng mga talaba at taliptip hanggang sa mga taluktok, hanggang sa muling sumabog.

Dito, si Tungkong Langit at Alunsina ang araw at buwan. Liwanag sa ulo ng dalawang diwata ang liwanag ng lahat. Dagdag sa kanilang tanglaw ang mga santelmong nagpaparoo’t parito, na humahawi sa dilim ngunit madalas ding humahalo rito. Na nag-aasawahan at nanganganak ng mumunting balang na madalas maging salot kapag sama-samang sumalakay sa mga palayan. Maliban sa walang mga palayan ang daigdig na ito sapagkat wala ditong agrikultura, at dahil walang agrikultura kaya wala ring salot. Sa halip na magsilusob sa mga palayan, ang mga bibig ng bulkan ang pinapasok-labas ng mga ito sapagkat doon sila pinasususo ng kanilang mga magulang hanggang sa sila’y lumaking malulusog na santelmo. At sa ganitong paglalabas-masok sila paboritong lundagin at kainin ng mga palaka kaya hindi lahat nagtutuloy sa pagiging mga bolang apoy.

Ngunit sa kabila ng ganitong kawalan ay nananatiling makahulugan para kay Alunsina. Samantala, kay Tungkong Langit, higit na bilangguan kaysa paraiso ang mundong ito. Wala rito ang kaayusang hinahanap niya. Para sa kaniya, lubhang masukal ang mundong ito para makagawa ng kahit anong gawaing makabuluhan. Parang pagtira sa isang pinakikitirahang makalat na bahay.

Ito ang mundong natutuhang mahalin ni Alunsina. Buong araw, walang sawa ang babae sa paglilibot sa mga suso ng bulkan at tuwing napapagod, nauupo ito sa tabing lawa para magsuklay ng kaniyang mahabang buhok. Itong buhok niyang Banaag at Sikat ang pangalan. Banaag ang maitim na buhok at Sikat naman ang mapuputing uban. Na dati ngang magkahiwalay na pangalan ngunit ngayon ay isa na lang.

Gumapang si Banaag at Sikat papunta sa tubig para makilaro sa mga isda at butete. Si Banaag at Sikat din ang malagong damong taguan ng mga isda at butete. Sa sandaling magtanong si Alunsina kung nasaan ang nagtatagong kagandahan sa lawang iyon, kusang magsisihawi ang mga hibla ng buhok upang bigyang daan ang maningning na repleksyon ng babaeng bathala.

Sa ganito lumilipas ang buong araw ni Alunsina. Hindi dahil tamad siya, kundi dahil sa walang kahit anong trabahong naghihintay sa kaniya sa mundong iyon. Walang pinipig na kailangang bayuhin, walang kalang kailangang sindihan, walang basahang kailangang labhan at patuyuin, walang nanghihimasok na damong kailangang bunutin, walang palaisipang kailangang pag-isipan, walang pagsulong na kailangang isulong, walang kabit na kailangang tiktikan, walang sanggol na kailangang patahanin, walang mais na kailangang busahin, walang hinaharap na kailangang pagplanuhan, walang estudyanteng kailangang turuan, walang pundyang kailangang sulsihan, walang pirasong naghahanap ng kabuuan, walang suliraning kailangang solusyunan. Hindi dahil sa ang mundong ito ay walang-wala. Nagkataon lang na ang mga bagay na meron dito, tulad ng nasabi na, ay wala pang katapat na salita. Ngunit sa kabila ng ganitong kawalan ay nananatiling makahulugan para kay Alunsina. Kung paanong ang pagsusuklay sa kaniyang mahabang buhok ay makahulugan para sa kaniya.

Samantala, kay Tungkong Langit, higit na bilangguan kaysa paraiso ang mundong ito. Wala rito ang kaayusang hinahanap niya. Para sa kaniya, lubhang masukal ang mundong ito para makagawa ng kahit anong gawaing makabuluhan. Parang pagtira sa isang pinakikitirahang makalat na bahay.

Hanggang isang araw, dumating sa lalaking bathala ang pangitain ng isang bagong daigdig. Wala pang nagaganap na kahit ano sa daigdig na ito, na natanaw niyang parang tumatanaw sa isang malayong pulong yari sa pula ng itlog sa gitna ng dagat ng kawalan. Isang malinis na pahinang naghihintay mamantsahan. Tigib ng halos walang hanggang posibilidad.

Tinawag siya nito na parang sirenang nagtatawag sa binatang mangingisda na nais makalaguyo. Nangangako ng maraming bagay na kabigha-bighani. Gaya ng mga landas na maaaring hawanan. Mga dakilang simulain. Mga himalang tunay na kagilagilalas at hindi pa nagagawa ng kahit sino. Ang kailangan lang ay humakbang siya ng isang napakalaking hakbang patungo rito.

Nagpasya si Tungkong Langit na gawin ang malaking hakbang. Pero kailangang kasama si Alunsina. Kaya hinanap niya agad ang asawa at madali naman niya itong natagpuan sa paborito nitong puwesto sa tabing lawa.

“Pero bakit kailangang pati ako?” tanong ng babaeng bathala habang hindi pa rin nito hinihiwalayan ng tingin ang lawa. “Makaaalis kang mag-isa kung gusto mo. Doon ka, pero dito ako. Bumalik ka kung kailan mo gusto.”

Sandaling napatitig si Tungkong Langit sa asawa. Sandaling nagdaan sa kaniyang isip ang mga posibilidad ng isang buhay sa isang bagong mundong hindi ito kasama. Mga kapana-panabik na posibilidad sa simula. Ngunit alam din niyang magbabago pagkaraan, dahil hahanap-hanapin pa rin niya ang asawang hindi niya matatagalang mawala sa kaniyang tabi.

“Hindi kita maaaring iwan dito,” simulang paliwanag ng lalaking bathala. Nagsimula ito sa malamyos na tinig ni Rogelio dela Rosa hanggang sa nagtunog Ferdinand Marcos na nag-aanunsyo ng Batas Militar. “Kapag umalis ako at gumawa ng panibagong mundo, ang mundong ito na iiwan ko, sampu ng mga nakatira dito, ay kailangang maglaho. Dahil ang bagong kaayusang ilalatag ko sa bagong mundong lilikhain ko ang nag-iisang kaayusang dapat umiral. Maglalahong kusa ang lahat ng dakong hindi makasusunod. Dahil hindi dapat magkaroon ng ibang mundo na may ibang patakbo.”

“At bakit hindi?” tanong ni Alunsina sabay panemaywang. Kaboses nito si Susan Roces na sinusungitan si Eddie Garcia.

Ngunit kahit ganito, hindi ibig sabihing hindi sila totoo. Katunayan, ngayon pa lang, pinangangalagaan na ng lalaking bathala ang kanilang kapakanan, kung sino man sila.

“Dahil ang gayong bagay ay lilikha ng kontradiksyon.”

“Gusto ko ng kontradiksyon.”

“Hindi ito tungkol sa kung ano ang gusto at hindi natin gusto. Tungkol ito sa kung ano ang mainam at nararapat. Tungkol ito sa kung anong pinakamabuti para sa lahat.”

Napakunot ng noo si Alunsina. Hindi niya naunawaan kung sino ang ‘lahat’ na tinutukoy ng bana. Silang dalawa lang naman ang naroon at nag-uusap. Maliban na lang kung may iba pa palang bathalang itinatago sa kaniya ang asawa.

Ngunit sa isip ni Tungkong Langit, may iba pang puwedeng maging bahagi ng ‘lahat’ bukod sa kanila. Iyon nga lang, parating pa lang ang mga ito. Nasa isip pa lang niya talaga. Ngunit kahit ganito, hindi ibig sabihing hindi sila totoo. Katunayan, ngayon pa lang, pinangangalagaan na ng lalaking bathala ang kanilang kapakanan, kung sino man sila.

“Kung sasama ako, ano bang magiging papel ko diyan sa bagong mundong sinasabi mo?” Lumapit si Alunsina sa bana na parang handa na itong sumama.

“Kailangan ko ng isa pang matang titingin bukod sa akin, kung ang mundong malilikha ko ay magiging kaibig-ibig sa paningin,” tugon ni Tungkong Langit.

“Gagawin mo lang akong tagatingin? Hindi ba ako puwedeng gumawa rin?” tanong ni Alunsina. Ikinagulat ng lalaking bathala ang tanong na iyon.

“Ngunit Mahal, pati ba ikaw? Alalahanin mong kung minsan, sa sobrang dami ng kusinero, nasisira pati puto.”

“Iba naman ang paggawa ng puto sa paggawa ng mundo, Lando,” sapagkat iyon ang tawag niya sa kaniyang bana. “Ang sabihin mo’y wala kang tiwala sa akin.”

“Ayoko lang na mapagod ka. Hindi ka sanay na nagtatrabaho.”

“Gusto kong masanay. Gusto kong malaman kung anong kaya kong gawin.” Nanimdim ang mukha ng lalaking bathala sa narinig.

“Bakit? Hindi ba ako karapat-dapat maging manlilikha?” tanong ni Alunsina na hindi makapaniwala sa nakitang panlulumo ng kaniyang bana. Nanlumo si Tungkong Langit sapagkat nakita nitong magdudulot ng malaking suliranin ang nais ng asawa.

“Hindi mo nauunawaan, Ibyang, ang iyong hinihingi,” sapagkat iyon ang tawag ni Tungkong Langit sa kaniyang kabiyak.

“Kung gano’n, lumarga kang mag-isa. Doon ka. Dito ako. Magkani-kaniya tayo.” Pagkasabi nito, lumubog si Alunsina sa ilalim ng lawa kasunod ang kaniyang mahabang buhok na kasing haba ng bakunawa. Lumusot ito sa pinakamalalim na bahagi ng lawa kung saan, sa tingin niya, hindi siya masusundan ng mister.

Na hindi naman talaga niya kailangang gawin dahil walang plano si Tungkong Langit na sundan siya at amuhin.

“Bathala ka!” ang nasabi na lang ng bathalang may pulang palong, na ibig talagang sabihin ay ‘bahala ka’ dahil ubos na ang kaniyang pasensya. At iyon ang unang pagkakataon na ginamit ang salitang iyon sa gano’ng paraan.

Umuwi ito sa kanilang bahay para mag-empake. Pagkatapos maihanda ang mga kailangan, hindi na nito hinintay ang asawang makauwi para makapagpaalam.

Bagamat nakita niya sa pangitain na isang hakbang lang ang kailangan niyang gawin para marating ang kabilang daigdig, ngunit alam ni Tungkong Langit na sa katotohana’y napakalayo ng lugar na ito. Kaya ginawa niya ang nag-iisang paraan para ito marating: ang sumakay sa higanteng alimango.

Sa tagal ng biyahe, nakatulog si Tungkong Langit sa ibabaw ng alimango. Sa gitna ng kaniyang pag-idlip, nanaginip siya ng isang napakasamang panaginip. Sa kaniyang panaginip, hindi lang siya ang bathalang papunta sa pook na kaniyang pupuntahan. Marami sila. Laksa-laksa. Iba’t ibang mga bathala ng iba’t ibang mitolohiya, paniniwala, at relihiyon. Nakasakay rin sa kani-kanilang higanteng alimango. Talangka pa nga ang dala ng iba sapagkat nahirapan silang mapagwari ang kaibhan ng alimango sa talangka. Isang buong migrasyon ng mga bathala na may iisang sadya. Lahat sila nagbabalak gumawa ng bagong mundo. Ngunit iisang pangarap na mundo lang ang puwedeng matupad. Kaya kailangan ni Tungkong Langit mauna sa tarangkahan para mapagsarhan agad ang mga gaya niyang papunta pa lang. Alam niyang iyon din ang balak gawin ng iba. Ngunit sa kasawiang palad, hindi ang alimango niya ang pinakamabilis sa karera.

Salamat na lang at kahit sa gitna ng pagkasiphayo ay nagawa pa rin niyang maipaalala sa sariling siya lang ang tanging diyos na nabubuhay sa panahong ito ng walang panahon. Siya at si Alunsina.

Dito biglang nagwakas ang kaniyang panaginip.

Ngayon pa lang, kung bakit hinahanap-hanap na niya ang asawa. Ang likod nitong madalas niyang kubabawan. Ang mga kurba nito sa katawan mula dibdib hanggang baywang. Iniisip kung kumusta na kaya ito. Kung nakauwi na kaya ito sa kanilang bahay. At kung nakauwi na ay nalungkot kaya ito nang matuklasan ang kaniyang pag-alis. Tinatanong sa sarili kung bakit siya nito natiis. Magkakagayon kaya kung siya’y naging mas mapagmahal na bana? Kung naging mas mapagbigay at karinyoso sa asawa? Kung hinayaan niya itong kumubabaw rin sa kaniya sa halip na siya ang laging nakakubabaw rito?

Ngunit wala siyang panahong magnguyngoy sa lungkot, ipinaalala niya sa sarili. Totoo ito, lalo na sa panahong walang panahon. O para hindi magtunog negatibo—sa panahong labas sa panahon. (Kaya bakit gumamit ng mga salitang ‘tagal’, ‘ngayon’, ‘bigla’ ang kuwentong ito kung talagang hindi umiiral ang panahon sa kuwento? Sagot: Ito’y anomalya, na mainam ding tawaging limitasyon, ng wikang ginagamit sa pagsasakuwento at hindi ng mismong mga pangyayaring isinasakuwento. Tanong pa: Anong ginagawa ng mga alimango at talangka sa bahaging ito ng kuwento kung kailan hindi pa nasisimulan ang paglikha sa mga hayop gaya ng mga talangka at alimango? Sagot: Ang tanong na ito’y gaya rin halos ng naunang tanong at puwede ring sagutin sa gano’ng paraan).

Nang makarating sa wakas sa bagong pook, hindi na nagawang magpahinga ni Tungkong Langit. Agad nitong sinimulan ang trabaho. Una niyang inatupag ang paggulong ng panahon. Ipinasya niyang ito ang magiging tatak ng isang Tungkong Langit simula sa araw na iyon: isang santinakpang kontrolado ng oras. At siya bilang Ama ng Oras. Sapagkat una sa lahat, nais niyang orasan ang sariling bilis sa paggawa. Nais niyang markahan ang mga yugto ng kaniyang pagsulong.

Upang mangyari ito, inilabas niya ang alahas ng asawa (kasama ito sa mga tinangay niya galing sa bahay) at ikinalat ito sa buong kalawakan. Ang korona, ang labintatlong inang perlas, ang mga brilyante at iba pang mamahaling bato ni Alunsina. Ang korona ang naging araw na tumatanglaw mula umaga hanggang takipsilim. Ang labintatlong inang perlas naman ang naging labintatlong buwang ikinalat sa buong kalawakan at itinokang tumanglaw sa gabi. Kasama nito ang mga brilyante at iba pang mamahaling bato na mga tala at planetang bumubuo sa sari-saring konstelasyon. Ang pag-ikot, paglubog, at pagsilay ng mga ito sa kalawakan ang mekanismong nagpapatakbo sa oras. Samakatuwid, hindi ito isang astronomikal na orasan na nagsisilbing palatandaan lamang sa pagdaloy ng oras. Ito mismo ang oras. Hihinto ang oras kung hihinto rin ang pag-ikot ng mga ito sa kalawakan. At ang oras na huminto ay hindi oras.

Upang hindi magkiskisan o magbanggaan ang mga ito sa kanilang pag-ikot, binigyan sila ni Tungkong Langit ng himig na sasabayan sa pagsayaw. Sa ganitong paraan, maiaayos ang kanilang kilos sa iisang kumpas patungo sa iisang daloy. Kaya nga maging ang oras ay may sayaw na iniindakan. At dahil dito kung kaya ang buhay ay isang sayaw. Na hindi nasasabayan ng lahat. Dahil hindi lahat nakatutunghay sa konsiyertong ito ng kalawakan.

Naisip ni Tungkong Langit na kung matatanaw ni Alunsina, saan man ito naroon, ang sayaw ng mga alahas, ay baka sakaling mahalina ang nagtampong diwata na sumunod sa kaniya.

Bagay na hindi nangyari. Dahil ang ningning, ganda, at sigla ng buong kalawakan ay sinalubong lang ng isang napakalalim na katahimikan.

Sa kabila nito, nagpatuloy ang bathala sa paglikha. Matapos ang ilang malalalim na buntonghininga, inilatag niya ang isang malapad na salamin sa ilalim ng kalawakan. Tinawag niya itong dagat. Ginawa niya ito sa alaala ng asawang mahilig manalamin. Sa nilawak-lawak ng salaming ito, inaasam niyang ito rin ang unang makahuhuli sa imahen ng nawaglit na kabiyak sa sandaling mapadako ito sa kaniyang mundo. Kaya sa paglipas ng mga araw, dito rin niya laging aantabayanan ang paglitaw ni Alunsina.

Ngunit habang wala pang Alunsinang lumilitaw, minabuti ni Tungkong Langit na palitawin buhat sa salaming ito ang larawan ng asawa batay sa kung paano niya itong naaalala. Sa ganito nagkahugis sa gitna ng dagat ang sangkalupaan. Upang magkaroon ng tekstura at dimensyon ang hugis na ito, kung paanong ang lapad at kurba ng katawan ng asawa ay mayaman din sa tekstura at dimensyon, pinalitaw ni Tungkong Langit sa ibabaw ng kalupaan ang mga bundok, burol, lambak, look, kapatagan, at disyerto. At upang maitanghal ang maalindog na balangkas ng mga kurbada, sulok, at pasikot-sikot ng katawang ito, gumuhit sa lawak ng buong sangkalupaan ang mga ilog, lawa, batis, sapa, bukal, balon, at talon.

Napaiyak si Tungkong Langit sa kaniyang namalas. Una, dahil sa labis na tuwa at pagmamalaki sa kaniyang ginawa. Dahil bagamat hindi tugmang-tugma sa imahen ng asawang nagmaktol ang larawang kaniyang naipinta, at bagamat wala ring makapapantay talaga sa ganda ng tunay na Alunsina, ngunit ang buong kalupaan ay nagtataglay ng sarili nitong yumi. Ikalawa, napaluha siya sapagkat lalong lumalim ang pangungulila niya sa asawa.

Pumatak sa lupa ang kaniyang mga luha bilang ulan. Ulang dumilig sa sangkalupaan sa unang pagkakataon. Nang madiligan ang mundo, nagsitubo ang iba’t ibang uri ng mga halaman, puno, bulaklak, at damo. Kaya ang sangkalupaan na larawan ng asawang wala sa tabi ay nagkaroon ng kulay at halimuyak. Kulang na lang dito ang galaw, naisip ni Tungkong Lanigt.

Kaya kasunod ng luha, iwinisik naman ng bathala ang kaniyang sariling dugo. Naging iba’t ibang uri ng isda ang mga patak ng pulang bumagsak sa tubig. Naging mga hayop na gumagapang at naglalakad ang mga patak na napasalupa (hindi pa kasama rito ang mga tao na magiging pinakamatinding hayop sa mundo). Naging mga ibon naman ang mga patak na naabutan ng pagbabagong anyo sa ere. Iba’t ibang uri ng ibon na may iba’t ibang laki, huni, at plumahe. Sa lahat ng ito, ang manok na tandang ang itinangi ni Tungkong Langit, na ang anyo ay iniayon sa hulma ng kaniyang sariling larawan. Kaya nga ang ibong ito, na siyang tunay na imago dei, ang magiging paboritong alaga ng mga datu at raha sa mga darating na panahon. Na magiging tatak ng kanilang dangal at pagkalalaki, at magiging pangunahing tampok sa mga tupada at sabong. Kahit mga Kristo ay maglilingkod sa templo nito tuwing araw ng Linggo. Dito sa ibong mahal na mahal kay Tungkong Langit na bathalang may pulang palong.

Saan man mapadako ng tingin ang nalulumbay na Ama, may buhay siyang namamasid. Binigyan niya ang lahat ng kani-kanilang wika upang sila’y makapag-usap sa isa’t isa. Hinandugan din niya ng diwa, enerhiya, bait, talino, at haraya. Higit sa lahat, hindi niya kinaligtaang biyayaan sila ng sikmura, maging ang pinakamaliit sa kanila. Sapagkat ang mabusog ang isa sa magiging pinakamasayang karanasan sa mundong ito.

Batid niyang dahil bahagi ng kaniyang buhay ang buhay ng mga nilalang na ito, magiging bahagi rin siya sa lahat ng dadanasin ng mga ito, mabuti man o masama. At dahil dito, naibsan nang kaunti ang kaniyang lungkot. Muli niyang naramdaman na hindi siya nag-iisa. Nang may banayad na hangin siyang naramdamang pumasok sa sanlibutan. Agad sumilay ang ngiti sa hapis na mukha ni Tungkong Langit.


Hindi pa rin umaalis si Alunsina sa ilalim ng lawa simula nang iwan siya ng asawa. Doon niya ipinagpatuloy ang pag-inom ng tuba na isinisilbi sa kaniya ng isang nilalang na mala-dikyang naglalabas-masok ang mga galamay mula sa kabibe na parang sa isang umang. Galon-galon itong dumarating sa kaniya at sinisipsip niya gamit ang buho ng halamang kung tawagin ay tayuk. Hindi man lang siya nagtanong sa kaniyang sarili kung gaano na siya katagal doon. Sapagkat di gaya ni Tungkong Langit, hindi niya kailangang orasan ang sariling galaw.

Sa unang pagkakataon, tinubuan si Alunsina ng isang pangangailangang noon pa lang niya nakilala: ang pangangailangang umalam.

Pinatay niya ang ilaw sa kaniyang mukha para higit na matiyak na walang makahahanap sa kaniya. At ang liwanag naman galing sa mga santelmo sa ibabaw ay nahihirapang makalagos sa lalim ng kaniyang kinaroroonan. Magkaganito man, kita pa rin niyang ubod nang linaw ang paligid sa suot niyang anteparang may kulay pulang salamin.

Habang nakalubog sa madilim na tubig, doon niya pinag-isipan nang malalim ang ibig sabihin ng ‘lahat’. Ang ikakabuti ng lahat. Na dapat daw niyang isaalang-alang. Sa unang pagkakataon, tinubuan si Alunsina ng isang pangangailangang noon pa lang niya nakilala: ang pangangailangang umalam.

Wala sa tabi nito ang asawa dahil sa ‘lahat’. Pinili ng asawa ang paglikha dahil dito. Ang ‘lahat’ ba na tinutukoy ng asawa ang nais nitong likhain? Kung nilalang ni Tungkong Langit ang ‘lahat’, sino naman ang may lalang sa kanilang dalawa ni Tungkong Langit? Sapagkat sila’y kabilang din sa ‘lahat’ at kung magkaganito, tiyak na may lumikha rin sa kanilang dalawa na nagsimula bilang nasa labas ng ‘lahat’. Tuba pa at tuba. Humahaba ang kaniyang buhok habang lalong lumalalim ang pagdidili-dili. Saan sila nanggaling bago sila rito nakarating? Pahaba nang pahaba. At saan sila patutungo? Meron pa ba itong ihahaba? Meron pa. Dahil itatanong din niya kung bakit siya ang babae at si Tungkong Langit ang lalaki nang sila’y nilikha. At kung kasarian lang ang tanging kaibhan nilang dalawa ng kaniyang asawa ay gaano kalaki ang kaibhang ito?

[N]akita nila ang kasalukuyan at hinaharap nito.

Sa pamamagitan ng muling pag-ugnay ng kanilang katawan sa katawan ng babaeng bathala ay nagawa nilang maipakita rito, na parang isang gumugulong na pelikula, ang mga bagay na nakita ng kanilang mata, sapagkat ang bawat hibla ni Banaag at Sikat ay nagtataglay nga ng sarili nilang matang gumagana na gaya ng makabagong kamera.

Nang matanaw niya ang isang hukbo ng mga itim na palos na papunta sa kaniyang puwesto, na hindi talaga mga palos kundi mga hibla ni Banaag at Sikat na nagbabalik mula sa kanilang misyon. Isinugo sila ng diwata para magmanman sa bana at sa mundong pinagkakaabalahan nito.

Matagumpay ang pagbabalik ng mga hibla. Naikot nila mula dulo hanggang kabilang dulo ang sanlibutang binubuno ni Lando. At dahil dito, nakita nila ang kasalukuyan at hinaharap nito. Sabay-sabay silang nagsibalik sa anit ng amo upang masimulan ang pag-uulat. Sa pamamagitan ng muling pag-ugnay ng kanilang katawan sa katawan ng babaeng bathala ay nagawa nilang maipakita rito, na parang isang gumugulong na pelikula, ang mga bagay na nakita ng kanilang mata, sapagkat ang bawat hibla ni Banaag at Sikat ay nagtataglay nga ng sarili nilang matang gumagana na gaya ng makabagong kamera.

Sa ganito, nakita ni Alunsina ang apoy nang unang matuklasan ito ng tao, ang tinapay na hinati ni Kristo sa huling hapunan kasama ng mga alagad, ang sutra na unang ginamitan ng tinta at papel, isang nabiyak na bato, …, …, ang pagpalaut sa dagat Atlantiko ng mga galyong Portuges na puno ng mga kinadenang bilanggo buhat Kongo, …, ang pagbakuna ni Edward Jenner sa mga may bulutong, ang gumugulong na ulo ni Haring Louis XVI, isang nabiyak na banga, …, ang pagdadalaga ni Eufracia, ang pagkalabit sa gatilyo, PING! …, ang pagkakalimbag ng Das Kapital ni Karl Marx, ang sanduguan ng mga Katipunero, ang bundok-bundok na bangkay ng mga Hudyo sa Dachau, ang pagdadalaga ni Malvina, …, ang pag-ikot ng roleta ng kapalaran, ang pagbagsak ng bombang atomiko sa Hiroshima at Nagasaki mula sa Boeing B29 ng USAAF, ang talumpati ni Mahatma Gandhi sa harap ng mga kababayan, …, ang pagdadalaga ni Nena, ang Deklarasyon ng Unibersal na Karapatang Pantao ng UN, ang bahay ampunan ni Mother Teresa, …, ang EDSA People Power, isang eksena sa unang pelikula ni Kris Aquino, ang pagkalabit sa gatilyo, PING! …, ang pagbagsak ng Pader ng Berlin, ang dalawang tupang dating iisa, ang pagharabas ng armalayt sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita, ang pagkalabit sa gatilyo, …, isang nabiyak na bungo, ang pagtugis ng mga sundalong Burmese sa mga Rohingya, ang mga tsinelas ng matatandang naiwan sa tulay, …, bilanggo sa Guantanamong may itim na saklob sa ulo, ang mga desaparesido sa kanilang mga lihim na bilangguan, ang kasal nina Mr. at Mrs. Napoles, ang mga batang Palestinong nagtatago sa gumuhong bahay sa Gaza habang binobomba ng Israeli Army, …, ang pagkalbo sa gubat at pag-uka sa mga bundok ng nickel mining, ang mga sibilyang inutas ng kapulisan sa ilalim ng Oplan Tokhang, ang pagsilang ng corona virus sa loob ng isang laboratoryo…

Hindi kinaya ni Alunsina ang ragasa ng mga imahen kaya kinailangan niyang umahong mabilis mula sa pusod ng lawa upang makalanghap ng hangin. Dahil napagtanto niya ang bagay tungkol sa mundong ito na tatantuin pa lang nina Nietzche, Sartre, at Schopenhauer sa iba’t ibang antas ng pagkakatanto.

“At ako ang magiging ina nilang lahat!” naibulalas niya na parang sumabog sa dibdib ang lahat ng tubig na naipon sa Ambuklao. Sa unang pagkakataon, naunawaan niya kung ano ang ‘lahat’ na tinutukoy ng asawa. Naunawaan din niya kung bakit mag-asawa ang ugnayan nila ni Tungkong Langit. Na kung hindi dahil dito, hindi nila kailangang makilala ang isa’t isa o maging magkaano-ano.

Plok! May kung anong parang niyog na biglang bumagsak sa tubig at agad lumubog. Na sinundan ng isa pa. At isa pa. Hanggang sa magsipagbagsakan sa lawa ang marami pa. Tumingala si Alunsina at nakita niya kung paanong nagsisibulusok ang maraming santelmong pinapanawan ng apoy at panimbang.

Sinalo ni Banaag at Sikat ang mga tila bulok na duhat na naglalaglagan galing puno. Isinalba ang mga nasa ilalim ng lawa. Na parang mga sanggol na sinasagip buhat sa pagkakalunod. Maingat na binuhat para dalhin sa isang yungib sa ilalim ng isang bulkan. Ang yungib na tinawag nilang ospital simula nang araw na iyon.

Kasunod ng pagbagsak ng maraming nagkakasakit na bolang apoy, nagsilutang naman sa ibabaw ng lawa ang maraming patay na butete at isda.

Mabilis na kumilos si Alunsina. Dahil natanto niyang bagamat hindi niya kailangang orasan ang sarili na tulad ni Tungkong Langit, subalit paubos na ang kaniyang oras.


Sa simula, isang maliit na butas lang ito nang unang lumitaw sa kalawakan. Kasing liit lang ng singsing. Kaya lumitaw ito sa saliw ng kantang “Atin Ku Pung Singsing.” Kantang naghahagilap sa singsing na imposible nang mahanap. Kung madilim ang bahagi ng kalawakang pinaglitawan at ang loob ng bilog ng singsing ay madilim din – dilim sa dilim – ay paano pa ngang mahahanap? Maliban na lang kung kapain.

Walang bastos na ibig sabihin ang munting butas. Ngunit may masamang binabalak. Nabubuhay sa alikabok na kusang napapagawi sa loob nito dahil ang mga alikabok ay bantog sa pagpasok sa kahit saang butas. Sinamahan pa ng buhangin. Dahil ang kalawakan ay tulad din ng dagat na mabuhangin. At sumama pa ang pailan-ilang maliliit na butil ng bato.

Hindi ito napansin ni Tungkong Langit sa una. Pero nanaginip siya ng isang istanteng puno ng librong nababalot ng alikabok. Mula rito, hinugot niya ang Bibliyang may katad na pabalat, na pinakapaborito niyang libro sa lahat ngunit matagal na ring hindi nabubuklat. Kaya nagulantang siya nang matuklasan niya sa loob ng Bibliya ang bahay ng mga higanteng anay na mukhang mga bubuwit na bulag at walang balahibo. Bubuwit o anay. Pero sa panaginip niya, alam niyang mga anay ito na mukhang bubuwit. Naibalibag niya nang di oras ang hawak.

Nang magising si Tungkong Langit, doon lang siya nagsimulang kutuban – may kakaibang anay na sumisira sa kaniyang mga gawa. Ngunit dahil hindi pa niya natutuklasan ang kuta kaya may ilang gabi pa niyang muling mapapanaginipan ang tungkol dito. At sa bawat panaginip, paulit-ulit siyang nagugulat sa mga higanteng anay sa loob ng paboritong aklat.

Anong halaga ng isang araw? Gaano ito kaikli o kahaba para matapos ang mga gawaing naghihintay mayari? Isang araw lang ang kinailangan nitong butas. Isang paglipas lang ng isang buong araw para lumaki itong kasinglaki ng piso. Sa ganitong laki, mula sa mapagpaubayang butas na naghihintay lang ng kahit anong maligaw na puwedeng magkaloob ng sustansya, ay naging bitag ito na puno ng malisya. Walang nakawawala. Kahit iyong napadaan lang. Diretso lamon. Diretso lunok. Walang makaaalam kung papunta saan at kung merong lalabasan.

Paglipas pa ng isang linggo, kasinglaki na ito ng batya. Sa laking ito, nakaya nitong higupin ang gabundok na buhangin at graba, sumunod ang tipak-tipak na bato. Isang bulalakaw ang parang bolang naibuslo rito nang walang kahirap-hirap. Pagkatapos, isang bituin. Na nakasigaw pa ng saklolo bago tuluyang nasakmal ng dilim. Narinig ito ni Tungkong Langit. Kaya natunton din nito ang anay na salarin. At naagapan ang tangkang paghigop sa isang inosenteng kalabaw. Dahil sa wakas, nagkaharap din ang bathala at ang lumalaking butas ng dilim. Ang Manlilikha at ang Tagapagwasak.

Ang hindi niya namalayan, sa kabilang panig ng mundo, na kabilang panig ng dilim, isang buong gubat ang kaniyang natupok at naabo.

Upang mapagsino ang kaaway, itinutok ni Tungkong Langit sa mukha nito ang sinag ng araw. Na parang umiilaw sa bibig ng isang yungib upang matanaw kung may mga ahas o paniki bang nagkukuta sa loob nito, o kung may mga bangin at mas malalalim pang butas na naghihintay sa mga ibig pumasok at gumalugad sa paligid nito. Ngunit habang tumitindi ang tama ng liwanag, lalong hindi rin napatitinag ang dilim dahil lalo itong nangapal at nagsapin-sapin.

Nanlumo si Tungkong Langit dahil sa unang pagkakataon, nakaranas siya ng pagkabigo. Ang hindi niya namalayan, sa kabilang panig ng mundo, na kabilang panig ng dilim, isang buong gubat ang kaniyang natupok at naabo.

Ngunit dahil inutil ang apoy sa kaniyang paghatol kaya isinunod ng bathalang may palong ang paggamit ng tubig. Ibinaling nito papunta sa bibig ng kaaway ang ilog Halawud, na pinakamalaking ilog sa buong mundo, sa pag-asang malulunod nito ang kaaway kung di man niya ito maarok. Na paraang ginamit din noong panahon ng giyera ng mga Kano at Hapon sa kanilang mga bihag na gerilya.

Ngunit sa halip na masakal, lalong nagluwag ang bungangang nakanganga. Naghahamong ibuhos dito ang lahat ng likidong kayang ibuhos. Ni hindi man lang ito nasamid o nahirinan. Parang buang si Tungkong Langit na nagpupuno ng tubig sa bangang may butas ang puwit. Hanggang matuyo ang ilog. Na unang pagkatuyo ng Halawud. At nang manumbalik ito nang sumunod na tag-ulan, ay hindi na ito ang dating pinakamalaking ilog sa mundo na dangal sana ng buong Panay. Ngunit sa dami ng tubig na nainom ng butas, nabundat ito ng kung ilang daang ulit mula sa dati nitong laki.

Laking pagkasiphayo ni Tungkong Langit sa dalawang magkasunod na pagkabigo. Ngunit ang hindi niya nawawatasan, sa kabilang panig naman ng butas, nagaganap ang delubyo mundyal. Kung saan nagkukumahog si Alunsina sa paghahagilap ng mga timbulang sasalba sa lumulubog niyang daigdig. Dito nakita ng babaeng bathala ang gamit ng mga buwan sa mundo ng bana.

Na dali-daling hinigop ng butas. Padilim nang padilim ang paligid habang isa-isang naglalaho ang labintatlo. Napilayan ang sistema ng pag-ooras. May mga gabing nawawala sa kalendaryo nang walang kahit anong paliwanag. Lumilikha ng disoryentasyon sa sayaw. Kaya ang dambuhalang butas, na butas ni Alunsina, ang unang bakunawang lumamon sa panahon at kaayusan.

Sinakmal na nito ang ikalabindalawa. Isusunod na ang panglabintatlo. Dito na ipinatawag ng bathalang maylikha ang higanteng alimango. Na mabilis namang dumalo sa tinig ng amo. Nang maharap dito ang nakangangang kawalan, agad itong nakilala ng dakilang maninipit. Sapagkat di tulad ng among walang nunal sa talampakan, ang higanteng alimango ay madalas nakapagpaparoo’t parito sa kung saan-saang mundo. Kaya agad nitong nakilala ang lagusan pabalik sa mundong pinagmulan.

Kaya nagtaka ito nang utusan siya ni Tungkong Langit na sarhan ang lagusan. Ibig bang sabihi’y hindi na siya pauuwiin? Lalo pa itong nagulat nang sabihin sa kaniya ng bathalang takpan ito gamit ang makapal na sapot. Na wari bagang naipagkamali pa siya sa isang gagamba. Marahil nga, sa dami ng mga nilalang na nagsipaglitaw sa loob lang ng iisang araw dito sa napakabata pang mundo, ay nalito ang bathalang maylikha sa pagkakaiba ng gagamba at alimango.

Magkaganito man, dahil sa siya’y isang masunuring lingkod na may lihim na karunungan, at para hindi na rin lalo pang uminit ang ulo ng kaniyang panginoon, ay pinagbigyan niya ang utos nito.

Dali-dali siyang nagpitpit ng mga damo at dahon na pinalalambot niya’t pimamasa-masa gamit ang sariling laway. Gamit ang kaniyang mas maliliit na sipit, hinibla niya ang nagawang lumay para maging matibay na sinulid. Gamit naman ang mas malalaking sipit, sinikot-sikot niya ang nagawang sinulid upang masulsihan ang nagngangalit na butas. Tamang-tama lang upang maharang ang tangkang pagsikwat sa nalalabing buwan. Bukod dito, ang sama-samang pagpigil ng matitibay na sinulid na bumubuo sa makapal na sapot ang nagpahinto sa lalong paglaki ng guwang sa kalawakan.

Nagpasalamat si Tungkong Langit sa higanteng alimango na agad na ring pinabalik sa yungib nito. Mula rito, handa na sanang talikuran ng bathala ang butas, sapagkat napakaraming gawain pa ang naghihintay, at ang isang ito, sa kaniyang tingin, ay kumain na ng kaniyang napahalagang oras.

Nang buhat sa loob ng tinakpang kawalan, may sumipol na tila malakas na bagyo sa gitna ng gubat, kasama ng mga sangang hinahapay at mga dahong nililigalig ng nagdaraang hangin. At habang papalapit sa kinaroroonan ni Tungkong Langit, lalong lumilinaw na itong ugong ay gawa ng sama-samang kiskisan ng mga pakpak, katawan, at paa ng maliliit na nilalang. Hanggang makaabot sa sapot na harang, at napalitan ang ugong ng ingay na parang mga pinupunit na papel. Buhat dito, naglabasan ang pagkarami-raming balang – lumulusob na tila mga lumilipad na lanseta; nagngangalit na tila kawan ng mga kabayong cimarron na nakawala sa kuwadra; nagsisikuyog na tila sugo ng isang galit na galit na mambabarang. Mabilis nilang napasok ang harang na hinabi ng higanteng alimango. Sa sobrang dami, nagawa ng mga itong tabingan pati ang araw.

Nagpasya silang muling sasalakay kung kailan pinakahitik sa palay at iba pang biyaya ng lupa ang mundong ito. Sapagkat ang mundong ito na sumira sa dati nilang mundo at pumatay sa kanilang mga magulang, dito na sila maninirahan bilang salot.

Di kaginsa-ginsa’y nakilala ni Tungkong Langit ang mga balang na ito bilang mga dating kasama sa dating mundo. Sa ganito, naarok din niya sa wakas kung ano ang lumalaking butas at kung ano ang nasa kabilang dulo nito.

Inutusan ni Tungkong Langit ang isang higanteng buhawi na hawiin ang lambong na nililikha ng mga insekto. Isang maton ang higanteng buhawi. Marahas nitong iginilid lahat ng nagkataong nakahara sa kaniyang daan. Kaya pagdating sa mga balang, parang makapal na alikabok lamang niyang ipinagpag ang mga ito at muling lumitaw ang dating kulay ng araw.

Nagsipulasan ang mga balang na tila mga raliyistang binomba ng tubig. Kahit saang dako sila maitaboy, doon muling pinag-iisa ang hanay. Isang utak silang nag-isip sa susunod na pinakamainam na galaw. Nagpasya silang muling sasalakay kung kailan pinakahitik sa palay at iba pang biyaya ng lupa ang mundong ito. Sapagkat ang mundong ito na sumira sa dati nilang mundo at pumatay sa kanilang mga magulang, dito na sila maninirahan bilang salot.

“Ibyaaaaaaang!!!” Dumagundong ang sigaw ng bathala at nakarating ito hanggang sa kabilang daigdig. Bilang tugon, ngumanga ang butas at isang buong planeta ang nilulon.

Ginising muli ng bathala ang higanteng alimango. Sinakyan ito para habulin at iligtas ang planetang papunta sa pagkapariwara. Dahil sa lakas ng tulak ng hangin patungo sa bituka ng kawalan kaya mabilis ding nakahabol si Tungkong Langit. Ngunit nang magbabalik na ito muli sa liwanag, hatak-hatak ang bagay na gustong bawiin, natuklasan nitong hindi planeta kundi balumbon ng mga buhok ng asawa ang nadala niya. Na lalo niyang hinigpitan ang hawak pabalik sa kaniyang mundo sa pag-asang kasama rin niyang mahihila ang buong katawan ng asawa.

Naghilahan ang dalawang bathala. At dahil pantay ang dalawa sa lakas at kapangyarihan kaya kung walang titinag ay malamang na magtagal habambuhay ang nangyayaring tagisan. Kung di lang minabuti ni Banaag at Sikat makialam. Sa halip na lalong makipaghilahan, tuluyan nitong inabot si Tungkong Langit, at gamit ang pinakamahahaba’t pinakamamatibay nitong hibla, sinakal nito ang lalaking bathala.

Sa ganito nagkaroon ng tao ang daigdig. Na di sana lilitaw kung hindi dahil sa away mag-asawa ng dalawang diwata, sapagkat wala sila sa orihinal na plano at disenyo ng mundo. Kaya ang paglitaw rin nila nang wala sa lugar ang sumira sa plano at disenyo ng mundo.

Ginamit ni Tungkong Langit ang lakas ng kaniyang kamao upang pawalan ang sarili mula sa mga gumagapos na puti at itim na pisi. Ngunit sa bawat hiblang napipigtal ay libo ang humahalili. Hanggang sa panawan siya ng lakas. Nangasul ang dating kulay na maalab.

Hinatak ng mga hibla ang kaniyang ulo, mga kamay, at paa papunta sa iba’t ibang direksyon. Hanggang sa magkalasog-lasog ang buong katawan ng bathala at mahati ito sa maraming piraso na parang tinapay na hinati-hati ni Kristo sa Huling Hapunan.

Itinapon ni Banaag at Sikat ang mga piraso ni Tungkong Langit sa iba’t ibang dako ng bagong daigdig. Naging mga kataw (o taong isda) ang mga pirasong nalaglag sa dagat. Naging mga tao naman ang mga pirasong nalaglag sa lupa.

Sa ganito nagkaroon ng tao ang daigdig. Na di sana lilitaw kung hindi dahil sa away mag-asawa ng dalawang diwata, sapagkat wala sila sa orihinal na plano at disenyo ng mundo. Kaya ang paglitaw rin nila nang wala sa lugar ang sumira sa plano at disenyo ng mundo. Ngunit ang masaklap na biro, ang mga tao rin, sampu ng kanilang mga pilosopo at paham ang magdedeklara na ang mundong ito’y walang kahulugan.

Sa simula, nais pa sana ni Alunsinang muling tipunin ang mga piraso ng katawan ng asawa para ritwalan at gawan ng muling pagkabuhay. Ngunit naalala rin niya ang mga bagay na ipinakita sa kaniya noon sa ilalim ng lawa. At napagtanto niyang ang pira-pirasong bahaging ito ng bana na tinatawag ngang tao ang magiging susi sa paglipol sa mundong mahal kay Tungkong Langit. Sa sandaling sakupin nito ang kalikasan at gawin ang sariling panginoon ng lahat ng may buhay; sa sandaling gamitin nito ang mga ilog at dagat na parang poso negrong imburnal ng sariling toxic waste; sa sandaling magtagisan ang mga ito sa pinakabagong imbentong armas nuklear, biolohikal, at kemikal na pamatay ng mga ito sa isa’t isa; sa sandaling mabutas nito ang langit sa pamamagitan ng walang habas na pagpapakawala ng usok sa hangin; sa sandaling makalbo nito ang mga gubat at mapatag ang mga bundok at malipol ang iba pang mga gaya rin nilang may buhay at umaasa sa parehong gubat at bundok; at kapag nagawa na nitong wasakin ang buong ekosistema ng sangkalikasan, matutupad ng tao ang papel nito sa mundo.

Di niya puwedeng galawin ang di niya pinaghirapan. Di niya puwedeng gibain ang di niya itinayo. Iyan ang batas. Kaya di niya puwedeng sirain ang mundong sinimulan ng kaniyang nasirang asawa. Bilang bathalang hindi sanay sa paggawa, labis nitong ipinagpasalamat na hindi niya kailangang gumalaw para maganap ang mga bagay na magaganap. Hindi rin niya kailangang magpakita o magparamdam sa mga taong ito, o umugnay sa kanila sa kahit anong paraan. Ngunit nagpasya siyang para mapabilis ang takbo ng magiging mga pangyayari, kahit sa paraang pailalim ay gagabayan niya ang tao, unti-unti, sa bawat hakbang at sa bawat panukala, para matupad ang papel nito sa buhay. Samantala, mananatili munang magkaratig ang mundong ito at ang mundo ng anino.


Si Allan N. Derain ay manunulat, visual artist, at guro. Awtor ng Iskrapbuk (shortlisted sa Madrigal First Book Award) na una niyang aklat ng mga maikling kuwento at Ang Banal na Aklat ng mga Kumag (Carlos Palanca Memorial Award Grand Prize, Loyola Schools Outstanding Scholarly Award, National Book Award, at Reader’s Choice Award) na una niyang nobela. Isinalin niya ang mga kuwento ni Guy de Maupassant sa koleksyong Ang Kuwintas at Iba pang mga Kuwento. Editor ng antolohiyang May Tiktik sa Bubong, May Sigbin sa Silong (Loyola Schools Outstanding Creative Work, National Book Award, at Gintong Aklat Award). Ang The Next Great Tagalog Novel at Iba pang Kuwento na ikalawa niyang aklat ng mga maikling kuwento ang pinakabago niyang libro (UP Press, 2019). Ilustrador ng Ang Diablo sa Filipinas ni Isabelo de los Reyes at ng kaniyang sariling nobelang Ang Banal na Aklat ng mga Kumag. Ang Tagolilong: Lipon ng mga Aswang, Diablo, at Kumag ang naging una niyang art exhibit na ginanap sa Pardo de Tavera Room ng Rizal Library noong 2015. Guro ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Pamantasan ng Ateneo de Manila. Naging fellow for fiction ng LIKHAAN UP National Writers Workshop. Naging moderator ng Heights at Naratibo. Kasalukuyang direktor ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP). Nagtapos siya ng kaniyang Doktorado sa Filipino-Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: