Kangina pa mabigat ang kumpol ng itim na ulap sa ibabaw ng San Jose, Llanera, at Talavera. Hindi nga nagtagal ay inugoy nang malakas na hangin ang mga payat na sanga ng sampalok at lumagitik ang mga ito, at hindi pa man nagtatakipsilim ay nagsitupi na ang mga dahon ng akasya.
Dahil sa pangyayari’y napabalikwas si Ando sa kanyang pagkakasandal sa nakakamadang sako ng palay. Agad humiwa sa kanyang isipan ang bilad na palay sa tapat ng lumang kamalig. Animo’y naisungalngal sa kanyang lalamunan ang pusong mas malaki pa sa kanyang kamao, paano ba naman kasi’y sa binilad na ito nakasalalay ang sunod na semestre ng kanyang panganay na anak.
Habang sa kanilang kubo’y natanaw na ni Kristi ang dagiming himpapawid at batid niyang hindi magtatagal ay magpapakawala ito ng sanga-sangang kidlat. Dagli niyang inutusan ang bunso niyang anak na takpan ng basahan o anumang tela ang salamin na nakasabit sa dingding nilang yari sa sawali. Naghanap ito nang pwedeng maipantatakip at nang walang makita’y dinampot na lamang nito ang itim na kamisatsino ng ama niyang si Ando. At sinunod nga niya ang utos ng ina, kinuha-hinila niya ang bangkito, pumatong dito, at ipinantakip sa salamin ang damit na hawak-hawak.
Pagkababa’y ay sinaksak ng langit ang kanilang paningin. Isang matalim na kidlat ang pinakawalan nito na sinundan nang malakas na dagundong at pagyanig. Halos maalog ang bubong ng kanilang dampa. Si Kristi’ y napakurus sa dibdib at sa hindi maipaliwanag na dahila’y sumagi sa kanyang isipan ang kabiyak na si Ando.
Makapal pa rin ang dagim at mayroon pa ring dagitab na nagsasalpukan. Tuluyan na ngang umulan. Basang-basa ang katawan ni Ando. Nakadapa ito sa bilaran ng mais at palay. Umuusok-nangitim-nasusunog ang kanyang katawan.
