Mula nang ako’y layasan
ni Yin at Yang, sumpa ko’y
di na mag-aatang ng pangalan
sa susunod na pusang sisiksik, sisilong
at magmamarka ng balahibo niya’t amoy
kapalit ang pinakuluang galunggong
sa paanan ng paminggalan
tuwing almusal, tanghalian, hapunan.
Di ko kasi mapaghahandaan
ang bigat ng ganoong paglisan.
Kaya nang manatili ka, di ko na pinag-isipan:
Si Mingming kang
marahang-marahang
magpipikit ng mata’t
magwawasiwas ng putol mong buntot
at mauupo sa aking kandungan
habang aking inuubos
ang ginataang tambakol
na binahog sa kaning-lamig.
Sa kalahating dekada na nating pagsasama,
di ako nababagabag
sa ilang oras mong di pag-uwi
dahil maaaring abala kang makipagtagisan
sa mga kaibigan mo sa lansangan
o nakahanap kayo ng pagkaing pagsasaluhan.
Di naman mapapatid
ng panandalian mong pag-alis
ang paglalapag ko
ng kapiraso mong ulam.
Ngunit may mga gabing di ko namamalayang
hinihintay ko palang umingit ang pintong
isisiwalat ang nang-aapura mong huni’t kaluskos,
hinihintay ko palang sumikot-sikot ka sa binti’t
maghimas ng iyong pisngi
at imuwestra ako sa lalagyan mo ng pagkain,
hinihintay ko palang mangawit ka sa kadidila
sa lahat ng sulok ng ‘yong katawan
hanggang mapatihaya kang antok at busog
sa aking tabi.
At tuwing uuwi ka,
para mong sinisinop
ang nagkalat na mga tinik
na pumipiit sa aking dibdib.
Nawawakasan
ang walang ngalan kong ligalig.
