Pumatak, tumagaktak
Ang unang ulan ng Mayo
Bumuhos, umagos
Mula ilaya tungong ilawod
Nanoot, lumusot
Sa nakabarikadang hanggahan
Ng mga lungsod
Napawi uhaw ng hardin,
Ng bukid, ng parang
Nahubdan ng alabok at alikabok
Mga lansangang kay luwag
At mga gusaling inaagiw, ngunit
Sa paghupa ng tikatik
Mga pintua’t bintana’y
Nananatiling nakapinid ‘pagkat
Agua de Mayo sa pandemya
Ay lunas lamang kung ula’y
Pumatak, tumagaktak,
Bumuhos hanggang
Tubig sa ilog Pasig ay umupaw
Bumulwak, rumagasa, gumahasa
Sa mga pasilyo ng palasyong patuloy
Na lumulukob, kumukupkop
Sa mga gumagahasa sa bansa.
