Nobela

Pagkilatis

Para kay Ien, Paeng, at Andeng

Simula nang pumasok ako sa unibersidad, araw-araw kong hinahanap ang rason kung bakit ko piniling magturo. Binabagabag ako ng mga isipin katulad ng pagpapalakas sa sistema, na binabaliktad palagi ang kahulugan sa loob ng klasrum pero kapag nagtapos naman ang mga estudyanteng ito, pinapasok naman nila ang sistema dahil mayroon silang nosyon na kaya nilang baguhin ang sistema. Tsaka lang nila malalaman na sila na ang sistema at nakalimutan na nila ang mga natutunan nila sa loob ng klasrum. Kaya marami sa mga naging estudyante ng unibersidad ang mga politiko na ngayon na nagpapatupad ng dati nilang inaawayan.

May saysay pa ba ang pagtuturo kung ganito? Ito ba ang tanong ni Hemmingway, pagkatapos niyang manalo ng Nobel at maging tanyag na manunulat? Ito rin ba ang bumagabag sa mga pumanaw nang hindi natin nababalitaan pero mga patuloy na nawawala? Kung ang saysay ng sibilisasyon ay ang pagtataguyod ng lipunan sa pamamagitan ng karunungan ng mga hindi binibigyan ng pagkakataong magsalita pero kinukuhaan ng karunungan, sibilisasyon pa rin ba ito? Ang punto ba ng pagtuturo ko sa unibersidad ay hanapin kung ano ang wala sa lipunan para punan ito ng sistema, para hindi ito bumagsak nang tuluyan?

Limang taon na akong nagtuturo sa mga undergrad ng Unibersidad, kakatapos ko lang rin sa Masteral ko sa Antropolohiya. Ang una kong naisip habang naglalakad ako para kunin ang diploma ko sa Masteral, pagkatapos ng lahat ng binasa kong libro at mga pinag-aralang paksa, pasmado pa rin ang mga kamay ko na humawak ng panulat, hindi pa rin ako tiyak kung ano ang dapat kong paniwalaan tungkol sa lipunan. Ito na siguro ang tinatawag nilang existential crisis. Sa pagtuturo ng kasaysayan ng sibilisasyon sa mga estudyante ng Socio 10, itinuturo ko ba ito para maipakita ang karahasan na kaakibat ng pagtatanyag sa sangkatauhan bilang alpha-species sa kalakhan ng mga nilalang sa mundo, o para mabuwag ang konsepto ng alpha-species. Pero kahit na ganoon, hindi naman lahat ng estudyante ko ay nakukuha ang gusto kong iparating, at mas lalo na hindi lahat ng tao sa lipunan ang makakarinig o mabibigyan ng pagkakataong malaman ang mga itinuturo ko sa klase. Malaki lang akong alikabok sa napakalaking dumi na tinatawag nating mundo. Nakakadiri man pakinggan ang mga sinabi ko pero tuldok lang tayo sa isang nobela. Matatawa na lang ako habang nakahiga sa kama at nanghuhuli ng antok kapag naalala ko na ang lahat ng ginawa ko, ang pinagpatong-patong na pagod ko sa bawat akademikong taon, na wala pa rin akong nagagawa, wala pa rin kaming nagagawa para tuluyang kumalas ang lipunan sa pagkapandak nito.

Kaya kapag dumarating ang halalan ng mga susunod na lider estudyante sa unibersidad, at ilan sa kanila ang mga naging estudyante ko, inuulit lang nila ang matandang aral na ipinasa sa kanilang ng lipunan, ang aral na binabali namin sa loob ng silid-aralan. Kapag dumarating sila’t kumakatok sa klasrum para ipakilala ang kanilang sarili, mga trapo sila sa paningin ko na handang ipain ang mga estudyanteng kulang ang kaalaman sa kanilang mga paniniwala. Walang paniniwala ang aangkop sa lipunan, lalo na kung mayroong mataas at mababa. Kung mayroong paghahahalal ng representante para magbuka ng bibig para sa karamihan. Walang karamihan sa mga ganitong sitwasyon kung indibidiwal. Hindi nasusunod ang tama para sa lipunan, ang nasusunod ay ang tama para sa iilan. Nalalabuan ka siguro sa mga sinasabi ko, at hindi kita masisisi, dahil matagal naman na tayong pinandak ng edukasyon, matagal na tayong tinanggalan ng paa para maglakad, tinanggalan ng boses para magsalita, at pinutulan ng kamay para gumawa. Ang mga ginagawa natin, at kasama ako dito, ay panatilihing umiikot ang makinarya ng pera ng mga iilan. Ikaw ang trabahador para humigop ng yaman at ibigay sa mga amo mo. Alipin pa rin tayo sa mga hindi natin nakikita. Sa isang room-to-room ko nakilala si Andrea, isang lider estudyante sa unibersidad. Minsan ko siyang nakainuman, ang sabi niya sa akin, naniniwala siya sa isang lipunan na walang hirarkiya, posible itong mangyari kung magiging kaunti ang tao at kapag lahat ng tao ay tapat sa isa’t isa. Hangga’t hindi nagiging tapat ang mga tao, kinakailangan ng isang uri ng gobyerno na hahawak ng katotohanan. Kaya pati ang komunismo ay kinakailangang magtayo ng gobyerno kapag nagawa nilang pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno. Hindi ba’t papalitan lang ng komunistang gobyerno ang kasalukuyang gobyerno at iyong sinasabi ninyong paglabag sa karapatang pantao ay mauulit lang ulit? Tiningnan niya lang ako habang kawak niya ang bote ng Red Horse na mayroon pang kaunting laman. Sa dami ng tao sa Pilipinas, magkakaroon ng giyerang sibil kung sakaling mawala ang gobyerno. Paano tayo makakasigurado na magkakaroon ng kapayapaan kung hindi muna natin susupilin ang mga lumalaban na ibalik ang pinabagsak na gobyerno? Seryoso na ang mukha niya, nakatingin lang ako ako sa kaniya habang binabanggit niya ang pangalan ni Marx at Lenin, napasadahan niya rin ang kultural na rebolusyon ni Mao. Pagkatapos kaya ng lahat ng sinabi niya, kapag lumabas na siya ng unibersidad, magbabago kaya ang paniniwala niya? Umiyak si Andrea, nasa bahagi na siya ng kaniyang kuwento kung saan binabalikan niya ang nangyaring Basic Mass Integration sa Bulacan, kasama ng mga magsasaka na nasa panganib ang lupang sakahan dahil sa gagawing airport ng gobyerno. Nagbanggit pa siya ng mga pangalan ng mga magsasaka na kumupkop sa kanila ng tatlong araw. Nasaan ang hustisya, ang tanong niya sa akin, walang hustisya sa mundo, ang sagot ko. Tumahimik siya, nakatingin sa walang lamang Red Horse. Namumugto na ang kaniyang mga mata, tinanong ko kung may plano ba siyang umuwi, umiling lang siya. Nawala na sa kaniyang mga mata ang kaluluwa ng kausap ko kanina. Mukhang nakarami ka na, Andrea. Gusto ko na sana siyang tanungin kung saan siya nakatira para maihatid siya pero nagkuwento na siya sa akin kung bakit siya naging aktibista, na parang hindi pa sapat ang mga ikinuwento niya para maging aktibista ang isang aktibista.

Minana niya ang aktibismo sa kaniyang mga magulang na kasama sa mga estudyanteng sumali sa First Quarter Storm. Pero hindi siya naging aktibista agad nang pumasok sa unibersidad, bumabalik sa kaniyang alaala ang pagkawala ng kaniyang magulang sa bahay dahil abala sila sa pag-organisa sa mga demonstrasyon sa Mendiola, pero kasama niya ang mga libro ng kaniyang mga magulang, 1st year highschool siya nang unang magsulat ng papel tungkol sa marxismo para sa National Essay Writing Contest kung saan siya ang pambato ng Calabarzon. Hindi siya nanalo, pero tuwang-tuwa ang kaniyang magulang sa kaniyang isinulat. Nang pumasok siya ng unibersidad, gusto niyang ilayo ang kaniyang sarili sa kahit anong kulay pula. Dahil sikat sa unibersidad ang kaniyang apilido, palagi siyang pinapadalhan ng imbitasyon na sumama sa mga educational discussion. Hindi niya tinanggap ang kahit isa sa mga iyon dahil sukang-suka na siya sa araw-araw na usapan ng kaniyang mga magulang sa bahay. At maliban pa dito, matagal na niyang natutunan ang mga iyon sa pamamagitan ng kaniyang tatay na tuwing wala itong ginagawa ay tinuturuan siya ng mga konseptong ginagamit nila para bigyang saysay ang mga nangyayari sa lipunan. Matalinong tao ang kaniyang tatay, ganoon rin ang kaniyang nanay, ang narinig niya sa mga aktibista ay sila ang tinitingala ng karamihan, mga buhay na imahe ng isang tunay na aktibista.

Isang araw, habang nag-aaral siya sa loob ng kaniyang kuwarto sa Sampaguita Female Dorm, tumawag ang kaniyang nanay, binalaan siyang huwag munang uuwi ng kanilang bahay sa darating na linggo. Hindi nito binigay sa anak ang dahilan, basta huwag siyang uuwi. Sumunod si Andrea sa iniutos ng kaniyang nanay. Nang sumunod na linggo, ganoon ulit ang utos ng kaniyang nanay. Napaghalataan ni Andrea na parang ayaw na siyang makita ng kaniyang mga magulang. Hanggang sa dumaan ang ilan pang linggo na hindi siya umuuwi. Nabalitaan na lang niya na pinaslang ng mga militar ang kaniyang mga magulang sa kanilang bahay. Kasama nila ang mga hinihinalang kadre. Ang kuwentong umabot sa kaniya ay sa kanilang bahay tumigil pansamantala ang sugatang rebelde. May isang kapitbahay ang nakakita sa pagpasok nito sa kanilang bahay. Nang rumonda ang mga militar sa kanilang lugar, pinasok ang kanilang bahay doon na nagsimula ang pagpaslang. Walang nakaalam kung ano ang nangyari sa loob ng bahay, nakarinig na lang ng mga putok ng baril, ilan-ilan lang naman, ang hinuha ay walang nangyaring shoot-out. Alam rin ni Andrea na walang baril na tinatago ang kaniyang mga magulang sa bahay, hindi sila naniniwala sa baril, instrument raw ito ng gulo. Ang kahit anong nakakunekta sa gulo ay hindi pupwedeng magbunga ng kapayapaan, ang sabi ng kaniyang ina.

Ilang araw hindi lumabas ng kuwarto si Andrea, pinagluksa niya ang bangkay ng kaniyang mga magulang sa kaniyang isip. Ang pinaka-mahirap na uri ng pagbuburol. Ang palagi niyang kausap ng mga panahon na iyon ay si Ziggy, minsan niyang naging kaklase at naging malapit niyang kaibigan. Hinimok ni Ziggy na lumabas si Andrea ng kaniyang kuwarto, masama ang hindi naaarawan, anya nito, masama rin sa isip ang magkulong. Tara usap tayo, pagyayaya nito.

Habang nakatingin si Andrea sa malaking salamin ng kaniyang kuwarto, nagdesisyon siyang lumabas para mawala ang simangot na nakikita niya sa kaniyang mga labi at ang bagsak niyang mga mata. Nagkita sila ni Ziggy sa Carillion, ito ang una nilang pagkikita pagkatapos ng huling semestre na magkaklase sila. Napansin agad ni Ziggy ang mga tato ni Andrea sa kaliwang binti at sa kaliwang braso. Wala pa iyan nung naging magkaklase tayo, ang sabi niya. Ngumiti si Andrea, ang pinaka-unang ngiti niya simula nang magkulong siya sa kaniyang kuwarto. Matagal ko na itong pinagawa, ano ka ba. Hindi mo lang nakikita kasi palagi akong nakapantalon sa klase. Pero itong nasa braso ko, kakapagawa ko lang nung isang buwan. Natuwa kasi ako sa nakita kong babae sa Cubao Expo, hindi ko na matandaan kung anong nakatato sa kaniya pero gandang-ganda ako sa konsepto ng pagtatatak sa katawan bilang sining. Sumang-ayon si Ziggy sa kaniyang sinabi. Habang nagkukuwentuhan, nagkayayaan silang uminom sa Maginhawa. Libre ko na, ang sabi ni Ziggy, nandoon rin yung mga kaibigan ko, puwede natin silang samahan. Naka-ilang bote silang dalawa. Tuwang-tuwa si Andrea kay Ziggy dahil nakakalimutan niya ang kaniyang mga isipin nang gabing iyon.

Kinabukasan, nagising na lang si Andrea na nasa apartment ni Ziggy. Katabi niya ito, sinubukan niyang gisingin ang kaibigan pero malalim ang tulog nito. Paglabas niya sa apartment ni Ziggy, iniisip niya kung anong nangyari kagabi. Hindi niya maalala kung mayroon bang nangyari sa kanila ni Ziggy, kung pumayag ba siya sa mga nangyari. Pero nakahubad siyang nagising. Pagdating ng gabi, nagpadala ng mensahe sa kaniya si Ziggy, sana walang magbago sa pagkakaibigan natin pagkatapos ng nangyari.

Nang tanungin niya ang mga kaibigan ni Ziggy kung anong nangyari, dinala daw siya ni Ziggy sa apartment dahil nag-blackout raw siya habang naglalaro sila ng beer pong. Hindi na sumagot si Andrea sa mga mensahe ni Ziggy, ramdam na ramdam niya sa kaniyang kalamnan ang panlalamig. Nandiri siya sa kaniyang sarili, nandiri siya sa naging desisyon niya. Humingi ng patawad si Ziggy sa nangyari, nalaman siguro nito na nagtatanong na si Andrea tungkol sa mga nangyari. Lasing din ako nung gabi iyon, ang sabi nito, kung sa tingin mo ginusto ko ang nangyari nagkakamali ka.

Matapos ang ilang araw ng pakikipaglaban sa mga demonyo ng sarili, pumasok sa hinuha ni Andrea na hindi na niya mababago ang nangyari. Tapos na ang mga ito at hindi na niya mababago ang mga iyon. Ang magiging hakbang niya ay itayo ang sarili at magpatuloy.

Tinanggap niya ang imbitasyon na sumama sa educational discussion. Hanggang siya na ang nagbibigay nito sa mga bagong miyembro ng mass organization.

Dito natapos ang kaniyang kuwento. Tuluyan na siyang bumagsak dahil sa kalasingan. Dahil hindi ko alam ang kaniyang bahay at ayaw ko ring makita ako ng ibang tao na buhat-buhat siya, bilang mga estudyante ang nakatira sa Krus na Ligas, minabuti ko na lang na hintayin siyang magising. Ala-singko na ng umaga nang magising siya. Hindi niya na rin maalala kung sino ako, lasing na kasi siya nang umupo sa table kung saan ako nakaupo. Siguro, hindi na rin niya alam na naikuwento na niya ang buong buhay niya sa akin. Humingi ng pasensya si Andrea sa akin, naalala niyang umupo siya sa lamesa kung saan ako umiinom pero hindi niya matandaan kung anong sumunod na nangyari. Mahaba-habang kuwentuhan ang nangyari, ang kantyaw ko pero mukhang hindi niya nakuha ang sinabi ko. Nagpasalamat siya at humingi ulit ng pasensya bago nagmamadaling umalis.

Nang mga sumunod na gabi, hindi ko na ulit nakita si Andrea sa inuman, hindi naman sa hinahanap ko siya. Pero gusto ko sana siyang makakuwentuhan ulit. Napaka-interesante ng kaniyang buhay, kung totoo nga ang mga sinabi niya at hindi kuwentong lasing. Hindi ko kilala ang kaniyang mga magulang, siguro dahil hindi naman talaga ako sumusubaybay sa mga pigura ng aktibismo kung hindi sa teoryang kanilang ginagamit.

Hindi kami nagkita ulit pero naalala ko sa kaniya ang mga kumatok sa klasrum para mag-room-to-room. Mayroon na naman kasing pinatay na magsasaka sa Nueva Ecija at aktibong-aktibo ang mga aktibista na ipaalam ito sa mga kapwa nila mag-aaral ang pangyayari. Pinapasok ko siya sa klasrum, hinayaan ko siyang magsalita. Tinapos nila ang kanilang talumpati sa pagbibigay imbitasyon sa mga estudyante na makilahok sa gaganaping educational discussion. Lumabas sila ng klasrum, kinuha ang sign-up sheet na ipina-ikot nila. Nagpatuloy ako sa pagdaldal tungkol sa kahalagahan ng anyong tubig sa pamumuhay ng mga sinaunang tao, hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Nang dumating ang enrollment, nilapitan ako ni Andrea sa department. Gusto niyang pumasok sa klase ko pero puno na ang slot. Pumasok ka sa unang araw ng klase, tsaka ko pipirmahan yang enlistment form mo, ang sabi ko sa kaniya.

Dumating nga siya sa harap ng klasrum sa unang araw ng klase. Hawak niya ang kaniyang enlistment form, naghihintay na sa loob ang karamihan sa mga estudyante ko. Humanap ka na ng upuan, ang sabi ko sa kaniya pagkatapos kong kunin ang kaniyang enlistment form.

Kung susumahin, magaling na estudyante si Andrea. Tahimik lang siyang nakikinig sa klase pero matalas ang mga salitang ginagamit niya sa kaniyang mga sanaysay. Mayroon kasi akong requirement na kailangang magpasa ng sanaysay tungkol sa lahat ng paksang natalakay, pinapasa ito tuwing biyernes. Hindi katulad ng ibang estudyante na pinipilit na pinapaabot sa itinakda kong haba ng sanaysay, lagpas ng dalawa hanggang limang pahina ang pinapasa ni Andrea. Marami siyang nasasabi sa bawat papel na ipinapasa niya at hindi siya nag-uulit ng hinuha, maliban na lang kung magkalapit ang paksa. Hindi rin siya lumiliban sa klase kahit na aktibo siya sa pagsasaayos ng kaniyang sinalihang mass organization. Palagi siyang nasa harap, hawak ang malaking tarp na nakalagay ang kanilang panawagan.

Pero may isang pagkakataon sa klase na nagkaroon kami ng matinding argumento. Nabanggit ko na kung magkaroon ng rebolusyon, walang magbabago dahil magpapalit lang ang pangalan pero hindi ang porma ng gobyerno.

Para ipakita ito sa kaniya, ipakilala ko ang konsepto ng hirarkiya. Sa madaling sabi, mayroong nasa itaas mo at mayroon ring nasa ibaba. Sasabihin sa’ yo ng lipunan na kailangan ang hirarkiya para magkaroon ng kaayusan sa lipunan, ang mga nasa ibaba ang magtatrabaho para itaguyod ang lipunan habang ang mga nasa itaas ang mag-iisip para sa mga nasa ibaba. Kailangan ring sumunod ng mga nasa ibaba sa batas na ginawa ng nasa itaas (at marami sa mga batas na ito ay para sa ikabubuti ng mga nasa itaas kaysa sa mga nakakaraming nasa ibaba). Kapag hindi ka sumunod sa batas, ikukulong ka. Habang ang mga gumawa ng batas, kahit na ilang beses silang lumabag, palalagpasin lang ito ng mga nagpapatupad ng batas, na nasa ilalim nila. Kaya itinuturo sa atin na dapat irespeto natin ang mga abogado, pulis, sundalo, at mataas ang tingin sa mga doktor, mga edukadong tao. Ito ang punla na iniwan sa atin ng hirarkiya. Sa hirarkiya rin nagmumula ang burukrasya na nagpapalaki ng amag sa lipunan, maraming tao ang hindi makatanggap ng mga benepisyo na para sa kanila dahil sa napakaraming resikitos, kailangan ng sampung valid ID habang kumukuha ka ng ID, kailangan mong iwan ang orihinal na birth certificate mo at kailangan mo na namang magbayad para makakuha ng panibagong orihinal na birth certificate. Ito nga naman ang pinagkakakitaan ng gobyerno para panatilihing umiiral ang kanilang sistema. Mula sa paghihirap ng masa, nakakalimutan na natin kung ano ang kahulugan ng kalayaan, ang kalayaan natin ay ang makapasok sa trabaho araw-araw, ang kumita ng kaunti sa napakahabang oras ng trabaho, ang mangarap na umangat sa buhay pero hindi mabago ang lipunan. Tinapyasan ng malaking bahagi ang ating frontal lobe nang hindi natin nalalaman, dahil ang nalalaman natin ay kung ano lang ang pinapahintulutan na isipin. Pumapasok na siguro ako sa neuroanthropology kung saan mayroong epekto ang lipunan sa kung paano tayo nag-iisip o kung paanong nabubuo ang kultura mula sa isip. Napakalawak ng usaping ito pero dito tayo magsimula: Nagkakaroon ng pagkakaiba-iba sa kultura ang bawat lugar sa mundo, isang bansa lang mayroong ibang kultura ang isang lugar na wala sa iba pang lugar. Ito ay dahil sa pagkakaiba nila ng karanasahan, ng kapaligiran, ng wika, at marahil ng kinakain. Mayroong aspekto ang bawat salik ng ating kapaligiran sa pagbuo ng kultura. Nangyayari ito sa prefrontal cortex na tumanggap ng impormasyon at nagbibigay dito ng kahulugan kasama ng mga impormasyong mas naunang naimbak. Kaya nagkakaroon ng pagkakaiba sa kultura, ang Japan ay mayroong kimono habang ang Pilipinas ay may bahag. Magkakaiba rin ang pananalita at pagsusulat ng mga ito, mayroong Gikuyu, Pranses, Cebuano, Rusya, Fokien. Sa bawat wika na ito, na mayroong iba’t ibang pinanggalingan na wika, lumalabas ang iba’t ibang kultura, mga paniniwala na nagtatangi sa mga tao sa isang espisipikong lugar. Hindi magkakatulad ang kaayusan sa mga lugar na ito, iba rin ang sistemang pampulitikal na pinapairal ng kani-kanilang mga gobyerno. Kahit na ang sosyo-ekonomikal na kalagayan ng mga mamamayan ay nagkakaiba.

At katulad mo, sasabihin nilang nahihibang na ako’t nawawala na sa sarili. Tatawanan ko naman sila dahil alam kong hindi nila ako naiintindihan. Mga ingrato dahil kaming mga guro ay araw-araw na nakikipagbaka sa mga isipin para lang maipakita sa marami na ang lipunan ay malaking tipak ng tae, at ang mga tao ang mga langaw na aliw na aliw dito. Tama, tae ang lipunan. Langaw ba ako? Oo, dahil walang makakalabas sa pagiging langaw pero may mga langaw na pinipiling sabihin sa mga kapwa langaw na maraming mikrobyo ang kinahuhumalingan naming tae.

Mayroon rin namang nagtaguyod ng imperyo ng tae na mukhang hindi tae. Akala nila, kapag binago nila ang hugis ng tae, mababago nila ang amoy at ang nilalaman nito. Pero langaw pa rin sila, at tae pa rin ang iniikutan nila.

Ngayon, dalawa lang ang iniisip kong uri ng lipunan: Mawala lahat ng tao at hayaang mabuhay ang mundo, o hayaang mabuhay ang tao kasama ng mundo. Hindi naman nakakalito ang huli kong sinabi dahil simula nang matuto ang tao na gumawa ng apoy, magtayo ng mga bahay, magkaroon ng kultura, ito ay kapalit ng mundo. Ang pag-unlad ng karunungan ng tao ay pagsira sa kalikasan, ang pag-unlad ng sibilisasyon ay pagkabutas ng ozone.

Magtatanong ang isang estudyante ko sa klase, anong kasiguraduhin natin na magkakaroon ng kaayusan kung walang mga pulis, militar, walang sistema na magpapanatili nito?

Tama nga naman, paano nga naman iyon?

Nag-iisip ka sa loob ng sistema, ang sabi ko sa kaniya, kung gusto nating makagawa ng pagbabago sa lipunan, kailangan nating mag-isip sa labas nito. Ano ang lipunan kung saan hindi na kailangan ng militar, ng pulis, ng gobyerno. Ano ang magiging panibagong kaayusan sa kawalan ng mga ito. Posible ba itong mangyari kung ang panghahawakan natin ay ang konsepto ng kaayusan na binigay sa atin ng lipunan? Hindi tayo makakarating doon kung patuloy tayo sa ganitong lebel ng pag-iisip. Pagkatapos kong sabihin iyon, nagbigay ako ng gawain sa kanila, kailangan nilang bumuo ng isang mundong iba ng sistema, iba ang lipunan, maging manunulat kayo at gumawa kayo ng kuwento, ang dagdag ko.

Pagdating sa akin ng mga ginawa nila, nakuha nilang lahat ang gusto kong ipakita. Nakapagsulat sila ng isang panibagong mundo kung saan walang hirarkiya. Pagkatapos kong basahin lahat, nagpadala ako ng tanong sa kani-kanilang email. Paano natin maisasakatuparan ang mga isinulat nila.

Sa mga ganitong pagkakataon sa buhay ng pagtuturo, natutuwa ako dahil alam kong hindi lang ako ang nahihibang sa pag-iisip, hinihibang ko rin ang mga estudyante ko. Pero ang malungkot ay ang pagpili nila sa pagbalik sa sistema, sa kaayusan sa loob ng sistemang ito. Kaya pagkatapos nila sa pag-aaral, walang nagbabago.

Iba-iba nga naman ang paniniwala ng mga tao, iba-iba ang politika. Dito rin nabubuhay ang sistema, sa kawalang kaisahan ng mga tao. Kaya hinahayaan ng sistema na manatili ang iba’t ibang ideolohiya. Dahil dito nanggagaling ang suliranin kung saan binibigyang dahilan ang pagpapanatili ng sistema. Dapat mayroong kaaway at tatawaging kalaban ng lipunan. Ito ang nagbibigay katarungan sa mga ginagawa ng sistema, lohikal lang naman na kapag mayroong kalaban dapat na magkaiba ang lahat para labanan ito. Dito nagsisimula ang pagkabulag natin, dahil naisaksak na sa atin na ito ang dapat nating gawin, at gagawin natin ito para sa ikabubuti ng lahat. Pero ang totoo, ang ikabubuti ng lahat ay wala sa kamay ng mga nasa itaas. Ang ikabubuti ng lahat ay ang pagkakaroon ng pantay na relasyon sa isa’t isa at magkaroon ng mas ligtas na lipunan hiwalay sa karahasan. Dito magsisimulang sabihin na isang paraiso ang gusto mo, hindi ito mangyayari. Walang paraiso sa mundo, nabuhay tayo para magdusa. Isang eutopia, piksyunal na mundo kung saan walang hirap. Sinisira ng ganitong argumento ang pag-asa na magkaroon nga ng pagbabago ang lipunan. Ang gusto lang naman nilang sabihin ay makuntento na kayo sa kung anong mayroon tayo, huwag mong abutin ang hindi naman naaabot. Sino ang nagsabing hindi ito mangyayari o hindi nating kaya na abutin kahit ang pinakamalapit dito. Sila pa rin na nasa itaas, mga nabubuhay sa napakalumang sistemang ipinasa pa sa kanila ng kanilang mga ninuno. Ito rin ang sinasabi ng Kristiyanismo, ang pinakamalaking relihiyon sa mundo, ang pagkamit sa buhay na walang hanggan ay ang pagiging kontento sa mundong ito, may pangakong nag-aabang sa mga nagpapaging banal ng kanilang sarili.

Sa isang banda, isang epektibong solusyon ito para manatili ang hirarkiya sa mundo. Kapag may mga taong hindi naghahangad ng pagbabago, walang magbabago. Pero ang mga taong naghahangad ng pagbabago batay sa kanilang paniniwala’t nakabatay sa sistema ng hirarkiya ang nagpapalakas dito.

Ang punto ko ay dapat nating tibagin ang mga ito para mabuhay labas sa sistema at para makamit natin ang hustisya na palagi nating nakikita at hinahangad sa mga binabasa at inaaral natin.

Tumingin ako sa relos ko pagkatapos kong sabihin ito, tamang-tama lang sa oras. Pinaalala ko na pasahan na ng kanilang sanaysay sa biyernes, sinabihan ko rin sila na walang pasok sa biyernes para bigyan sila ng pagkakataon na makapagsulat papel. Nagsitayuan ang mga estudyante, inayos ko naman ang mga papel ko sa mesa.

Nagkita ulit kami ni Andrea sa inuman, wala siyang hawak na Red Horse nang maki-upo siya sa table. Paano natin mababago ang lipunan kung hindi natin lalabanan ang sistema sa paraan ng paglaban nila sa mamamayan? Matalas ang tingin niya sa akin, seryoso ang tono ng kaniyang boses. Hindi mo sila puwedeng labanan sa laro nila, kailangan mong umalpas sa paraan nila. Ang taong bayan, hindi sila ang gobyerno, hindi sila nanunungkulan. Nagiging gobyerno ang gobyerno dahil nabibigyan nila ang tao ng kasiguraduhan na sila ay kabilang sa isang bansa, na sila ay mga Pilipino. Ngayon, sabihin mo sa akin kung paano tayo lalabas sa estilo ng estado, lalabanan natin gamit ang baril? Sa paghawak mo ng armas, sa pagpitik mo ng gatilyo, hindi lang ang mga sundalo ang nilalabanan mo kung hindi ang mga taong naniniwala na ang mga sundalo ang susugpo sa mga binansagan ng estado at ng mundo bilang mga terorista. Wala sa paghawak ng baril at pagpapaputok nito sa kalaban ang solusyon sa impiyernong ito. Kung mayroon akong aral na maibibigay sa ‘yo, tao ang bumubuo sa lipunan at tao rin ang magsasalba dito. Tiningnan ko siya sa mata habang sinasabi ko ang mga sumunod na pangungusap: Para mabago ang lipunan, kailangan mong kunin ang puso ng tao. Kailangan mong ipakita sa kanila kung ano ang gusto mong mundo. Kung ang paggamit ng baril ang nakikita mong mundo, iyon rin ang makikita nila. Kung dahas ang nakikita nila, dahas rin ang gagamitin ng estado para ipakitang ikaw ang kalaban. Ilang milyong rebolusyon na ang nangyari sa mundo simula nang matuto ang taong magsalita, pero nandito ba tayo sa lupang pangako ng mga rebolusyonaryo?

Dinagdagan ko pa ang mga sinabi ko, nawala ang talas sa mata ni Andrea, pero nakakaramdam ako ng inis. Mayroong pagka-agit sa kaniyang mga tingin, na nakikita ko sa mga dati kong nakakausap tungkol sa kilusan at sa ginagawa ng kaliwa. Ang gusto ko lang ipakita, Andrea, maraming paraan ng paglaban sa sistema. Marahil, hindi ninyo nakikita iyon dahil nabigyan kayo ng isa sa maraming solusyon at akala ninyo, ang isa na ito ang tunay na magsasalba sa Pilipinas. Malakas ang makinarya ng estado, matagal na nitong nakuha ang isip ng mga Pilipino. Malalim ang basag na iniwan ni Marcos at ng Bagong Lipunan. Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit nananatili pa rin sa puwesto ang mga Marcos, kahit na muntik na silang patayin ng taong bayan noong 1986? Nakalimutan na ng mga Pilipino ang mga panahon ng hikahos dahil hindi ito pinapaalala sa atin sa eskuwelahan, sa komunidad. Kaya marami sa mga ipinanganak noong Martial Law, kahit na wala pa silang muwang, naniniwala pa rin na si Marcos ang pinakamagaling na presidente ng Pilipinas.

Liberal, ang banggit ni Andrea, ngumisi ako. Ilang beses ko nang naririnig ang salitang iyan, masama bang maging liberal, Andrea? Namumula na ang mga pisngi niya. Napansin ko ang tato niya sa braso, at naalala ko ang ikinuwento niya noong huling araw.

Hindi pa ba sapat na ebidensiya ang nangyari sa kultral na rebolusyon ni Mao, o ang kasalukuyang lagay ng Cuba ngayon? Hindi mabubuhay ang komunismo, o kahit anong uri katulad nito sa isang lipunang globalisado. Kakailanganin ng isang bansa na mag-angkat ng mga bagay na wala sa kaniyang bansa. Tingnan mo ang nangyari sa Cuba, komunista pa rin ang kanilang gobyerno pero hindi nila magawang umunlad dahil sa trade embargo na ipinataw sa kanila ng Estaados Unidos. Ang gusto kong sabihin, kahit na manalo ang rebolusyon at makamit natin ang tunay na demokrasya, kung ikakahon ito ng ibang bansa bilang mga demonyong hindi nakikita, katulad ng komunismo, hindi magtatagumpay ang kahit anong itataguyod na gobyerno. Bakit ba kayong mga aktibista, mga batang aktibista na wala pang ganoong karanasan ay nagpupumilit na kayo ang tama, matapos ninyong makapagbasa ng mga ginawa ni Marx, o mga teorya ng mga makakaliwang pilosopo. Maraming sira-ulong matanda pero marami sa kanila ang ikinayod ang sarili sa tinik-tinik na daan para lang matutunan na ang kabulukan ng sistema ay naka-ugat ng malalim sa kamalayan nating mga Pilipino.

Ano bang paniniwala mo, Prop? Ano tawag sa pilosopiya na pinanghahawakan mo?

Kailangan bang magkaroon ng tawag ang isang paniniwala? Kailangan ba nating bigyan ng pangalan ang paninindigan?

Hindi ba’t community development ang kurso mo, Andrea? Tumango siya. Bakit iyan ang kursong kinuha mo? Pinapaikot-ikot niya ang boteng kaninang hawak niya. Gusto kong pag-aralan ang komunidad. Gusto kong alamin kung bakit mayroong mahirap at mayroong mayaman. Bakit mayroong bahagi ang komunidad na puro mahirap, at mayroong bahagi na puro mayaman. Nalaman ko ito nang pumasok ako sa unibersidad, Prop, kahit na palaging binabanggit sa akin ng tatay ko ang mga ito sa akin, sa loob lang ng unibersidad ko lubhang naintindihan ang dinaranas ng mga tao sa labas. Kaya naiinis ako sa ‘yo dahil minamaliit mo ang mga ginagawa ng kilusan, bakit hindi mo ituro sa mga tao iyang sinasabi mo at para malaman nila kung ano ang mundong gusto mong buuin.

Alam nila iyon, Andrea, innate sa atin ang maging mapagbigay, ang sagot ko. Nagpatuloy siya sa pagsasalita. Anong gagawin ng isang magsasaka na lubog sa utang, walang sariling lupa, at binabayaran ng nuwebe pesos kada-araw? Malay ka ba sa mga kuwento nila? Sino ba ang matagal nang tumutulong sa mga magsasaka at manggagawa kung hindi ang kaliwa. Ang kaliwa lang ang kakampi ng masang api.

Kapag binasa mo ang Das Kapital ni Marx, nakakalimutan nating kritisismo ito sa sistema ng kapitalismo. Nag-iisip si Marx sa loob ng sistema, hindi sa labas nito. Kaya isang death trap ang mga isinulat ni Marx sa mga katulad mo, dahil nalilimitahan nito ang gusto mong isipin.

Komunista bang matatawag ang mga Zapatista ng Mexico, hindi. Matagumpay ba sila sa pagbubuo ng komunidad, oo. Nag-isip ba sila sa loob ng mga libro ni Marx at sa paglaban sa kapitalismo gamit ang armas? Sa isang banda, oo, pero itinaguyod nila ang sariling ekonomiya ng komunidad labas sa mga ibinibigay ng nasa labas. Hindi rin nila pinabagsak ang gobyerno ng Mexico, nagtayo sila ng sarili nilang gobyerno, ng sariling pamayanan. Nagawa nilang makipag-usap sa iba’t ibang sektor ng lipunan, at nagkaroon sila ng pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Zapatista at hindi Zapatista. Hindi ito nagiging epektibo sa Pilipinas, kahit na anong gawin ng kaliwa na pakikipag-usap sa iba’t ibang sektor, nagkakaroon ng takot ang mga indibiduwal at organisasyon na makipag-ugnay sa mga makakaliwang grupo dahil dini-demonyo ng gobyerno ang kaliwa. Hindi naman ito iba sa ginagawa ng Amerika lalo na sa panunungkulan ni Ronald Reagan, na isa sa mga nagsulong ng anti-komunistang paglaban nito kasama ng mga kaalyado nitong bansa.

Ngayon, Andrea, tatanungin kita, paano natin gagawin ang mga ginawa ng Zapatista sa Pilipinas? Ano ang nagawa ng Zapatista na hindi nagawa ng kaliwa? Hangga’t hindi nating tinatanggap na sira na ang imahe ng kaliwa sa Pilipinas, hindi natin mababago ang naratibo ng Pilipinas. Ang patuloy na pakikibaka nang hindi nakikita ang sakit na dala-dala ng kilusan ang ikamamatay nito. Ang ginagawa niyo lang naman ay ulitin ang pagkakamali na ginawa ng mga mas nauna sa inyo, hindi kayo radikal kung hindi ninyo kayang baguhin ang inyong mga sarili. Sa ngayon, carbon copy ka lang. Marami na akong nakilalang katulad mo, nasaan sila ngayon?

Umalis si Andrea, hindi na siya nagpaalam. Inubos ko na ang laman ng hawak kong bote at tsaka umuwi sa bahay. Binabagabag ako ng isipin na pagkatapos ng lahat ng sinabi ko kay Andrea, parehas lang kaming nakakulong sa mga konsepto na alam namin. Pinipilit kong intindihin ang mga binabasa ko, mga isinulat ng mga patay na tao tungkol sa kaniyang milyu para hanapin ang kahulugan sa mga nangyayari ngayon. Hinahanap ko rin ang sagot sa mga malalaking tanong ng mundo. Sino ba ang dapat kong paniwalaan, ano ba ang gamot sa pagdurusa.

Patapos na ang semestre, tatlong linggo na ring hindi pumapasok si Andrea. Nagpadala ako sa email niya ng babala na malapit na siyang umabot sa pinapayagang bilang ng pagliban sa klase. Kahit ang mga kaibigan niya sa klase ay hindi wala nang balita kung nasaan siya, nagdeactivate raw ito ng kaniyang mga social media account. Nakakapanibago ang klaseng wala siya dahil walang nagtatanong, wala ring gustong makipag-argumento sa mga sasabihin ko. Umabot na ba sa sukdulan ang pasensya ni Andrea sa mga sinasabi ko, o baka gusto niya munang huminga at buuin ang sarili bago ulit sumabak sa debate. Lumagpas ata ako sa huli naming pag-uusap, umalis nga siyang hindi nagpapaalam. Naalala ko ang kaniyang kuwento tungkol sa pagkukulong niya sa kuwarto noong mga panahong namatay ang kaniyang mga magulang.

Nagpadala ulit ako ng mensahe sa kaniyang email, humingi ako ng pasensya sa mga nasabi ko, baka kako, hindi nakakabuti sa kaniyang mental health ang mga ganoong usapan. Hindi ako nakatanggap ng sagot mula sa email ko.

Natapos ang semestre nang hindi siya nagpapakita sa klase, nilagyan ko ng blanko ang kaniyang grado. Umasa ako ng kaunti na magpapadala siya ng email para ipaliwanag ang kaniyang walang pasabing pagliban sa klase.


Portrait: Alex Llorente
Lumaki si Victoria Garcia sa Partido, Camarines Sur. Nagtapos ng BA Political Science sa University of Nueva Caceres. Kasalukuyan siyang nakatira sa Naga at nagsusulat para sa Tribuna, isang maliit na dyaryo sa Sorsogon, Sorsogon. Maaaring mabasa ang kaniyang nobela sa website ng Tribuna, pati na rin sa opisyal na Facebook Page nito. Kumonek sa kaniya sa https://www.minds.com/victoriagarcia/.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: